Kung Bakit Sila Gumagamit ng Relikya sa Pagsamba
NAPLES, Italya. Gunigunihin na ikaw ay naroon sa mga unang taon ng ika-18 siglo ng ating Common Era (Panlahatang Panahon). Sa katedral dito, ang Irish na si George Berkeley ay nakatayo sa harap ng isang tanyag na relikyang relihiyoso. Kaniyang minamasdan na taglay ang di-paniniwala ang waring pagsasa-anyong likido ng dugo ni “San Gennaro,” ang Katolikong “san” Januario.
Ang Naples ay walang gaanong ipinagbago kung tungkol sa bagay na ito. Halimbawa, sa kabila ng masungit na panahon minsan noong nakaraang mga taon, ang simbahan ay nagpuputok na naman sa dami ng tao, at isang waring himala ang naganap. Ang relikya at ang prusisyon na pinangungunahan ng kardinal na arsobispo ay sinalubong nang mainit na palakpakan. Oo, ito’y isa lamang sa maraming beses na waring nagiging likido nga ang dugo ni “San Gennaro.” Ayon sa ulat ay may mga milagrong naganap tungkol sa relikyang relihiyosong ito sapol noong ika-14 na siglo.
Sang-ayon sa tradisyong Katoliko, ang isang relikya (buhat sa Latin na relinquere, na ibig sabihin “iwanan”) ay isang bagay na naiwan ng isang taong itinuturing na isang santo. Gaya ng binabanggit ng Dizionario Ecclesiastico, ang mga relikya ay “sa istriktong diwa ng salita, ang katawan o parte ng katawan at ang mga abo ng Santo, sa isang lalong malawak na diwa ay ang bagay na napadaiti sa katawan ng santo at samakatuwid ay karapat-dapat pag-ukulan ng debosyon.”
May Pagtangkilik ang mga Papa
Marahil, marami ang sumasamba sa mga relikyang relihiyoso dahilan sa nakikitang mga himala na kaugnay ng mga ito. Waring ito’y may pagtangkilik ng mga papa kung kaya popular.
Di kukulangin sa apat na papa noong nakalipas na 70 taon ang nagbigay ng pantanging atensiyon sa mga relikya. Isang peryodikong Katoliko ang nagsisiwalat na katulad ng naunang papa na si Pio XI, si Papa Pio XII ay “nag-ingat ng mga relikya ng santo ng Lisieux bilang kaniyang pag-aari.” Si Paulo VI ay “may isang daliri ng apostol [na si Tomas] sa kaniyang aralang desk,” at si Juan Paulo II ay “nag-iingat, sa kaniyang sariling apartment, ng mga piraso ng . . . bangkay” ni “San Benedicto” at “San Andres.”—30 giorni, Marso 1990, pahina 50.
Sa liwanag ng ganiyang pagtangkilik ng mga papa, hindi nga kataka-taka na patuloy na dumarami ang mga relikya para sa kapuwa pangpribado at pangmadlang debosyon. Subalit ang debosyon ba sa relihiyosong mga relikya ay nakalulugod sa Diyos?
[Larawan sa pahina 3]
Isang kinalalagyan ng mga relikya, na kinatataguan ng relihiyosong mga relikya
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng The British Museum