‘Anong Oras Noon?’
‘ANONG oras na?’ Gaano kadalas mo naitanong iyan? Sa ating mabilis na modernong panahon, tayo’y laging palaisip sa panahon. Karamihan sa ating araw-araw na mga gawain—paggising sa umaga, pagpunta sa trabaho, pagkain, pakikipag-usap sa mga kaibigan, at iba pa—ay mahigpit na sumusunod sa oras. At tayo’y umaasa sa maraming sari-saring mga bagay—mga orasan, relo, alarma, radyo—upang magsabi sa atin kung anong oras na.
Kumusta naman noong mga panahon ng Bibliya nang ang mga tao ay walang orasan na katulad ng sa atin ngayon? Papaano nila inalam ang oras? Ang Bibliya ba ay nagbibigay ng anumang patotoo tungkol dito? Ang pagkaalam ng oras sa maghapon kung kailan naganap ang isang pangyayari sa Bibliya ay maaaring magbigay sa iyo ng panibagong unawa sa Salita ng Diyos at lalong masiyahan ka sa iyong pag-aaral ng Bibliya.
Bigay-Diyos na mga Tagapagpakilala ng Oras
Noong sinaunang mga araw ang oras ng isang pangyayari ay karaniwan nang napag-aalaman sa pamamagitan ng pagmamasid sa araw o sa buwan, “ang dalawang dakilang tanglaw” na inilagay ng Maylikha sa kalangitan “upang maghiwalay ng araw sa gabi.” (Genesis 1:14-16) Halimbawa, noon ay “mag-uumaga” nang pinagmadali ng dalawang anghel si Lot at ang kaniyang sambahayan upang tumakas buhat sa pupuksaing siyudad ng Sodoma. (Genesis 19:15, 16) At noon ay “dakong palubog na ang araw” nang ang tapat na utusan ni Abraham ay dumating sa balon na kung saan nakatagpo niya si Rebekah.—Genesis 24:11, 15.
Kung minsan, lalong tiyak na pagtukoy ng oras ang ibinibigay. Halimbawa, si Abimelech, ang marahas na anak ni Hukom Gideon ay sinabihan na sumalakay sa lunsod ng Sichem “sa umaga . . . pagsikat ng araw.” (Hukom 9:33) Maliwanag na may mataktikang dahilan sa paggawa nito. Ang mga kawal ni Abimelech ay masisilaw sa sikat ng araw at magiging napakahirap para sa mga tagapagtanggol ng Sichem na makilala ang sumasalakay na mga hukbo sa “mga lilim ng kabundukan.”—Hukom 9:36-41.
Idiomatikong mga Pagtukoy ng Oras
Ang mga Hebreo ay gumamit ng mga pananalita na kapuwa makulay at interesante upang tumukoy ng oras. Ang mga ito’y hindi lamang nagbibigay sa atin ng pagkadama tungkol sa lokal na kapaligiran at mga kaugalian kundi nagsisiwalat din naman ng tungkol sa mga kalagayan ng pagkilos.
Halimbawa, ang Genesis 3:8 ay nagsasabi sa atin na iyon ay sa mga oras na “malamig ang simoy ng hangin” nang kausapin ni Jehova si Adan at si Eva nang araw na sila’y magkasala. Ito’y naunawaan na malapit nang lumubog ang araw saka humihihip ang malamig na simoy ng hangin, na nagbibigay-kaginhawahan buhat sa init ng maghapon. Karaniwan, habang pagabi na, oras na iyon upang magpahingalay at mamahinga. Gayunman, hindi hinayaan ni Jehova na ang isang seryosong bagay na dapat hatulan ay ipagpabukas pa kung mayroon din lamang panahon na asikasuhin iyon.
Sa kabilang panig naman, ipinakikita ng Genesis 18:1, 2 na ang mga anghel ni Jehova ay dumating doon sa tolda ni Abraham sa Mamre “sa bandang kainitan ng araw.” Gunigunihin mo ang araw sa katanghaliang tapat na nagliliyab sa buról ng Judea. Ang araw ay magiging pagkainit-init nga. Iyan ang kinaugaliang panahon ng panananghalian at pagpapahingalay. (Tingnan ang Genesis 43:16, 25; 2 Samuel 4:5.) Kaya naman, si Abraham ay “nakaupo sa pintuan ng tolda,” na kung saan marahil may bahagyang simoy ng hangin, marahil namamahinga siya pagkakain. Lalo pa nating mauunawaan ang kagandahang-loob ng mapagpatuloy na matandang lalaking ito pagka ating nabasa na siya’y “nagtatakbo upang salubungin” ang mga panauhin at pagkatapos ay humayong “nagmamadali sa pagparoon sa tolda” upang sabihan si Sara na maghanda ng tinapay at pagkatapos siya ay “nagtatakbo sa bakahan” at “nagmamadaling inihanda iyon.” Lahat na ito ay sa kainitan ng araw!—Genesis 18:2-8.
Mga Oras sa Gabi ng mga Hebreo
Maliwanag na ang gabi ay pinaghati-hati ng mga Hebreo sa tatlong yugto, tinatawag na “mga pagbabantay.” Bawat isa ay sumasaklaw ng sang-katlo ng panahon sa pagitan ng paglubog ng araw at pagsikat ng araw, o mga apat na oras, depende sa kapanahunan. (Awit 63:6) Iyon ay “sa pasimula ng panggitnang pagbabantay sa gabi,” na tumatakbo buhat sa mga ikasampu ng gabi hanggang sa mga ikadalawa sa umaga, nang gawin ni Gideon ang ganitong pagsalakay sa kampo ng mga Midianita. Ang pag-atake sa panahong ito ay maliwanag na lubusang nakabigla sa mga bantay. Kaya, ang maingat na si Gideon ay hindi kaipala pipili kundi isang lalong estratehikong panahon para sa kaniyang pagsalakay!—Hukom 7:19.
Sa panahon ng Exodo, pinapangyari ni Jehova na “ang dagat ay mahati sa pamamagitan ng isang malakas na hanging silanganan nang buong magdamag,” anupa’t nangyari na ang mga Israelita ay nakatawid sa tuyong lupa. Nang sila’y abutan ng mga Ehipsiyo, ang nagaganap ay “ang pagbabantay sa umaga,” at ang kampo ng mga Ehipsiyo ay patuloy na ginulo ni Jehova, sa wakas ay nilipol sila sa pamamagitan ng pagpapangyaring ang tubig ay “sumauli sa dati nang mag-uumaga.” (Exodo 14:21-27) Kaya gumugol nang halos isang buong magdamag upang mahati ang dagat at ang mga Israelita ay tumawid doon.
Nang Unang Siglo
Nang sumapit ang unang siglo, ang sinunod ng mga Judio ay ang pagbilang ng 12 oras sa maghapon. Kaya sa isa sa kaniyang mga ilustrasyon, sinabi ni Jesus: “Hindi ba ang araw ay may labindalawang oras?” (Juan 11:9) Ito ay binibilang mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog ng araw, o humigit-kumulang mula alas seis sa umaga hanggang ala seis sa hapon. Samakatuwid, “ang ikatlong oras” ay mga ikasiyam ng umaga. Nang oras na ito noong araw ng Pentecostes ibinuhos ang banal na espiritu. Nang ang mga tao’y akusahan ang mga alagad ng pagiging “punô ng bagong alak,” agad pinahinto nang pamalagian ni Pedro ang gayong akusasyon. Tiyak na wala namang magiging lasing sa gayong kaagang oras!—Gawa 2:13, 15.
Sa katulad na paraan, ang pangungusap ni Jesus na “ang pagkain ko’y ang gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo” ay nagkakaroon ng karagdagang kahulugan kung ating isasaalang-alang ang bahaging ginagampanan ng panahon. “Ang oras ay mga ikaanim,” sang-ayon sa Juan 4:6, o mga katanghaliang tapat. Pagkatapos na maglakbay sa maburol na lupain ng Samaria sa buong umaga, si Jesus at ang mga alagad ay nagugutom na at nauuhaw. Kaya naman ang mga alagad ay nanghimok sa kaniya na kumain pagbabalik nila na dala ang pagkain. Wala silang alam kundi bahagya tungkol sa lakas at pagkain na nakukuha ni Jesus sa pagsasagawa ng gawain ni Jehova. Ang pangungusap ni Jesus ay tiyak na higit pa kaysa isang makatalinghagang pangungusap lamang. Siya ay literal na pinalakas ng pagsasagawa ng gawain ng Diyos bagaman kung ilang oras ang tiyak na lumipas buhat nang siya’y makakain.—Juan 4:31-34.
Habang ang pagsikat at paglubog ng araw ay may pagkakaiba alinsunod sa panahon sa isang taon, karaniwan nang ang kalkuladong panahon ng isang pangyayari ang ibinibigay. Kaya naman, tayo’y karaniwang makababasa ng mga pangyayaring nagaganap ng ikatlo, ikaanim, o ikasiyam na oras—na kadalasa’y nangangahulugan humigit-kumulang ng mga panahong iyon. (Mateo 20:3, 5; 27:45, 46; Marcos 15:25, 33, 34; Lucas 23:44; Juan 19:14; Gawa 10:3, 9, 30) Gayunman, pagka ang panahon ay kailangan sa pagsasalaysay, higit na espesipikong pangungusap tungkol sa panahon ang ibinibigay. Halimbawa, sa taong sabik na makaalam kung ang kaniyang anak ay talagang gumaling sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesus, ang mga alipin ay nagsisagot: “Kahapon nang ikapitong oras [humigit-kumulang ala-una ng hapon] siya’y naalisan ng lagnat.”—Juan 4:49-54.
Mga Pagkakahati-hati ng Gabi
Nang panahon ng pananakop ng mga Romano, waring ang sinusunod ng mga Judio ay ang Griego at Romanong paghahati-hati ng gabi sa apat na mga pagbabantay sa halip na tatlo na ginagawa nila dati. Sa Marcos 13:35, maliwanag na ang tinukoy ni Jesus ay ang apat na paghahati-hati. Ang “sa hapon” na pagbabantay ay pasimula sa paglubog ng araw hanggang mga ikasiyam ng gabi. Ang ikalawang pagbabantay, ang “hatinggabi” na pagbabantay, ay nagsisimula sa humigit-kumulang ikasiyam at natatapos sa hatinggabi. Ang “pagtilaok ng tandang” ay sumasaklaw mula sa hatinggabi hanggang sa humigit-kumulang ikatlo, at ang pangkatapusang pagbabantay, “sa kaumagahan,” ay natatapos sa bukang liwayway, o humigit-kumulang ikaanim.
Ang “pagtilaok ng tandang” na pagbabantay ay lalong kawili-wiling malaman dahilan sa mga salita ni Jesus kay Pedro sa Marcos 14:30: “Bago tumilaok nang makalawa ang isang tandang, ako ay ikakaila mo makaitlo.” Samantalang ang ilang komentarista ay naniniwala na ang “makalawa” ay tumutukoy sa espesipikong mga punto ng oras—hatinggabi at bukang liwayway, magkasunod—ang A Dictionary of Christ and the Gospels, si James Hastings ang editór, ay nagpapakita na “ang totoo ang mga tandang ay tumitilaok kung gabi, sa Silangan gaya saanman, sa iregular na mga oras mula sa hatinggabi patuloy.” Maliwanag, hindi ang tinutukoy ni Jesus ay ang espesipikong panahon kung kailan siya ikakaila ni Pedro. Bagkus, siya’y nagbibigay ng isang tanda upang magsilbing palatandaan ng kaniyang sinabi kay Pedro, na hustung-hustong natupad nang mismong gabing iyon.—Marcos 14:72.
Noon ay “nasa ikaapat na yugto ng pagbabantay sa gabi”—sa pagitan ng ikatlo at ikaanim ng umaga—na si Jesus, samantalang naglalakad sa tubig ng Dagat ng Galilea, ay nakarating sa kaniyang mga alagad, na nasa isang bangka “daan-daang yarda ang layo sa lupa.” Marahil nga, madaling maunawaan kung bakit ang mga alagad “ay nagulumihanan, na nagsabi: ‘Iyon ay isang multo!’ At sila’y nagsisigaw dahil sa kanilang takot.” (Mateo 14:23-26) Sa kabilang panig, ipinakikita nito na si Jesus ay gumugol ng malaki-laking panahon sa sarilinang pananalangin sa bundok. Yamang ito’y naganap di-nagtagal pagkatapos na si Juan na Tagapagbautismo ay pugutan ng ulo ni Herodes Antipas at mismong bago ganapin ang Paskuwa, na palatandaan ng pagsisimula ng huling taon ng makalupang ministeryo ni Jesus, tiyak na si Jesus ay maraming mabubulay-bulay sa kaniyang personal na pananalangin sa Ama.
Kasama ng apat na pagbabantay, ginagamit din ang isang 12-oras na pagbilang ng oras sa gabi. Upang magsilbing bantay kay Pablo para makarating nang ligtas sa Cesarea, ang komandante ng hukbo na si Claudio Lysias ay nagpahanda sa kaniyang mga opisyal ng isang pangkat ng 470 kawal “sa ikatlong oras ng gabi.” (Gawa 23:23, 24) Sa gayon si Pablo ay ligtas na nailayo sa Jerusalem sa kalaliman ng gabi.
Alamin Kung Anong Oras Na sa Maghapon
Ang pagbabasa at pagbubulay-bulay sa mga paglalahad ng mga pangyayari sa sinaunang bayan ng Diyos ay nagbibigay ng kaluguran at espirituwal na kalakasan. Kung maisasali mo ang mga bagay na may kinalaman sa panahon sa iyong pag-aaral, tiyak na ito’y makadaragdag sa kasiyahan mo sa iyong pag-aaral ng Bibliya. Bakit? Sapagkat sa ganitong paraan ikaw ay magkakaroon ng malawak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Ang mga lathalaing katulad ng Insight on the Scriptures at New World Translation of the Holy Scriptures With References ay napakahalagang mga tulong kung tungkol dito (kapuwa lathala ng Watchtower Bible ang Tract Society of New York, Inc.). Ang mga ito ay tutulong sa iyo na makita ang sagot pagka tinanong mo ang iyong sarili: ‘Anong oras noon?’