Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Sa Roma 8:27, ang pagkasalin ng New World Translation sa Griegong phroʹne·ma ay “meaning” (kahulugan), ngunit sa Roma 8 talatang 6 at 7, ang pagkasalin ay “minding” (pagiging palaisip). Bakit ang iisang salitang Griego na iyan ay isinalin nang magkaiba?
Ang konteksto ay nagrerekomenda ng dalawang salin na pinili.
Ang Paunang-salita ng New World Translation of Christian Greek Scriptures (1950) ay nagsasabi: “Sa bawat pangunahing salita ay naglagay kami ng isang kahulugan at nananatili kami sa kahulugang iyan habang ipinahihintulot ng konteksto.” Hindi ituturing ng iba na ang phroʹne·ma ay isang pangunahing salita, yamang lumilitaw ito nang apat na beses lamang. Subalit, ito’y may kaugnayan sa mga salita na ginagamit nang lalong malimit. Ang isa ay phro·neʹo, na ang kahulugan ay “mag-isip, isaisip ang isang paraan.” (Mateo 16:23; Marcos 8:33; Roma 8:5; 12:3; 15:5) Ang ibang mga kaugnay na salitang Griego ay naghahatid ng ideya ng paggamit sa praktikal na karunungan, pandamdam, o pag-iingat.—Lucas 1:17; 12:42; 16:8; Roma 11:25; Efeso 1:8.
Sa The Kingdom Interlinear Translation of the Greek Scriptures ay makikita ang phroʹne·ma nang apat na beses sa Roma 8:6, 7, 27 at na ang literal na kahulugan ay pawang “minding” (pagiging palaisip). Ang mga iskolar na Griego na sina Bauer, Arndt, at Gingrich ay ganito ang paliwanag tungkol sa phroʹne·ma: ‘paraan ng pag-iisip, isip(-itinutok), pakay, hangarin, pagpupunyagi.’—A Greek-English Lexicon of the New Testament and Other Early Christian Literature.
Sa Roma kabanata 8, pinayuhan ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na huwag lumakad ayon sa di-sakdal na laman ng tao. Upang magtagumpay rito, sila’y dapat mag-ingat laban sa mga hilig o simbuyo ng laman, at sa mga pagmamatuwid ng isang di-sakdal na puso. ‘Ang pagtututok ng kanilang isip’ sa mga bagay na naaayon sa banal na espiritu ng Diyos ay tutulong sa bagay na ito.—Roma 8:1-5.
Nagbigay si Pablo ng ganitong pagkakaiba: “Ang pagiging palaisip sa laman ay nangangahulugan ng kamatayan, ngunit ang pagiging palaisip sa espiritu ay nangangahulugan ng buhay at kapayapaan; sapagkat ang pagiging palaisip sa laman ay nangangahulugan ng pakikipag-away sa Diyos sapagkat ito’y hindi napasasakop sa kautusan ng Diyos. (Roma 8:6, 7) Mga tao ang tinutukoy sa dalawang talatang ito na kailangang magpasakop. Ang mga tao, lalung-lalo na ang mga Kristiyano, ay hindi dapat magtutok ng kanilang pag-iisip o maging “palaisip,” sa mga bagay ng makasalanang laman. Sa halip, kailangang ang kanilang mga isip ay itutok nila, o maging “palaisip,” sa mga bagay na kasuwato at pinasisigla ng espiritu.
Sa kabaligtaran naman, ang mga Roma 8 talatang 27 ay tungkol sa Diyos mismo. Ating mababasa: “Gayunman siya [si Jehova] na sumasaliksik ng mga puso ay nakaaalam kung ano ang kahulugan ng espiritu, sapagkat ito’y namamanhik sa Diyos alang-alang sa mga banal. Oo, ang “siya” rito ay si Jehova, ang Tagapakinig ng panalangin.
Ang salitang phroʹne·ma ay maaari sanang isinalin sa Roma 8 talatang 27 na pagiging “palaisip.” Ngunit ang banal na espiritu ay hindi isang persona na aktuwal na nag-iisip o may sariling kaisipan. Ang espiritu ay isang aktibong puwersa ng Diyos, na nakaaalam kung papaano kumikilos ang kaniyang banal na espiritu sa pagsasagawa ng kaniyang banal na kalooban. Isa pa, ang kahulugan ng talatang ito ay naiiba sa mga talata sa Roma 8:6, 7. Ang mga naunang talatang iyon ay nagtatampok sa pangangailangan ng mga tao na supilin ang kanilang kaisipan at mga pagkilos. Ngunit si Jehova ay hindi nangangailangang gumawa, o magpunyagi, na supilin ang kaniyang sarili. Batid niya kung ano ang nakasulat sa Bibliya na kinasihan, tulad halimbawa ng mga pangungusap sa Bibliya na nagpapakita ng kaniyang kalooban para sa kaniyang mga lingkod sa lupa. Si Dr. Heinrich Meyer ay nagkukomento sa Roma 8:27: “Ang Diyos sa bawat kaso ang nakaaalam sa layunin ng Espiritu.”
Dahil dito, ang salin na “kahulugan” ay kasuwato ng konteksto o tinutumbok ng Roma 8:27, at ito’y ipinahintulot ng Griego. Ganito ang pagkasalin ng The Translator’s New Testament: “Siyang sumasaliksik ng mga puso ay nakaaalam kung ano ang kahulugan ng Espiritu.”
◼ Bakit sa New World Translation kung minsan ang salitang Griego na pi·steuʹo ay isinasaling “maniwala” (katulad ng karamihan ng mga salin) at kung minsan naman ay isinasaling “magsagawa [o maglagak] ng pananampalataya sa”?
Ito’y ginagawa upang mapatingkad ang iba’t ibang kulay ng kahulugan na ipinahahayag ng salitang Griego na pi·steuʹo.
Halimbawa, ang A Grammmar of New Testament Greek, ni James Moulton, ay nagsasabi na ang mga unang Kristiyano’y maliwanag na kumikilala sa “kahalagahan ng pagkakaiba sa pagitan ng basta paniwala . . . at personal na pagtitiwala.” Ang kapuwa kaisipang ito ay maipahahayag sa pamamagitan ng paggamit ng salitang Griego na pi·steuʹo.
Malimit, ang iba’t ibang kulay ng kahulugan ng pi·steuʹo ay makukuha buhat sa konteksto. Kung minsan naman ang iba’t ibang gramatikal na konstruksiyon ay tumutulong sa atin na makita kung ano ang nasa isip ng manunulat. Halimbawa, kung ang pi·steuʹo ay sinusundan lamang ng isang pangngalan sa kaukulang datibo [dative case], karaniwan nang isinasalin iyon ng New World Translation na “naniniwala”—maliban sa kung iba ang ipinakikita ng konteksto. (Mateo 21:25, 32; ngunit tingnan ang Roma 4:3.) Kung ang pi·steuʹo ay sinusundan ng salitang e·piʹ, “sa,” ito ay pangkaraniwan nang isinasalin na “maniwala sa,” (Mateo 27:42; Gawa 16:31) Kung ito ay sinusundan ng eis, “doon,” ito ay karaniwang isinasaling “magsagawa ng pananampalataya roon.”—Juan 12:36; 14:1.
Itong huling salin (na nagpapaalaala sa atin na ang pi·steuʹo ay kaugnay ng salitang Griego na piʹstis, “pananampalataya”) ay kasuwato ng isang komento sa An Introductory of Grammar of New Testament Greek, ni Paul Kaufman. Ang aklat na ito ay nagsasabi: “Ang isa pang konstruksiyon na karaniwan sa Bagong Tipan (lalo na sa Ebanghelyo ni Juan) ay πιστεύω [pi·steuʹo] na may εἰς [eis] at ang kaukulang akusatibo [accusative case] . . . Ang buong konstruksiyon ng εἰς pati ang akusatibo ay kailangang isalin sa halip na tangkaing isalin ang pang-ukol na εἰς bilang isang nakabukod na salita. Ang pananampalataya ay inaakala na isang aktibidad, isang bagay na ginagawa ng mga tao, samakatuwid nga paglalagak ng pananampalataya sa sinuman.”