Magtiwala sa Nagliligtas na Bisig ni Jehova
“Oh Jehova, . . . ikaw ay maging aming bisig tuwing umaga, oo, ang aming kaligtasan sa panahon ng kabagabagan.”—ISAIAS 33:2.
1. Sa anong diwa may makapangyarihang bisig si Jehova?
SI Jehova ay may makapangyarihang bisig. Mangyari pa, yamang “ang Diyos ay Espiritu,” ito ay hindi bisig na laman. (Juan 4:24) Sa Bibliya, ang makasagisag na bisig ay kumakatawan sa kakayahan na gumamit ng kapangyarihan. Sa gayon, sa pamamagitan ng kaniyang bisig inililigtas ng Diyos ang kaniyang bayan. Oo, ‘tulad ng isang pastol, papastulin ng Diyos ang kaniyang kawan. Sa pamamagitan ng kaniyang bisig tinitipon niya ang mga kordero, at kaniyang dinadala sila sa kaniyang sinapupunan.’ (Isaias 40:11; Awit 23:1-4) Anong laking kapanatagan ang nadarama ng bayan ni Jehova sa kaniyang mapagmahal na mga bisig!—Ihambing ang Deuteronomio 3:24.
2. Anong mga tanong dito ang dapat nating isaalang-alang?
2 Papaanong ang bisig ni Jehova ay nagligtas at nagliligtas sa kaniyang bayan, noong nakaraan at sa kasalukuyan? Anong tulong ang ibinibigay ng Diyos sa kanila bilang isang kongregasyon? At bakit ang kaniyang bayan ay makapagtitiwala sa kaniyang bisig na nagliligtas buhat sa lahat ng kanilang mga kabagabagan?
Ang Nagliligtas na Bisig ng Diyos sa Pagkilos
3. Sino sang-ayon sa Kasulatan ang nagligtas ng Israel sa Ehipto?
3 Bago iligtas ang mga Israelita sa pagkaalipin sa Ehipto 3,500 taon na ang lumipas, sinabi ng Diyos sa kaniyang propetang si Moises: “Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Ako’y si Jehova, at aking ilalabas nga kayo sa ilalim ng mga pabigat sa inyo ng mga Ehipsiyo at aking hahanguin kayo buhat sa kanilang pang-aalipin, at aking tutubusin kayo sa pamamagitan ng isang unat na bisig at may mga dakilang kahatulan.’ ” (Exodo 6:6) Ayon kay apostol Pablo, ang mga Israelita ay inilabas ng Diyos sa Ehipto “sa pamamagitan ng isang nakataas na bisig.” (Gawa 13:17) Sa Diyos ibinigay ng mga anak ni Kore ang kapurihan sa pagkasakop sa Lupang Pangako, na nagsasabi: “Hindi sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak nakuha nilang ariin ang lupain, at hindi ang kanilang sariling bisig ang nagdala sa kanila ng kaligtasan. Kundi ang iyong kanang kamay at ang iyong bisig at ang liwanag ng iyong mukha, sapagkat iyong kinalugdan sila.”—Awit 44:3.
4. Papaanong ang pagtitiwala sa nagliligtas na bisig ni Jehova ay ginantimpalaan noong mga kaarawan ng pananakop ng Asirya?
4 Ang bisig ni Jehova ay sumaklolo rin sa kaniyang bayan noong mga kaarawan ng pananakop ng Asirya. Noon si propeta Isaias ay nanalangin: “Oh Jehova, mahabag ka sa amin. Sa iyo kami umasa. Ikaw ay maging aming bisig tuwing umaga, oo, aming kaligtasan sa panahon ng kabagabagan.” (Isaias 33:2) Ang panalanging iyan ay sinagot nang paslangin ng anghel ng Diyos ang 185,000 sa kampamento ng mga Asiryo, anupa’t si Haring Senacherib ay napaatras buhat sa Jerusalem “taglay ang kahihiyan.” (2 Cronica 32:21; Isaias 37:33-37) Ang pagtitiwala sa nagliligtas na bisig ni Jehova ay laging ginagantimpalaan.
5. Ano ang ginawa ng makapangyarihang bisig ng Diyos para sa pinag-usig na mga Kristiyano noong katapusan ng Digmaang Pandaigdig I?
5 Ang makapangyarihang bisig ng Diyos ang nagligtas sa pinag-usig na pinahirang mga Kristiyano noong panahon ng katapusan ng Digmaang Pandaigdig I. Noong 1918 ang punong-tanggapan ng Lupong Tagapamahala ay nilusob ng kanilang mga kaaway, at ibinilanggo ang kilaláng mga kapatid. Palibhasa’y natatakot sa makasanlibutang mga kapangyarihan, halos inihinto ng mga pinahiran ang kanilang gawaing pagpapatotoo. Subalit sila’y nanalangin na ito’y muling mapasauli at malinis buhat sa kasalanan ng pagtigil at sa maruming pagkatakot. Ang Diyos ay tumugon nang pangyarihin niyang mapalaya ang ibinilanggong mga kapatid, at hindi nagtagal pagkatapos nito sila’y pinawalang-sala. Bilang resulta ng ipinahayag na mga katotohanan sa kanilang kombensiyon noong 1919 at ng pagbubuhos ng nagpapakilos na espiritu ng Diyos, ang mga pinahiran ay muling napasigla tungo sa walang takot na paglilingkod kay Jehova sa pangkatapusang katuparan ng Joel 2:28-32.—Apocalipsis 11:7-12.
Tulong sa Kongregasyon
6. Papaano natin nalalaman na posibleng mapagtiisan ang isang kalagayan ng pagsubok sa isang kongregasyon?
6 Samantalang inaalalayan ng Diyos ang kaniyang organisasyon sa pangkalahatan, ang kaniyang bisig naman ay umaalalay sa mga indibiduwal na bahagi nito. Mangyari pa, ang mga kalagayan ay hindi naman sakdal sa anumang kongregasyon sapagkat lahat ng tao ay di-sakdal. (Roma 5:12) Kaya ang ibang mga lingkod ni Jehova ay maaaring kung minsan makaranas ng isang sitwasyon na nagsisilbing pagsubok sa isang kongregasyon. Halimbawa, bagamat si Gayo ay gumawa ng “isang tapat na gawain” sa pagtanggap nang may kagandahangloob sa dumadalaw na mga kapatid, sila ay hindi tinanggap ni Diotropes at sinubukan pa man din nito na ang mga mapagmagandangloob ay mapalabas sa kongregasyon. (3 Juan 5, 9, 10) Gayunman, si Gayo at ang mga iba pa ay tinulungan ni Jehova na magpatuloy ng pagpapakita ng kagandahangloob bilang pagsuporta sa gawaing pangangaral ng Kaharian. Ang pananalangin at pagtitiwala na ang Diyos ang lulutas ng suliranin ay tutulong sa atin na magpatuloy sa mabubuting gawa samantalang ating hinihintay na siya ang magtuwid ng kalagayan na maaaring sumusubok sa ating pananampalataya.
7. Sa kabila ng anong mga kalagayan sa kongregasyon sa Corinto tinupad ng tapat na mga Kristiyano ang kanilang pag-aalay sa Diyos?
7 Ipagpalagay natin na ikaw ay kaugnay sa kongregasyon sa Corinto noong unang siglo. Minsan, ang pagkakabaha-bahagi ay naging isang banta sa pagkakaisa nito, at ang pagwawalang-bahala sa imoralidad ay nagsapanganib sa espiritu nito. (1 Corinto 1:10, 11; 5:1-5) Ang mga mananampalataya ay nagbangon ng sakdal sa makasanlibutang mga hukuman laban sa isa’t isa, at ang iba’y nagtalu-talo sa sari-saring mga bagay-bagay. (1 Corinto 6:1-8; 8:1-13) Naging mahirap ang buhay dahil sa alitan, panibugho, galit, at kaguluhan. Ang iba’y nagduda pa sa autoridad ni Pablo at hinamak ang kaniyang kakayahan na magsalita. (2 Corinto 10:10) Gayunman, ang mga tapat na kaugnay sa kongregasyong iyon ay tumupad ng kanilang pag-aalay sa Diyos sa panahon ng pagsubok na iyon.
8, 9. Ano ang dapat nating gawin kung tayo’y mapaharap sa isang kalagayan ng pagsubok sa isang kongregasyon?
8 Kung sakaling bumangon ang isang kalagayan ng pagsubok, tayo’y kailangang manatili sa bayan ng Diyos. (Ihambing ang Juan 6:66-69.) Tayo’y maging matiisin nang pakikitungo sa isa’t isa, sa pagkatanto na mas matagal para sa iba na magbihis ng “bagong pagkatao” ng kahabagan, kabaitan, kababaang-loob, kahinahunan, at pagtitiis. Yamang ang mga lingkod ng Diyos ay may iba’t iba ring mga karanasan, lahat tayo ay kailangang magpakita ng pag-ibig at maging mapagpatawad.—Colosas 3:10-14.
9 Pagkatapos ng maraming taon ng paglilingkod kay Jehova, isang kapatid ang nagsabi: “Kung may isang bagay na naging napakahalaga sa akin, iyon ay ang pananatiling malapit sa nakikitang organisasyon ni Jehova. Ang aking karanasan noong una ay nagturo sa akin kung papaanong di mabuti ang umasa sa pangangatwiran ng tao. Minsang naipasya ko sa aking isip ang tungkol sa puntong iyan, ako’y naging determinado na manatili sa tapat na organisasyon. Sa papaano pa natin makakamit ang pabor at pagpapala ni Jehova?” Ikaw rin ba ay nagmamahal sa iyong pribilehiyo ng paglilingkod kay Jehova kasama ng kaniyang maligayang bayan? (Awit 100:2) Kung gayon, hindi mo tutulutan na ang anuman ay makapaglayo sa iyo sa organisasyon ng Diyos o masira ang iyong kaugnayan sa Isa na ang bisig ay nagliligtas sa lahat ng umiibig sa kaniya.
Tulong Pagka May Napaharap sa Atin na mga Tukso
10. (a) Papaano tinutulungan ng panalangin ang bayan ng Diyos upang makaharap sa tukso? (b) Anong katiyakan ang ibinigay ni Pablo sa 1 Corinto 10:13?
10 Bilang tapat na mga indibiduwal na kaugnay ng organisasyon ng Diyos, tayo ay tinutulungan niya sa panahon ng pagsubok. Halimbawa, tayo’y tinutulungan niya na manatili sa ating katapatan sa kaniya pagka tayo ay dinatnan ng pagsubok. Mangyari pa, tayo ay dapat manalangin na kasuwato ng mga salita ni Jesus: “Huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa balakyot na isa,” si Satanas na Diyablo. (Mateo 6:9-13) Ang totoo, sa ganiyan ay hinihiling natin sa Diyos na huwag tayong pabayaang mabigo pagka tayo’y tinutukso na sumuway sa kaniya. Kaniya ring sinasagot ang ating mga panalangin na bigyan tayo ng karunungan na mapagtagumpayan ang mga pagsubok. (Santiago 1:5-8) At ang mga lingkod ni Jehova ay makatitiyak na tatanggap ng kaniyang tulong, sapagkat sinabi ni Pablo: “Hindi dumarating sa inyo ang anumang tukso kundi yaong karaniwan sa mga tao. Ngunit tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.” (1 Corinto 10:13) Ano ba ang pinagmumulan ng gayong tukso, at papaanong tayo’y tinutulungan ng Diyos upang magtagumpay?
11, 12. Sa anong mga tukso napadala ang mga Israelita, at papaano tayo makikinabang sa kanilang mga karanasan?
11 Ang tukso ay bunga ng mga kalagayan na maaaring umakay sa atin na maging di-tapat sa Diyos. Sinabi ni Pablo: “Ang mga bagay na ito ay naging mga halimbawa sa atin, upang huwag tayong maging mga taong nagnanasa ng nakapipinsalang mga bagay, kagaya ng pagnanasa [ng mga Israelita]. Ni huwag din kayong mapagsamba sa diyus-diyusan, gaya ng ilan sa kanila; ayon sa nasusulat: ‘Naupo ang bayan upang kumain at uminom, at tumindig upang magpasasa.’ Ni huwag tayong mamihasa sa pakikiapid, gaya ng iba sa kanila na gumawa ng pakikiapid, upang mabuwal lamang, dalawampu’t tatlong libo sa kanila sa isang araw. Huwag din nating ilagay si Jehova sa pagsubok, gaya ng pagkasubok sa kaniya ng ilan, upang mapahamak lamang sa pamamagitan ng mga ahas. Ni huwag din tayong maging mga reklamador, gaya ng ilan sa kanila na mareklamo, upang mapahamak lamang sa pamamagitan ng tagapuksa.”—1 Corinto 10:6-10.
12 Ang mga Israelita ay nagnasa ng nakapipinsalang mga bagay nang sila’y padala sa tukso na maging masakim sa pangunguha at pagkain ng mga pugo na makahimalang inilaan ng Diyos. (Bilang 11:19, 20, 31-35) Una rito, sila’y naging mga mapagsamba sa diyus-diyusan nang dahil sa wala roon si Moises sila’y naakit sa tukso na sumamba sa baka. (Exodo 32:1-6) Libu-libo ang napahamak dahil sa sila’y napadala sa tukso at nakiapid sa mga babaing Moabita. (Bilang 25:1-9) Nang ang mga Israelita’y padala sa tukso at magreklamo tungkol sa pagkapuksa ng mapaghimagsik na sina Kore, Dathan, Abiram, at ng kanilang mga kasamahan, 14,700 ang nalipol dahil sa isang peste na pinapangyari ng Diyos. (Bilang 16:41-49) Tayo’y makikinabang sa gayong mga karanasan kung ating natatalos na wala namang isa man sa mga tuksong ito ang napakahirap labanan at maaari sanang pinaglabanan ng mga Israelita. Nagawa sana nila iyon kung kanilang isinagawa ang pananampalataya, nagpahalaga sa maibiging pangangalaga ng Diyos, at kung kanilang pinahalagahan ang pagkamatuwid ng kaniyang Kautusan. Kung gayon ay disin sana nailigtas sila, kung papaano maililigtas tayo niyaon.
13, 14. Papaano ginagawa ni Jehova ang paraan ng pag-ilag upang ang tukso ay mapaglabanan ng kaniyang mga lingkod?
13 Bilang mga Kristiyano, tayo’y napapaharap sa mga tukso na karaniwan sa tao. Gayunman, tayo’y makapananatiling tapat sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin na tayo’y tulungan at ng paggawa upang mapaglabanan ang tukso. Ang Diyos ay tapat, at hindi niya tutulutang tayo’y tuksuhin nang higit sa makakaya natin. Kung tayo’y tapat kay Jehova, kailanman ay hindi magiging imposible sa atin na gawin ang kaniyang kalooban. Siya ang gumagawa ng paraan ng pag-ilag sa pamamagitan ng pagpapalakas sa atin na paglabanan ang tukso. Halimbawa, pagka pinag-usig, baka tayo matukso na kumompromiso dahil sa pag-asang makaiwas sa pagpapahirap o sa kamatayan. Subalit kung tayo’y tumitiwala sa makapangyarihang bisig ni Jehova, ang tukso ay hindi sumasapit sa punto na kung saan hindi niya mapatitibay ang ating pananampalataya at bibigyan tayo ng sapat na lakas upang makapanatili sa katapatan. Gaya ng sinabi ni apostol Pablo: “Sa magkabi-kabila ay nagigipit kami, ngunit nakakakilos pa rin kami; kami’y natitilihan, ngunit may paraan pa rin upang makalabas dito; kami’y pinag-uusig, ngunit hindi pinababayaan pagka nasa kagipitan; kami’y inilulugmok, ngunit hindi naman napapahamak.”—2 Corinto 4:8, 9.
14 Inaalalayan din ni Jehova ang kaniyang bayan sa pamamagitan ng paggamit sa kaniyang espiritu bilang isang tagapagpaalala at isang tagapagturo. Ito ang nagpapaalala sa atin ng mga punto sa Kasulatan at tumutulong sa atin na makaunawa nang kung papaano ikakapit iyon upang madaig ang tukso. (Juan 14:26) Ang tapat na mga lingkod ni Jehova ay nakauunawa ng mga isyung kasangkot pagka napapaharap sila sa tukso at hindi nadadaya upang sumunod sa isang maling hakbangin. Ginawa ng Diyos ang paraan ng pag-ilag sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na makapagtiis kahit hanggang kamatayan nang hindi napadadala sa tukso. (Apocalipsis 2:10) Bukod sa pagtulong sa kaniyang mga lingkod sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, ginagamit ni Jehova ang kaniyang mga anghel sa kapakanan ng kaniyang organisasyon.—Hebreo 1:14.
Tulong sa Personal na mga Bagay
15. Anong personal na tulong ang ating makikita sa Awit ni Solomon?
15 Yaong mga kaugnay sa organisasyon ni Jehova ay kaniyang tinutulungan sa personal na mga bagay. Halimbawa, baka ang iba’y naghahanap ng isang Kristiyanong mapapangasawa. (1 Corinto 7:39) Kung sakaling siya’y bigo, baka makatulong ang pagsasaalang-alang sa hari ng Israel na si Solomon. Ang kaniyang pagsinta ay tinanggihan ng isang dalagang Sulamita dahilan sa ito’y umiibig na sa isang hamak na pastol. Ang gayong kasaysayan ng haring ito ay matatawag na Ang Awit ng Bigong Pagsinta ni Solomon. Baka tayo ay lumuha kung ang ating pagsisikap tungkol sa isang sinisinta ay hindi nagtagumpay, ngunit si Solomon ay nakapagtiis sa kaniyang kabiguan, at tayo man ay makapagtitiis din. Ang espiritu ng Diyos ang makatutulong sa atin upang magpamalas ng pagpipigil sa sarili at ng iba pang maka-Diyos na mga katangian. Ang kaniyang Salita ay tumutulong sa atin na tanggapin ang kalimitan ay masaklap na katotohanan na hindi maaaring magkaroon ang isang tao ng romantikong pagsinta sa kahit kanino. (Awit ni Solomon 2:7; 3:5) Gayunman, Ang Awit ni Solomon ay nagpapakita na posible naman na makasumpong ng isang kapananampalataya na lubhang nagmamahal sa atin. Lalong mahalaga, ang “awit ng mga awit” na ito ay natutupad sa pag-ibig ng Mabuting Pastol, si Jesu-Kristo, sa kaniyang “nobya” na 144,000 pinahirang mga tagasunod.—Awit ni Solomon 1:1; Apocalipsis 14:1-4; 21:2, 9; Juan 10:14.
16. Sa “kapighatian sa kanilang laman,” na dinaranas ng may asawang mga Kristiyano, ay kasali ang ano?
16 Kahit na ang mga nag-aasawa sa isang kapananampalataya ay may “kapighatian sa kanilang laman.” (1 Corinto 7:28) Magkakaroon ng mga pagkabalisa at mga alalahanin ang mag-asawa at ang kanilang mga anak. (1 Corinto 7:32-35) Ang sakit ay maaaring magdala ng mga kahirapan at kaigtingan. Dahilan sa pag-uusig o kahirapan sa kabuhayan ay baka mahirap na ang kaniyang pamilya ay mapaglaanan ng isang amang Kristiyano ng mga pangangailangan sa buhay. Ang mga magulang at mga anak ay baka magkahiwalay dahil sa pagkabilanggo, at ang iba naman ay baka pahirapan at patayin pa. Subalit sa lahat ng ganiyang mga kalagayan, ating maiiwasan ang tukso na ikaila ang pananampalataya kung talagang tayo’y nagtitiwala sa nagliligtas na bisig ni Jehova.—Awit 145:14.
17. Anong pampamilyang suliranin ang pinapangyari ng Diyos na mapagtiisan ni Isaac at ni Rebeka?
17 Baka tayo ay kailangang magtiis ng ilang mga pagsubok sa loob ng mahabang panahon. Halimbawa, ang isang anak na lalaki ay baka dahilan ng kabagabagan ng kaniyang maka-Diyos na mga magulang dahilan sa pagkapag-asawa sa isang di-kapananampalataya. Ganiyan ang nangyari sa pamilya ng patriyarkang si Isaac at ng kaniyang asawang si Rebeka. Ang kanilang 40-taóng-gulang na anak na si Esau ay nag-asawa ng dalawang babaing Hiteo na naging “dahilan ng pamimighati ni Isaac at ni Rebeka.” Ang totoo, “laging sinasabi ni Rebeka kay Isaac: ‘Ako’y yamot na sa aking buhay dahilan sa mga anak na babae ni Heth. Kung si Jacob [ang kanilang isa pang anak] ay mag-aasawa rin sa mga anak ni Heth na gaya ng mga ito na mga anak ng lupaing ito, ano pa ang kabuluhan sa akin ng buhay?’ ” (Genesis 26:34, 35; 27:46) Waring ang matuwid na kaluluwa ni Rebeka ay binabagabag ng patuloy na suliraning ito. (Ihambing ang 2 Pedro 2:7, 8.) Gayunman, si Isaac at si Rebeka ay inalalayan ng bisig ni Jehova, anupa’t kanilang napagtiisan ang pagsubok na ito samantalang nananatiling may matibay na kaugnayan sa Kaniya.
18. Anong personal na pagsubok ang pinagtiisan ni C. T. Russell sa tulong ng Diyos?
18 Nakababahala pagka ang isang bautismadong miyembro ng pamilya ay nanghina sa paglilingkod sa Diyos. (Ihambing ang 2 Timoteo 2:15.) Gayunman, ang iba’y nagtiis pa nga ng pagkawala ng espirituwalidad ng kanilang asawa, tulad ni Charles T. Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Society. Pinutol ng kaniyang maybahay ang kaugnayan sa Samahan at hiniwalayan siya noong 1897, pagkalipas ng halos 18 taon ng pagkapag-asawa sa kaniya. Ito’y nagsampa ng kaso sa hukuman para sa legal na paghiwalay sa kaniya noong 1903, at pinagkalooban naman ng legal na paghiwalay noong 1908. Nahalata ang kaniyang pamimighati nang kaniyang sabihin dito sa isang liham na isinulat di pa nagtatagal pagkatapos na sila ay maghiwalay: “Ako’y taimtim na nanalangin sa Panginoon alang-alang sa iyo. . . . Hindi na kita pabibigatan pa ng pagbanggit ng aking kalungkutan, ni pagtatangkaan man na antigin ang iyong damdamin sa pamamagitan ng detalyadong paglalahad ng aking nadarama, samantalang manakanaka ay natutunghayan ko ang iyong mga damit at ang iba pang mga bagay-bagay na anupa’t nanariwa sa aking isip ang iyong dating pagkatao—puspos ng pag-ibig at simpatiya at pagkamatulungin—na siyang espiritu ni Kristo. . . . Oh, pag-isipan mo sana lakip ng panalangin ang halos ibubulas ko na lamang. At matitiyak mo na ang aking kalumbayan, ang matinding dagok ng kalungkutan, ay hindi ko kimkim sa natitirang bahagi ng aking buhay, kundi ang iyong pagkahulog sa pagkakamali, mahal ko, ang pagkawala mo magpakailanman, sa abot ng aking nakikita.” Sa kabila ng ganiyang dalamhati, taglay ni Russell ang pag-alalay sa kaniya ng Diyos hanggang sa katapusan ng kaniyang makalupang buhay. (Awit 116:12-15) Sa tuwina’y inaalalayan ni Jehova ang kaniyang mga tapat na lingkod.
Buhat sa Lahat ng Kabagabagan
19. Ano ang dapat nating tandaan kung nagpapatuloy ang bumabagabag na mga suliranin?
19 Batid ng bayan ni Jehova na siya’y “isang Diyos ng kaligtasan,” na Siyang “sa araw-araw ay nagpapasan ng pasanin para sa atin.” (Awit 68:19, 20) Samakatwid, bilang nag-alay na mga tao na kaugnay ng kaniyang makalupang organisasyon, tayo’y huwag kailanman padadala sa kawalang pag-asa kung ang bumabagabag na mga suliranin ay nagpapatuloy. Tandaan na “ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan, handang saklolo sa kabagabagan.” (Awit 46:1) Ang ating pagtitiwala sa kaniya ay laging ginagantimpalaan. “Aking tinanong si Jehova, at ako’y sinagot niya,” ang sabi ni David, “at buhat sa lahat ng aking kinatatakutan ay iniligtas niya ako. . . . Itong napipighati ay tumawag, at narinig ni Jehova mismo. At iniligtas Niya sa lahat ng kaniyang kabagabagan.”—Awit 34:4-6.
20. Anong tanong ang natitira pa para isaalang-alang?
20 Oo, ang ating makalangit na Ama ay nagliligtas sa kaniyang bayan mula sa lahat ng kabagabagan. Kaniyang sinusuportahan ang kaniyang makalupang organisasyon, sa mga bagay na may kinalaman sa kongregasyon at sa personal na mga bagay-bagay. Tunay, “hindi pababayaan ni Jehova ang kaniyang bayan.” (Awit 94:14) Ngunit ating sunod na isaalang-alang ang iba pang mga paraan na ginagamit ni Jehova upang tulungan ang kaniyang bayan nang isahan. Papaano ba inaalalayan ng ating Ama sa langit ang kaniyang mga lingkod na may sakit, nakararanas ng panlulumo sa kaisipan, nagdadalamhati dahil sa pagkaulila, o nababagabag sa kanilang mga pagkakamali? Gaya ng makikita natin, sa mga bagay na ito rin naman, may dahilan tayo na umasa sa makapangyarihang bisig ni Jehova.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano nagligtas noong nakalipas na mga panahon ang bisig ni Jehova?
◻ Papaano tinutulungan ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa kongregasyon ngayon?
◻ Anong tulong ang ibinibigay ng Diyos tungkol sa personal na mga bagay?
◻ Ano ang dapat nating gawin kung nagpapatuloy ang bumabagabag na mga suliranin?
[Larawan sa pahina 8, 9]
Ang mga Israelita ay inilabas ng Diyos sa Ehipto “sa pamamagitan ng isang nakataas na bisig”