Napoot si Kristo sa Kasamaan—Ikaw rin Ba?
“Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan. Kaya naman ikaw ay pinahiran ng Diyos, ng iyong Diyos, ng langis ng kasayahan higit sa iyong mga kasamahan.”—HEBREO 1:9.
1. Bukod sa pag-ibig sa katuwiran, ano pa ang kahilingan sa lahat ng tunay na mga lingkod ng Diyos na Jehova?
ANG tunay na mga lingkod ni Jehova ay umiibig sa kaniya nang kanilang buong puso, kaluluwa, isip, at lakas. (Marcos 12:30) Ibig nilang pasayahin ang puso ni Jehova sa pamamagitan ng pananatiling tapat. (Kawikaan 27:11) Upang magawa iyan, hindi lamang sila kailangang umibig sa katuwiran kundi kailangan ding kapootan nila ang kasamaan. Ang kanilang Halimbawa, si Jesu-Kristo, ay tunay na gumawa niyan. Tungkol sa kaniya ay sinabi: “Inibig mo ang katuwiran, at kinapootan mo ang kasamaan.”—Hebreo 1:9.
2. Ano ang kasali sa kasamaan?
2 Ano ba ang kasamaan? Ito ay kasalanan, gaya ng ipinakita ni apostol Juan nang siya’y sumulat: “Bawat namimihasa sa kasalanan ay namimihasa rin sa kasamaan, kaya ang kasalanan ay kasamaan.” (1 Juan 3:4) Ang masamang tao ay “hindi napipigil o kontrolado ng kautusan.” (Webster’s Ninth New Collegiate Dictionary) Sa kasamaan ay kasali ang lahat ng masama, balakyot, imoral, tiwali, at di-tapat. Ang pagmamasid sa sanlibutan ay nagpapakita sa atin na laganap ang kasamaan ngayon higit kailanman. Walang alinlangan na tayo’y nabubuhay sa “mapanganib na mga panahon” na inihula ni apostol Pablo sa 2 Timoteo 3:1-5. Sa liwanag ng lahat ng kasamaang ito, anong inam na sa atin ay ipinag-utos na kapootan ang lahat ng kasamaan! Halimbawa, sa atin ay sinasabi: “Oh kayong mga umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang masama.” (Awit 97:10) Gayundin, ating mababasa: “Kapootan ninyo ang masama, at ibigin ninyo ang mabuti.”—Amos 5:15.
Tatlong Uri ng Pagkapoot
3-5. Sa anong tatlong paraan ginagamit ang salitang “poot” sa Salita ng Diyos?
3 Ano ba ang ibig sabihin ng mapoot? Sa Salita ng Diyos, ang “poot” ay ginagamit sa tatlong iba’t ibang paraan. Nariyan ang pagkapoot na bunga ng masamang hangarin at naghahangad na pinsalain ang kinapopootan. Kailangang iwasan ng mga Kristiyano ang ganitong uri ng pagkapoot. Ito ang pagkapoot na nag-udyok kay Cain na patayin ang kaniyang matuwid na kapatid na si Abel. (1 Juan 3:12) Ito rin ang uri ng pagkapoot na taglay ng mga pinunong relihiyoso kay Jesu-Kristo.—Mateo 26:3, 4.
4 Isa pa, ang salitang “poot” ay ginagamit sa Kasulatan sa diwa na huwag ibigin nang higit. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Kung ang sinumang tao’y pumaparito sa akin at hindi napopoot sa kaniyang sariling ama at ina at asawang babae at mga anak at mga kapatid na lalaki at mga kapatid na babae, oo, at pati sa kaniyang sariling kaluluwa man, siya ay hindi maaaring maging alagad ko.” (Lucas 14:26) Maliwanag, ang ibig lamang sabihin ni Jesus ay huwag nating ibigin ang mga ito nang higit kaysa pag-ibig natin sa kaniya. Si Jacob ay ‘napoot kay Leah,’ subalit sa totoo ay hindi siya inibig nang higit kaysa kay Rachel.—Genesis 29:30, 31.
5 At nariyan ang kahulugan ng salitang “poot” na siyang higit na tinutukoy natin dito. Ito’y may diwa na pagkakaroon ng napakatinding pag-ayaw o matinding pagtanggi sa sinuman o sa isang bagay anupat iniiwasan nating magkaroon ng anumang kaugnayan sa gayong tao o bagay. Sa Awit 139 ito ay tinutukoy na ‘lubos na pagkapoot.’ Doon ay sinabi ni David: “Hindi ko ba kinapopootan yaong mga may matinding pagkapoot sa iyo, Oh Jehova, at hindi ko ba kinasusuklaman yaong mga naghihimagsik laban sa iyo? Sila’y lubos na kinapopootan ko. Sila’y naging tunay na mga kaaway ko.”—Awit 139:21, 22.
Kung Bakit Tayo Dapat Mapoot sa Kasamaan
6, 7. (a) Bakit, higit sa lahat, dapat tayong mapoot sa kasamaan? (b) Ano ang ikalawang matinding dahilan upang kapootan ang kasamaan?
6 Bakit tayo dapat mapoot sa kasamaan? Ang isang dahilan ay upang magkaroon tayo ng paggalang sa sarili at ng isang mabuting budhi. Sa ganitong paraan lamang makapagkakaroon tayo ng isang mabuting kaugnayan sa ating matuwid, maibiging makalangit na Ama, si Jehova. Si David ay nagpakita ng mainam na halimbawa sa bagay na ito, gaya ng makikita sa pagbasa sa Awit 26. Halimbawa, sinabi niya: “Aking kinapopootan ang kongregasyon ng mga manggagawa ng masama, at hindi ako nauupo na kaumpok ng mga balakyot.” (Awit 26:5) Ang ating pag-ibig sa Diyos at sa katuwiran ang dapat na magpakilos sa atin upang magkaroon ng matuwid na galit—oo, pagkapoot—sa lahat ng masama ayon sa kaniyang pangmalas, kasali na ang mga gawang masama niyaong mga sumusuway at napopoot kay Jehova. At, tayo’y dapat mapoot sa kasamaan dahilan sa kasiraan na dulot nito sa pangalan ng Diyos.
7 Ang isa pang dahilan kung bakit ang bayan ni Jehova ay dapat mapoot sa kasamaan ay sapagkat ito’y napakamapanganib at nakapipinsala. Ang paghahasik ukol sa laman, na nangangahulugang paghahasik ng kasamaan, ay magkakaroon ng anong resulta? Si Pablo ay nagbabala: “Huwag kayong padaya: Ang Diyos ay hindi napabibiro. Sapagkat anuman ang inihahasik ng tao, ito rin ang aanihin niya; sapagkat ang naghahasik ukol sa laman ay aani ng kasiraan buhat sa kaniyang laman, ngunit ang naghahasik ukol sa espiritu ay aani ng buhay na walang-hanggan buhat sa espiritu.” (Galacia 6:7, 8) Kaya ayaw nating magkaroon ng anumang kinalaman sa gawang kasamaan. Oo, kailangang mapoot tayo sa lahat ng kasamaan ukol sa ating sariling ikabubuti at sa katahimikan ng isip.
Yaong mga Napopoot sa Kasamaan
8. Sino ang pangunahing halimbawa sa pagkapoot sa kasamaan, gaya ng ipinakikita ng anong mga talata?
8 Sa pagkapoot sa kasamaan, ang Diyos ang pangunahing halimbawa para sa lahat ng matatalinong nilalang. Siya’y may matuwid na pagkagalit sa kasamaan, at ang kaniyang Salita ay nagsasabi: “May anim na bagay na kinapopootan si Jehova; oo, pito na kasuklam-suklam sa kaniyang kaluluwa: mga palalong mata, sinungaling na dila, at mga kamay na nagbububo ng dugong walang sala, puso na kumakatha ng masasamang akala, mga paa na matulin sa pagtakbo sa kasamaan, sinungaling na saksi na nagsasalita ng kabulaanan, at ang naghahasik ng pagtatalo sa gitna ng magkakapatid.” Mababasa rin natin: “Ang pagkatakot kay Jehova ay ang pagkapoot sa masama. Ang pagdakila sa sarili at pagmamataas at ang masamang lakad at ang masamang bibig ay aking kinapopootan.” (Kawikaan 6:16-19; 8:13) Isa pa, sa atin ay sinasabi: “Ako, si Jehova, ay umiibig sa katarungan, kinapopootan ko ang pagnanakaw sampu ng pang-aapi.”—Isaias 61:8.
9, 10. Papaano ipinakita ni Jesus na kaniyang kinapootan ang kasamaan?
9 Tinularan ni Jesu-Kristo ang kaniyang Ama sa pagkapoot sa kasamaan. Kaya, ating mababasa: “Inibig mo ang katuwiran at kinapootan mo ang kasamaan. Kaya naman ikaw ay pinahiran ng Diyos, ng iyong Diyos, ng langis ng kasayahan higit sa iyong mga kasamahan.” (Hebreo 1:9) Si Jesus ay nagpakita ng isang halimbawa para sa atin sa uring ito ng pagkapoot. Kaniyang ipinakita ang pagkapoot niya sa kasamaan sa pamamagitan ng pagbubunyag sa mga kusang namimihasa roon—ang mga lider ng huwad na relihiyon. Paulit-ulit, kaniyang tinuligsa sila bilang mga mapagpaimbabaw. (Mateo, kabanata 23) Minsan ay sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin.” (Juan 8:44) Ipinakita ni Jesus ang pagkapoot niya sa kasamaan hanggang sa sukdulan ng paggamit ng pisikal na lakas, sa dalawang pagkakataon na nilinisan niya ang templo ng masasakim na mga mapagpaimbabaw na relihiyoso.—Mateo 21:12, 13; Juan 2:13-17.
10 Ipinakita rin ni Jesus ang kaniyang pagkapoot sa kasamaan at kasalanan sa pamamagitan ng lubusang paglayo sa mga ito. Kaya naman, mainam ang pagkatanong niya sa mga sumasalansang sa kaniya: “Sino sa inyo ang may maisusumbat sa akin na kasalanan?” (Juan 8:46) Si Jesus ay “tapat, walang sala, walang dungis, hiwalay sa mga makasalanan.” (Hebreo 7:26) Bilang pagpapatunay rito, sumulat si Pedro na si Jesus ay “hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig.”—1 Pedro 2:22.
11. Anong maka-Kasulatang mga halimbawa mayroon tayo ng di-sakdal na mga tao na napoot sa kasamaan?
11 Si Jesus naman ay isang taong sakdal. Mayroon ba tayong mga halimbawa sa Kasulatan ng mga taong di-sakdal na talagang napoot sa kasamaan? Oo, mayroon! Halimbawa, si Moises at ang kaniyang mga kasamahang Levita ay nagpakita ng malaking pagkapoot sa idolatriya nang kanilang lipulin ang mga 3,000 mananamba sa idolo sa utos ni Jehova. (Exodo 32:27, 28) Si Pinehas ay nagpakita ng malaking pagkapoot sa kasamaan nang kaniyang paslangin sa pamamagitan ng sibat ang dalawang mapakiapid.—Bilang 25:7, 8.
Pagpapakita ng Pagkapoot sa Kasamaan
12. (a) Papaano natin maipakikita ang ating pagkapoot sa kasamaan? (b) Ano ang ilan sa praktikal na mga paraan upang maiwasan ang masasamang kaisipan?
12 Kung tungkol naman sa panahon natin, papaano tayo makapagpapakita ng ating pagkapoot sa kasamaan? Sa pamamagitan ng pagpipigil sa ating mga kaisipan, mga pananalita, at mga kilos. Kailangang paunlarin natin ang ugaling pag-iisip tungkol sa nakapagpapatibay na mga bagay pagka ang ating mga isip ay hindi okupado ng espesipikong mga trabaho. Kung sakaling tayo’y nakahiga na sa gabi, baka may hilig tayo na magbaling ng isip sa negatibong mga bagay, tulad ng patuloy na pag-iisip tungkol sa mga sama ng loob o pagkahilig sa guniguning mga bagay tungkol sa sekso. Huwag bigyan kailanman ng daan ang gayong mga bagay, kundi ugaliin na maging mahilig sa mapapakinabangang kaisipan. Halimbawa, subukan na magmemorya ng mga kasulatan, ng siyam na mga kaligayahan, at ng siyam na bunga ng espiritu. (Mateo 5:3-12; Galacia 5:22, 23) Masasabi mo ba ang mga pangalan ng 12 apostol? Alam mo ba ang Sampung Utos? Anu-ano ang pitong kongregasyon na pinahatdan ng mensahe sa Apocalipsis? Ang pagmememorya ng mga awitin sa Kaharian ay tumutulong din upang ang ating mga isip ay mapatutok sa mga bagay na totoo, karapat-dapat pag-isipan, matuwid, malinis, kaibig-ibig, may mabuting ulat, may kagalingan, at kapuri-puri.—Filipos 4:8.
13. Ang pagkapoot sa kasamaan ay magtutulak sa atin na kapootan ang anong uri ng pananalita?
13 Isa pa, ating ipinakikita na kinapopootan natin ang kasamaan sa pamamagitan ng pag-iwas sa lahat ng mahalay na pananalita. Maraming taong makasanlibutan ang natutuwa sa pagkukuwento at pakikinig sa mahahalay na biro, ngunit ang mga Kristiyano ay hindi dapat mapahilig kahit na sa pakikinig man lamang sa mga ito. Bagkus, tayo’y lumayo kaagad at iwasan ang makisali sa anumang pag-uusap-usap na patungo sa gayong napakababang uri ng pag-uusap. Kung hindi makalayo kaagad, ipakita man lamang natin sa pamamagitan ng ibinabadya ng ating mukha na tayo’y napopoot sa gayong mga usapan. Sundin natin ang magaling na payong ito: “Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang anumang mabuti na ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nakikinig.” (Efeso 4:29) Huwag nating parumihin ang ating mga sarili sa pamamagitan ng pagsasalita ng mga bagay na marurumi o pakikinig doon.
14. Anong pagsasanggalang ang magagawa sa atin ng pagkapoot sa masasamang kaugalian sa negosyo at sa trabaho?
14 Ang ating pagkapoot sa kasamaan ay kailangan ding nakatutok laban sa lahat ng makasalanang mga kinaugalian. Ang pagkapoot sa kasamaan ay tutulong sa atin na iwasan ang silo ng pakikipagkompromiso tungkol dito. Ang tunay na mga Kristiyano ay hindi namimihasa sa pagkakasala. (Ihambing ang 1 Juan 5:18.) Halimbawa, tayo’y kailangang mapoot sa lahat ng pandaraya sa negosyo. Sa ngayon, marami sa mga Saksi ni Jehova ang ginigipit na magdaya alang-alang sa kanilang mga pinagtatrabahuhan subalit sila’y tumanggi. Gusto pa ng mga Kristiyano na sila’y mawalan ng trabaho imbes na gumawa ng isang bagay na lumalabag sa kanilang budhi na sinanay sa Bibliya. Isa pa, nais din nating ipakita ang ating pagkapoot sa kasamaan sa hindi paglabag sa mga batas ng trapiko at hindi pagdaraya pagka tayo ay nagbabayad ng taripa o mga buwis sa adwana.—Gawa 23:1; Hebreo 13:18.
Pagkapoot sa Seksuwal na Karumihan
15. Ang paglalang sa mga tao na taglay ang matinding hangaring makipagtalik ay nakatugon sa anong maiinam na layunin?
15 Bilang mga Kristiyano, ang lalo nang dapat nating kapootan sa lahat ng karumihan ay yaong may kinalaman sa sekso. Sa paglalang sa tao na taglay ang matinding hangarin na makipagtalik, natugunan ng Diyos ang dalawang maiinam na layunin. Kaniyang tiniyak na ang lahi ng tao ay hindi malilipol, at gumawa rin siya ng isang lubhang mapagmahal na paglalaan para sa kaligayahan. Kahit na ang mga taong maralita, di-marunong bumasa’t sumulat, o may kakapusan sa iba pang mga paraan ay maaaring makasumpong ng malaking kaligayahan sa pag-aasawa. Gayunman, tinakdaan ni Jehova ng hangganan ang pagtatamo ng kaligayahan sa relasyong ito. Kailangang igalang ang inilagay ng Diyos na mga hangganan.—Genesis 2:24; Hebreo 13:4.
16. Ano ang dapat na maging saloobin natin tungkol sa seksuwal na karumihan may kaugnayan sa libangan at mga kaugalian?
16 Kung tayo’y napopoot sa kasamaan, tayo ay masugid na iiwas sa lahat ng maruruming gawain sa sekso at imoral na libangan. Kung gayon ay iiwasan natin ang lahat ng nakapag-aalinlangan sa moral na mga aklat, mga magasin, at mga pahayagan. Gayundin, kung tayo’y napopoot sa kasamaan, hindi tayo manonood ng anumang mahalay na panoorin, maging sa telebisyon, sa sine, o sa dulaan. Kung sakaling makita nating imoral ang isang palabas, agad nating isara ang telebisyon o magkaroon tayo ng lakas ng loob na lisanin agad ang sinehan. Sa katulad na paraan, dahil sa pagkapoot sa kasamaan iiwasan natin ang lahat ng musika na pumupukaw ng silakbo ng damdamin sa taglay nitong liriko o sa kumpas nito. Hindi natin hahangarin na matuto ng imoral na mga bagay kundi tayo’y magiging mistulang ‘mga sanggol kung tungkol sa kasamaan, subalit husto na ang paglaki, kung sa pang-unawa.’—1 Corinto 14:20.
17. Anong payo ang ibinibigay ng Colosas 3:5 na makatutulong sa atin na makapanatiling malinis sa moral?
17 Angkop na angkop naman, ang payo sa atin: “Patayin nga ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa ibabaw ng lupa kung tungkol sa pakikiapid, karumihan, pagkagahaman sa sekso.” (Colosas 3:5) Walang alinlangan na epektibong mga hakbang ang kailangang kunin natin kung nais nating maging desidido na manatiling malinis sa moral. Tungkol sa pandiwang Griego na isinaling “patayin” sa Colosas 3:5, sinasabi ng The Expositor’s Bible Commentary: “Ito’y nagpapahiwatig na hindi lamang kailangang sugpuin o pigilin ang masasamang gawa at mga saloobin. Kailangang pawiin natin ang mga ito, lubusang alisin ang matandang paraan ng pamumuhay. ‘Lubusang patayin’ ang maaaring magpahayag ng puwersa nito. . . . Kapuwa ang kahulugan ng pandiwa at ang puwersa ng panahunan ay nagpapahiwatig ng isang matindi, masakit na paggawa ng personal na determinasyon.” Dapat kung gayon na iwasan natin ang pornograpya na para bang ito ay isang mapanganib, nakahahawa, nakamamatay na sakit, sapagkat iyan nga ang ibig sabihin niyan kung tungkol sa moral at sa espirituwalidad. Si Kristo ay nagpahayag ng isang nahahawig na kaisipan nang kaniyang sabihin na putulin ang isang kamay, ang isang paa, o dukitin kahit na ang isang mata kung iyon ay nagiging dahilan ng pagkatisod.—Marcos 9:43-48.
Pagkapoot sa Huwad na Relihiyon at sa Apostasya
18. Papaano natin maipakikita ang ating pagkapoot sa relihiyosong kasamaan?
18 At, noon, kung papaanong ipinakita ni Jesus ang kaniyang pagkapoot sa kasamaan sa pamamagitan ng pagbubunyag sa mapagpaimbabaw na mga relihiyonista, ngayon naman ay ipinakikita rin ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pagkapoot sa lahat ng mapagpaimbabaw na kasamaan sa relihiyon. Papaano? Sa pamamagitan ng pamamahagi ng literatura sa Bibliya na naglalantad sa Babilonyang Dakila sa kung ano talaga siya, isang relihiyosong patutot. Kung talagang napopoot tayo sa masamang relihiyosong pagpapaimbabaw, tahasang ibubunyag natin ang Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Gagawin natin iyan alang-alang sa tapat-pusong mga tao na kaniyang binulag at iginapos sa espirituwal na pagkaalipin. Hanggang sa sukdulang talagang kinapopootan natin ang kasamaan ng Babilonyang Dakila, sa sukdulang iyan magiging masigasig tayo sa pakikibahagi sa lahat ng pitak ng ministeryo sa Kaharian.—Mateo 15:1-3, 7-9; Tito 2:13, 14; Apocalipsis 18:1-5.
19. Papaano natin dapat malasin ang mga apostata, at bakit?
19 Ang obligasyon na mapoot sa kasamaan ay kapit din sa lahat ng gawain ng mga apostata. Ang ating saloobin kung tungkol sa mga apostata ay dapat na kagaya ng kay David, na nagpahayag: “Hindi ko ba kinapopootan yaong mga may matinding pagkapoot sa iyo, Oh Jehova, at hindi ko ba kinasusuklaman yaong mga naghihimagsik laban sa iyo? Sila’y lubos na kinapopootan ko. Sila’y naging tunay na mga kaaway ko.” (Awit 139:21, 22) Ang modernong-panahong mga apostata ay nakipanig sa “taong tampalasan,” ang klero ng Sangkakristiyanuhan. (2 Tesalonica 2:3) Bilang tapat na mga Saksi ni Jehova, tayo nga ay walang bahagya mang pagkakatulad sa kanila. Palibhasa’y di-sakdal, madaling nahihilig ang ating mga puso sa pagiging palapintasin sa ating mga kapatid. Bilang mga indibiduwal, yaong kabilang sa “tapat at maingat na alipin” ay mga taong di-sakdal. (Mateo 24:45-47) Subalit ang uring ito ay tapat at maingat. Ang mga kamalian o waring mga pagkakamali ng mga kapatid na nangunguna ay sinasamantala ng mga apostata upang maitaguyod ang kanilang sariling kapakanan. Ang ating pagkaligtas ay nasa pag-iwas natin sa propaganda ng mga apostata na mistulang lason, na talaga naman.—Roma 16:17, 18.
20, 21. Papaano makapagbibigay ng sumaryo ng mga dahilan sa pagkapoot sa kasamaan?
20 Nakita na natin na ang sanlibutan ay punô ng kasamaan, na kasingkahulugan ng kasalanan. Hindi sapat na ibigin natin ang katuwiran; kailangan ding kapootan natin ang kasamaan. Ang iba sa mga naitiwalag sa kongregasyong Kristiyano ay marahil nag-iisip na iniibig nila ang katuwiran, ngunit hindi lubusan ang kanilang pagkapoot sa kasamaan. Nakita rin natin kung bakit dapat nating kapootan ang kasamaan. Hindi tayo makapagkakaroon ng isang mabuting budhi at respeto sa sarili maliban sa gawin natin iyan. Isa pa, ang kasamaan ay nangangahulugan ng hindi pagiging tapat sa Diyos na Jehova. At ang bunga sa atin ng kasamaan ay ang pag-aani ng napakapait na bunga—karalitaan, kabulukan, at kamatayan.
21 Nakita rin natin kung papaano ipakikita na tayo’y napopoot sa kasamaan. Ginagawa natin iyan sa pamamagitan ng hindi pakikialam sa anumang uri ng pandaraya, seksuwal na imoralidad, o apostasya. Yamang nais nating makibahagi sa pagbabangong-puri kay Jehova at nagnanasa tayong pagalakin ang kaniyang puso, tayo’y hindi lamang iibig sa katuwiran at mananatiling magawain sa paglilingkod sa kaniya kundi kapopootan din natin ang kasamaan, tulad ng ating Lider at Kumander, si Jesu-Kristo.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Papaano ginagamit ng Kasulatan ang salitang “poot”?
◻ Ano ang ilang mabubuting dahilan para kapootan natin ang kasamaan?
◻ Anong maiinam na halimbawa mayroon tayo ng mga napoot sa kasamaan?
◻ Papaano natin maipakikita ang ating pagkapoot sa kasamaan?
[Larawan sa pahina 8]
Nilinis ni Jesus ang templo sapagkat siya’y napoot sa kasamaan
[Larawan sa pahina 10]
Kung tayo’y napopoot sa kasamaan, ating iiwasan ang libangan na nagtatanghal ng seksuwal na karumihan