Ang Ibig Sabihin ng Pag-ibig sa Diyos
“Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos.”—1 JUAN 5:3.
1. Papaano dapat ipakita ang ating pag-ibig sa Diyos, at ano ang magiging resulta?
TUNGKOL sa obligasyon na ang mga tao’y kailangang sumamba sa Diyos, sinabi ni Jesus: “Iibigin mo si Jehova mong Diyos nang iyong buong puso at nang iyong buong kaluluwa at nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37) Papaano natin dapat ipakita ang pag-ibig na ito? Ang Bibliya ay sumasagot: “Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos.” (1 Juan 5:3) At ano ang mainam na resulta sa mga gumagawa ng gayon? Sinabi ni Jesus: “Ang nananatili sa pag-ibig ay nananatili na kaisa ng Diyos.”—1 Juan 4:16b.
2. Sino lamang ang dapat nating pag-ukulan ng ating pagsamba?
2 Kung iniibig natin ang Diyos, ang ating pagsamba ay hindi natin iuukol sa kanino mang nilalang buháy man o patay, kundi sa Diyos lamang. (Lucas 4:7, 8) Si apostol Pedro, at maging ang isang anghel man, ay tumangging tumanggap ng pagsamba sa mga tao. (Gawa 10:25, 26; Apocalipsis 22:8, 9) At, ipinakita ni Jesus na ang kaniyang ina, si Maria, ay hindi dapat pag-ukulan ng anumang pagsamba at pagpaparangal, sapagkat sa Diyos lamang nauukol iyon. (Lucas 11:27, 28; Juan 2:3, 4; Apocalipsis 4:11) Ang maling pagsamba sa isang di-dapat sambahin ay magbubunga ng pagsalansang sa mga utos ng Diyos, sapagkat “walang sinumang maaaring maging alipin ng dalawang panginoon.”—Mateo 6:24.
Paggamit ng Krus sa Relihiyon
3. Ano ang pagkakilala ng Sangkakristiyanuhan sa paggamit ng krus?
3 Mayroon din namang mga bagay na walang buhay na kung pag-uukulan ng debosyon ay maaaring humantong sa paglabag sa mga utos ng Diyos. Ang isa sa pinakatanyag ay ang krus. Sa loob ng daan-daang taon ay ginagamit na ito ng mga tao sa Sangkakristiyanuhan bilang bahagi ng kanilang pagsamba. Binanggit ng The New Encyclopædia Britannica na ang krus “ang pangunahing simbolo ng relihiyong Kristiyano.” Sa isang usapin sa hukuman sa Gresya, sinabi pa man din ng Greek Orthodox Church na yaong mga tumatanggi sa ‘Banal na Krus’ ay hindi Kristiyano. Subalit ang krus nga kaya ay isang simbolong Kristiyano? Saan nagmula ito?
4, 5. (a) Ano ba ang sinasabi ng isang diksiyunaryo tungkol sa salitang stau·rosʹ, na isinaling “cross” sa mga ilang Bibliyang Ingles (sa Bibliyang Tagalog, “krus”)? (b) Saan nagmula ang paggamit ng krus?
4 Ang instrumento sa pagpatay kay Jesus ay binabanggit sa mga talata sa Bibliya, tulad halimbawa sa Mateo 27:32 at 40. Doon ang salitang Griego na stau·rosʹ ay isinaling “cross” sa iba’t ibang Bibliyang Ingles (sa Bibliyang Tagalog, “krus”). Subalit ano ba ang ibig sabihin ng stau·rosʹ noong unang siglo nang isulat ang Kasulatang Griego? Ang An Expository Dictionary of New Testament Words, ni W. E. Vine, ay nagsasabi: “Ang stauros . . . ay tumutukoy, lalo na, sa isang patindig na tulos o estaka. Diyan ipinapako ang mga manlalabag-batas para patayin. Kapuwa ang pangngalang [stau·rosʹ] at ang pandiwang stauroō, ipako sa isang estaka o tulos, ay noong una naiiba sa relihiyosong porma ng dalawang piraso ng kahoy na pinagkrus. Ang korte nitong huli ay nagmula sa sinaunang Caldea, at ginamit na simbolo ng Diyos na si Tammuz (yamang ang korte nito ay yaong mahiwagang Tau, na inisyal ng kaniyang pangalan) sa bansang iyon at sa karatig na mga lupain, kasali na ang Ehipto.”
5 Nagpatuloy pa si Vine ng pagsasabi: “Nang kalagitnaan ng ika-3 sig. A.D. ang mga simbahan ay lumihis, o lumapastangan, sa mga ilang doktrina ng pananampalatayang Kristiyano. Upang mapasulong ang impluwensiya ng apostatang sistema ng relihiyon ang mga pagano ay tinanggap sa mga simbahan bukod sa pagbabagong-lahi sa pamamagitan ng pananampalataya, at pinayagan na taglayin ang marami sa kanilang mga tanda at mga simbolo na pagano. Sa gayon ang Tau o T, sa anyo nito na pinakamadalas makita, na doo’y ibinaba ang pirasong-pakrus, ay hiniram upang kumatawan sa krus ni Kristo.”
6, 7. (a) Saan nanggaling ang salitang Ingles na “cross” at bakit ang paggamit nito sa mga Bibliyang Ingles (“krus,” sa Bibliyang Tagalog) ay hindi makatuwiran? (b) Papaanong ang paggamit sa Bibliya ng salitang xyʹlon ay nagpapatunay na sa isang patindig na poste tumutukoy ang stau·rosʹ?
6 Ang The Companion Bible, sa ilalim ng pamagat na “The Cross and Crucifixion,” (Ang Krus at ang Pagpapako sa Krus) ay nagsasabi: “Ang salitang Ingles na ‘cross’ ang salin ng [salitang] Latin na crux; subalit ang [salitang] Griegong stauros ay hindi nangangahulugan ng isang crux kung paano rin na ang salitang ‘patpat’ ay hindi nangangahulugang isang ‘saklay.’ Ginagamit ni Homer ang salitang stauros bilang isang karaniwang poste o tulos, o nag-iisang piraso ng kahoy. At ito ang kahulugan sa pagkagamit ng salita sa buong klasikang Griego. Kailanman ay hindi ito tumutukoy sa dalawang piraso ng kahoy na pinagkrus. . . . Walang anuman na makikita sa Griego ng B[agong T[ipan] na nagpapahiwatig man lamang ng dalawang piraso ng kahoy.”
7 Ang isa pang salitang Griego, xyʹlon, ay ginagamit sa Bibliya upang tumukoy sa instrumento na kinamatayan ni Jesus. Ang salitang ito ay tumutulong upang ipakita na ang stau·rosʹ ay isang patindig na poste na walang nakapakong isang pakrus na kahoy. Gaya ng sinasabi ng The Companion Bible: “Ang salitang [xyʹlon] . . . ay karaniwan nang tumutukoy sa isang piraso ng tuyong troso, o kahoy, na panggatong o para sa anumang layunin. . . . Yamang ang huling salitang ito [xyʹlon] ay ginagamit para sa naunang stauros, ipinakikita nito sa atin na ang kahulugan ng bawat isa ay eksaktong magkapareho. . . . Samakatuwid ay ginamit ang salitang [xyʹlon] . . . may kaugnayan sa paraan ng pagkamatay ng ating Panginoon, at isinaling ‘punungkahoy’ sa Gawa 5:30; 10:39; 13:29; Galacia 3:13; 1 Pedro 2:24 [King James Version].”
8. Ano ang sinasabi ng mga ibang aklat tungkol sa krus at sa pinagmulan nito?
8 Ang diksiyunaryong Pranses na Dictionnaire Encyclopédique Universel (Encyclopedic Universal Dictionary) ay nagsasabi: “Matagal ding tayo’y may paniwala na ang krus, itinuturing na isang simbolong relihiyoso, ay espesipikong para sa mga Kristiyano. Hindi pala gayon.” Ang aklat na Dual Heritage—The Bible and the British Museum ay nagsasabi: “Marahil ay mabibigla kayo kung malalaman na walang salitang ‘krus’ sa Griego ng Bagong Tipan. Ang salitang isinaling ‘krus’ ay sa tuwina ang salitang Griego [stau·rosʹ] na ang ibig sabihin ay isang ‘tulos’ o ‘patindig na poste.’ Ang krus sa mula’t sapol ay hindi isang simbolong Kristiyano; ito’y nanggaling sa Ehipto at kay Constantino.” Ang The New Catholic Encyclopedia ay nagsasabi: “Kung ano ang kumakatawan sa tumutubos na kamatayan ni Kristo sa Golgota ay hindi makikita sa simbolikong sining ng sinaunang mga Kristiyano noong lumipas na mga siglo. Ang sinaunang mga Kristiyano, palibhasa’y naimpluwensiyahan ng Matandang Tipan sa pagbabawal ng mga larawang inanyuan, ay tumatangging isalarawan kahit ang instrumento ng [kamatayan] ng Panginoon. . . . Ang krus ay naging isang simbolo na kumakatawan sa isang bagay noong panahon ni Constantino.”
Ang Krus ni Constantino
9. Paanong si Emperador Constantino ay may kaugnayan sa krus?
9 Si Constantino ang emperador Romano na tumawag sa Konsilyo ng Nicaea upang magpulong noong 325 C.E. at kaniyang inimpluwensiyahan ito upang pagtibayin ang di-maka-Kasulatang doktrina na si Kristo ay kapantay ng Diyos. Kaniyang ginawa ito upang pag-isahin ang kaniyang emperyo ng mga pagano at ang apostatang mga Kristiyano. Tungkol sa kaniya ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi: “Noong bisperas ng tagumpay ni Constantino kay Maxentius noong 312, siya’y nakakita ng isang pangitain ng ‘makalangit na palatandaan’ ng krus, na kaniyang pinaniwalaang isang banal na pangako na siya’y magtatagumpay.” Sinasabi rin nito na mula noon si Constantino ay naging isang deboto na ng krus.
10. Bakit hindi makatuwiran o maka-Kasulatan na maniwalang ang Diyos o si Kristo ay magbibigay kay Constantino ng isang “tanda” tungkol sa isang krus?
10 Gayunman, ang Diyos kaya ay magbibigay ng isang tanda sa isang pangulong pagano na hindi gumagawa ng kalooban ng Diyos, at lalo pa ng isang palatandaang pagano? Pinagwikaan ni Jesus ang kaniyang sariling mga kababayan dahil sa paghingi nila ng mga tanda. (Mateo 12:38-40) Isa pa, ang pangulong paganong ito ay nagbububo ng walang-kasalanang dugo sa pamamagitan ng mga makalamang sandata para sa makapulitikang pamamahala at sa pamamagitan ng mga intrigang makapulitika, kaniyang isinaayos na patayin ang kaniyang mga kamag-anak at ibang mga kasama. Sa kabaligtaran nito, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. Kung ang kaharian ko ay bahagi ng sanlibutang ito, ang aking mga alipin nga ay nakipagbaka sana.” (Juan 18:36) Kaya naman iniutos niya kay Pedro: “Isauli mo ang iyong tabak sa lalagyan, sapagkat lahat ng naghahawak ng tabak ay sa tabak mamamatay.”—Mateo 26:52.
11. Anong motibo ang nag-udyok kay Constantino na itaguyod ang paggamit ng krus?
11 Ang aklat na Strange Survivals ay nagsasabi tungkol kay Constantino at sa kaniyang krus: “Siya’y may patakaran sa kaniyang pamumuhay at iyan ay mahirap na pag-alinlanganan natin; ang simbolong kaniyang itinatag ay nagbigay-kasiyahan sa mga Kristiyano sa kaniyang hukbo sa isang panig, at sa [paganong] mga Romano sa kabilang panig. . . . Sa huling binanggit ay tanda iyon ng biyaya sa kanila ng kanilang diyos na araw,” ang diyos na araw na kanilang sinasamba. Hindi, ang ‘makalangit na tanda’ ni Constantino ay walang kinalaman sa Diyos o kay Kristo kundi ito’y pagano.
Dapat Bang Pag-ukulan ng Debosyon ang Instrumento sa Pagpatay?
12, 13. Sa ano pang mga ibang dahilan di-dapat pag-ukulan ng debosyon ang krus?
12 Kahit na kung hindi natin iintindihin ang ebidensiya at ating ipagpapalagay na si Jesus ay namatay sa isang krus, ito ba ay dapat pag-ukulan ng debosyon? Hindi, sapagkat si Jesus ay pinatay na gaya ng isang kriminal, tulad ng mga lalaking ibinayubay katabi niya, at ang paraan ng pagkapatay sa kaniya ay isang sukdulang maling paglalarawan sa kaniya. Ang mga Kristiyano noong unang siglo ay tiyak na hindi kinilalang banal yaong instrumento na kinamatayan niya. Ang pag-uukol doon ng debosyon ay mangangahulugan na kanilang pinupuri pa ang masamang gawa na naganap noon, ang sinadyang pagpatay kay Jesus.
13 Kung sakaling ang iyong pinakamamahal na kaibigan ay pinatay dahil sa mga maling paratang sa kaniya, gagawa ka ba ng isang larawan ng instrumentong pumatay sa kaniya (halimbawa isang lubid na pambitay o isang silya elektrika o ang mga riple ng squad na bumaril) at pagkatapos ay hahagkan mo ang larawang iyon, magtitirik ka ng mga kandila sa harap niyaon, o ikukuwintas mo iyon sa iyong leeg na parang isang sagradong kagayakan? Iyan ay di-kapani-paniwala. Ganiyan din naman, kung tungkol sa pag-uukol ng debosyon sa krus. Ang bagay na sa pagano nagmula ang krus ay lalo lamang nagpapasamâ sa kaugaliang iyan.
14. Ano ang dapat nating maging konklusyon tungkol sa krus sa liwanag ng ebidensiyang makasanlibutan at ng nasa Bibliya?
14 Ang debosyon sa krus ay hindi Kristiyano. Ito’y hindi nagpapakita ng pag-ibig sa Diyos o kay Kristo kundi kinukutya ang kanilang kinakatawan. Ito’y lumalabag sa mga utos ng Diyos laban sa idolatriya. Ito’y isang gawang pagsamba sa isang paganong simbolo na nagkukunwang Kristiyano. (Exodo 20:4, 5; Awit 115:4-8; 1 Corinto 10:14) Ang pagtuturing na sagrado ang isang paganong simbolo ay labag sa kautusan ng Diyos na: “Huwag kayong makipamatok nang kabilan sa mga di-sumasampalataya. Sapagkat anong pakikisama mayroon ang katuwiran sa kalikuan? . . . ‘Huwag nang humipo ng maruming bagay.’”—2 Corinto 6:14, 17.
Panghahawakan sa Kinasihang Salita
15. Bakit dapat nating tanggihan ang mga tradisyon na salungat sa Salita ng Diyos?
15 Sinasabi ng mga iglesiya na ang mga kaugaliang tulad baga ng debosyon sa krus ay bahagi ng “sagradong tradisyon.” Subalit pagka ang tradisyon ay salungat sa Salita ng Diyos, yaong mga umiibig sa Diyos ay tumatanggi sa tradisyon. Ang talagang kailangan natin para sa tunay na pagsamba ay narito na sa Salita ng Diyos. Gaya ng isinulat ni Pablo kay Timoteo: “Mula sa pagkasanggol ay iyong nalalaman ang mga banal na kasulatan, na nakapagpapadunong sa iyo sa ikaliligtas sa pamamagitan ng pananampalataya na may kaugnayan kay Kristo Jesus. Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapakikinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina ayon sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging ganap ang kakayahan, lubusang nasasangkapan para sa bawat mabuting gawa.” (2 Timoteo 3:15-17) Saanman ay walang sinasabi ang Bibliya na ang mga tradisyong salungat sa Salita ng Diyos ay kailangan para sa kaligtasan.
16. Ano ang sinabi ni Jesus sa relihiyosong mga pinunong Judio tungkol sa kanilang mga tradisyon?
16 Ang pagkakasalungatan ng Kasulatan at ng tradisyon ng tao ay hindi bago. Sa panahon mula nang matapos ang kinasihang Kasulatang Hebreo hanggang sa pagparito ni Jesus, ang relihiyosong mga pinunong Judio ay nagdagdag ng maraming bibigang-pasalin-saling mga tradisyon, na nang bandang huli ay isinulat nila bagaman hindi naman kinasihan ng Diyos. Yaong mga tradisyong iyon ay kadalasang salungat sa Kasulatan. Kaya’t sinabi ni Jesus sa mga pinunong relihiyoso: “Bakit naman kayo nagsisilabag sa utos ng Diyos dahilan sa inyong tradisyon? . . . Niwalang-kabuluhan ninyo ang Salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.” Kaniyang ikinapit sa kanila ang Salita ng Diyos nang kaniyang sabihin: “Walang kabuluhan ang kanilang patuloy na pagsamba sa akin, sapagkat sila’y nagtuturo ng mga utos ng mga tao bilang mga doktrina.” (Mateo 15:1-6, 9) Sa kaniyang mga turo, si Jesus ay hindi sumipi kailanman sa gayong mga tradisyon. Ang kaniyang turo ay ibinatay niya sa kinasihang nasusulat na Salita ng Diyos.—Mateo 4:4-10; Marcos 12:10; Lucas 10:26.
17. Bakit tayo makapagtitiwala sa Bibliya bilang isang matatag na sinepete ukol sa ating pag-asa?
17 Ang pag-iingat sa “salita ng buhay” ay hindi ipinaubaya ng Diyos sa walang-kasiguruhang mga kamay ng relihiyosong mga tagapagtaguyod ng tradisyon. (Filipos 2:16) Sa halip, sa pamamagitan ng kaniyang makapangyarihang banal na espiritu, kaniyang kinasihan ang pagsulat ng Bibliya upang “sa pamamagitan ng kaaliwan buhat sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Ang pagsasabing ang Bibliya’y kulang pa kung kaya’t kailangang umasa rin tayo sa di-matatag na kaisipan ng di-sakdal, di-kinasihang mga tao ay pagtatatuwa sa kapangyarihan ng Diyos. Tunay, ang pinakamakapangyarihan, kasindak-sindak na Maylikha ng sansinukob ay maaaring maging autor ng isang aklat! At kaniyang ginawa ito upang tayo’y magkaroon ng matatag na sinepete ukol sa ating pag-asa at hindi umasa sa mga tradisyon ng tao na umaakay sa mga tao na lumabag sa mga utos ng Diyos. Kaya, ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Huwag lalampas sa nasusulat.” (1 Corinto 4:6) Yaong mga tunay na umiibig sa Diyos ay susunod sa payong iyan.—Tingnan din ang Kawikaan 30:5, 6.
“Tupdin Natin ang Kaniyang mga Utos”
18. Kung tunay na iniibig natin ang Diyos, anong utos ang kailangang sundin natin?
18 “Ito ang ibig sabihin ng pag-ibig sa Diyos, na tupdin natin ang kaniyang mga utos,” ang sabi ng 1 Juan 5:3. Pagka ang mga utos na iyan ay binabantuan ng mga pinunong relihiyoso, o hindi pinapansin, o hinahalinhan nila ng salungat na mga tradisyon ng mga tao, kung magkagayo’y inaakay nila ang kanilang mga tagasunod na lumaban sa kalooban ng Diyos. Bilang halimbawa, isaalang-alang ang isang pangunahing simulain ng pagka-Kristiyano: ang pag-ibig. Ito ay isang mahalagang bahagi ng turo ni Jesus. Kaniyang sinabi: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—Mateo 22:39.
19. (a) Gaanong kahalaga para sa mga tunay na Kristiyano na mag-ibigan sa isa’t isa? (b) Papaanong ang “bagong utos” na ibinigay ni Jesus tungkol sa pag-ibig ay naiiba sa dating utos?
19 Gaano ba kahalaga ang pag-ibig na ito sa kapuwa? Itinuro ni Jesus na ang mga tunay na Kristiyano ay makikilala sa pamamagitan ng kanilang pag-iibigan sa isa’t isa. Sinabi niya: “Isang bagong utos ang sa inyo’y ibinibigay ko, na kayo’y mag-ibigan sa isa’t isa; kung papaanong inibig ko kayo, ganiyan din kayo mag-ibigan sa isa’t isa. Sa ganito’y makikilala ng lahat na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:34, 35) Totoo, ang Kautusan sa sinaunang Israel ay may utos na “iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Levitico 19:18) Subalit ang bago tungkol sa utos ni Jesus ay ang kaniyang sinabing, “Kung papaanong inibig ko kayo.” Ito’y nagbigay ng lalong malaking bisa sa pag-ibig Kristiyano, sapagkat ang isang Kristiyano’y kailangang maging handa rin na ibigay ang kaniyang buhay alang-alang sa kaniyang mga kapananampalataya, gaya ng ginawa ni Jesus.
20. Sino ang ipinakikilala ng ulat ng kasaysayan sa siglong ito bilang sumusunod sa utos na “mag-ibigan sa isa’t isa”?
20 Kung gayon, ang tunay na mga lingkod ng Diyos sa ngayon ay maaaring makilala sa pamamagitan ng isang di-masisira, bumibigkis na buklod ng pag-ibig na umiiral sa buong daigdig. Sino ba sa panahon natin ang makikitaan ng gayong pagsunod sa mga utos ng Diyos tungkol sa pag-ibig? Sino ba ang mga pinag-usig, ibinilanggo, ipinakulong sa mga concentration camp, o sadyang pinatay dahil sa pagtanggi nilang gumamit ng armas laban sa kanilang kapananampalataya—o kahit na sa mga di-kapananampalataya—sa mga ibang bansa? Ang ulat ng kasaysayan sa siglong ito ay sumasagot: tanging ang mga Saksi ni Jehova lamang.
21. Anong ulat ang nagawa ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa utos na ibigin ang mga kapananampalataya?
21 Sa kabilang panig, ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay patuloy na lumalabag sa mga utos ng Diyos tungkol sa pag-ibig. Sa lahat ng mga digmaan ng siglong ito, inakay ng klero ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ang kanilang mga tauhan na magtipon sa magkasalungat na panig ng larangan ng digmaan at magpatayan sa isa’t isa ang milyun-milyong mga tao. Pinapatay ng mga Protestante ang kanilang mga kapuwa Protestante, pinapatay naman ng mga Katoliko ang kanilang mga kapuwa Katoliko, gayunman lahat ay nag-angkin na sila’y mga Kristiyano. Subalit ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Kung sinasabi ng sinuman: ‘Iniibig ko ang Diyos,’ ngunit napopoot sa kaniyang kapatid, siya’y sinungaling. Sapagkat siyang hindi umiibig sa kaniyang kapatid, na kaniyang nakikita, ay hindi makaiibig sa Diyos, na hindi niya nakikita. At ang utos na itong mula sa kaniya ay nasa atin, na ang umiibig sa Diyos ay dapat ding umibig sa kaniyang kapatid.”—1 Juan 4:20, 21.
22. Sang-ayon sa sinasabi sa 1 Juan 3:10-12, kaninong mga anak ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan, at bakit?
22 Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi rin: “Dito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinumang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid. . . . Mag-ibigan tayo sa isa’t isa; hindi gaya ni Cain na nagmula sa balakyot at pinatay niya ang kaniyang kapatid.” (1 Juan 3:10-12) Ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay nag-aangkin na sila’y mga anak ng Diyos, subalit hindi maaaring magkagayon, sapagkat kanilang lubos na sinusuway ang mga utos ng Diyos tungkol sa pag-ibig at ‘pinapatay ang kanilang kapatid.’ Sila’y mga anak nga ng “balakyot.” Kaya naman, ang Salita ng Diyos ay nagpapayo sa mga taimtim na taong nasa gayong mga relihiyon: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” (Apocalipsis 18:4) Sa malapit na hinaharap ay isasagawa ng Diyos ang kaniyang mga inihatol laban sa lahat ng huwad na relihiyon. Yaong mga nangangapit dito ay mapaparamay sa kanilang kapalaran. (Apocalipsis 17:16) Sa kabilang panig, “ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay mananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit ang salitang Ingles na “cross” (“krus” sa Tagalog) ay isang maling pagkasalin ng salitang Griegong stau·rosʹ?
◻ Saan nanggaling ang debosyon sa krus, at bakit dapat tanggihan ito?
◻ Anong parisan ang ibinigay ni Jesus tungkol sa mga tradisyong relihiyoso?
◻ Anong katibayan ang nagpapakilala sa mga sumusunod sa mga utos tungkol sa pag-iibigang pangmagkakapatid?
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 25]
MGA PINAGMULAN NG KRUS
Malaon pa bago ng panahong Kristiyano, mga hugis krus ang ginagamit sa halos lahat ng panig ng lupa bilang relihiyosong mga simbolo
Ang Crux Ansata ay ginamit ng sinaunang mga Ehipsiyo bilang isang simbolo ng buhay sa hinaharap
Ang Crux Quadrata ay sumasagisag sa apat na elemento na buhat dito nilalang ang lahat ng bagay, ayon sa paniwala
Ang Crux Gammata ay inaakala na naging isang simbolo ng apoy, o ng araw; samakatuwid baga, ng buhay
Ang Latin na krus ay popular sa Sangkakristiyanuhan
Ang krus na ito ay isang monograma ng unang dalawang titik na Griego sa salitang “Kristo”
[Larawan sa pahina 24]
Si Kristo’y namatay sa isang patindig na poste, hindi sa isang krus
[Mga larawan sa pahina 26, 27]
“Kanilang ipinamamalita na kilala nila ang Diyos, ngunit ikinakaila naman siya sa pamamagitan ng kanilang mga gawa.”—Tito 1:16