Lumiliwanag Tulad sa mga Ilaw sa Sanlibutan
SA ISANG sanlibutan na pinasamâ ng kalikuan at katigasan ng asal, ang tunay na mga Kristiyano sa buong lupa ay pagmumulan ng ilaw. Sila’y mga ilaw sa isang madilim na sanlibutan. (Filipos 2:15) Maraming libu-libo ang handang gumawa nito bilang mga payunir, o buong-panahong mga mángangarál. Marami sa kanila ang gumugol ng marami nang mga taon sa ganitong paglilingkod at nagtatamasa na ng ganti ngayong nakikitang lahat ng uri ng mga tao ay gumagawa na ng pagbabago sa kanilang buhay upang maging tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo.—Mateo 28:19.
Upang mapatibay-loob ang mga payunir na ito na magpatuloy sa banal na paglilingkurang ito at mapasulong ang kanilang mga kakayahan sa pagtuturo, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatag ng Paaralan sa Paglilingkurang Payunir. Ito ay isang sampung-araw na salig-sa-Bibliyang kurso na dinisenyo upang tumulong sa mga payunir sa tatlong pitak: paglakad kasama ni Jehova bilang mga tagasunod ni Jesu-Kristo; pananagana sa pag-ibig sa buong samahan ng magkakapatid; pagbibigay-liwanag tulad sa mga ilaw sa sanlibutan.
Paaralan sa Pagpapayunir sa Republika ng Sentral Aprika
Sa Bangui, ang kabisera ng Republika ng Sentral Aprika, 48 mag-aaral at 2 instruktor ang nagkatipon noong Agosto ng 1991. Ang mga mag-aaral ay tuturuan at tatanggap ng praktikal na mga mungkahi para sa kanilang gawain. Ano ba ang lubhang nakatutuwa tungkol sa klase sa Bangui?
Unang-una, 21 sa mga mag-aaral ang nag-aaral pa sa sekular na paaralan. Samantalang nag-aaral, sila’y nakapagreregular payunir din. Kanilang ginagamit ang mga buwan ng bakasyon nila, ang kanilang libreng mga dulo ng sanlinggo, at mga hapon upang mangaral at magturo.
Nakita ng mga kabataang ito ang kahalagahan ng paglilingkod ngayon sa kanilang Maylikha. (Eclesiastes 12:1; ihambing ang 1 Corinto 7:29.) Kapansin-pansin na 12 sa kanila ang may mga magulang na wala sa katotohanan. Sa tahanan sila’y nag-iisa sa katotohanan. Dalawang kabataang lalaki, magkapatid sa laman, ang pinalayas ng kanilang ama dahilan sa kanilang pananampalataya. Isang kabataang mag-asawa sa kongregasyon ang kumuha sa dalawang batang ito upang doon tumira sa kanila.
Naiiba naman ang kaso ni Michée at Sulamithe Kaleb. Kapuwa sila mga payunir at sila’y nag-aaral din, subalit ang kanilang mga magulang ay mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, ang kanilang ama ay kaklase nila!
Ang mga kongregasyon sa Bangui ay nagkaroon din ng bahagi sa paaralan, kaya lamang ay sa naiibang paraan. Sila ang nagtustos sa materyal na pangangailangan, tulad halimbawa ng pagkain. Nag-abuloy ng salapi, at gayundin ng mga manok, asukal, bigas, at kamoteng-kahoy upang pakanin ang klase.
Mga grupo ng mga magtatrabaho sa kusina ang itinatag ng karatig na mga kongregasyon upang maghanda ng simple ngunit masasarap na pagkain. Ang Republika ng Sentral Aprika ay bantog sa ngunza, isang ulam na gusto ng lahat. Ang résipé? Dahon ng kamoteng-kahoy, langis ng palma, sibuyas, maraming bawang, maraming peanut butter, at tiyaga upang ito’y malútong lubusan. Ang bawat grupo ay may kaniyang sariling natatanging paraan ng paghahanda nito. Iyon ay lubusang nagtagumpay; walang hindi kumain niyaon.
Sa labas ng Bangui ay dalawa pang klase ang ginanap, isa sa Bouar at isa sa Bambari, lahat-lahat ang bilang ng mga mag-aaral ay 68. Noong nakalipas na dalawang taon, sa Republika ng Sentral Aprika ay nasaksihan ang pagdami ng bilang ng mga payunir. Noong Enero 1992 ay may 149 regular pioneer at 17 special pioneer at 78 auxiliary pioneer. Ang resulta ay ang sumulong na gawain sa buong bansa kasabay ng mga bagong kasukdulang bilang ng mga mamamahayag, oras, pagdalaw-muli, at mga pag-aaral sa Bibliya. Pagka may higit pang manggagawa, ang ani ay nararagdagan.—Isaias 60:21, 22; Mateo 9:37, 38.
Salamat sa Diyos na Jehova sa mga paglalaang ito at sa kaniyang makalupang organisasyon sa pag-sasaayos ng mga klaseng ito. Ito’y nakatutulong sa mga mag-aaral at mga instruktor na magbigay-liwanag tulad sa mga ilaw sa madilim na sanlibutang ito.
[Larawan sa pahina 24]
Dalawampu’t isang mag-aaral sa paaralan sa pagpapayunir na nasa haiskul pa
[Larawan sa pahina 25]
Ang dalawang batang lalaking ito ay kinailangang umalis sa tahanan dahilan sa katotohanan