“Mga Luha ng Pagpapahalaga”
“TAGLAY ang mga luha ng pagpapahalaga, katatapos ko po lamang basahin ang artikulong ‘Kung Papaano Tutulungan ang mga Nanlulumo Upang Muling Magalak.’ ” (Ang Bantayan Marso 15, 1990, pahina 26-30) Ganiyan ang simula ng isa sa maraming liham ng pagpapahalaga na tinanggap ng Samahan para sa mga artikulo tungkol sa panlulumo na napalathala sa aming Marso 1 at Marso 15, 1990, na mga labas. Gayunman, ang partikular na kapahayagang ito ay nanggaling sa isang kapatid na babae sa Hapon na ang anak na kabataan pa ay nagkasakit ng schizophrenia. Nagpapaliwanag siya:
“Sa pag-aliw at pagpapalakas-loob sa isang nanlulumong kaluluwa araw-araw, kung minsan ang pakiramdam ko’y totoong hapo na ako upang magpatuloy. Pagka kumagat na ang dilim, ang aking anak ay ginigiyagis ng takot at ng pagkabalisa. Kaya pinaiinom ko siya ng mga pildoras na pampatulog at nauupo ako sa tabi ng kaniyang higaan samantalang minamasahe ko ang kaniyang mga kamay at ang aking kamay ay ipinapatong ko sa kaniyang noo hanggang sa siya’y makatulog. Ang katulad ay ang pagpapatulog sa isang sanggol sa higaan, at pagkatapos ng mga isang oras, siya’y nakakatulog na nang mahimbing. Saka lamang ako nagiginhawahan, pero kasabay niyaon, sinasabi ko sa aking sarili na bukas ng umaga ay ibang araw naman na doo’y kailangang makaraos.
“Sasabihin ng aking anak, ‘Wala na akong kabuluhan. Wala na akong pag-asa.’ Araw-araw malungkot na siya’y nagtatanong: ‘Ako kaya ay gagaling pa sa aking sakit? Kailan ako malilibre sa pag-inom ng gamot? Hanggang kailan kaya magpapatuloy ang ganitong uri ng buhay?’ Kung mga sandaling iyan ako’y gumagamit ng mga tanong upang baguhin ang kaniyang pag-iisip gaya ng iminungkahi ng mga magasin, at ito’y tumulong sa kaniya upang sumigla sa papaano man. Ngunit ganoon at ganoon din ang nangyayari sa amin sa araw-araw.
“May mga panahon din na tinatawag ng aking anak ang matatanda [buhat sa lokal na kongregasyon] sa hatinggabi pagka siya’y lubhang nababalisa at hinihiling sa kanila na ipanalangin siya. Waring ito’y nagdudulot ng malaking kaaliwan sa kaniya at ng kapahingahan sa kaniyang isip. . . . Malimit, ang kalagayan ng aking anak ay lumalala pagka ang aking asawa [di-kapananampalataya] ay nasa malayo sa kaniyang mga pagbibiyahe may kaugnayan sa negosyo. Pagtawag ko sa telepono upang humingi ng tulong, maraming kapatid ang nagmamadaling nagpupunta sa amin.
“Salamat sa inyo, mga kapatid, buhat sa kaibuturan ng aking puso sa inyong paglalathala ng ganitong uri ng mga artikulo manakanaka at sa pagpapakita na inaasikaso ninyo ang pangangailangan ng mahihina.”
[Nilagdaan] H. H.