Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
◼ Pagka namatay ang sinuman, tama ba para sa mga Kristiyano na magbigay ng mga bulaklak sa pamilya o magpadala ng mga bulaklak sa punerarya?
Sa mga ibang bansa ay kaugalian na gawin ang gayon. Ngunit ang paggamit ng mga bulaklak sa mga libing ay kung minsan mayroong relihiyosong kahulugan. Kaya ating suriin ang bagay na iyan pati na ang mga ilang detalye, lalo na yamang may iba pang mga kaugalian na waring may nahahawig na kaugnayan sa huwad na relihiyon. Pansinin ang mga komento buhat sa The Encyclopedia of Religion (1987):
“Ang mga bulaklak ay may kaugnayan sa mga banal na dako sa pamamagitan ng kanilang koneksiyon sa mga diyos at mga diyosa. Si Flora, ang Romanong diyosa ng tagsibol at mga bulaklak, ay nagdadala ng kagandahan at mga kabanguhan sa mga bulaklak . . . Ang mga diyus-diyusan ay maaaring payapain at sambahin . . . sa pamamagitan ng paghahandog ng pagkain at mga bulaklak.
“Ang kaugnayan ng mga bulaklak sa mga rituwal ng kamatayan ay palasak sa buong daigdig. Ang mga patay at ang kanilang mga libingan ay tinatakpan ng mga Griyego at mga Romano ng mga bulaklak. Ang mga kaluluwa ng naghihingalong mga Buddhista sa Hapón ay dinadalang paitaas sa isang lotus, at ang mga lapida sa mga sementeryo ay maaaring nakapatong sa nililok na mga lotus . . . Ang mga taga-Tahiti ay nag-iiwan ng mga pumpon ng mga bulaklak na nababalot sa mga eletso sa tabi ng katawan pagkamatay at pagkatapos ay binubuhusan ang bangkay ng pabangong galing sa mga bulaklak upang mapabilis ang paglipat nito sa sagradong kabilang-buhay . . . Ang mga bulaklak ay maaari ring magsilbing insenso o pabango kung mga sandaling sagrado.”
Yamang batid nila na ang mga bulaklak ay ginamit may kaugnayan sa huwad na relihiyon, inaakala ng mga ilang Kristiyano na sila’y hindi dapat magbigay o magpadala ng mga bulaklak sa isang libing. Ang ganitong paniniwala nila ay marahil nagpapakita rin ng paghahangad na makaiwas sa makasanlibutang mga kaugalian, yamang ang mga tagasunod ni Jesus ay “hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Gayunman, ang kaugnay na mga teksto sa Bibliya at ang lokal na mga kaugalian ay may kinalaman sa bagay na iyan.
Ang mga bulaklak ay bahagi ng mabubuting kaloob ng Diyos para magbigay ng kaligayahan sa mga buháy. (Gawa 14:15-17; Santiago 1:17) Ang kaniyang nilikhang magagandang mga bulaklak ay ginamit sa tunay na pagsamba. Ang kandelero sa tabernakulo ay ginayakan ng “mga bulaklak ng almendro . . . at namumukadkad na mga bulaklak.” (Exodo 25:31-34) Sa mga grabado sa templo ay kasali ang mga kuwintas na mga bulaklak at mga punong palma. (1 Hari 6:18, 29, 32) Maliwanag, ang paganong paggamit ng mga bulaklak o mga kuwintas na bulaklak ay hindi nangangahulugang dapat laging iwasan ng mga tunay na mananamba ang paggamit nito.—Gawa 14:13.
Subalit, ano naman ang masasabi tungkol sa mas malawak na isyu ng pagsunod sa mga kaugalian, tulad baga ng mga kaugalian sa libing? Sa Bibliya ay tinutukoy ang maraming kaugalian, ang iba ay di-nararapat para sa tunay na mananamba, ang iba naman ay sinusunod ng mga lingkod ng Diyos. Ang 1 Hari 18:28 ay bumanggit ng “kaugalian” ng mga mananamba kay Baal na “nananawagan hanggang sa mailalakas nila ang kanilang tinig at paghihiwa-hiwa sa kanilang katawan”—isang kaugalian na hindi sinusunod ng mga tunay na mananamba. Sa kabilang dako, walang sinasabi ang Ruth 4:7 na pagbabawal ng “kaugalian noong nakalipas na mga panahon sa Israel tungkol sa [paraan ng pagsasagawa ng] karapatan na tubusin.”
Ang mga kaugaliang sinasang-ayunan ng Diyos ay maaari pa ngang magmula sa mahigpit na relihiyosong mga bagay. Nang buuin ng Diyos ang balangkas ng seremonya sa Paskua, hindi niya binanggit ang paggamit ng alak, subalit nang sumapit ang unang siglo, naging kaugalian na gumamit ng mga kopa ng alak. Ang relihiyosong kaugaliang ito ay hindi naman itinakwil ni Jesus at ng kaniyang mga apostol. Kanilang nasumpungan na wala namang di-katanggap-tanggap dito, at kanilang sinunod ito.—Exodo 12:6-18; Lucas 22:15-18; 1 Corinto 11:25.
Ganiyan din kung tungkol sa ibang mga kaugalian sa libing. Kinaugalian ng mga Ehipsiyo na embalsamuhin ang mga patay. Ang tapat na patriyarkang si Jose ay hindi naman kusang napabulalas na, ‘Ito ay paganong kaugalian, kaya tayong mga Hebreo ay kailangang umiwas dito.’ Bagkus, kaniyang inutusan ang kaniyang mga lingkod, ang mga manggagamot, na embalsamuhin ang kaniyang ama,” maliwanag na ang layunin ay upang doon sa Lupang Pangako mailibing si Jacob. (Genesis 49:29–50:3) Nang maglaon ay nakabuo ang mga Judio ng iba’t ibang mga kaugalian sa libing, tulad halimbawa ng pagpapaligo sa bangkay at paglilibing doon sa araw ng kamatayan. Ang sinaunang mga Kristiyano ay sumang-ayon sa gayong mga kaugaliang Judio.—Gawa 9:37.
Gayunman, ano kung ang isang kaugalian sa libing ay itinuturing na may kahulugan na salig sa maling turo ng relihiyon, tulad baga ng paniniwala sa isang walang kamatayang kaluluwa? Alalahanin ang binanggit sa encyclopedia na ang iba ay “nag-iiwan ng mga pumpon ng mga bulaklak na nababalot sa mga eletso sa tabi ng katawan pagkamatay at pagkatapos ay binubuhusan ang bangkay ng pabangong galing sa mga bulaklak upang mapabilis ang paglipat nito sa sagradong kabilang-buhay.” Na maaaring mayroong gayong kaugalian ay hindi nangangahulugan na kailangang itakwil ng mga lingkod ng Diyos ang anumang nahahawig doon. Bagaman ang mga Judio ay hindi naniniwala sa “paglipat nito sa sagradong kabilang-buhay” ang Bibliya ay nagsasabi: “Kinuha nga nila ang bangkay ni Jesus at binalot nila ng mga kayong lino na may mga pampabango, ayon sa mga kaugalian ng mga Judio sa paglilibing.”—Juan 12:2-8; 19:40.
Dapat iwasan ng mga Kristiyano ang mga kaugalian na labag sa katotohanan ng Bibliya. (2 Corinto 6:14-18) Isa pa, lahat ng uri ng mga bagay-bagay, mga disenyo, at mga kinaugaliang gawin ang, sa isang panahon o lugar, binigyan ng walang katotohanang pangangahulugan o iniugnay sa mga turong labag sa Kasulatan. Ang mga punong-kahoy ay sinamba, ang korte ng puso ay itinuring na sagrado, at ang kamangyan ay ginamit sa mga seremonyang pagano. Ito ba’y nangangahulugan na ang isang Kristiyano ay hindi dapat gumamit ng insenso, magkaroon ng mga punong-kahoy sa anumang dekorasyon, o magsuot ng korteng-pusong alahas?a Ito ay hindi isang makatuwirang konklusyon.
Ang dapat isaalang-alang ng isang tunay na Kristiyano ay: Ang pagsunod ba sa isang kaugalian ay nagpapakilala sa iba na ako’y sumusunod sa mga paniwala o mga kaugalian na labag sa Kasulatan? Ang yugto ng panahon at lokasyon ay makaiimpluwensiya sa sagot. Ang isang kaugalian (o disenyo) ay baka may huwad na relihiyosong kahulugan libu-libong taon na ngayon ang lumipas o maaaring may gayong kahulugan sa ngayon sa isang malayong lupain. Subalit huwag ng gumawa ng pagsusuring pang-ubos panahon, kundi tanungin ang iyong sarili: ‘Ano ba ang karaniwang paniwala sa lugar na kinatitirahan ko?’—Ihambing ang 1 Corinto 10:25-29.
Kung kilalang-kilala na ang isang kaugalian (o isang disenyo, tulad baga ng krus) ay may isang huwad na relihiyosong kahulugan, iwasan iyon. Kaya ang mga Kristiyano ay hindi magpapadala ng mga bulaklak na nakapormang isang krus, ng isang pulang puso kung iyan ay itinuturing na may relihiyosong kahulugan sa isang lugar. O baka mayroong isang pormal na paraan na sinusunod sa paggamit ng mga bulaklak sa isang libing o sa isang puntod na may relihiyosong kahulugan. Dapat ding iwasan iyan ng Kristiyano. Subalit, hindi ibig sabihin na kahit na lamang ang pagbibigay ng isang pumpon ng bulaklak upang gamitin sa libing o pagbibigay ng mga bulaklak sa isang kaibigan sa ospital ay kailangang ituring na isang gawang relihiyoso na kailangang iwasan.b
Bagkus, sa maraming bansa ang kaugalian na pagpapadala ng mga bulaklak ay palasak at itinuturing na isang nararapat na kabaitan. Ang mga bulaklak ay makapagdudulot ng kagandahan at ang isang malungkot na okasyon ay magagawa nito na kaaya-aya. Ang mga ito rin ay maaaring isang tanda ng pakikiramay at pag-aalaala. Sa ibang dako naman ang kaugalian ay nagpapakita marahil ng gayong damdamin na ginagawa sa pamamagitan ng isang gawang pagkabukas-palad, tulad baga ng paghahanda ng pagkain para sa mga may karamdaman o mga namimighati. (Gunitain ang pagmamahal na nadama alang-alang kay Dorcas sapagkat siya’y nagpakita ng interes at pagtingin sa iba. [Gawa 9:36-39]) Pagka ang paggawa ng gayon ay hindi malinaw na kaugnay ng huwad na paniniwala, naging ugali ng iba sa mga Saksi ni Jehova na magbigay ng nakapagpapasayang mga bulaklak na para sa isang napaospital na kaibigan o para sa isang namatay. At bilang mga indibiduwal sila ay maaari ring magpahayag pa ng kanilang interes at mga damdamin sa pamamagitan ng praktikal na mga gawa.—Santiago 1:27; 2:14-17.
[Mga talababa]
a Ang mga pagano ay malaon ng gumagamit ng insensong galing sa bulaklak sa kanilang mga seremonya, ngunit hindi mali para sa bayan ng Diyos na gumamit ng insenso sa tunay na pagsamba. (Exodo 30:1, 7, 8; 37:29; Apocalipsis 5:8) Tingnan din ang “Are They Idolatrous Decorations?” sa Awake! ng Disyembre 22, 1976.
b Ang mga kagustuhan ng mga pamilya ay dapat isaalang-alang, sapagkat ipinaaalam ng iba na ang sinumang ibig magpadala ng mga bulaklak ay magbigay na lamang ng abuloy sa kongregasyon o sa isang kawanggawa.