May Paraan ba Upang Makalaya ang Tao sa Pagkamakasalanan?
KASAMA ang kaniyang apat na anak na mga tin-edyer, ang trabaho ni Chisako ay paglilinis ng mga palikurang pangmadla sa isang siyudad na 600 kilometro ang layo sa kaniyang tahanan. Sa paggawa niya ng gayon, siya’y umaawit ng isang sutra, na ang kahulugan ay hindi niya nauunawaan. Iyon ay isa sa mga kaugalian ng isang grupo ng relihiyon na nagsisikap makatuklas ng pinaka-buod ng lahat ng relihiyon.
“Sa kabila ng patuloy na mga kinaugalian na mga pagpapakasakit,” naaalaala pa ni Chisako, “hindi ko mabago ang aking pagkatao. Doon sa kaibuturan ng aking puso, hindi ko mapatawad ang iba at hindi ako makapagpakita ng pag-ibig na taglay ang taimtim na hangarin.”
Kahit na sa mga bansa sa Silangan, na kung saan karamihan ng tao ay walang idea kung ano ang kasalanan ayon sa itinuturo ng Bibliya, marami ang nililigalig ng budhi dahilan sa kanilang makasalanang mga hilig, tulad na nga ni Chisako. (Roma 2:14, 15) Sino ba ang hindi dumanas ng pagkaligalig dahil sa hindi pagpapakita ng kabaitan sa isang taong nasa kaawa-awang kalagayan o nakadama ng masaklap na pagsisisi dahilan sa pagbigkas ng mga pananalitang hindi sana dapat binigkas? (Santiago 4:17) At hindi ba ang isang pangit na dambuhalang pagkainggit ay nakakubli sa kalooban ng kapuwa mga kabataan at matatanda?
Bakit ang mga tao ay may gayong pagkaligalig? Sapagkat, alam man nila o hindi, sila’y may panloob na pagkadama ng kamalian, ng kasalanan. Oo, alam man o hindi ng mga tao ang turo ng Bibliya tungkol sa kasalanan, lahat ay apektado ng pagkahilig sa kasalanan. Isang dalubhasa sa paksang ito ang minsa’y nagsabi: “Lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.”—Roma 3:23.
Maaari Bang Pawiin ang Kasalanan?
Maraming tao sa ngayon, lalo na sa Sangkakristiyanuhan, ang nagsusumikap na pawiin sa kanilang mga budhi ang damdamin ng kasalanan at pagkakasala. “Ang mismong salitang ‘kasalanan’ . . . ay halos nawala na,” ang sabi ni Dr. Karl Menninger sa kaniyang aklat na Whatever Became of Sin? Datapuwat, ang pag-iwas sa salitang “kasalanan” ay walang gaanong naitutulong gaya rin ng kung nais ng isang taong tumatanda na iwasan ang salitang “matanda.” Dapat nating harapin ang katotohanan na tayo’y may makasalanang mga hilig at kailangang sagipin buhat sa miserableng kalagayang iyan. Subalit sino ang sasagip?
Ang Kristiyanong apostol na si Pablo ay nagtanong nang ganiyan pagkatapos na aminin ang kaniyang sariling mga hilig na magkasala sa kabila ng pagnanais na huwag magkasala: “Miserableng tao nga ako! Sino ang magliligtas sa akin sa katawan na dumaraan sa ganitong kamatayan?” Pagkatapos ay sumagot si Pablo: “Salamat sa Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Kristo na Panginoon natin!” Bakit? Sapagkat isinaayos ng Diyos ang kapatawaran sa kasalanan sa pamamagitan ng haing pantubos na inihandog ni Jesus.—Roma 7:14-25.
Gayunman, marami sa 3,500,000,000 na mga di-Kristiyano sa daigdig (makalawang dami ng umano’y mga Kristiyano) ang totoong nahihirapang maunawaan ang idea ng isang pantubos. Halimbawa, ang doktrina ng pantubos ang naging pinakamalaking hadlang na kinatisuran ng isang Muslim na naninirahan sa Hapón at nakipag-aral ng Bibliya sandali. Para sa maraming taga-Silangan ang idea na maaaring mamatay ang isang tao alang-alang sa lahat ay kakatuwa.
Ito’y madaling maunawaan, sapagkat kahit na sa Sangkakristiyanuhan ang iba ay nahihirapan ng pag-unawa sa saligang doktrinang ito. “Ang teolohiya ng Pantubos,” inamin ng New Catholic Encyclopedia, “ay sa ilang bahagi hindi pa natutupad at nagpapatuloy na maging isang suliranin sa teolohiya.”
Ang laki ng pagkalito sa doktrinang ito ay mainam na maipaghahalimbawa sa pananalita ng relihiyosong manunulat na si N. H. Barbour: “Ang kamatayan ni Kristo ay hindi kalutasan ng kabayaran sa mga kasalanan ng tao kung papaano ang pagtusok sa katawan ng isang langaw at ang pagpapahirap at pagpatay rito ay maituturing ng isang makalupang magulang na isang makatuwirang kalutasan ng kamaliang nagawa ng kaniyang anak.” Noon ay may kaugnayan pa kay Barbour si Charles T. Russell, na nakakita ng apurahang pangangailangan na ipagtanggol ang turo ng pantubos. cSiya’y humiwalay kay Barbour at noong 1879 nagsimula ng paglalathala ng isang bagong magasin, na nang malaunan ay naging ang magasin na binabasa mo ngayon. Sa mismong pasimula, Ang Bantayan ay naging kampeon ng haing pantubos na inihandog ni Jesu-Kristo.
Subalit ang doktrina kayang ito ay tatanggapin ng mga taong hindi kinikilalang “Kristiyano”? Upang malaman, malapitang suriin natin ang turong ito tungkol sa isang taong mamamatay alang-alang sa lahat.