Sinong Diyos ang Dapat Mong Sambahin?
UNA, sino ang kaisa-isang Diyos na tanging dapat sambahin? Ang Bibliya ay sumasagot sa isang napakatuwirang paraan. Ang aklat ng Apocalipsis ay nagsasabi: “Karapat-dapat ka, Jehova, na aming Diyos, na tumanggap ng kaluwalhatian at ng karangalan at ng kapangyarihan sapagkat nilalang mo ang lahat ng bagay at dahil sa iyong kalooban kung kaya’t sila’y umiral at nangalalang.” (Apocalipsis 4:11) Oo, si Jehova, ang Maylikha, ang tanging Diyos na karapat-dapat sa ating pagsamba. Bakit? Tayo’y babalik sa tanong na iyan sa ilang saglit. Ngunit una, pag-usapan natin ang tungkol sa ibang mga diyos na sinasamba ng sangkatauhan.
Ang Nasa Likod ng Lahat ng Huwad na mga Diyos
Bagaman ang mga tao’y naglilingkod sa maraming mga diyos, ang katotohanan ay na lahat ng pagsambang ginagawa sa lahat ng mga diyos sa lahat ng mga bansa—maliban sa pagsambang ginagawa kay Jehova, ang Maylikha—ay nagsisilbi sa layunin ng iisa lamang diyos. Sa anong paraan? Basahin ang mga salita ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Corinto. Sa siyudad na iyan maraming mga diyos ang sinasamba, buhat sa malaswang si Aphrodite hanggang kay Aesculapius, ang kanilang diyos ng pagpapagaling. Gayunman, ipinakita ni Pablo na talagang mayroon lamang iisang nakakikilabot na kapangyarihan na nasa likod ng lahat ng mga diyos na ito. Siya’y sumulat: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay kanilang inihahain sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.” (1 Corinto 10:20) Oo, ang paganong mga taga-Corinto ay sumasamba sa mga demonyo.
Ang mga demonyo ay naging gayon dahil sa paghihimagsik. Ang una at pinakadakila sa kanila ay ang anghel na tumukso kay Eva upang labagin ang kautusan ng Diyos noon pa sa halamanan ng Eden. (Genesis 3:1-6; Juan 8:44) Sa paggawa ng gayon, ang nilalang na ito ay naghimagsik laban sa soberanya ng Maylikha. Pagkatapos, siya’y tinawag na Satanas, na ang ibig sabihin ay “Mananalansang.” Nang malaunan, may ibang espiritung mga nilalang na sumama sa kaniya sa paghihimagsik. Sila man ay naging mga demonyo, at si Satanas ay tinatawag na “ang pinuno ng mga demonyo.” (Mateo 12:24, 26) Sa aklat ng Apocalipsis, ang mga demonyong ito ay tinatawag na “mga anghel” ni Satanas. (Apocalipsis 12:7) Samakatuwid ang pagsamba sa mga demonyo ay pagsamba rin kay Satanas.
Si Satanas ay may malawak na impluwensiya. Sinabi ni apostol Juan na “ang buong sanlibutan” ay nakalugmok sa ilalim ng kaniyang kapangyarihan, at siya’y tinawag ni Pablo na “ang diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (1 Juan 5:19; 2 Corinto 4:4) Samakatuwid, ang pagsamba sa anumang diyos maliban kay Jehova ay talagang pagsamba kay Satanas. Humigit-kumulang, ito’y nagsisilbi sa mga layunin ni Satanas sapagkat ang kaniyang tunguhin ay hikayatin ang mga anak ni Adan at ni Eva na maghimagsik laban kay Jehova. Yamang si Satanas ang “dumaraya sa buong tinatahanang lupa,” malinaw na siya’y nagtagumpay na sa lubhang karamihan ng mga kaso. (Apocalipsis 12:9) Ngunit hindi sa lahat. Mayroon pa ring angaw-angaw na nagsisikap sumamba kay Jehova. Bakit?
Ang Bunga ng Maling Pagsamba
Unang-una, batid nila na ang pagsamba sa mga diyos maliban kay Jehova ay ginugugulan nang higit kaysa ibig nilang magugol. Sa paghuhukay ng mga arkeologo sa sinaunang Cartago sa Hilagang Aprika ay nakahukay ng isang pinaglibingan ng mga bata. Naroon ang mga bungo ng mga bata na inihain sa diyos ng Fenicia na si Baal. Ang paghahain ng mga bata ang kakila-kilabot na ibinayad ng mga taga-Cartagong iyon sa pagsamba kay Baal. Ang Katolisismo noong Edad Medya ay pinagkagastahan din ng isang halaga nang pangyarihin nito ang di-masukat na pagdurusa sa uhaw-sa-dugong mga Krusada at malulupit na Inkisisyon. Ang pagsamba sa mga diyos Inca bago nadiskubre ni Columbus ang Amerika ay may kahalong rituwal na pamamaslang sa libu-libo.
Sa modernong panahon, iba’t ibang anyo ng pagsamba ang kasangkot sa lansakang pamamaslang na nagaganap sa India, at ang mga ito ay pinagmulan ng grabeng pulitikal na mga suliranin sa Gitnang Silangan at Hilagang Irlandiya. Ang kawalang-muwang, pamahiin, at takot ay dapat ding ituring na bahagi ng halagang ibinabayad ng tao sa pagsamba sa kaniyang maraming diyos.
Bakit Dapat Kang Maglingkod kay Jehovang Diyos?
Sa kabilang panig, ang pagsamba kay Jehova ay pawang pakinabang ang idinudulot. Unang-una, siya “ang Isa na nabubuhay magpakailan-kailanman, na lumikha ng langit at ng mga bagay na naririto at ng lupa at ng mga bagay na naririto at ng dagat at ng mga bagay na naririto.” (Apocalipsis 10:6) Samakatuwid, tayo’y dapat sumamba sa kaniya sapagkat siya ang ating Maylikha.
Isa pa, dapat nating sambahin si Jehovang Diyos sapagkat ang kaniyang mga katangian ang nag-aanyaya sa atin na sambahin siya. Si apostol Juan ay nagsabi na “Ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Ang tapat na taong si Job ay nagsabi na “Ang [Diyos] ay pantas sa puso at matibay sa kapangyarihan.” (Job 9:4) Si Moises ay umawit tungkol sa kaniya: “Siya ang malaking Bato, ang kaniyang gawa ay sakdal, sapagkat lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos na tapat, at makatarungan; matuwid at banal siya.” (Deuteronomio 32:4) Sino ang mag-aatubiling maglingkod sa gayong Diyos?
Isa pa, ang Bibliya ay nagsasabi: “Ang maka-Diyos na debosyon ay mapakikinabangan sa lahat ng bagay, sapagkat may pangako ng buhay ngayon at sa darating.” (1 Timoteo 4:8) Anong pagkatotoo nga nito! Ibig ni Jehova ang mabuti para sa sangkatauhan. Kaniyang inilaan ang lupa bilang isang magandang tahanan para sa kaniyang mga nilalang, at siya’y gumawa ng saganang paglalaan upang ang buhay ay maging kasiya-siya. Sa kabila ng paghihimagsik ng tao, patuloy na tinutustusan ng Diyos ang buhay sa lupang ito, na pinaglalaanan ng lahat ng materyal na pangangailangan ng sangkatauhan samantalang “kaniyang pinasisikat ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at pinauulanan ang matuwid na mga tao at ang di-matuwid.”—Mateo 5:45.
Subalit ang “pangako ng buhay ngayon” ay higit pa ang saklaw. Ang paglilingkod sa Diyos ay kasiya-siya at katuparan ng ating mithiin. Tayo’y dinisenyo na gawin ito. At tinutulungan ng Diyos yaong mga tapat na naglilingkod sa kaniya upang maging tagumpay ang buhay. Sa pamamagitan ng Bibliya, siya’y nagbibigay ng patnubay sa mga taong walang asawa, sa mga mag-asawa, sa mga anak—mga tao sa lahat ng baytang ng buhay. Siya’y nagbibigay ng mapanghahawakan, praktikal na karunungan upang makatulong sa lahat ng kalagayan upang ating malunasan ang mga suliranin ng pamumuhay bilang di-sakdal na mga tao sa isang sanlibutan na nasa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Kung ating sinasamba ang Diyos sa paraan na nakalulugod sa kaniya, tatamasahin natin “ang kapayapaan ng Diyos na di-masayod ng pag-iisip.”—Filipos 4:7.
Kapansin-pansin din ang “pangako ng buhay . . . na darating.” Sinabi ni Jesus sa Fariseong si Nicodemo: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupa’t ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat nagsasagawa ng pananampalataya sa kaniya ay huwag mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang-hanggan.” (Juan 3:16) Buhay na walang-hanggan! Sino bang diyos maliban kay Jehova ang makapangangako ng gayong bagay at pagkatapos ay tutuparin ang kaniyang pangako? Ang kalagayan sa wakas niyaong mga tatanggap ng dakilang kaloob na iyan ay inilalarawan sa Apocalipsis: “At papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati man o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” (Apocalipsis 21:4, 5) Tunay, ang pag-asang kamtin ang buhay na darating ay dapat mag-udyok sa atin na magnais maglingkod kay Jehova!
Sinong Diyos, kung gayon, ang dapat nating sambahin? Tanging si Jehova, ang Maylikha. Sa lahat ng mga diyos, sa kaniya lamang kumakapit ang mga salitang: “Dakila at kagila-gilalas ang iyong mga gawa, Jehovang Diyos, na Makapangyarihan-sa-lahat. Matuwid at tunay ang iyong mga daan, ikaw na Haring walang-hanggan. Sino nga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat? Sapagkat lahat ng bansa ay darating at sasamba sa harap mo, dahil sa nahayag ang iyong matuwid na mga utos.” (Apocalipsis 15:3, 4) Anong laking karunungan ang taglay ng mga tumutugon sa panawagan ng salmista: “Oh magsiparito kayo, tayo’y magsisamba at magsiyuko; tayo’y magsiluhod sa harap ni Jehova na Maylalang sa atin”!—Awit 95:6.
[Larawan sa pahina 6]
Nahikayat ni Satanas ang sangkatauhan na sumamba sa ilan sa mga diyos na ito
[Larawan sa pahina 7]
Ang pag-asang kamtin ang buhay na darating ay dapat na mag-udyok sa atin na magnais maglingkod kay Jehova