Isagawa ang Pananampalataya Salig sa Katotohanan
“Kung walang pananampalataya ay hindi makalulugod na mainam sa kaniya, sapagkat ang lumalapit sa Diyos ay kinakailangang sumampalataya sa kaniya at siya ang tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.”—HEBREO 11:6.
1, 2. Papaanong ang pananampalataya ni Adan ay nalagay sa pagsubok, at ano ang resulta?
SA PANANAMPALATAYA ay kailangan ang higit pa kaysa paniniwala na umiiral ang Diyos. Ang unang tao, si Adan, ay walang alinlangan tungkol sa pag-iral ng Diyos na Jehova. Ang Diyos ay nakipagtalastasan kay Adan, malamang na sa pamamagitan ng Kaniyang Anak, ang Salita. (Juan 1:1-3; Colosas 1:15-17) Gayunman, naiwala ni Adan ang pag-asang buhay na walang-hanggan sapagkat siya’y hindi sumunod kay Jehova at isinagawa ang pananampalataya sa kaniya.
2 Ang hinaharap na kaligayahan ni Adan ay waring naisapanganib nang ang kaniyang asawa, si Eva, ay sumuway kay Jehova. Bueno, ang mismong kaisipan na ito’y mawawala sa kaniya ay naglagay sa pagsubok sa pananampalataya ng unang tao! Ang suliranin kayang ito ay malulutas ng Diyos sa isang paraan na makatitiyak si Adan ng patuloy na kaligayahan at ikabubuti niya? Sa pagsama niya kay Eva sa pagsalansang, ipinakita ni Adan na malinaw na hindi gayon ang kaniyang inisip. Kaya tinangka niyang lutasin ang suliranin ayon sa kaniyang paraan, imbes na puspusang hanapin ang banal na patnubay. Sa hindi pagsasagawa ng pananampalataya kay Jehova, si Adan ay nagdulot ng kamatayan sa kaniyang sarili at sa lahat ng kaniyang supling.—Roma 5:12.
Ano ang Pananampalataya?
3. Papaanong sa Bibliya ang kahulugan ng pananampalataya ay naiiba sa pangangahulugan na nasa isang diksiyunaryo?
3 Sa isang diksiyunaryo ang kahulugan ng pananampalataya ay “matibay na paniniwala sa isang bagay na walang patotoo.” Subalit, palibhasa’y hindi sumasang-ayon sa pangangahulugang iyan, ang kabaligtaran ang idiniriin ng Bibliya. Ang pananampalataya ay nakasalig sa mga katotohanan, sa mga katunayan, sa totoo. Sinasabi ng Kasulatan: “Ang pananampalataya ang tiyak na pag-asa sa mga bagay na hinihintay, ang malinaw na katunayan ng mga totohanang bagay bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Ang isang tao na may pananampalataya ay may garantiya na lahat ng ipinangako ng Diyos ay para na ring natupad. Napakatibay ang kapani-paniwalang patotoo ng di-nakikitang totohanang bagay na anupa’t sinasabing ang pananampalataya ay katumbas na rin ng patotoong iyon.
4. Papaanong ang isang reperensiya ay umaayon sa pangangahulugan ng Bibliya sa pananampalataya?
4 Sa New World Translation, ang causative form ng pandiwang Hebreo na ’a·manʹ ay kung minsan isinasaling “isagawa ang pananampalataya.” Sang-ayon sa Theological Wordbook of the Old Testament, “ang pinakamahalagang kahulugan ng ugat ay ideya ng pagiging tiyak . . . na naiiba sa modernong mga konsepto ng pananampalataya bilang isang bagay na posible, maaasahang totoo, ngunit hindi tiyak.” Ang reperensiya ring iyan ay nagsasabi: “Ang hinango rito na ʼāmēn ‘sa katunayan’ ay makikita sa Bagong Tipan sa salitang amēn na [siyang] salitang Ingles na ‘amen.’ Malimit na ginamit ni Jesus ang salita (Mt 5:18, 26, atb.) upang idiin ang katiyakan ng isang bagay.” Ang salitang isinaling “pananampalataya” sa Kasulatang Griego Kristiyano ay nangangahulugan ding paniniwala sa isang bagay na matibay na nakasalig sa bagay na totoo o katotohanan.
5. Papaano ginamit sa sinaunang mga dokumento sa negosyo ang salitang Griegong isinaling “tiyak na pag-asa” sa Hebreo 11:1, at ano ang kahulugan nito para sa mga Kristiyano?
5 Ang salitang Griego (hy-poʹsta-sis) na isinaling “tiyak na pag-asa” sa Hebreo 11:1 at karaniwan nang ginagamit sa sinaunang mga dokumentong papiro sa negosyo upang magbigay ng ideya ng isang bagay na gumagarantiya ng pagkakamit niyaon sa hinaharap. Ang mga iskolar na sina Moulton at Milligan ay nagmumungkahi ng salin na: “Ang pananampalataya ang titulo sa mga bagay na inaasahan.” (Vocabulary of the Greek Testament) Maliwanag, kung taglay ng isang tao ang titulo sa ari-arian, siya’y maaaring magkaroon ng “tiyak na pag-asa” na balang araw matutupad ang kaniyang pag-asa na makamit iyon.
6. Ano ang kahulugan ng salitang Griego na isinaling “malinaw na katunayan” sa Hebreo 11:1?
6 Sa Hebreo 11:1, ang salitang Griego na isinaling “malinaw na katunayan” (eʹleg·khos) ay nagbibigay ng ideya ng pagpiprisinta ng ebidensiya upang patunayan ang isang bagay, partikular na sa isang bagay na salungat sa nakikita. Ang positibo o matibay na ebidensiya ang gumagawang malinaw sa dati’y hindi nauunawaan, sa gayo’y pinabubulaanan ang dati’y lumilitaw na ganoon nga. Samakatuwid sa kapuwa Hebreo at Griegong Kasulatan, ang pananampalataya ay tiyak na hindi nangangahulugang “matibay na paniniwala sa isang bagay na walang patotoo.” Salungat dito, ang pananampalataya ay salig sa katotohanan.
Salig sa Mahalagang mga Katotohanan
7. Papaano tinutukoy ni Pablo at ni David ang mga nagkakaila sa pag-iral ng Diyos?
7 Si apostol Pablo ay nagsalita ng isang mahalagang katotohanan nang kaniyang isulat na ang Maylikha ay may “di-nakikitang mga katangian na malinaw na nakikita magmula pa nang paglalang sa sanlibutan, sapagkat natatanto sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniya mang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, kaya’t [ang mga mananalansang sa katotohanan] ay walang maidadahilan.” (Roma 1:20) Oo, “ang langit ay nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos,” at “ang lupa ay punô ng [kaniyang] mga gawa.” (Awit 19:1; 104:24) Ngunit ano kung ang isang tao ay tumatangging isaalang-alang ang katunayan? Ang salmistang si David ay nagsabi: “Ang taong balakyot dahil sa kaniyang pagmamataas [“pagkaarogante,” The New English Bible] ay hindi nagsasaliksik; lahat ng kaniyang kaisipan ay: ‘Walang Diyos.’ ” (Awit 10:4; 14:1) Sa isang bahagi, ang pananampalataya ay salig sa pinakamahalagang katotohanan na umiiral ang Diyos.
8. Anong katiyakan at unawa ang taglay ng mga nagsasagawa ng pananampalataya?
8 Si Jehova ay hindi lamang basta umiiral; siya ay mapagkakatiwalaan din, at tayo’y makapanghahawakan sa kaniyang mga pangako. Sinabi niya: “Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking ipinanukala ay gayon matutupad.” (Isaias 14:24; 46:9, 10) Ito ay hindi mga salitang walang kabuluhan. Ito’y malinaw na patotoo na daan-daang hulang nasusulat sa Salita ng Diyos ang natupad na. Taglay ang ganitong kaliwanagan, ang mga nagsasagawa ng pananampalataya ay nakauunawa rin na patuloy na natutupad ang maraming iba pang mga hula sa Bibliya. (Efeso 1:18) Halimbawa, kanilang nakikita na natutupad “ang tanda” ng pagkanaririto ni Jesus, kasali na ang pinabibilis na pangangaral ng natatatag na Kaharian, at gayundin ang inihulang paglawak ng tunay na pagsamba. (Mateo 24:3-14; Isaias 2:2-4; 60:8, 22) Batid nila na hindi na magtatagal at ang mga bansa ay sisigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” at di-magluluwat pagkatapos ay “ipahahamak [ng Diyos] ang mga nagpapahamak ng lupa.” (1 Tesalonica 5:3; Apocalipsis 11:18) Anong laking pagpapala ang magkaroon ng pananampalatayang salig sa makahulang mga katotohanan!
Isang Bunga ng Banal na Espiritu
9. Ano ang kaugnayan ng pananampalataya at ng banal na espiritu?
9 Ang katotohanan na pinagsasaligan ng pananampalataya ay masusumpungan sa Bibliya, isang bunga ng banal na espiritu ng Diyos. (2 Samuel 23:2; Zacarias 7:12; Marcos 12:36) Kung gayon, makatuwiran nga, na ang pananampalataya ay hindi makaiiral nang hiwalay sa pagkilos ng banal na espiritu. Kaya naman si Pablo ay sumulat: “Sa bunga ng espiritu [ay kasali] . . . ang pananampalataya.” (Galacia 5:22) Subalit marami ang tumatanggi sa banal na katotohanan, pinarurumi ang kanilang mga buhay sa makalamang mga pita at mga punto de vista na pumipighati sa espiritu ng Diyos. Sa gayon, “ang pananampalataya ay hindi taglay ng lahat ng tao,” sapagkat sila’y walang saligan upang mapaunlad nila iyon.—2 Tesalonica 3:2; Galacia 5:16-21; Efeso 4:30.
10. Papaano ipinakita ng ibang sinaunang mga lingkod ni Jehova na kanilang isinagawa ang pananampalataya?
10 Gayunman, sa mga inapo ni Adan ay may iba na nagsagawa ng pananampalataya. Sa Hebreo kabanata 11 ay binabanggit sina Abel, Enoc, Noe, Abraham, Sara, Isaac, Jacob, Jose, Moises, Rahab, Gideon, Barak, Samson, Jepte, David, at Samuel, kasama ang marami pang di-binanggit ang pangalan na mga lingkod ni Jehova, na “pinatotohanan sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya.” Pansinin ang nagawa “sa pamamagitan ng pananampalataya.” Sa pamamagitan ng pananampalataya si Abel ay “naghandog sa Diyos ng isang hain” at si Noe ay “nagtayo ng isang daong.” Sa pamamagitan ng pananampalataya si Abraham ay “sumunod at naparoon sa isang dako na kaniyang tatanggapin bilang isang mana.” At sa pamamagitan ng pananampalataya, si Moises ay “lumisan sa Ehipto.”—Hebreo 11:4, 7, 8, 27, 29, 39.
11. Ano ang ipinakikita ng Gawa 5:32 tungkol sa mga taong sumusunod sa Diyos?
11 Maliwanag, lahat ng mga lingkod na iyon ni Jehova ay higit pa ang ginawa kaysa maniwala lamang sa pag-iral ng Diyos. Samantalang isinasagawa ang pananampalataya, sila’y nagtiwala sa kaniya bilang ang Isa na “tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa kaniya.” (Hebreo 11:6) Kanilang ginawa ang iniutos sa kanila na gawin ng espiritu ng Diyos, na kumikilos salig sa tumpak na kaalaman sa katotohanan na maaaring kamtin noon, bagaman iyon ay limitado. Anong laking kaibahan kay Adan! Siya’y hindi kumilos nang may pananampalataya na nakasalig sa katotohanan o ayon sa iniutos ng banal na espiritu. Tanging sa mga sumusunod sa kaniya ibinibigay ng Diyos ang kaniyang espiritu.—Gawa 5:32.
12. (a) Sa ano may pananampalataya si Abel, at papaano niya ipinakita ito? (b) Sa kabila ng kanilang pananampalataya, ano ang hindi nakamit ng mga saksi ni Jehova bago ng panahon ng mga Kristiyano?
12 Di-tulad ng kaniyang ama, na si Adan, ang maka-Diyos na si Abel ay may pananampalataya. Maliwanag na buhat sa kaniyang mga magulang, kaniyang naalaman ang unang hula na ipinahayag: “Pag-aalitin ko [ng Diyos na Jehova] ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Kaniyang susugatan ka sa ulo at iyong susugatan siya sa sakong.” (Genesis 3:15) Ganiyan ipinangako ng Diyos na lilipulin ang kabalakyutan at isasauli ang katuwiran. Kung papaano matutupad ang pangakong ito, hindi iyan alam ni Abel. Subalit ang kaniyang pananampalataya na ang Diyos ang Tagapagbigay-gantimpala sa mga nagsisihanap nang masikap sa Kaniya ay may sapat na tibay upang magpakilos sa kaniya na maghandog ng isang hain. Malamang na kaniyang puspusang pinag-isipan ang hula at naniwala siya na ang pagtitigis ng dugo ay kakailanganin upang matupad ang pangako at madala ang tao sa kasakdalan. Kung gayon, ang inihain ni Abel na mga hayop ay angkop. Gayunman, sa kabila ng kanilang pananampalataya si Abel at ang iba pang mga saksi ni Jehova bago ng panahon ng mga Kristiyano ay “hindi nagkamit ng katuparan ng pangako.”—Hebreo 11:39.
Pagsakdal sa Pananampalataya
13. (a) Ano ang nalaman ni Abraham at ni David tungkol sa katuparan ng pangako? (b) Bakit masasabing “ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo”?
13 Pana-panahon sa paglakad ng daan-daang taon, ang Diyos ay nagsiwalat ng karagdagang katotohanan tungkol sa kung papaano matutupad ang pangako tungkol sa ‘binhi ng babae.’ Si Abraham ay pinagsabihan: “Sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain nga ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili.” (Genesis 22:18) Nang magtagal, sinabihan si Haring David na ang ipinangakong Binhi ay darating sa pamamagitan ng kaniyang makaharing angkan. Noong 29 C.E., ang Binhing iyon ay lumitaw sa katauhan ni Jesu-Kristo. (Awit 89: 3, 4; Mateo 1:1; 3:16, 17) Ibang-iba sa walang pananampalatayang si Adan, “ang huling Adan,” si Jesu-Kristo, ay uliran sa pagpapakita ng pananampalataya. (1 Corinto 15:45) Ang kaniyang buhay ay itinalaga niya sa paglilingkod kay Jehova at tinupad niya ang maraming hula tungkol sa Mesiyas. Sa gayon, ginawa ni Jesus na maging lalong maliwanag ang katotohanan tungkol sa ipinangakong Binhi at ang mga bagay na ipinaaninaw ng Kautusang Mosaiko ay kaniyang tinupad. (Colosas 2:16, 17) Kung gayon ay masasabing “ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo.”—Juan 1:17.
14. Papaano ipinakita ni Pablo sa mga taga-Galacia na ang pananampalataya ay nagkaroon ng mga bagong anyo?
14 Ngayon na ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, mayroon nang pinalawak na pundasyon na mapagsasaligan ng pananampalataya sa “pangako.” Ang pananampalataya ay ginawang lalong matatag, nagkaroon ng mga bagong anyo, wika nga. Sa bagay na ito si Pablo ay nagsabi sa kaniyang kapuwa pinahirang mga Kristiyano: “Ikinulong ng Kasulatan ang lahat ng bagay sa ilalim ng kasalanan, upang ang pangako na bunga ng pananampalataya kay Jesu-Kristo ay maibigay sa mga nagsasagawa ng pananampalataya. Ngunit, bago dumating ang pananampalataya, tayo ay nabibilanggo sa ilalim ng kautusan, palibhasa’y sama-samang nakakulong, na hinihintay ang pananampalataya na itinalagang mahayag. Kaya ang Kautusan ang naging guro natin patungo kay Kristo, upang tayo’y ariing matuwid dahil sa pananampalataya. Ngunit ngayon na naririto na ang pananampalataya, wala na tayo sa ilalim ng isang guro. Sa katunayan, mga anak kayong lahat ng Diyos dahil sa inyong pananampalataya kay Kristo Jesus.”—Galacia 3:22-26.
15. Sa papaano lamang mapasasakdal ang pananampalataya?
15 Ang mga Israelita ay nagsagawa ng pananampalataya sa pakikitungo ng Diyos sa kanila sa pamamagitan ng tipang Kautusan. Subalit ngayon ang pananampalatayang ito ay kailangang maragdagan pa. Papaano? Sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananampalataya sa pinahiran-ng-espiritung si Jesus na sa kaniya nilayon na akayin sila ng Kautusan. Sa ganiyang paraan lamang mapasasakdal ang pananampalataya bago noong panahon ng mga Kristiyano. Anong pagkahala-halaga nga na ang mga unang Kristiyanong iyon ay ‘masidhing magmasid kay Jesus, ang Punong Ahente at Tagasakdal ng kanilang pananampalataya’! (Hebreo 12:2) Oo, lahat ng Kristiyano ay kailangang gumawa niyan.
16. Papaano dumating ang banal na espiritu sa isang masidhing paraan, at bakit?
16 Dahilan sa naragdagang kaalaman sa banal na katotohanan at sa ibinungang sakdal na pananampalataya, ang banal na espiritu rin ba ay nakatakdang dumating sa isang masidhing paraan? Oo. Noong Pentecostes 33 C.E., ang espiritu ng Diyos, ang ipinangakong katulong na tinukoy ni Jesus, ay ibinuhos sa kaniyang mga alagad. (Juan 14:26; Gawa 2:1-4) Ang banal na espiritu noon ay nagpakilos na sa kanila sa isang lubos na bagong paraan bilang pinahirang mga kapatid ni Kristo. Ang kanilang pananampalataya, na isang bunga ng banal na espiritu, ay napalakas. Ito ay nagsangkap sa kanila para sa pagkalaki-laking gawaing paggawa ng mga alagad na nasa harapan nila.—Mateo 28:19, 20.
17. (a) Papaano dumating ang katotohanan at papaano pinasakdal ang pananampalataya buhat noong 1914? (b) Ano ang ating katunayan na ang banal na espiritu ay kumikilos na buhat noong 1919?
17 Ang pananampalataya ay dumating nang iharap ni Jesus ang kaniyang sarili bilang Haring-Hinirang mahigit na 1,900 taon na ngayon. Subalit ngayon na siya’y isang nagpupunong makalangit na Hari, ang ating saligan ng pananampalataya—ang isiniwalat na katotohanan—ay pagkalaki-laki ang isinulong, sa gayo’y pinasakdal ang ating pananampalataya. Gayundin, ang pagkilos ng banal na espiritu ay lalong sumidhi. Malinaw ang katunayan nito noong 1919, nang ang nag-alay na mga lingkod ng Diyos ay muling pasiglahin ng banal na espiritu buhat sa isang kalagayan na halos hindi na kumikilos. (Ezekiel 37:1-14; Apocalipsis 11:7-12) Ang pundasyon ay inilatag noon para sa isang espirituwal na paraiso, na sa lumakad na mga dekada ay naging lalong kitang-kita at patuloy na nagniningning taun-taon. Mayroon pa bang hihigit diyan na lalong malaking katunayan na ang banal na espiritu ng Diyos ay kumikilos?
Bakit Susuriin ang Ating Pananampalataya?
18.Papaano ang mga tiktik na Israelita ay naiiba sa isa’t isa tungkol sa pananampalataya?
18 Hindi pa nagtatagal pagkatapos na ang mga Israelita ay iligtas sa pagkaalipin sa Ehipto, 12 lalaki ang pinapunta upang maniktik sa lupain ng Canaan. Datapuwat, sampu sa kanila ang kulang ng pananampalataya, nag-aalinlangan sa kakayahan ni Jehova na tuparin ang kaniyang pangako na ibigay sa Israel ang lupain. Ang kanilang motibo ay nakasalig sa paningin, sa pisikal na mga bagay. Sa 12, tanging si Josue at si Caleb lamang ang nagpakita na sila’y lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi ng paningin. (Ihambing ang 2 Corinto 5:7.) Sapagkat kanilang isinagawa ang pananampalataya, sila lamang sa lahat ng mga lalaking iyon ang nakaligtas upang makapasok sa Lupang Pangako.—Bilang 13:1-33; 14:35-38.
19. Papaanong ang pundasyong kinasasaligan ng pananampalataya ay mas malalim ngayon kaysa kailanman, gayunman ay ano ang dapat nating gawin?
19 Sa ngayon, tayo ay nakatayo sa mga hangganan ng bagong sanlibutan ng Diyos ng katuwiran. Kung nais nating makapasok dito, kailangan ang pananampalataya. Nakatutuwa naman, ang pundasyon ng katotohanan na dapat pagsaligan ng pananampalataya ay mas malalim ngayon higit kailanman. Taglay natin ang buong Salita ng Diyos, ang halimbawa ni Jesu-Kristo at ng kaniyang pinahirang mga tagasunod, ang pagsuporta ng milyun-milyong espirituwal na mga kapatid, at ang pag-alalay na lubusan ng banal na espiritu ng Diyos. Gayunman, makabubuting suriin natin ang ating pananampalataya at gumawa ng mga hakbang na patibayin ito habang magagawa pa natin.
20. Anong mga tanong ang angkop na itanong sa ating sarili?
20 ‘Oh, ako’y naniniwalang ito ang katotohanan,’ marahil ay sasabihin mo. Subalit gaano katibay ang iyong pananampalataya? Tanungin ang iyong sarili: ‘Ang makalangit na Kaharian ba ni Jehova ay kasintunay sa akin ng isang pamahalaan ng tao? Akin bang kinikilala at lubusang sinusuportahan ang nakikitang organisasyon ni Jehova at ang Lupong Tagapamahala nito? Taglay ang mga mata ng pananampalataya, nakikita ko ba na ang mga bansa ay minamaneobra na ngayon upang mapasa-kani-kanilang puwesto para sa Armagedon? Ang akin bang pananampalataya ay katulad ng sa “makapal na ulap ng mga saksi” na binanggit sa Hebreo kabanata 11?’—Hebreo 12:1; Apocalipsis 16:14-16.
21. Papaano napupukaw ng pananampalataya yaong mga mayroon nito, at papaano sila pinagpapala? (Isali ang mga komento buhat sa kahon sa pahina 13.)
21 Yaong mga may pananampalataya na nakasalig sa katotohanan ay napupukaw na kumilos. Tulad ng kaaya-ayang hain na inihandog ni Abel, ang kanilang mga hain ng papuri ay nakalulugod sa Diyos. (Hebreo 13:15, 16) Tulad ni Noe, na isang mángangarál ng katuwiran na sumunod sa Diyos, kanilang sinusunod ang matuwid na landas bilang mga tagapangaral ng Kaharian. (Hebreo 11:7; 2 Pedro 2:5) Tulad ni Abraham, yaong may pananampalataya na nakasalig sa katotohanan ay sumusunod kay Jehova sa kabila ng di-kaalwanan at kahit na sa ilalim ng pinakamahihirap na kalagayan. (Hebreo 11:17-19) Tulad ng tapat na mga lingkod ni Jehova noong sinaunang panahon, ang mga taong may pananampalataya ngayon ay saganang pinagpapala at pinangangalagaan ng kanilang mapagmahal na Ama sa langit.—Mateo 6:25-34; 1 Timoteo 6:6-10.
22. Papaano mapatitibay ang pananampalataya?
22 Kung ikaw ay isang lingkod ni Jehova ngunit nasumpungan mo na ang iyong pananampalataya ay mahina sa ilang paraan, ano ang maaari mong gawin? Patibayin ang iyong pananampalataya sa pamamagitan ng masigasig na pag-aaral ng Salita ng Diyos at hayaang sa iyong bibig ay mamutawi ang mga tubig ng katotohanan na laman ng iyong puso. (Kawikaan 18:4) Kung ang iyong pananampalataya ay hindi palagiang napatitibay, baka ito ay manghina, huminto, mamatay pa nga. (1 Timoteo 1:19; Santiago 2:20, 26) Maging desidido ka na huwag mangyari ito sa iyong pananampalataya. Hilingin mo kay Jehova na tulungan ka, na idinadalangin: “Tulungan mo ako kung saan kailangan ko ng pananampalataya!”—Marcos 9:24.
Ano ang Iyong mga Sagot?
◻ Ano ba ang pananampalataya?
◻ Bakit ang pananampalataya ay hindi umiiral na hiwalay sa katotohanan at sa banal na espiritu?
◻ Papaano naging Tagasakdal ng ating pananampalataya si Jesu-Kristo?
◻ Bakit natin dapat suriin kung gaano katibay ang ating pananampalataya?
[Kahon sa pahina 13]
YAONG MGA MAY PANANAMPALATAYA AY...
◻ Nagsasalita tungkol kay Jehova. —2 Corinto 4:13.
◻ Gumagawa ng mga gawain na katulad ng ginawa ni Jesus.—Juan 14:12.
◻ Nagbibigay ng pampatibay-loob sa iba.—Roma 1:8, 11, 12.
◻ Dumaraig sa sanlibutan.—1 Juan 5:5.
◻ Walang dahilan na matakot.—Isaias 28:16.
◻ Nasa kalagayan na tumanggap ng buhay na walang-hanggan.—Juan 3:16.