Mga Bulaklak—Kababalaghan ng Paglalang
ANONG laking kababalaghan ang ikaw ay magtanim ng mga binhi ng iba’t ibang uri sa iisang lupa at pagkatapos ng ilang panahon ay makita ang sarisari at pagkagagandang mga bulaklak! Ang napakagandang pagtatanghal nila ng kulay, at ng kanilang bango, ay kalugud-lugod!
Totoo, maaaring sabihin ng iba na ang kulay at bango ng mga bulaklak ay kinakailangan upang akitin ang mga insekto na mahalaga sa polinasyon ng mga halaman. Subalit kung iyan lamang ang dahilan para sa gayong kagandahan, pagkasarisari, at bango, bakit nga ang mga bulaklak ay nagdudulot ng gayon na lamang kaluguran sa tao? Bakit ang mga ito ay nagbibigay rin ng kapayapaan ng isipan at kagalingan sa atin?
Walang alinlangan, ang mga puso ay napagagalak sa pagkakita sa mga bulaklak. Ang makulay na pumpon ng mga bulaklak ay maaaring pasiglahin kaagad ang araw ng isang asawang babae o ina, aliwin ang isang maysakit na kaibigan, pagalakin ang nanlulumong puso, maaari pa ngang pagmulan ng pagkakaibigan at payabungin ang pag-ibig. Ang paglalakad sa bukid na nagagayakan ng mga bulaklak ay tiyak na nakapagpapasigla. At anong bintana ang hindi napagaganda o kusinang nadaragdagan ang kagandahan o sala na nagbabagong-anyo sa pamamagitan ng maganda, mahalimuyak na mga bulaklak? Magiging hindi gaanong kalugud-lugod nga ang daigdig kung walang mga bulaklak!
Ang 250,000 iba’t ibang bulaklak ay hindi nagkataon lamang. Ang mga ito ay kapahayagan ng pag-ibig na taglay ng ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, para sa sambahayan ng tao. At bagaman ang lupa sa ngayon ay sinira ng tao, malapit na ang panahon kapag ito ay isasauli sa pagiging Paraiso na nilayon dito ng Diyos. Sa panahong iyon, gaya ng inihuhula ng kinasihang Salita ng Diyos: “Ang ilang at ang tuyong lupa ay sasaya, at ang ilang ay magagalak at mamumulaklak; mamumulaklak nang sagana na gaya ng rosa, at magagalak ng kagalakan at awitan.”—Isaias 35:1, 2, Revised Standard Version.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
Paikot sa kanan mula sa itaas sa kaliwa: gumamela, African daisy, hybrid tea rose, water lily