Dinirinig ni Jehova ang Ating Apurahang Paghingi ng Tulong
NOON ay kailangang-kailangan ang tulong. Iyan ay mahahalata sa malaking kalungkutan ng mukha ng kamarero ng hari. Nang tanungin kung bakit gayon, ibinulalas ng kamarero ang kaniyang kalungkutan dahil sa gibang kalagayan ng Jerusalem at ng mga pader niyaon. Pagkatapos ay sumunod ang tanong: ‘Ano ang iyong hinihiling?’ “Agad na nanalangin ako sa Diyos ng kalangitan,” ang isinulat nang malaunan ng kamarerong si Nehemias. Iyan ay isang mabilis, tahimik, apurahang paghingi ng tulong kay Jehova. At ano ang resulta? Aba, agad namang kumilos ang haring Artaxerxes ng Persia upang pahintulutan si Nehemias na muling-itayo ang mga pader ng Jerusalem!—Nehemias 2:1-6.
Oo, dinirinig ng Diyos ang apurahang kahilingan ng mga nagsisiibig sa kaniya. (Awit 65:2) Kaya kung ang isang pagsubok ay waring mas mabigat kaysa iyong matitiis, maaari kang manalangin na gaya ng ginawa ng salmistang si David sa Awit 70, nang siya’y nangangailangan ng karakarakang tulong ng Diyos. Ang pinaka-titulo ng awit na ito ay nagpapakita na ang layunin nito ay “upang umalaala.” Taglay ang bahagyang mga pagbabago, inuulit nito ang Awit 40:13-17. Subalit papaano tayo matutulungan ng ika-70 Awit 70 bilang bayan ni Jehova?
Panawagan Para sa Dagliang Pagliligtas
Si David ay nagsisimula sa pamamagitan ng pananawagan: “Oh Diyos, iligtas mo ako, Oh Jehova, mabilisang tulungan mo ako.” (Awit 70:1) Pagka tayo’y nasa kahirapan, tayo’y makapananalangin na dagling tulungan ng Diyos. Tayo’y hindi sinusubok ni Jehova sa masasamang bagay, at kaniyang “nalalaman kung papaano ililigtas sa tukso ang mga taong may maka-Diyos na debosyon.” (2 Pedro 2:9; Santiago 1:13) Subalit ano kung kaniyang pinahintulutan na magpatuloy ang isang pagsubok, marahil upang turuan tayo ng isang bagay? Kung gayon ay ating hilingin sa kaniya na bigyan tayo ng karunungan ng pakikitungo roon. Kung tayo’y humihingi na taglay ang pananampalataya, tayo’y binibigyan niya ng karunungan. (Santiago 1:5-8) Tayo’y binibigyan din ng Diyos ng lakas na kailangan upang matiis natin ang mga pagsubok. Halimbawa, kaniyang ‘inaalalayan tayo sa banig ng karamdaman.’—Awit 41:1-3; Hebreo 10:36.
Ang ating likas na pagkamakasalanan, at ang laging pagkahantad sa tukso at sa pagsisikap ng Diyablo na sirain ang ating kaugnayan kay Jehova, ay dapat mag-udyok sa atin na manalangin para humingi ng tulong sa Diyos bawat araw. (Awit 51:1-5; Roma 5:12; 12:12) Kapuna-puna rin ang mga salitang ito ng modelong panalangin ni Jesus: “Huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa balakyot na isa.” (Mateo 6:13) Oo, mahihiling natin sa Diyos na huwag niyang tulutang tayo’y madaig pagka tinutukso na sumuway sa kaniya at na kaniyang hadlangan si Satanas, “ang balakyot na isa,” sa pananaig sa atin. Subalit ang ating mga paghingi ng tulong na tayo’y iligtas ay samahan natin ng pag-iwas sa mga kalagayan na maghahantad sa atin sa maiiwasan namang tukso at mga silo ni Satanas.—2 Corinto 2:11.
Yaong mga Nagsasabing, “Aha!”
Baka tayo’y mapaharap sa malubhang pagsubok dahil sa tayo’y inaalipusta sa ating pananampalataya. Sakaling iyan ay mangyari sa iyo, bulay-bulayin ang mga salita ni David: “Mangapahiya at mangalito sila na nag-aabang sa aking kaluluwa. Paurungin sana sila at mangapahiya yaong mga nangatutuwa sa aking kapahamakan. Magsiurong sana sila dahilan sa kanilang pagkapahiya na nangagsasabi: ‘Aha, aha!’ ” (Awit 70:2, 3) Nais ng mga kaaway ni David na makitang siya’y patay na; kanilang ‘inaabangan ang kaniyang kaluluwa,’ o buhay. Gayunman, sa halip na gumanti, siya’y sumampalataya na sila’y ilalagay ng Diyos sa pagkapahiya. Si David ay nanalangin na ang kaniyang mga kaaway ay “mapahiya at malito”—malagay sa kahihiyan, mataranta, magkawatak-watak, mabigo sa pagsisikap na maisagawa ang kanilang balakyot na mga panukala. Oo, ang mga naghahangad na siya’y mapasamâ at natutuwa na siya’y mapahamak ay malito sana at makaranas ng kahihiyan.
Kung tayo’y mayroon ng tinatawag na malisyosong kagalakan pagka napahamak ang isang kaaway, tayo’y magsusulit kay Jehova sa ating kasalanan. (Kawikaan 17:5; 24:17, 18) Gayunman, pagka dinusta ng mga kaaway ang Diyos at ang kaniyang bayan, tayo’y makapananalangin na alang-alang sa kaniyang banal na pangalan, pangyarihin sana ni Jehova na ‘sila’y umurong at mapahiya’ sa harap ng mga taong kanilang hinahangad na luwalhatiin. (Awit 106:8) Ang paghihiganti ay sa Diyos, at kaniyang maaaring guluhin at hiyain ang mga kaaway niya at natin. (Deuteronomio 32:35) Halimbawa, pinagsikapan ng pinunong Nazi na si Adolf Hitler na lipulin ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Anong laki ng kaniyang kabiguan, sapagkat libu-libo sa kanila ang ngayon ay naghahayag doon ng balita ng Kaharian!
May pangungutya marahil na sinasabi ng ating mga kaaway: “Aha, aha!” Yamang kanilang kinukutya ang Diyos at ang kaniyang bayan, hayaang ang mga makasalanang iyon ay “mapaurong dahil sa kanilang kahihiyan,” dumaranas ng pagkapahiya. Samantalang ipinananalangin ito, tayo’y manatili sa ating integridad at pagalakin ang puso ni Jehova, upang kaniyang masagot si Satanas at sinuman na tumutuya sa Kaniya. (Kawikaan 27:11) At kailanma’y huwag tayong matakot sa ating mga hambog na kaaway, sapagkat “siyang tumitiwala kay Jehova ay ililigtas.” (Kawikaan 29:25) Ang hambog na hari ng Babilonya na si Nabukodonosor, na bumihag sa bayan ng Diyos, ay nakaranas ng pagkapahiya at kaniyang inamin na ‘nagagawa ng Hari ng langit na hiyain yaong lumalakad nang may pagmamataas.’—Daniel 4:37.
“Dakilain ang Diyos!”
Bagaman tayo’y guluhin ng mga kaaway, lagi nating dakilain si Jehova kasama ng mga kapuwa mananamba. Sa halip na payagang ang sarili’y mapangibabawan ng pamimighati na anupa’t hindi niya dinakila ang Diyos, sinabi ni David: “Magalak at matuwa sa iyo, ang lahat na nagsisihanap sa iyo, at sila’y magsabing lagi: ‘Dakilain ang Diyos!’—yaong umiibig sa iyong pagliligtas.” (Awit 70:4) Ang bayan ni Jehova ay patuloy na nagsasayang mainam sapagkat sila’y “nagagalak at natutuwa” sa kaniya. Bilang kaniyang nag-alay, bautismadong mga Saksi, taglay nila ang malaking kagalakan na bunga ng isang matalik na kaugnayan sa kaniya. (Awit 25:14) Gayunman, sila’y maaaring ituring na mapagpakumbabang mga nagsisihanap sa Diyos. Palibhasa’y mga mananampalataya na nag-iingat ng kautusan ng Diyos, patuloy na humahanap sila ng higit na kaalaman sa kaniya at sa kaniyang Salita.—Eclesiastes 3:11; 12:13, 14; Isaias 54:13.
Samantalang inihahayag ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita, sa katunayan ay palaging sinasabi nila: “Dakilain ang Diyos!” Kanilang dinarakila si Jehova, binibigyan ng pinakamataas na pagpapahalaga. Taglay ang kagalakan, kanilang tinutulungan ang mga humahanap ng katotohanan na matuto tungkol sa Diyos at lumuwalhati rin sa kaniya. Di-tulad ng makasanlibutang mga maibigin sa kalayawan, ang bayan ni Jehova ay ‘umiibig sa kaniyang pagliligtas.’ (2 Timoteo 3:1-5) Palibhasa’y palaisip sa kanilang likas na pagkamakasalanan, sila’y totoong napasasalamat sa maibiging paglalaan ng Diyos na Jehova ng kaligtasan sa buhay na walang-hanggan, na posible sa pamamagitan ng pampalubag-loob na hain ng kaniyang mahal na Anak, si Jesu-Kristo. (Juan 3:16; Roma 5:8; 1 Juan 2:1, 2) Dinarakila mo ba ang Diyos at ipinakikita mo na iyong ‘iniibig ang kaniyang pagliligtas’ sa pamamagitan ng pagsasagawa ng tunay na pagsamba sa kaniyang ikapupuri.—Juan 4:23, 24.
Magtiwala sa Tagapaglaan ng Kaligtasan
Nang ipahayag ni David ang kaniyang sarili sa awit na ito, siya’y nakadama ng malaking pangangailangan kung kaya’t sinabi niya: “Ngunit ako’y dukha at mapagkailangan. Kumilos ka agad alang-alang sa akin, Oh Diyos. Ikaw ay aking katulong at ang Tagapaglaan ng aking kaligtasan. Oh Jehova, huwag kang totoong magluwat.” (Awit 70:5) Palibhasa’y nakaharap sa mga pagsubok na dumarating sa mga mananampalataya—ang gayong mga kapighatian na gaya ng pag-uusig, tukso, at mga pananalakay ni Satanas—tayo ay waring “dukha.” Bagaman marahil ay hindi naman tayo dukhang-dukha, tayo’y waring walang pananggalang laban sa mga kaaway na walang patumangga. Gayunman, makapagtitiwala tayo na magagawa ni Jehova at kaniyang gagawin na iligtas tayo bilang kaniyang tapat na mga lingkod.—Awit 9:17-20.
Si Jehova “ang Tagapaglaan ng kaligtasan” kailanma’t kailangan natin iyon. Ang ating sariling mga pagkukulang ay marahil naglagay sa atin sa isang pagsubok. Ngunit kung ‘ang ating kamangmangan ang sumira ng ating lakad,’ ang ating puso ay huwag ‘mapopoot kay Jehova.’(Kawikaan 19:3) Hindi siya ang dapat sisihin, at siya’y handang tumulong sa atin kung tayo’y mananalangin sa kaniya nang may pananampalataya. (Awit 37:5) Ano naman ang masasabi kung tayo’y nagpupunyagi na makaiwas sa pagkakasala? Kung gayo’y maging espesipiko tayo tungkol dito pagka tayo’y nananalangin, na hinihingi ang tulong ng Diyos upang magpatuloy tayo ng paglakad sa matuwid na landas. (Mateo 5:6; Roma 7:21-25) Sasagutin ng Diyos ang ating taus-pusong panalangin, at tayo’y uunlad sa espirituwal kung tayo’y padadala sa pag-akay ng kaniyang banal na espiritu.—Awit 51:17; Efeso 4:30.
Pagka tayo’y nasa ilalim ng matinding pagsubok sa pananampalataya, baka sabihin natin na wala na tayong kakayanang magtiis pa. Yamang ang ating makasalanang laman ay mahina, baka ang hangad nito’y isang mabilis na pagliligtas. (Marcos 14:38) Kaya baka tayo’y magsumamo: “Oh Jehova, huwag kang pakahuli.” Lalo na kung tayo’y nababahala tungkol sa kadustaan na idudulot sa pangalan ng Diyos, marahil ay mauudyukan tayo na manalangin na gaya ng sa propetang si Daniel: “Oh Jehova, makinig ka. Oh Jehova, magpatawad ka. Oh Jehova, ikaw ay magbigay-pansin at kumilos. Huwag ka nang magpaliban pa, alang-alang sa iyong sarili, Oh Diyos ko, sapagkat ang iyong sariling pangalan ay ikinapit . . . sa iyong bayan.” (Daniel 9:19) Tayo’y makasasampalataya na ang ating makalangit na Ama ay hindi naman magiging lubhang huli, sapagkat si apostol Pablo ay nagbigay ng ganitong kasiguruhan: “Magsilapit . . . tayo nang may kalayaan ng pagsasalita sa trono ng di-sana-nararapat na awa, upang tayo’y magtamo ng habag at makasumpong ng di-sana-nararapat na awa na tutulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.”—Hebreo 4:16.
Huwag kalilimutan na si Jehova ang Tagapaglaan ng kaligtasan. Bilang kaniyang mga lingkod, makabubuti sa atin na tandaan ito at ang damdaming may kalakip na panalangin sa Awit 70. Kung minsan baka kailangan na tayo’y paulit-ulit na manalangin tungkol sa isang bagay na lubhang nakababahala. (1 Tesalonica 5:17) Baka waring walang kalutasan ang isang partikular na suliranin, walang paraan upang tayo’y makalabas sa ating suliranin. Subalit ang ating maibiging Ama sa langit ang magpapalakas sa atin at hindi niya papayagan na tayo’y masubok nang higit sa ating makakaya. Kung gayon, huwag manghimagod sa pagharap sa trono ng Haring Walang-Hanggan sa taus-pusong panalangin. (1 Corinto 10:13; Filipos 4:6, 7, 13; Apocalipsis 15:3) Manalangin nang may pananampalataya, at lubusang tumiwala sa kaniya, sapagkat dinirinig ni Jehova ang ating apurahang paghingi ng tulong.