Natatandaan Mo Ba?
Ang kamakailang mga labas ba ng Ang Bantayan ay natuklasan mo na makukunan mo ng praktikal na pakinabang? Kung gayo’y bakit hindi subukin kung natatandaan mo pa ang mga sumusunod?
◻ Anong mga katotohanan ang nangangatuwiran laban sa pagtuturing na banal sa lugar na pinanganakan kay Jesus?
Hindi binabanggit sa Bibliya ang eksaktong lugar na pinanganakan kay Jesus. Ang pag-uulat ng ebanghelyo ni Mateo at ni Lucas ay tungkol lamang sa pinakamahahalagang katotohanan tungkol doon. (Mateo 2:1, 5; Lucas 2:4-7) Kung babasahin ang Juan 7:40-42 makikita na ang mga tao sa pangkalahatan ay walang alam sa kaniyang dakong sinilangan, ang akala ng iba ay isinilang siya sa Galilea. Gayundin, noong panahon na nabubuhay si Jesus dito sa lupa, kailanman ay hindi niya ipinangalandakan ang mga detalye ng kaniyang mga kapanganakan.—12/15, pahina 5.
◻ Papaano mapananatili ng isang Kristiyano ang kaniyang kagalakan samantalang nakaharap sa mga pagsubok na may kaugnayan sa pisikal na sakit, pamamanglaw, at hirap ng kabuhayan?
Ang Salita ng Diyos ang nagbibigay ng kinakailangang pang-aliw at patnubay. Sa pamamagitan ng pagbasa o pakikinig sa mga awit, malaking kaaliwan ang makakamit. Ang payo ni David sa atin: “Ilagak mo kay Jehova mismo ang iyong pasanin, at siya mismo ang aalalay sa iyo.” Kaniya ring tinitiyak sa atin na si Jehova nga ang “Tagapakinig ng panalangin.” (Awit 55:22; 65:2) Ang organisasyon ni Jehova, sa pamamagitan ng mga publikasyong ito at ng mga matatanda sa kongregasyon, ay laging handa na tumulong sa atin upang tayo’y makapanaig sa ating mga suliranin.—1/1, pahina 14-15.
◻ Ano ba ang ibig sabihin ni Jesus nang sa kaniyang pagtungo sa kung saan siya’y ibabayubay, sinabi niya: “Kung ginagawa ang mga bagay na ito sa punungkahoy na sariwa, ano kaya ang gagawin sa tuyo?” (Lucas 23:31)
Ang tinutukoy ni Jesus ay ang punungkahoy ng bansang Judio. Dahilan sa naroroon si Jesus at ang isang nalabing mga Judio na sumasampalataya sa kaniya, ang bansa ay mayroon pang kasariwaan ng buhay na taglay. Gayunman, nang ang lahat na ito ay alisin sa bansa, tanging isang patay sa espirituwal na kahoy ang matitira, isang natuyong pambansang organisasyon.—1/15, pahina 9.
◻ Papaano ang mga may “malinis na puso,” na tinutukoy sa Mateo 5:8, ay ‘makakakita sa Diyos’?
Kanilang “makikita ang Diyos” kapag napagmasdan siya na kumikilos alang-alang sa mga tapat. (Ihambing ang Exodo 33:20; Job 19:26; 42:5.) Gayunman, ang salitang Griego sa Mateo 5:8 na isinaling “makikita” ay nangangahulugan din ng “makita sa pamamagitan ng isip, maunawaan, maalaman.” Yamang lubusang nasinag kay Jesus ang personalidad ng Diyos, ang pagkaunawa sa personalidad na iyon ang nagbigay sa may “dalisay na puso” na ‘makakita sa Diyos.’ (Juan 14:7-9)—1/15, pahina 16.
◻ Bakit masasabi natin na si Jesus ang arkanghel na si Miguel?
Ang Salita ng Diyos ay bumabanggit ng isa lamang arkanghel, at tinutukoy nito ang anghel na iyon may kaugnayan sa binuhay na Panginoong Jesus: “Ang Panginoon mismo ang bababang mula sa langit na taglay ang pag-uutos, may tinig ng arkanghel at may trumpeta ng Diyos.” (1 Tesalonica 4:16) Sa Judas 9 makikita natin na ang pangalan ng arkanghel na ito ay Miguel.—2/1, pahina 17.
◻ Ano ang apat na pitak na kung saan tayo’y makapagpapakita ng paggalang sa ibang tao?
Tayo’y dapat magpakita ng paggalang sa makapulitikang mga pinuno, sa mga amo, sa mga miyembro ng ating sambahayan, at sa mga nasa kongregasyon.—2/1, pahina 20-2.
◻ Mga ilang saglit bago namatay si Jesus, anong magandang halimbawa ang kaniyang ipinakita para sa mga may matatanda nang mga magulang?
Samantalang si Jesus ay nakabayubay na naghihirap sa pahirapang tulos, kaniyang isinaalang-alang ang pisikal at espirituwal na kapakanan ng kaniyang ina sa pamamagitan ng paghahabilin sa kaniya sa kaniyang minamahal na apostol na si Juan. (Juan 19:25-27)—2/15, pahina 8.
◻ Bakit kinailangan ni Jesus na magdusa?
Ang mga pagdurusa ni Jesus ay nagsilbing kalutasan ng isyu ng katapatan ng mga lingkod ng Diyos. Sinangkapan din siya nito para sa kaniyang papel na gagampanan bilang isang maawaing Mataas na Saserdote para sa sangkatauhan. (Hebreo 4:15)—2/15, pahina 14-15.
◻ Anong mahahalagang isyu ang ibinangon ng paghihimagsik sa Eden?
Ang tao ba ay may kakayahan na matagumpay na pamahalaan ang kaniyang sarili na hiwalay sa Diyos? Makatuwiran ba sa panig ng Diyos na mag-utos na pasakop sa kaniyang soberanya? Bilang pagpapalawak nito, ang sinuman bang mga tao ay walang imbot na ang pipilii’y maglingkod sa Diyos bunga ng kanilang sariling malayang kalooban?—3/1, pahina 6.
◻ Bakit ang iba ay maling nakibahagi sa mga emblema ng Memoryal?
Ang ibang kulang pa sa pagkamaygulang ay maaaring wala pang timbang na pagpapahalaga sa mga layunin ng Diyos. Baka hindi nila kinikilala na ang pagpapahid ay “depende, hindi sa may ibig, ni sa tumatakbo, kundi sa Diyos.” (Roma 9:16) Hindi depende sa indibiduwal na magpasiya kung baga ibig niyang mapasali sa bagong tipan at maging isang tagapagmana kasama ni Kristo. Si Jehova ang pumipili, at ang kaniyang espiritu ay nagbibigay-patotoo sa pagpili niya. (Roma 8:16; 1 Corinto 12:18)—3/15, pahina 21.
◻ Ano ba ang “dalisay na wika” na tinutukoy sa Zefanias 3:9?
Iyon ay ang wastong pagkaunawa sa katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin.—4/1, pahina 21-2.