Anong Laking Kagalakan ang Maupo sa Hapag ni Jehova!
Inilahad ni Ernst Wauer
Sa ngayon ay medyo madali para sa akin na dumalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, mag-aral ng Bibliya, at mangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Gayunman, dati’y hindi ganiyang kadali iyan dito sa Alemanya. Nang diktador si Adolf Hitler, mula 1933 hanggang 1945, ang pagdalo sa ganiyang gawaing Kristiyano ay nangangailangan ng pagsasapanganib ng buhay ng isang tao.
NANG taon bago napasakapangyarihan si Hitler, nang ako’y 30 taóng gulang, una kong nakilala sa Dresden ang mga Saksi ni Jehova. Noong Enero 1935, ako’y nag-alay ng sarili kay Jehova at nagpahayag ako ng pagnanasang mabautismuhan. Ang aming gawain ay ipinagbawal na noong 1933, kaya’t ako’y tinanong: “Iyo bang nauunawaan kung ano ang kahulugan ng iyong desisyon? Ang iyong pamilya, kalusugan, trabaho, kalayaan, at maging ang iyong buhay ay iyong isinasapanganib!”
“Tinuos ko na ang halaga, at handa kong gawin ang kalooban ng Diyos at mamatay alang-alang doon,” ang tugon ko.
Kahit na bago ako bautismuhan, ako’y nagsimula na ng pangangaral sa bahay-bahay. Sa isang bahay, ako’y may nakilalang isang nakaunipormeng SS (Blackshirts/Elite Guard ni Hitler) na lider ng kabataan, na sumigaw: “Hindi ba ninyo alam na ito ay ipinagbabawal? Tatawag ako sa pulisya!”
“Sige. Nagsasalita lamang naman ako tungkol sa Bibliya, at walang batas laban diyan,” ang mahinahon kong tugon. Pagkatapos ako ay nagpatuloy sa susunod na bahay at kaagad namang inanyayahan ng isang palakaibigang maginoo. Walang nangyari sa akin.
Hindi nagtagal at pinagkatiwalaan ako na mangasiwa ng isang grupo sa pag-aaral na mula sa lima hanggang sa pitong Saksi na nagpupulong linggu-linggo. Kami’y nag-aral ng mga labas ng Ang Bantayan na ipinuslit sa Alemanya buhat sa karatig na mga bansa. Kaya naman, sa kabila ng pagbabawal, kami’y palagiang nagsasalu-salo sa “hapag ni Jehova” upang mapalakas sa espirituwal.—1 Corinto 10:21.
Dumanas ng mga Pagsubok
Noong 1936, si J. F. Rutherford, ang pangulo ng Watch Tower Society, ay dumalaw sa isang asamblea sa Lucerne, Switzerland, at nag-anyaya ng mga kapatid na nanunungkulan bilang teokratikong tagapangasiwa sa Alemanya upang sila’y dumalo. Palibhasa’y kinumpiska ang mga pasaporte ng marami sa mga kapatid at ang ilan sa mga kapatid ay matamang minamatyagan ng pulis, kakaunti lamang ang makadadalo. Ang kapatid na tagapangasiwa ng gawain sa Dresden ang humiling sa akin na katawanin ko siya sa Lucerne.
“Pero hindi po ba ako napakabata at walang karanasan?” ang tanong ko.
“Ang mahalaga ngayon,” tiniyak niya sa akin, “ay ang pagiging tapat. Iyan ang pangunahin.”
Hindi nagtagal pagkatapos na bumalik ako buhat sa Lucerne, ako ay inaresto at biglang inihiwalay sa aking maybahay, si Eva, at sa aming dalawang maliliit na anak. Nang ako’y patungo sa headquarters ng pulisya sa Dresden, nagpumilit akong tandaan ang isang teksto na magiging gabay ko. Ang sumaisip ko ay Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at siya mismo ang magtutuwid sa iyong mga landas.” Ang pagkagunita ko sa tekstong ito ang nagpalakas sa akin para sa unang-unang pag-uusisa sa akin. Pagkatapos ako ay ikinulong sa isang makipot na selda, at sandaling ako’y nawalan ng pag-asa dahil sa nadama kong ako’y abandonado na. Ngunit ang taimtim na panalangin kay Jehova ang nagbigay sa akin ng katahimikan.
Hinatulan ako ng hukuman na mabilanggo ng 27 buwan. Ako’y ikinulong na mag-isa nang may isang taon sa piitan sa Bautzen. Minsan, isang retiradong opisyal ng hukuman—siya’y isang pansamantalang kahalili ng isa roon—ang nagbukas ng pinto ng aking selda at nakikiramay na nagsabi: “Alam ko na hindi ka pinapayagang magbasa ng anuman, pero marahil kailangan mo ang isang bagay upang maalis mo sa iyong isip ang lahat ng iyan.” Siya’y nag-abot sa akin ng ilang lumang magasing pampamilya at nagsabi: “Kukunin ko iyan mamayang gabi.”
Ang totoo ay hindi ko naman kailangan ang anuman upang ‘maalis sa aking isip ang lahat ng iyan.’ Habang ako’y nakakulong na mag-isa, nagunita ko ang mga teksto sa Bibliya na saulado ko at bumuo ako ng mga sermon at binigkas ko nang malakas. Datapuwat sinulyapan ko ang mga magasin upang tingnan kung ang mga ito’y may anumang teksto sa Kasulatan—at nakakita ako ng ilan! Ang isa ay nasa Filipos 1:6, na ang isang bahagi’y nagsasabi: “Ako’y may pagtitiwala . . . na ang nagpasimula sa inyo ng isang mabuting gawa ay lulubusin iyon hanggang sa matapos.” Ako’y nagpasalamat kay Jehova ukol sa ganitong pampatibay-loob.
Nang malaunan ako’y inilipat sa isang kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Pagkatapos, noong tagsibol ng 1939, nang nakatakdang matapos na ang pagkakulong sa akin, ang tagapamanihala ng kampo ay nagtanong kung nabago na ang aking mga paniniwala. “Ang hangarin ko’y manatiling tapat sa aking pananampalataya” ang tugon ko. Pagkatapos ay ipinabatid sa akin na ako’y ililipat sa piitang kampo sa Sachsenhausen.
Doon ay isinuko ko ang aking personal na kasuotan, ako’y naligo sa dutsa, inahitan sa buong katawan, at binigyan ng mga damit-preso. Pagkatapos ay pinapaligo na naman ako sa dutsa, sa pagkakataong ito ay lubos na nakabihis—na ang tawag ng SS ay “bautismo.” Pagkatapos ako ay pinilit na tumayo sa labas, na basang-basa, hanggang sa kinagabihan.
Sa mga kampo ang mga Saksi ni Jehova ay dumanas ng pambihirang kalupitan ng SS. Sa maraming pagkakataon kami’y pinatatayo nang kung ilang oras sa lugar na pinagmamartsahan. Kung minsan isa sa amin ang magbubuntung-hininga: “Hindi ba maganda na magkaroon ng isang talagang masarap na pagkain?” Ang isa ay tutugon: “Huwag mong ipako ang iyong isip sa ganiyang mga bagay. Basta isipin mo na isang karangalan ang manindigan alang-alang sa pangalan ni Jehova at sa kaniyang Kaharian.” At mayroon namang magsasabi: “Palalakasin tayo ni Jehova!” Sa ganitong paraan kami’y nagpapatibayan sa isa’t isa. Kung minsan kahit na isang palakaibigang pagtango ay sapat na upang magsabi: “Ibig kong maging tapat; ikaw rin naman!”
Ang Espirituwal na Pagkain sa Kampo
May mga nanguna sa pagpapakain sa mga kapatid ng pagkaing espirituwal, at ako’y napili upang tumulong sa kanila. Wala kaming taglay kundi isang makapal na Bibliyang Luther. Mangyari pa, ipinagbabawal ang pagkakaroon nito. Kaya ang kayamanang ito ay nakatago, at sa bawat bloke ng selda isa lamang inatasang kapatid ang maaaring magbuklat nito sandali. Pagdating ng turno ko, ako’y gumagapang sa ilalim ng kama na taglay ang isang flashlight at nagbabasa ako nang mga 15 minuto. Aking isinasaulo ang mga talata na sa bandang huli’y naipakikipag-usap ko sa pakikipagtalakayan sa mga kapatid sa aming bloke ng selda. Sa gayon, ang pamamahagi ng espirituwal na pagkain ay organisado sa papaano’t papaano man.
Lahat ng mga kapatid ay hinimok na manalangin kay Jehova para sa higit pang espirituwal na pagkain, at kaniyang dininig naman ang aming mga panalangin. Nang taglamig ng 1939/40 isang bagong kapipiit na kapatid ang nakapagpuslit sa kampo, sa tulong ng kaniyang paang kahoy, ng ilang mga bagong labas ng Ang Bantayan. Tila nga ito isang himala, yamang lahat ng tao roon ay maingat na hinahalughog.
Ang mga magasing ito, sa mga dahilang pangkaligtasan, ay ipinahihiram nang maghapunan sa piniling mga kapatid para mabasa ng bawat isa. Minsan, nang isang garahe ang itinatayo, ako’y namaluktot sa isang trintsera at nagbasa samantalang isang kapatid ang patuloy na nagbabantay sa labas. Sa isa pang pagkakataon Ang Bantayan ay inilapag ko sa aking kandungan sa panahon ng aming “oras ng pananahi” (sa gabi kami ay nauupo sa aming mga kuwartel at nagkukumpuni ng mga guwantes at iba pa), habang ang mga kapatid ay nangakaupo sa alinman sa dalawang tabi bilang mga bantay. Kapag may dumating na guwardiyang SS, Ang Bantayan ay agad kong itatago sa isang lihim na lugar. Kung sakaling ako’y mahuli ako ay papatayin!
Tinulungan kami ni Jehova sa isang kagila-gilalas na paraan upang masaulo ang mga kaisipan sa mga artikulo na nakapagpapatibay. Ang lubusang pagkapagod ang kadalasa’y humihila sa akin sa mahimbing na pagkatulog sa gabi. Subalit sa mga gabi pagkatapos na mabasa ko Ang Bantayan, ako’y gigising nang kung ilang beses at gugunitain ko nang buong linaw ang mga kaisipan. Ang inatasang mga kapatid sa ibang bloke ng selda ay mayroon ding nahahawig na mga karanasan. Sa ganoo’y pinatalas ni Jehova ang aming memorya upang aming maipamahagi ang espirituwal na pagkain. Ginawa namin ito sa pamamagitan ng paglapit sa bawat kapatid nang sarilinan at pagpapalakas sa kaniya.
Tapat Hanggang Kamatayan
Noong Setyembre 15, 1939, ang aming labor detachment ay kinailangan na bumalik sa kampo nang mas maaga kaysa rati. Ano ba ang okasyon? Si August Dickmann, isa sa aming nakababatang kapatid, ay bibitayin sa harap ng madla. Ang mga Nazi ay naniniwala na ito’y makakukumbinsi sa maraming mga Saksi na itakuwil ang kanilang pananampalataya. Pagkatapos ng pagbitay, lahat ng iba pang mga preso ay pinaalis na. Subalit kaming mga Saksi ni Jehova ay tinugis nang paroo’t parito sa lugar na kung saan nagpaparada ang mga preso, sinipa at ginulpi ng mga patpat hanggang sa hindi na kami makakilos pa. Kami ay minanduhan na lumagda sa isang deklarasyon na nagtatakuwil ng aming pananampalataya; kung hindi namin gagawin iyon, kami man ay babarilin din.
Kinabukasan, walang sinuman na pumirma. Sa katunayan, ang isang bagong preso, na pumirma pagdating niya, ngayon ay umurong sa kaniyang ginawang iyon. Mas gusto pa niyang mamatay na kasama ng kaniyang mga kapatid imbes na lisanin ang kampo bilang isang traidor. Nang sumunod na mga buwan, kami ay pinarusahan sa pamamagitan ng mabigat na trabaho, patuloy na masamang trato, at pagkakait sa amin ng pagkain. Mahigit na isandaan sa ating mga kapatid ang nangamatay noong matinding taglamig ng 1939/40. Sila’y nanatili hanggang sa wakas sa kanilang katapatan kay Jehova at sa kaniyang Kaharian.
Ngayon si Jehova ay nagdulot ng kaginhawahan. Maraming kapatid ang inilipat sa ibang lugar upang magtrabaho sa bagong katatatag na mga kampo, na kung saan sila’y binigyan ng maraming pagkain. Isa pa, ang pananakot ay medyo humupa. Nang tagsibol ng 1940, ako’y inilipat sa kampong piitan sa Neuengamme.
Espirituwal na mga Paglalaan sa Neuengamme
Nang ako’y dumating, may isang grupo ng mga dalawampung Saksi, na walang Bibliya o iba pang mga publikasyon. Ako’y nanalangin kay Jehova na ako sana’y tulungan niya na gamitin ang mga bagay na natutuhan ko sa Sachsenhausen upang palakasin ang mga kapatid sa Neuengamme. Bilang unang hakbang, naalaala ko ang mga kasulatan at pinili ko ang mga yaon bilang teksto sa araw-araw. Pagkatapos ay gumawa ng mga paglalaan para sa mga pulong na kung saan ako’y makapagpapaliwanag ng mga kaisipan buhat sa mga artikulo sa Bantayan na aking nabasa sa Sachsenhausen. Nang dumating ang mga bagong kapatid, kanilang iniulat ang natutuhan nila sa kamakailang labas na mga Bantayan.
Nang sumapit ang 1943 ang bilang ng mga Saksi ni Jehova sa Neuengamme ay umabot sa 70. Nagustuhan doon na ang mga Saksi ni Jehova ay magtrabaho sa labas ng kampo, tulad ng paglilinis pagkatapos ng pambobomba sa himpapawid. Kaya naman, kami’y lihim na nakapagpasok sa kampo ng mga Bibliya, mga sipi ng Ang Bantayan, at ng ilan sa mga aklat at brosyur ng Samahan. Kami’y tumanggap din ng mga balutan sa pamamagitan ng koreo, na may karagdagan pang mga literatura at gayundin pulang alak at tinapay na walang lebadura para sa taunang Memoryal. Maliwanag na binulag ni Jehova ang mga taong nagsusuri ng mga balutan.
Yamang kami’y kalat-kalat sa iba’t ibang barraks, kami’y bumuo ng pitong grupo sa Pag-aaral ng Bantayan, Bawat isa’y may konduktor at isang hahalili kung sakali. Lihim na gumawa ng mga kopya ng Ang Bantayan sa opisina ng komandante ng kampo, na pansamantalang pinagtatrabahuhan ko. Samakatuwid, bawat grupo sa pag-aaral ay tumanggap ng humigit-kumulang isang kumpletong isyu para sa lingguhang pag-aaral. Walang isa man sa pulong ang kinansela. Bukod dito, tuwing umaga sa lugar na pinagmamartsahan, ang mga grupo ay binibigyan ng kopya ng pang-araw-araw na teksto, kasali na ang isang komento na kuha sa Ang Bantayan.
Minsan ang SS ay may pista opisyal, kaya kami’y nakapagdaos ng kalahating-araw na kombensiyon at natalakay namin kung papaano mangangaral sa kampo. Ang kampo ay aming pinagbaha-bahagi sa mga teritoryo at nagsikap kaming sistematikong marating ang mga preso upang madala roon ang “mabuting balita ng kaharian.” (Mateo 24:14) Yamang ang mga preso ay nanggaling sa sari-saring mga bansa, kami’y gumawa ng mga testimony card sa maraming wika na nagpapaliwanag ng aming gawain at ng Kaharian. Kami’y nangaral nang buong sigasig na anupa’t ang mga presong pulitikal ay nagreklamo: “Saan ka man pumaroon, wala kang maririnig kundi ang usap-usapan tungkol kay Jehova!” Isang ulat ng paglilingkod sa larangan ng aming gawain ang nakarating pa man din sa tanggapang sangay sa Bern, Switzerland.
Lahat ay panatag hanggang sa ang Gestapo’y gumawa ng imbestigasyon sa lahat ng mga piitang kampo noong 1944. Ang bodega ng aming literatura sa Neuengamme ay hindi natiktikan, ngunit ilang mga bagay ang natagpuan kay Karl Schwarzer at sa akin. May tatlong araw na kami’y pinagtatanong at ginulpi. Nang matapos ang gayong pagpapahirap, kami’y kapuwa tadtad ng mga pasâ. Gayunman, sa tulong ni Jehova, kami’y nakaligtas.
Sagana ang Espirituwal na mga Pagpapala
Ako ay pinalaya ng tropa ng mga Alyado noong Mayo 1945. Nang araw pagkatapos na ako’y mapalaya, ako ay nagsimula sa paglakad na kasama ng isang munting grupo ng mga kapatid at mga taong interesado. Sa pagkapagod, kami’y naupo sa tabi ng isang balon sa unang nayon na aming narating at nagsiinom ng tubig. Pagkatapos na makapagpapresko, ako’y nagbahay-bahay dala ang isang Bibliya na kipkip ko sa kamay. Isang kabataang babae ang medyo naantig ang damdamin nang mapag-alaman na kaming mga Saksi ni Jehova ay ikinulong sa mga kampong piitan dahil sa aming pananampalataya. Siya’y biglang nawala na nagtungo pala sa kaniyang kusina, bumalik na may dalang sariwang gatas at mga sandwich para sa aming grupo.
Pagkatapos, samantalang nakasuot pa rin ng aming kasuotan sa kampo, aming ibinalita ang mensahe ng Kaharian sa buong nayon na iyon. Isa pang taganayon ang nag-anyaya sa amin na pumasok para sa isang saganang pagsasalu-salo. Kami’y sinilbihan niya ng mga bagay na hindi namin natikman sa loob ng maraming taon. Anong nakatutulo-ng-laway na tanawin! Gayumpaman, hindi namin basta-basta sinunggaban ang pagkain. Kami’y nanalangin muna at kumain sa paraan na tahimik, may magandang asal. Ganiyan na lamang ang paghanga rito ng mga nakakakita kung kaya’t nang aming pasimulan ang isang pulong pagkatapos, sila’y nakinig sa pahayag sa Bibliya. Isang babae ang tumanggap ng pabalita at sa ngayon siya ay ating espirituwal na sister.
Kami’y patuloy na naglakad at naranasan namin ang pangangalaga ni Jehova sa kagila-gilalas na mga paraan. Anong sarap, ngayon na may kalayaan na, na magpatuloy ng pagtatamasa ng lahat ng espirituwal na pagkaing lathala ng organisasyon ni Jehova at ibahagi ito sa iba! Nang sumunod na mga taon, ang aming lubusang pagtitiwala kay Jehova ay ginanti nang ulit at ulit.
Mula 1945 hanggang 1950, ako’y nagkapribilehiyo na maglingkod sa Magdeburg Bethel at pagkatapos, hanggang 1955, sa opisina ng Watch Tower Society sa Berlin. Pagkatapos, ako’y naglingkod bilang isang naglalakbay na tagapangasiwa hanggang 1963, nang ipatalastas ng aking maybahay, si Hilde, na siya’y nagdadalantao. (Si Eva, ang aking unang maybahay, ay namatay noong ako’y nakakulong, at ako’y nag-asawang muli noong 1958.) Ang aming anak na babae ay noong bandang huli naging isang masigasig na Saksi.
Kumusta naman ang aking mga anak sa aking unang asawa? Malungkot sabihin, ang aking anak na lalaki ay walang interes sa katotohanan. Ngunit ang aking anak na babaing si Gisela ay interesado, at siya’y nag-aral sa paaralang misyonero ng Gilead noong 1953. Siya ngayon ay naglilingkod, kasama ng kaniyang asawa, sa isa sa mga Assembly Hall sa Alemanya. Sa tulong ni Jehova, ako’y nakapananatiling isang regular pioneer buhat noong 1963 at naglilingkod kung saan malaki ang pangangailangan, una sa Frankfurt at pagkatapos ay sa Tübingen.
Hanggang sa araw na ito ako’y patuloy na nagtatamasa ng lahat ng mga paglalaan na ginawa ng organisasyon ni Jehova para sa kaniyang sambahayan ng pananampalataya. (1 Timoteo 3:15) Sa kasalukuyan, napakadaling kumuha ng espirituwal na pagkain, ngunit atin bang pinahahalagahan iyon sa tuwina? Ako’y nagtitiwala na si Jehova ay may saganang mga pagpapala na nakalaan para sa mga nagtitiwala sa kaniya, nananatiling tapat, at kumakain sa kaniyang hapag.
[Dayagram sa pahina 26, 27]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ANG PIITANG KAMPO NG SACHSENHAUSEN
A. Mga kuwartel ng SS
B. Looban na kinagaganapan ng roll-call
C. Gusali ng mga selda
D. Pagsosolo
E. Himpilan sa pag-aalis ng kuto
F. Lugar na pinagbibitayan
G. Gas chamber