Patuloy na Magpatibayan sa Isa’t Isa
“Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang anumang mabuti na ikatitibay ayon sa pangangailangan.”—EFESO 4:29.
1, 2. (a) Bakit wastong masasabi na ang pagsasalita ay kamangha-mangha? (b) Anong pag-iingat ang nararapat tungkol sa kung papaano natin ginagamit ang ating dila?
“ANG pagsasalita ay mistulang madyik na nagbubuklod sa mga kaibigan, pamilya at mga lipunan . . . Buhat sa kaisipan ng tao at sa kaugnay na mga paggalaw ng mga kalamnan [ng dila], tayo’y gumagawa ng mga tunog na nagbibigay-daan sa pag-ibig, pagkainggit, paggalang—oo, anumang emosyon ng tao.”—Hearing, Taste and Smell.
2 Ang ating dila ay hindi lamang isang sangkap para sa paglunok o sa paglasa; ito’y bahagi ng ating abilidad na ibahagi ang ating iniisip at nadarama. “Ang dila ay isang maliit na sangkap,” isinulat ni Santiago. “Ito ang ating ipinagpupuri kay Jehova, alalaong baga ang Ama, at ito rin ang ipinanlalait natin sa mga tao na nilikha ‘ayon sa wangis ng Diyos.’ ” (Santiago 3:5, 9) Oo, magagamit natin ang ating dila sa maiinam na paraan, tulad sa pagpuri kay Jehova. Subalit palibhasa’y di-sakdal, dagling magagamit natin ang ating mga dila sa pagsasalita ng nakasasakit o negatibong mga bagay. Sumulat si Santiago: “Hindi nararapat, mga kapatid ko, na ang mga bagay na ito’y magpatuloy nang ganito.”—Santiago 3:10.
3. Anong dalawang bahagi ng pagsasalita ang dapat nating bigyang-pansin?
3 Samantalang walang tao na lubusang makapipigil sa kaniyang dila, tunay na dapat tayong magsikap na sumulong. Si apostol Pablo ay nagpapayo sa atin: “Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang anumang mabuti na ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang nakikinig.” (Efeso 4:29) Pansinin na ang payong ito ay may dalawang bahagi: ang dapat nating pagsumikapang iwasan at ang dapat nating pagsikapang gawin. Ating isaalang-alang ang dalawang bahaging ito.
Pag-iwas sa Salitang Mahalay
4, 5. (a) Anong pagbaka ang ginagawa ng mga Kristiyano tungkol sa malaswang pananalita? (b) Anong larawan ang babagay sa pariralang “salitang mahalay”?
4 Ang Efeso 4:29 ay unang nagpapayo sa atin: “Anumang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig.” Baka hindi madali iyan. Ang isang dahilan ay palasak ang kalaswaan na nakapalibot sa ating daigdig. Maraming kabataang Kristiyano ang nakaririnig ng pagmumura sa araw-araw, sapagkat marahil ay inaakala ng mga kamag-aral na ito’y lalong nagdiriin o pinagtitinging sila ang mas malalakas. Maaaring hindi natin lubusang maiiwasan ang pagkarinig ng mahahalay na salita, ngunit tayo’y makapagsisikap at dapat magsikap na huwag gumamit nito. Ito’y walang dako sa ating isip o bibig.
5 May kaugnayan sa babala ni Pablo ang isang salitang Griego na nauugnay sa sirang isda o nabulok na prutas. Gunigunihin ito: May nakita kang isang taong naubos ang pasensiya at nagpanting ang tainga. Sa wakas ay nagsiklab sa galit, at nakita mong isang nabubulok na isda ang lumabas sa kaniyang bibig. Pagkatapos ay nakita mong isang umaalingasaw, nabubulok na prutas ang nahulog, natilamsikan ang lahat ng kalapit. Sino siya? Kakila-kilabot nga kung siya’y isa sa atin! Gayunman, ang gayong larawan ang babagay kung papayagan natin na ‘lumabas sa ating bibig ang salitang mahalay.’
6. Papaano kumakapit ang Efeso 4:29 sa mapintasin, negatibong pananalita?
6 Ang isa pang pagkakapit ng Efeso 4:29 ay ang iwasan natin ang palagi na lamang namimintas. Ipagpalagay natin, lahat tayo ay may mga opinyon at mga sariling kagustuhan tungkol sa mga bagay na ayaw natin o hindi natin tinatanggap, ngunit ikaw ba ay nakakita na ng isang taong waring may negatibong komento (o mga komento) tungkol sa bawat tao, lugar, o bagay na binanggit? (Ihambing ang Roma 12:9; Hebreo 1:9.) Ang kaniyang pananalita ay nagpapahina ng loob, nagpapalungkot, o nakasisira. (Awit 10:7; 64:2-4; Kawikaan 16:27; Santiago 4:11, 12) Baka hindi niya alam na siya’y katulad niyaong mga mapintasin na binanggit ng Malakias. (Malakias 3:13-15) Siya nga’y magigitla kung ang isang nagmamasid ay magsasabing isang sirang isda o nabubulok na prutas ang lumalabas sa kaniyang bibig!
7. Anong pagsusuri sa sarili ang dapat gawin ng bawat isa sa atin?
7 Samantalang madaling makilala pagka ang iba’y palaging gumagawa ng negatibo o namimintas na mga komento, tanungin ang iyong sarili, ‘Ako ba’y mahilig na maging ganiyan? Talaga nga kayang ako’y ganiyan?’ Isang katalinuhan na manakanaka’y pag-isipan ang laman ng ating mga salita. Ang mga ito ba ay palaging negatibo, mapintasin? Tayo ba’y katulad ng tatlong nagkunwaring mga mang-aaliw ni Job? (Job 2:11; 13:4, 5; 16:2; 19:2) Bakit hindi humanap ng isang positibong bagay na masasabi? Kung ang isang usapan ay pamimintas ang kalakhang bahagi, bakit hindi itungo iyon sa mga bagay na nakapagpapatibay?
8. Ang Malakias 3:16 ay nagbibigay ng anong aral tungkol sa pagsasalita, at papaano natin maipakikita na ating ikinakapit ang aral?
8 Iniharap ni Malakias ang ganitong kabaligtaran: “Silang natatakot kay Jehova ay nagsang-usapan sa isa’t isa, bawat isa sa kaniyang kasama, at si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig. At isang aklat ng alaala ang sinimulang isulat sa harap niya para sa mga natatakot kay Jehova at para sa mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16) Napansin mo ba kung papaano tumugon ang Diyos sa nakapagpapatibay na pananalita? Ano ang malamang na epekto ng gayong pag-uusap sa mga kasama? Tayo’y matututo ng isang aral tungkol sa ating pang-araw-araw na pakikipag-usap. Lalong kay-inam para sa atin at sa iba kung ang ating karaniwang pakikipag-usap ay nagbabadya ng ating ‘hain ng papuri sa Diyos.’—Hebreo 13:15.
Sikaping Patibayin ang Iba
9. Bakit ang mga pulong Kristiyano ay maiinam na pagkakataon upang patibayin ang iba?
9 Ang mga pulong ng kongregasyon ay maiinam na okasyon upang magsalita ng ‘anumang mabuti sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nakikinig.’ (Efeso 4:29) Magagawa natin iyan pagka nagbibigay ng pahayag tungkol sa Bibliya, nakikibahagi sa isang pagtatanghal, o nagkokomento sa mga bahaging tanong-at-sagot. Sa ganoo’y pinatutunayan natin ang Kawikaan 20:15: “Ang mga labi ng kaalaman ay mahalagang mga kagamitan.” At sino ang nakaaalam kung ilang mga puso ang ating naaantig o napatitibay?
10. Pagkatapos pag-isipan kung sino ang karaniwang kinakausap natin, anong pagbabago ang nararapat? (2 Corinto 6:12, 13)
10 Ang panahon bago at pagkatapos ng mga pulong ay kombinyente para sa pagpapatibay sa iba sa pamamagitan ng usapan na mapapakinabangan ng nakikinig. Madaling gugulin ang mga panahong ito sa kawili-wiling pakikipag-usap sa mga kamag-anak at ilang mga kaibigan na ating kapalagayang-loob. (Juan 13:23; 19:26) Gayunman, kasuwato ng Efeso 4:29, bakit hindi humanap ng mga iba pa na makakausap? (Ihambing ang Lucas 14:12-14.) Antimano ay makapaghahanda tayo ng higit pang sasabihin at hindi isa lamang pormal o karaniwang bati na magandang-araw sa mga baguhan, nakatatandang mga tao, o mga kabataan, anupat nakikiupo tayong kasama ng mga bata upang makibagay sa kanila. Ang ating tunay na interes at mga panahon ng nagpapatibay na pananalita ay aantig sa iba upang higit pang maibulalas ang naging damdamin ni David sa Awit 122:1.
11. (a) Ano ang nakaugalian na ng marami kung tungkol sa pag-upo? (b) Bakit sadyang pinag-iiba-iba ng ilan ang lugar na kanilang inuupuan?
11 Ang isa pang tulong sa nakapagpapatibay na pag-uusap ay ang pagpapabagu-bago ng upuan natin sa mga pulong. Ang isang inang nagpapasuso ay baka kailangang maupo malapit sa restroom, o ang isang may karamdaman ay baka kailangang maupo sa gilid, subalit kumusta naman ang iba sa atin? Bunga ng kinahiratihan, tayo ay baka doon palaging maupo sa dating upuan o lugar; anupat maging ang isang ibon man ay likas na bumabalik sa kaniyang pugad. (Isaias 1:3; Mateo 8:20) Sa madali’t sabi, yamang maaari naman tayong umupo saanman, bakit hindi magbagu-bago ng ating lugar—sa kanan, sa kaliwa, malapit sa harap, at iba pa—at sa gayo’y higit na makilala ang iba’t iba? Bagaman walang alituntunin na gawin natin ito, ang matatanda at iba pang mga maygulang na nag-iiba-iba ng kanilang upuan ay nakasumpong na mas madaling makatulong sa marami imbes na sa iilan lamang na mga kaibigan.
Magpatibayan sa Paraang Maka-Diyos
12. Anong di-kanais-nais na hilig ang makikita sa buong kasaysayan?
12 Ang hangarin ng isang Kristiyano na magpatibay sa iba ay dapat magpakilos sa kaniya na tularan ang Diyos sa bagay na ito imbes na sundin ang hilig ng tao na gumawa ng maraming alituntunin.a Ang di-sakdal na mga tao ay malaon nang nakahilig na pamahalaan yaong mga nasa paligid nila, at maging ang iba pa sa mga lingkod ng Diyos ay napadala sa ganitong hilig. (Genesis 3:16; Eclesiastes 8:9) Noong panahon ni Jesus ang mga pinunong Judio ay nagbibigkis ng ‘mabibigat na pasan na ipinapapasan sa iba datapuwat ayaw man lamang nilang kilusin ang kanilang daliri.’ (Mateo 23:4) Ang di-nakapipinsalang mga kaugalian ay kanilang ginawang sapilitang dapat sundin na mga tradisyon. Sa labis na pagpapahalaga sa mga alituntunin ng tao, nakaligtaan nila ang mga bagay na mas minamahalaga ng Diyos. Walang sinumang napatibay sa kanilang paggawa ng maraming mga alituntuning di maka-Kasulatan; ang kanilang paraan ay hindi yaong paraan ng Diyos.—Mateo 23:23, 24: Marcos 7:1-13.
13. Bakit di-nararapat na gumawa ng maraming alituntunin para sa mga kapuwa Kristiyano?
13 Tunay na nais ng mga Kristiyano na sumunod sa mga kautusan ng Diyos. Gayunman, tayo man ay maaaring maging biktima ng hilig na gumawa ng napakaraming nagpapabigat na mga alituntunin. Bakit? Unang-una, ang mga panlasa o mga kagustuhan ay nagkakaiba-iba, kaya nagugustuhan ng iba ang ayaw naman ng iba at iniisip nila na dapat alisin. Ang mga Kristiyano rin naman ay nagkakaiba-iba sa kanilang pagsulong tungo sa espirituwal na pagkamaygulang. Subalit ang paggawa ba ng napakaraming mga alituntunin ang maka-Diyos na paraan ng pagtulong sa iba upang sumulong tungo sa pagkamaygulang? (Filipos 3:15; 1 Timoteo 1:19; Hebreo 5:14) Kahit na kung ang isang tao ay aktuwal na nagtataguyod ng isang landasin na waring kalabisan o mapanganib, ang isa bang alituntuning nagbabawal ang pinakamagaling na solusyon? Ang paraan ng Diyos ay ang mga kuwalipikado ang tumulong upang mapasauli ang isang taong nagkasala sa pamamagitan ng mahinahong pakikipagkatuwiran sa taong iyon.—Galacia 6:1.
14. Ano ang mga layunin ng mga kautusan na ibinigay ng Diyos sa Israel?
14 Totoo, samantalang ginagamit ang Israel bilang kaniyang bayan, ang Diyos ay hindi naman nagbigay ng daan-daang mga kautusan tungkol sa pagsamba sa templo, mga hain, maging sa kalinisan man. Ito ay angkop para sa isang tanging bansa, at marami sa mga kautusan ang may makahulang kahulugan at tumulong upang akayin ang mga Judio sa Mesiyas. Si Pablo ay sumulat: “Ang Kautusan ay naging tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Kristo, upang tayo’y ariing matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Datapuwat ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo’y wala na sa ilalim ng tagapagturo.” (Galacia 3:19, 23-25) Pagkatapos na ang Kautusan ay pawiin sa pahirapang tulos, ang Diyos ay hindi nagbigay sa mga Kristiyano ng isang malawakang listahan ng mga alituntunin sa karamihan ng mga pitak ng buhay, na para bang iyon ang paraan upang sila’y mapatibay sa pananampalataya.
15. Anong patnubay ang ibinigay ng Diyos para sa mga Kristiyanong mananamba?
15 Mangyari pa, tayo’y may kautusan na sinusunod. Iniutos sa atin ng Diyos na umiwas sa idolatriya, pakikiapid at pangangalunya, at sa maling paggamit sa dugo. Kaniyang tiyakang ibinabawal ang pagpatay, pagsisinungaling, espiritismo, at sari-saring iba pang mga kasalanan. (Gawa 15:28, 29; 1 Corinto 6:9, 10; Apocalipsis 21:8) At sa kaniyang Salita ay nagbibigay siya ng malinaw na payo tungkol sa maraming bagay. Gayunman, tayo, higit kaysa mga Israelita, ay may pananagutan na matuto at magkapit ng mga simulain sa Bibliya. Ang matatanda ay makapagpapatibay sa iba sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na hanapin at pag-isipan ang mga simulaing ito imbes na basta humanap lamang o gumawa ng mga alituntunin.
Matatanda na Nangagpapatibay
16, 17. Ang mga apostol ay nagpakita ng anong mainam na pamarisan kung tungkol sa paggawa ng mga alituntunin para sa mga kapuwa mananamba?
16 Sumulat si Pablo: “Ayon sa atin nang naisulong, patuloy na lumakad tayo nang may kaayusan sa ganito ring rutina.” (Filipos 3:16) Kasuwato ng maka-Diyos na punto de vistang iyan, ang apostol ay nakitungo sa iba sa paraan na nagpapatibay. Halimbawa, isang suliranin ang bumangon tungkol sa kung kakain ng karne na maaaring nanggaling sa templo ng idolo. Ang matanda bang ito, marahil upang magkapare-pareho, o para maging simple, ay nagtakda ng isang alituntunin para sa lahat sa sinaunang mga kongregasyon? Hindi. Kaniyang kinilala na ang pagkakaiba-iba ng kaalaman at ang pagsulong tungo sa pagkamaygulang ay maaaring umakay sa mga Kristiyanong iyon sa nagkakaibang mga pasiya. Para sa kaniya, siya’y desididong magpakita ng isang mainam na halimbawa.—Roma 14:1-4; 1 Corinto 8:4-13.
17 Ang Kasulatang Griegong Kristiyano ay nagpapakita na nagbigay ang mga apostol ng nakatutulong na payo tungkol sa ilang personal na mga bagay-bagay, tulad halimbawa sa pananamit at pag-aayos ng sarili, subalit hindi sila gumawa ng mga alituntunin na kapit sa lahat ng pagkakataon. Sa ngayon ito ay isang mainam na halimbawa para sa mga tagapangasiwang Kristiyano, na interesado sa pagpapatibay sa kawan. At ito ay aktuwal na isang mahalagang paraan ng pakikitungo na sinunod ng Diyos kahit na para sa sinaunang Israel.
18. Si Jehova ay nagbigay ng anong mga alituntunin sa Israel tungkol sa pananamit?
18 Ang Diyos ay hindi nagbigay sa mga Israelita ng masalimuot na mga batas tungkol sa pananamit. Maliwanag na ang mga lalaki at mga babae ay gumamit ng nagkakahawig na mga manta, o mga kasuotang panlabas, bagaman ang sa babae ay marahil burdado o may matitingkad na kulay. Kapuwa ang mga lalaki at mga babae ay may suot na isang sa·dhinʹ, o kasuotang pang-ilalim. (Hukom 14:12; Kawikaan 31:24; Isaias 3:23) Anong mga kautusan tungkol sa pananamit ang ibinigay ng Diyos? Ang mga lalaki ay huwag magdadamit ng damit-babae o ang mga babae ay huwag magdadamit ng damit-lalaki, marahil upang huwag mapagkamalang homoseksuwal. (Deuteronomio 22:5) Upang ipakita na sila’y hiwalay sa mga bansang nakapalibot, ang mga Israelita ay naglalagay ng mga palawit sa laylayan ng kanilang mga damit, at kanilang nilalagyan ng panaling asul sa itaas ng palawit, at marahil mga borlas sa mga sulok ng mga manta. (Bilang 15:38-41) Iyan lamang ang lahat ng tagubilin na ibinigay ng Kautusan tungkol sa estilo ng pananamit.
19, 20. (a) Anong tagubilin ang ibinibigay ng Bibliya sa mga Kristiyano sa damit at pag-aayos? (b) Anong pangmalas ang dapat mayroon ang matatanda tungkol sa paggawa ng mga alituntunin na may kaugnayan sa personal na hitsura?
19 Bagaman ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusan, tayo ba’y may lubhang detalyadong mga alituntunin tungkol sa pananamit o paggayak na ibinibigay sa atin sa Bibliya? Wala naman. Ang Diyos ay nagbigay ng timbang na mga simulain na ating maikakapit. Sumulat si Pablo: “Ibig kong ang mga babae ay magsigayak nang maayos na damit, na may kahinhinan at katinuan, hindi ng mga estilo ng pag-aayos ng buhok at ginto o perlas o napakamamahaling kasuotan.” (1 Timoteo 2:9) Ipinayo ni Pedro na imbes na sa panlabas na paggayak magtutok ng pansin, ang mga babaing Kristiyano ay dapat magtutok ng pansin sa “lihim na pagkatao sa puso sa di-nasisirang kasuotan ng tahimik at mahinahong espiritu.” (1 Pedro 3:3, 4) Ang bagay na naisulat ang ganiyang payo ay nagpapahiwatig na marahil ang ibang mga Kristiyano noong unang siglo ay kinailangang maging higit na mahinhin at may maayos na pananamit at kagayakan. Gayunman, sa halip na humiling—o magbawal—ng ilang estilo, ang mga apostol ay nagbigay lamang ng nagpapatibay na payo.
20 Ang mga Saksi ni Jehova ay dapat at karaniwang iginagalang dahil sa kanilang mahinhing hitsura. Gayunman, ang mga estilo ay nagkakaiba-iba sa mga bansa at kahit na sa isang lugar o sa isang kongregasyon. Kung sa bagay, ang isang matanda na mayroong matitinding opinyon o may sariling gustong estilo ng damit at pag-aayos ay maaaring magpasiya ayon sa gusto niya para sa kaniyang sarili at sa kaniyang pamilya. Subalit kung tungkol sa kawan, kailangang isaisip niya ang punto ni Pablo: “Hindi sa bagay na kami ang may pagkapanginoon sa inyong pananampalataya, kundi kami ay mga kamanggagawa ukol sa inyong kagalakan, sapagkat sa pamamagitan ng inyong pananampalataya kayo nakatayo.” (2 Corinto 1:24) Oo, sa pananaig sa anumang silakbo ng damdamin na magtakda ng mga alituntunin para sa kongregasyon, ang matatanda ay gumagawa sa ikatitibay ng pananampalataya ng iba.
21. Papaano makapagbibigay ang matatanda ng nagpapatibay na tulong kung ang isa ay nagmamalabis kung tungkol sa damit?
21 Tulad noong unang siglo, kung minsan ang isang baguhan o mahina sa espirituwal ay marahil sumusunod sa isang nakapag-aalinlangan o di-mabuting estilo ng damit o paggamit ng make-up o alahas. Ano ngayon? Muli na naman, ang Galacia 6:1 ay nagsisilbing giya para sa Kristiyanong matatanda na may taimtim na hangaring makatulong. Bago ang isang matanda ay magpasiyang mag-alok ng payo, marahil ay mabuting kumonsulta siya sa isang kapuwa matanda, kung maaari ay hindi siya lalapit sa isang matanda na alam niyang katulad din niya ang mga kagustuhan o kaisipan. Kung ang isang makasanlibutang estilo ng damit o pag-aayos ay waring nakaaapekto sa marami sa kongregasyon, maaaring pag-usapan ng lupon ng matatanda kung papaano makatutulong sa pinakamagaling na paraan, tulad ng isang may kabaitan, nagpapatibay na bahagi sa isang pulong o sa pamamagitan ng pag-aalok ng indibiduwal na tulong. (Kawikaan 24:6; 27:17) Ang kanilang tunguhin ay dapat na ang himukin ang iba na magkaroon ng pangmalas na ipinakikita ng 2 Corinto 6:3: “Sa anumang paraan ay hindi kami nagbibigay ng anumang dahilan na ikatitisod, upang huwag mapulaan ang aming ministeryo.”
22. (a) Bakit hindi dapat mabahala kung may kaunting mga pagkakaiba tungkol sa punto de vista? (b) Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ni Pablo?
22 Ang Kristiyanong matatanda na ‘nagpapastol sa kawan ng Diyos na nasa kanilang pag-iingat’ ay nagnanais na gawin ang ayon sa binalangkas ni Pedro, samakatuwid nga, huwag ‘mag-astang panginoon sa mga mana ng Diyos.’ (1 Pedro 5:2, 3) Samantalang ginanap ang kanilang gawaing may pag-ibig, baka bumangon ang mga katanungan tungkol sa mga bagay na maaaring nagkakaiba-iba ang kanilang pasiya. Baka iyon ay isang lokal na kaugalian na tumayo sa pagbabasa sa mga parapo sa panahon ng Pag-aaral ng Bantayan. Ang panggrupong mga kaayusan para sa paglilingkod sa larangan at marami pang ibang mga detalye tungkol sa ministeryo mismo ay maaaring gampanan ayon sa mga kaugalian sa kinauukulang lugar. Gayumpaman, magiging masama ba kung ang sinuman ay may isang bahagyang naiibang paraan? Ninanasa ng maibiging mga tagapangasiwa na “ang mga bagay-bagay ay ganapin nang simple at sa pamamagitan ng kaayusan,” anupat ginamit ni Pablo ang pangungusap na ito tungkol sa kahima-himalang mga kaloob. Subalit ipinakikita ng konteksto na si Pablo ay unang-unang interesado sa “ikatitibay ng kongregasyon.” (1 Corinto 14:12, 40) Hindi siya nagpakita ng hilig na gumawa ng walang katapusang dami ng mga alituntunin, na para bang ang kaniyang pangunahing layunin ay magkaroon ng lubos na pagkakapare-pareho o ganap na kahusayan. Siya’y sumulat: “Ang Panginoon ang nagbigay sa amin [ng autoridad] na patibayin kayo at hindi para gibain kayo.”—2 Corinto 10:8.
23. Ano ang ilang magagamit na mga paraan upang matularan ang halimbawa ni Pablo tungkol sa pagpapatibay sa iba?
23 Walang alinlangan na gumawa si Pablo upang patibayin ang iba sa pamamagitan ng positibo at nagpapatibay-loob na pananalita. Imbes na makisama sa mga ilang kaibigan lamang, siya’y gumawa ng karagdagang pagsisikap upang dumalaw sa maraming mga kapatid, kapuwa ang malakas sa espirituwal at yaong lalong higit na nangangailangang mapatibay. At kaniyang idiniin ang pag-ibig—imbes na ang mga alituntunin—sapagkat “ang pag-ibig ay nagpapatibay.”—1 Corinto 8:1.
[Talababa]
a Sa isang pamilya sari-saring mga alituntunin ang waring nararapat, depende sa mga kalagayan. Pinahihintulutan ng Bibliya na ang mga magulang ay magpasiya ng mga bagay-bagay para sa kanilang mga anak na menor de edad.—Exodo 20:12; Kawikaan 6:20; Efeso 6:1-3.
Mga Punto sa Repaso
◻ Bakit nararapat na magbago kung tayo ay may hilig sa kaisipang negatibo o sa pamimintas?
◻ Ano ang magagawa natin upang tayo’y maging lalong nakapagpapatibay sa kongregasyon?
◻ Ano ang maka-Diyos na pamarisan tungkol sa paggawa ng maraming mga alituntunin para sa iba?
◻ Ano ang tutulong sa matatanda na makaiwas sa paggawa ng mga alituntunin ng tao para sa kawan?