Patuloy na Lumakad sa Liwanag at Pag-ibig
Mga Tampok Mula sa Unang Juan
SI Jehova ang Bukal ng liwanag at pag-ibig. Tayo’y sa Diyos kailangang tumingin tungkol sa espirituwal na liwanag. (Awit 43:3) At ang pag-ibig ay isa sa mga bunga ng kaniyang banal na espiritu.—Galacia 5:22, 23.
Ang liwanag, pag-ibig, at iba pang mga bagay ay tinatalakay sa unang kinasihang liham kay apostol Juan, malamang na isinulat sa Efeso o malapit dito noong mga bandang 98 C.E. Ang isang pangunahing dahilan ng pagsulat nito ay upang maingatan ang mga Kristiyano buhat sa apostasya at tulungan sila na patuloy na lumakad sa liwanag. Yamang tayo’y napapaharap sa mga hamon sa ating pag-ibig, pananampalataya, at integridad sa katotohanan, ang pagsasaalang-alang sa liham na ito ay tunay na pakikinabangan natin.
‘Lumakad sa Liwanag’
Nilinaw ni Juan na ang tapat na mga Kristiyano ay kailangang lumakad sa espirituwal na liwanag. (1:1–2:29) Sinabi niya: “Ang Diyos ay ilaw at sa kaniya’y walang anumang kadiliman [walang masama, imoral, di-totoo, o di-banal] kaisa niya.” Dahil sa ang pinahiran ng espiritung mga Kristiyano ay ‘lumalakad sa liwanag,’ sila’y may “pakikibahagi” sa Diyos, kay Kristo, at sa isa’t isa. Sila’y nilinis din naman buhat sa kasalanan ng dugo ni Jesus.
Tayo man ay pinahirang mga Kristiyano na may makalangit na pag-asa o ang ating inaasam-asam ay buhay na walang-hanggan sa lupa, tayo’y patuloy na makikinabang sa hain ni Jesus tangi lamang kung ating iniibig ang ating mga kapatid ngunit hindi ang sanlibutan. Iwasan din natin na tayo’y maimpluwensiyahan ng mga apostata, tulad baga ng “anti-Kristo,” na tumatanggi kapuwa sa Ama at sa Anak. At huwag nating kalilimutan na ang buhay na walang-hanggan ay tatamasahin lamang ng mga kumakapit nang mahigpit sa katotohanan at sumusunod sa katuwiran.
Ang mga Anak ng Diyos ay Nagpapakita ng Pag-ibig
Sumunod ay ipinaliwanag naman ni Juan kung papaano makikilala ang mga anak ng Diyos. (3:1–4:21) Unang-una, matuwid ang kanilang ginagawa. Sila rin ay sumusunod sa utos ng Diyos na Jehova ‘na sila’y manampalataya sa pangalan ng kaniyang Anak, si Jesu-Kristo, at mag-ibigan sa isa’t isa.’
Ang isang tao na may “kaalaman sa Diyos” ay nakababatid ng mga layunin ni Jehova at kung papaano ipinahahayag ang Kaniyang pag-ibig. Ito’y dapat tumulong sa taong iyon na magpakita ng pag-ibig. Ang totoo, “ang hindi umiibig ay hindi nakakakilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig.” Ang pag-ibig ng Diyos ay ipinakita nang “suguin [ng Diyos] ang kaniyang Anak bilang isang pampalubag-loob na hain ukol sa ating mga kasalanan.” Kung tayo’y iniibig ni Jehova hanggang sa ganiyang sukdulan, tayo naman ay obligado na mag-ibigan sa isa’t isa. Oo, sinumang nag-aangking umiibig sa Diyos ay kailangan ding umibig sa kaniyang espirituwal na kapatid.
Ang Pananampalataya na “Dumaraig sa Sanlibutan”
Ang pag-ibig ang nag-uudyok sa mga anak ng Diyos na sumunod sa kaniyang mga utos, ngunit sa pamamagitan ng pananampalataya ‘dinaraig nila ang sanlibutan.’ (5:1-21) Ang ating pananampalataya sa Diyos, sa kaniyang Salita, at sa kaniyang Anak ang nagbibigay sa atin ng lakas upang ‘daigin ang sanlibutan’ sa pamamagitan ng pagtanggi sa maling kaisipan at mga lakad nito at pagsunod sa mga utos ni Jehova. Ang mga ‘dumaig sa sanlibutan’ ay binigyan ng Diyos ng pag-asang buhay na walang-hanggan at dinirinig ang kanilang mga panalangin na kasuwato ng kaniyang kalooban. Sapagkat sinuman na “anak ng Diyos” ay hindi namimihasa sa pagkakasala, ang gayong tao ay hindi nadaraig ni Satanas. Subalit dapat tandaan ng kapuwa mga pinahiran at ng mga lingkod ni Jehova na may makalupang pag-asa na ‘ang buong sanlibutan ay nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot na isang iyan.’
[Kahon/Larawan sa pahina 29]
Isang Pampalubag-Loob na Hain: Si Jesus “ay isang pampalubag-loob na hain para sa ating mga kasalanan [tumutukoy sa kaniyang pinahirang mga tagasunod], ngunit hindi lamang para sa atin kundi para rin sa buong sanlibutan,” ang natitirang bahagi ng sangkatauhan. (1 Juan 2:2) Ang kaniyang kamatayan ay isang “pampalubag-loob” (Griego, hi·la·smosʹ, na nagpapahiwatig ng isang “paraan ng pagpayapa,” isang “pagbabayad-utang”) subalit hindi sa diwa na pampalubag sa nasaktang damdamin sa bahagi ng Diyos. Bagkus, ang hain ni Jesus ay nagpalubag, o nakasapat sa mga kahilingan ng sakdal na katarungan ng Diyos. Papaano? Sa pamamagitan ng paglalaan ng matuwid at makatarungang batayan sa pagpapatawad ng kasalanan, upang ang Diyos ay “maging matuwid kahit na sa pag-aaring matuwid sa [likas na makasalanang] tao na may pananampalataya kay Jesus.” (Roma 3:23-26; 5:12) Sa pamamagitan ng paglalaan para lubusang masapatan ang kahilingan para matakpan ang mga kasalanan ng tao, sa pamamagitan ng hain ni Jesus ay napalagay ang tao sa nararapat, o kaaya-ayang kalagayan na hanapin at tanggapin ang pagbabalik sa tamang kaugnayan kay Jehova. (Efeso 1:7; Hebreo 2:17) Anong laki ng dapat ipagpasalamat nating lahat dahil dito!