Si Jehova—“Isang Dakilang Personang Mandirigma”
ANG labis na mahuhusay na puwersa ng hukbong Ehipsiyo ay lipól na. Sa kahabaan ng Mapulang Dagat, ang mga bangkay ng mga nagpapatakbo ng mga karo at mga sundalong mangangabayo ay sinisiklut-siklot ng mga alon, at kagamitang militar ang naghambalang sa dalampasigan. Sa pangunguna ni Moises, ang mga Israelita ay nagsayá ng pag-awit ng tagumpay: “Ako’y aawit kay Jehova, sapagkat siya’y nagtagumpay nang lubhang maluwalhati. Ang kabayo at ang sakay niyaon ay kaniyang ibinulusok sa dagat. Si Jehova ay isang dakilang personang mandirigma. Jehova ang kaniyang pangalan.”—Exodo 15:1, 3.
Ang tagumpay ni Jehova sa Mapulang Dagat ay tunay na isang pagtatanghal ng kaniyang pagkaulos sa lahat sa digmaan. Ang Israel ay lumisan sa Ehipto na nakaporma sa pakikidigma ngunit bahagya lamang ang kakayahan na lumaban. Sa pamamagitan ng isang haliging ulap na nagiging isang haliging apoy sa gabi, sila’y inakay ni Jehova mula sa Rameses hanggang sa “gilid ng ilang” sa Etham. (Exodo 12:37; 13:18, 20-22) Pagkatapos ay sinabi ni Jehova kay Moises: “Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila’y bumalik at magkampamento sa tapat ng Pihahiroth sa pagitan ng Migdol at ng dagat sa tapat ng Baal-zephon. . . . Kung magkagayo’y tiyak na sasabihin ni Faraon tungkol sa mga anak ni Israel, ‘Sila’y magkakagulo na pagala-gala sa lupain.’ . . . At tiyak na kaniyang hahabulin sila.” (Exodo 14:1-4) Taglay ang pagkamasunurin, ang Israel ay bumalik at naglakbay patungong Pihahiroth. Ang mga tiktik ni Faraon ay nag-ulat tungkol sa waring kalituhan, at gaya ng inihula, inihanda ni Faraon ang kaniyang hukbo para humabol.—Exodo 14:5-9.
Isang Silò—Para ba sa Israel o Para kay Faraon?
Nakukulong ng mga bundok sa magkabilang panig, nasa harap ang dagat, at mga Ehipsiyo ang nasa likod, ang nahihintakutang mga Israelita ay waring nasilo nga, kaya’t sila’y humingi ng tulong sa Diyos. Upang pasiglahin ang bayan, sinabi ni Moises: “Huwag kayong matakot. Kayo’y tumayong matatag at masdan ang pagliligtas ni Jehova, na kaniyang gagawin para sa inyo sa araw na ito. Sapagkat ang mga Ehipsiyo na inyong nakikita sa araw na ito ay hindi na ninyo makikitang muli, hindi na nga, hindi na. Si Jehova mismo ang makikipaglaban para sa inyo, at kayo mismo ay tatahimik.” (Exodo 14:10-14) Bilang katuparan ng pangakong iyan, “ang haliging ulap ay humiwalay sa harap nila at lumagay sa likod nila. Sa gayo’y nasa pagitan niyaon ang kampamento ng mga Ehipsiyo at ng kampamento ng Israel. . . . At ang grupong ito ay hindi lumapit sa grupong iyan nang buong magdamag.”—Exodo 14:15-20.
Gaya ng iniutos ni Jehova, ang kaniyang baston ay iniangat ni Moises sa ibabaw ng dagat at “hinati iyon” upang ang mga Israelita ay makatakas. At isang nakapagtatakang himala ang naganap! (Exodo 14:16, 21) Isang malakas na hangin buhat sa silangan ang nagsimulang hatiin ang tubig ng Mapulang Dagat, nagtayo ng isang madaraanan na may sapat na luwang para sa buong bansa—mga tatlong milyong katao—na daraan doon na nakaporma para sa digmaan. Sa kaliwa’t kanan ng mga Israelita, ang “namuong” tubig ay mistulang dalawang pagkatataas na pader.—Exodo 15:8.
Ang mga Israelita, sa tulong ng liwanag buhat sa haliging apoy, ay nangakatawid sa tinuyo ng hangin na lunas ng dagat. Nang sumapit ang umaga, ang huling Israelita ay umahon sa kabilang dalampasigan. “At hinabol sila ng mga Ehipsiyo, at nagsipasok na kasunod nila sa gitna ng dagat, lahat ng mga kabayo ni Faraon, ang kaniyang mga karo, at ang kaniyang mga mangangabayo.” Ang mga nagsihabol ay dagling nahuli sa isang silò!—Exodo 14:23.
“[Si Jehova] ay humayo at ginulo ang kampamento ng mga Ehipsiyo. At kaniyang inalisan ng mga gulong ang kanilang mga karo kung kaya sila’y nahihirapang patakbuhin iyon.” Ngayon ay iniunat ni Moises ang kaniyang kamay sa ibabaw ng dagat, at “ang dagat ay sumauli sa dati.” Ang mga pader ng tubig ay gumiba at nagsimulang matabunan ang mga Ehipsiyo. Sinubok nilang tumakas, “ngunit [sila] ay pinalis ni Jehova sa gitna ng dagat.” Walang isa man ang nakaligtas! Sa malaking katuwaan ay inawitan ng mga Israelita si Jehova ng kanilang awit ng tagumpay.—Exodo 14:24–15:3; Awit 106:11.
Ipinaglaban ni Jehova si Josue
Si Jehova ay napatunayang “isang dakilang personang mandirigma” sa iba pang labanan. Isa ay ang labanan sa Ai. Ang unang pag-atake sa siyudad ay nabigo dahilan sa malubhang kasalanan ni Achan. Nang ang ganitong bagay ay ituwid, si Jehova ay nagbigay kay Josue ng mga utos sa pakikipaglaban.—Josue 7:1, 4, 5, 11-26; 8:1, 2.
Sa pagsunod sa mga tagubilin ni Jehova, sa kinagabihan si Josue ay gumawa ng pananambang sa likod ng lunsod, sa kanlurang panig nito. Ang malaking bahagi ng kaniyang hukbo ay inilipat sa gawing hilaga sa isang libis na nasa labas lamang ng Ai at sa malas ay handa para sa pag-atake sa gawing harap. Ang mga lalaki naman ng Ai ay nahulog sa patibong. Habang nagkakatuwaan dahilan sa tagumpay ng kanilang unang sagupaan, sila’y walang hunos-diling dumagsang palabas sa lunsod sa pagsagupa sa mga Israelita. Sa pagkukunwang umaatras, ang mga Israelita ay tumakas sa pamamagitan ng “daan sa ilang,” samantalang ang kaaway ay lalo pang napalayo sa Ai.—Josue 8:3-17.
Sa tamang sandali, sinabi ni Jehova kay Josue: “Iunat mo ang sibat na nasa iyong kamay sa dakong Ai, sapagkat ibibigay ko iyon sa iyong kamay.” Sa hudyat na ito, ang mga lalaking mananambang ay lumusob sa lunsod, at sinakop iyon at sinilaban. Nang makita ang usok, ang mga hukbo ng kaaway sa labas ay lubos na natilihan. Si Josue, na huminto na nang pag-atras upang sumalakay, ay nag-umang ng patibong upang makulong ang mga kaaway sa pagitan ng kaniyang dalawang hukbo. Isa ba itong tagumpay ng tao? Hindi. Ang mga Israelita ay nagwagi dahilan sa, gaya ng sinabi ni Josue sa kanila noong bandang huli: “Si Jehova mong Diyos ang lumalaban para sa iyo.”—Josue 8:18-27; 23:3.
Ang Labanan sa Kishon
Muli na namang napatanghal sa Libis ng Kishon, malapit sa Megiddo, ang pagkawalang-katulad ni Jehova sa digmaan. May 20 taon na ang Israel ay napasailalim ng paniniil ng haring Cananeo na si Jabin. Ang kaniyang hukbo, sa ilalim ng komandanteng si Sisera, ay binuo ng 900 karong pandigma na may mga lingkaw na bakal sa kanilang mga gulong—waring isang hukbo na hindi mo maigugupo noong mga kaarawang iyon.—Hukom 4:1-3.
Gayunman, sa pamamagitan ng propetisang si Debora, iniutos ni Jehova kay Hukom Barak na magsampa ng sampung libong kawal sa taluktok ng Bundok Tabor upang hamunin ang mga kawal ni Jabin. Si Sisera ay dagling nagparami naman ng kaniyang mga kawal, mula sa Harosheth ay nagmamadaling naparoon sa libis ng Kishon, sa pagitan ng Bundok Tabor at Megiddo. Walang alinlangan na nangatuwiran siyang dito sa kapatagan, ang mga kawal ng Israel na walang mahuhusay na armas ay hindi makatatayo laban sa kaniyang mga karo. Ngunit, hindi niya naisip man lamang na ang kalaban niya ay isang makalangit na Kaaway.—Hukom 4:4-7, 12, 13.
Iniutos ni Jehova kay Barak na buhat sa matiwasay na kaitaasan ng Tabor ay lumipat siya sa libis, anupa’t upang lansihin ang mga tropa ni Sisera para lumaban. Nang magkagayo’y sumalakay si Jehova! Dahilan sa isang biglaang baha ang larangan ng labanan ay naging isang latian, anupa’t ang mga tropa ni Sisera ay hindi na nakaabante. Sa kaguluhang iyon, madaling naigupo ng mga kawal ng Israel ang kanilang kaaway. “Ang buong hukbo ni Sisera ay nahulog sa talim ng tabak. Walang isa man na natira.” Dahil sa paglaki ng tubig-baha ng Kishon hindi na nakaahon doon ang mga karo ng mga Cananeo at marahil ay natangay ang ibang bangkay.—Hukom 4:14-16; 5:20, 21.
Tagumpay Laban kay Gog at sa Kaniyang Pulutong
Ang sinaunang mga pangyayaring ito ay nagsilbing anino ng pinakadakilang tagumpay ni Jehova na darating pa lamang. Natatanaw na ngayon ang isang labanan na masasaksihan “sa huling bahagi ng mga taon.” Sang-ayon sa hula ni Ezekiel, si Gog, na isang sagisag ng “pinunò ng sanlibutang ito,” si Satanas na Diyablo, ay magpapakilos ng isang internasyonal na hukbong pang-atake. Kaniyang uutusan ang kaniyang mga tropa na lusubin ang makasagisag na “mga bundok ng Israel,” samakatuwid nga, ang itinaas na espirituwal na kalagayan ng Kristiyanong “Israel ng Diyos.”—Ezekiel 38:1-9; Juan 12:31; Galacia 6:16.
Ano ang umaakit kay Gog na isagawa itong puspusang pag-atake sa bayan ng Diyos? Tinutukoy ng hula ang kanilang mapayapa, maunlad sa espirituwal na kalagayan. Sinasabi ni Gog: “ ‘Ako’y sasampa sa lupaing may mga nayong walang kuta. Sasampahin ko sila na nasa katahimikan, na nagsisitahang tiwasay, silang lahat na nagsisitahang walang kuta, at wala kahit mga halang o mga pintuang-bayan man.’ Ito’y upang kumuha ng malaking samsam at upang kumuha ng maraming huli . . . [laban sa] bayan . . . na nagkakamal ng kayamanan at ari-arian.”—Ezekiel 38:10-12.
Sa pangkalahatan, ang bayan ni Jehova ay hindi naman mayaman sa materyal na mga ari-arian. Kundi, sila’y nakapagtipon ng saganang espirituwal na kayamanan bilang resulta ng kanilang pambuong-daigdig na gawaing pangangaral. “Isang malaking pulutong . . . buhat sa lahat ng bansa” ang natipon, na ngayo’y may bilang na mahigit na apat na milyon. (Apocalipsis 7:9, 10) Kayamanan nga! Si Satanas—palibhasa’y nananaghili sa espirituwal na kaunlaran—ay nagtatangka na lipulin ang bayan ng Diyos.
Subalit sa pagtuntong sa makasagisag na lupain ng Israel, si Gog, sa katunayan, ay umaatake sa Diyos na Jehova mismo. “Ang aking kapusukan ay sasampa sa aking mga butas ng ilong,” ang sabi ni Jehova, na gaganti sa kapakanan ng kaniyang bayan. Ang mga hukbo ni Gog ay mapaparam sa di-kawasang kaguluhan. “Ang tabak ng bawat lalaki ay magiging laban sa kaniyang sariling kapatid.” Pagkatapos ay pakakawalan ni Jehova ang kaniyang lakas sa pagpuksa—“isang napakalakas na ulan at mga graniso, ng apoy at asupre.” Sa Mapulang Dagat, Ai, at Kishon, minsan pang ipaglalaban ni Jehova ang kaniyang bayan at luluwalhatiin ang kaniyang pangalan. “Ako’y pakikitang dakila at banal at magpapakilala sa harap ng mga mata ng maraming bansa; at kanilang makikilala na ako ay si Jehova.”—Ezekiel 38:18-23.
Ang makasaysayang ulat ng mga pakikipagbaka ni Jehova noong sinaunang panahon ay nagbibigay sa atin ng dahilan para sa lubos na pagtitiwala sa hinaharap na pagtatagumpay na ito sa panahon ng “malaking kapighatian.” (Mateo 24:21, 22) Dahil sa laging may kapangyarihang kumontrol, madaraig ni Jehova ang pag-iisip ng kaniyang mga kaaway at mamaneobrahin niya ang mga kalagayan ukol sa kaligtasan ng kaniyang bayan. Oo, ito’y magpapatunay na gaya ng inihula ni Isaias: “Si Jehova ay lalabas na gaya ng makapangyarihang lalaki. Gaya ng mandirigma siya’y pupukaw ng sigasig. Siya’y hihiyaw, oo, siya’y hihiyaw ng isang hiyaw na pandigma; siya’y pakikitang mas makapangyarihan kaysa kaniyang mga kaaway.” (Isaias 42:13) Sa mga mata ng kaniyang mga Saksi, siya sa lahat ng panahon ay magiging SI JEHOVA, ANG “DAKILANG PERSONANG MANDIRIGMA”!—Exodo 15:3.
[Mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ruta ng Exodo buhat sa Ehipto
GOSHEN
Memphis
Rameses
Succoth
Migdol
Pihahiroth
Etham
[Mga larawan sa pahina 26]
Dito, sa lugar ng Ai, inakay ni Jehova si Josue at ang Kaniyang bayan tungo sa isang nakasisindak na tagumpay
Ang tubig ng Kishon ay dagling tumaas, at nakatulong ito sa pagkatalo ng mga kaaway ni Jehova
[Credit Line]
Photos: Pictorial Archive (Near Eastern History) Est.