Ang Krus—Simbolo ba ng Pagka-Kristiyano?
SA LOOB ng daan-daang taon napakarami ang tumanggap sa krus bilang isang simbolo ng pagka-Kristiyano. Subalit talaga nga kayang gayon? Marami na taimtim na naniniwalang gayon nga ay lubhang nagtataka pagka naalaman na ang krus ay hindi lamang sa Sangkakristiyanuhan matatagpuan. Sa kabaligtaran, ay malaganap na ginagamit iyon sa mga relihiyong di-Kristiyano sa buong daigdig.
Halimbawa, noong kaagahan ng dekada ng 1500, samantalang si Hernán Cortés at ang kaniyang hukbong “Kristiyano” ay naghahanda sa pagsalakay sa Imperyong Aztec, sila’y may dalang mga bandila na nagpapahayag, “Sundin natin ang tanda ng Banal na Krus sa tunay na pananampalataya, sapagkat sa ilalim ng tandang ito tayo ay mananakop.” Tiyak na sila’y namangha nang matuklasan nila na sumasamba rin sa isang krus na kagaya ng sa kanila ang kanilang paganong mga kaaway. Ang aklat na Great Religions of the World ay nagsasabi: “Si Cortés at ang kaniyang mga tagasunod ay nanliit dahil sa mga taong inihahain ng mga Aztec at ang waring satanikong nakatatawang imitasyon ng Kristiyanismo: . . . pagsamba sa tulad-krus na mga simbolo ng mga diyos ng hangin at ulan.”
Sa isang editoryal sa pahayagang La Nación, binanggit ng manunulat na si José Alberto Furque na noong pangalawang kakalahatian ng ika-18 siglo, nagsimula ang “isang maapoy at mainitang debate ng mga antropologo at arkeologo sa pinagmulan at kahulugan ng mga tanda ng krusipiho” na kanilang natutuklasan sa kalakhang bahagi ng Sentral at Timog Amerika. Maliwanag na ang iba ay totoong sabik na maingatan ang katayuan ng krus bilang isang natatanging simbolong “Kristiyano” kung kaya kanilang iniharap ang teorya na kahit papaano ang Amerika ay napangaralan na ng ebanghelyo bago naganap ang makasaysayang paglalakbay ni Columbus! Ang malayong mangyaring paniniwalang ito ay kinailangang tanggihan dahil sa walang batayan.
Pagsapit ng panahon, dahil sa higit pang mga natuklasan tungkol sa paksang ito ay natapos ang pagdedebate. Binanggit ni Furque: “Sa isang lathalain noong 1893 ng Smithsonian Institution, pinatunayan na ang krus ay ginagamit na sa pagsamba . . . matagal na bago pa dumating sa Hilagang Amerika ang unang mga Europeo, na nagpapatunay sa teorya . . . na ang gayong simbolo ay lumitaw sa lahat ng mga komunidad bilang bahagi ng pagsamba ng kulto sa mga puwersa na pinagmumulan ng buhay.”
Ipinakikita ng Bibliya na si Jesus ay hindi pinatay sa isang tradisyunal na krus kundi, sa isang simpleng tulos, o stau·rosʹ. Ang salitang Griegong ito, na makikita sa Mateo 27:40, ay walang ibang kahulugan kundi isang simpleng patindig na biga o poste, tulad ng ginagamit sa pundasyon ng mga gusali. Kung gayon, ang krus ay hindi kailanman kumatawan sa tunay na Kristiyanismo. Ipinakita ni Jesu-Kristo ang tunay na simbolo, o “tanda,” ng tunay na pagka-Kristiyano nang sabihin niya sa kaniyang mga tagasunod: “Sa ganito’y makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.”—Juan 13:35.