Papaano Natin Malalakipan ng Kagalingan ang Ating Pananampalataya?
“Ilakip sa inyong pananampalataya ang kagalingan.”—2 PEDRO 1:5.
1, 2. Bakit dapat nating asahan na gagawin ng bayan ni Jehova kung ano ang magaling?
SI Jehova sa tuwina ay kumikilos sa isang magaling na paraan. Ginagawa niya ang matuwid at mabuti. Samakatuwid, maaaring banggitin ni apostol Pedro ang Diyos bilang ang isa na tumawag sa pinahirang mga Kristiyano ‘sa pamamagitan ng Kaniyang kaluwalhatian at kagalingan.’ Ang tumpak na kaalaman sa kanilang may kagalingang makalangit na Ama ay nagpakita sa kanila kung ano ang kailangan upang maitaguyod ang isang buhay na may tunay na banal na debosyon.—2 Pedro 1:2, 3.
2 Hinihimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na “maging tagatulad kayo sa Diyos, gaya ng mga anak na minamahal.” (Efeso 5:1) Gaya ng kanilang Ama sa langit dapat gawin ng mga sumasamba kay Jehova kung ano ang magaling sa anumang kalagayan. Subalit ano ba ang kagalingan?
Kung Ano ang Kagalingan
3. Ano ba ang kahulugan ng “kagalingan”?
3 Ang katuturang ibinibigay ng modernong mga diksiyunaryo sa “kagalingan” ay “kahusayan ng moral; kabutihan.” Iyon ay “tamang pagkilos at pag-iisip; kabutihan ng ugali.” Ang isang taong may kagalingan ay matuwid. Ang kagalingan ay pinakakahulugan din na “pagsunod sa isang pamantayan ng matuwid.” Mangyari pa, para sa mga Kristiyano “ang pamantayan ng matuwid” ay ang Diyos ang nagpapasiya at nililinaw sa kaniyang Banal na Salita, ang Bibliya.
4. Kailangang puspusang magpagal ang mga Kristiyano upang mapaunlad ang anong mga katangian na binanggit sa 2 Pedro 1:5-7?
4 Ang tunay na mga Kristiyano ay umaayon sa matuwid na mga pamantayan ng Diyos na Jehova, at kanilang tinutugon ang kaniyang mahalagang mga pangako sa pamamagitan ng pagsampalataya. Pinakikinggan din nila ang payo ni Pedro: “Sa pamamagitan ng inyong pagbibigay naman ng lahat ng masigasig na pagsisikap, ilakip sa inyong pananampalataya ang kagalingan, sa inyong kagalingan ang kaalaman, sa inyong kaalaman ang pagpipigil-sa-sarili, sa inyong pagpipigil-sa-sarili ang pagtitiis, sa inyong pagtitiis ang banal na debosyon, sa inyong banal na debosyon ang pagmamahal sa kapatid, sa inyong pagmamahal sa kapatid ang pag-ibig.” (2 Pedro 1:5-7) Kailangang puspusang magpagal ang isang Kristiyano upang mapaunlad ang mga katangiang ito. Hindi ito nagagawa sa loob ng ilang araw o taon kundi nangangailangan ng isang habang-buhay na patuluyang pagsisikap. Aba, ang paglalakip ng kagalingan sa ating pananampalataya ay isa nang hamon sa ganang sarili!
5. Ano ang kagalingan buhat sa isang maka-Kasulatang pananaw?
5 Ang leksikograpong si M. R. Vincent ay nagsasabing ang orihinal na klasikong diwa ng salitang Griego na isinaling “kagalingan” ay tumutukoy sa “kahusayan na anumang uri.” Ginamit ni Pedro ang pangmaramihang anyo nito nang kaniyang sabihin na kailangang ihayag sa madla ng mga Kristiyano ang “mga kaningningan,” o mga kagalingan, ng Diyos. (1 Pedro 2:9) Buhat sa isang maka-Kasulatang pananaw, ang kagalingan ay hindi inilalarawan na di-aktibo kundi may “moral na kapangyarihan, moral na lakas, sigla ng kaluluwa.” Sa pagbanggit sa kagalingan, ang nasa isip ni Pedro ay ang may tibay-loob na kagalingan ng moral na inaasahang ipakikita at pananatilihin ng mga lingkod ng Diyos. Gayunman, yamang tayo ay di-sakdal, talaga bang magagawa natin ang magaling sa paningin ng Diyos?
Di-sakdal Ngunit may Kagalingan
6. Bagaman tayo ay di-sakdal, bakit masasabing magagawa natin ang magaling sa paningin ng Diyos?
6 Tayo’y nagmana ng di-kasakdalan at kasalanan, kaya marahil ay iisipin natin kung papaano tunay na magagawa natin ang magaling sa paningin ng Diyos. (Roma 5:12) Tiyak na kailangan natin ang tulong ni Jehova kung nais natin na magkaroon ng malinis na puso, na kung saan maaaring manggaling ang magaling na mga kaisipan, pananalita, at kilos. (Ihambing ang Lucas 6:45.) Pagkatapos magkasala may kinalaman kay Bath-sheba, ang nagsising salmistang si David ay nagmakaawa: “Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Diyos, at ilagay mo sa loob ko ang isang bagong espiritu, na may katatagan.” (Awit 51:10) Tumanggap si David ng kapatawaran ng Diyos at ng tulong na kailangan upang makapagpatuloy sa isang magaling na landasin. Samakatuwid, kung tayo’y nagkasala nang mabigat ngunit nagsisi at tinanggap ang tulong ng Diyos at ng matatanda sa kongregasyon, makababalik tayo sa isang magaling na landas at makapananatili roon.—Awit 103:1-3, 10-14; Santiago 5:13-15.
7, 8. (a) Kung ibig natin na makapagpatuloy sa kagalingan, ano ang kinakailangan? (b) Anong tulong ang taglay ng mga Kristiyano sa pagtatamo ng kagalingan?
7 Dahilan sa likas na pagkamakasalanan, tayo’y kailangang magpatuloy sa panloob na pakikibaka upang gawin ang kahilingan sa atin ng landas ng kagalingan. Upang makapagpatuloy sa kagalingan, hindi natin mapapayagan ang ating sarili na maging alipin ng kasalanan. Sa halip, tayo’y kailangang maging “mga alipin ng katuwiran,” laging nag-iisip, nagsasalita, at kumikilos sa isang magaling na paraan. (Roma 6:16-23) Sabihin pa, ang mga pita ng ating laman at makasalanang mga hilig ay matindi, at napapaharap tayo sa alitan ng mga ito at sa magagaling na bagay na hinihiling sa atin ng Diyos. Kaya, ano ang kailangang gawin?
8 Unang-una, kailangang sumunod tayo sa pag-akay ng banal na espiritu, o aktibong puwersa ni Jehova. Dapat nga tayong makinig sa payo ni Pablo: “Patuloy na lumakad ayon sa espiritu at hindi ninyo gagawin ang anumang pita ng laman. Sapagkat ang laman ay laban sa espiritu sa pagnanasa nito, at ang espiritu ay laban sa laman; sapagkat ang mga ito ay nagkakalaban sa isa’t isa, kung kaya’t ang mismong mga bagay na ibig ninyong gawin ay hindi ninyo ginagawa.” (Galacia 5:16, 17) Oo, bilang isang lakas ukol sa katuwiran, taglay natin ang espiritu ng Diyos, at bilang isang patnubay sa tamang paggawi, taglay natin ang kaniyang Salita. Taglay rin natin ang maibiging tulong ng organisasyon ni Jehova at ang payo ng “tapat at maingat na alipin.” (Mateo 24:45-47) Sa gayon, tayo’y makagagawa ng matagumpay na pagbaka sa makasalanang mga hilig. (Roma 7:15-25) Mangyari pa, kung isang maruming kaisipan ang babalong sa isip, agad nating iwaksi iyon at manalangin na tulungan tayo ng Diyos na paglabanan ang anumang tukso na kumilos sa hindi magaling na paraan.—Mateo 6:13.
Ang Kagalingan at ang Ating mga Kaisipan
9. Ang magaling na asal ay nangangailangan ng anong uri ng kaisipan?
9 Ang kagalingan ay nagsisimula sa paraan ng pag-iisip ng isang tao. Upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangang pag-isipan natin ang mga bagay na matuwid, mabuti, magaling. Sinabi ni Pablo: “Mga kapatid, anumang bagay ang totoo, anumang bagay ang karapat-dapat pag-isipan, anumang bagay ang matuwid, anumang bagay ang malinis, anumang bagay ang kaibig-ibig, anumang bagay ang may mabuting ulat, kung may anumang kagalingan at kung may anumang kapurihan, patuloy na pag-isipan ninyo ang mga bagay na ito.” (Filipos 4:8) Kailangang itutok natin ang ating mga isip sa mga bagay na matuwid, malinis, at anumang bagay na hindi magaling ay di-dapat makaakit sa atin. Masasabi nga ni Pablo: “Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo.” Kung tayo ay katulad ni Pablo—na magaling ang kaisipan, pananalita, at pagkilos—tayo’y magiging mabubuting kasama at maiinam na halimbawa sa pamumuhay Kristiyano, at ‘ang Diyos ng kapayapaan ay sasaatin.’—Filipos 4:9.
10. Papaanong tutulong sa atin ang personal na pagkakapit ng 1 Corinto 14:20 upang tayo’y makapamalaging may kagalingan?
10 Kung nais natin na manatiling may magaling na kaisipan at sa gayo’y makalugod sa ating makalangit na Ama, kailangan na ikapit natin ang payo ni Pablo: “Huwag kayong maging mga bata sa kapangyarihang umunawa, ngunit magpakasanggol kayo sa kasamaan; gayunma’y sa kapangyarihang umunawa ay magpakatao kayong lubos.” (1 Corinto 14:20) Nangangahulugan ito na bilang mga Kristiyano hindi natin hinahangad ang kaalaman o karanasan sa kasamaan. Sa halip na payagang sumamâ ang ating isip sa ganitong paraan, matalinong pinipili natin na manatiling walang karanasan at walang malay kagaya ng mga sanggol sa bagay na ito. Kasabay nito, ating lubusang nauunawaan na ang imoralidad at maling gawain ay makasalanan sa paningin ni Jehova. Ang taos-pusong pagnanasang makalugod sa kaniya sa pamamagitan ng pagtataglay ng kagalingan ay pakikinabangan natin, sapagkat ito’y magpapakilos sa atin na iwasan ang malalaswang anyo ng libangan at ang iba pang nagpaparumi-ng-isip na mga impluwensiya ng sanlibutang ito na nakalugmok sa kapangyarihan ni Satanas.—1 Juan 5:19.
Ang Kagalingan at ang Ating Pananalita
11. Upang magtaglay ng kagalingan anong uri ng pananalita ang kailangan, at sa bagay na ito, anong mga halimbawa mayroon tayo sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo?
11 Kung ang ating kaisipan ay may kagalingan, ito’y kailangang magkaroon ng matinding epekto sa ating sinasalita. Upang makapagsalita ng magaling kailangan ang malinis, kapaki-pakinabang, may katotohanan, nagpapatibay na pananalita. (2 Corinto 6:3, 4, 7) Si Jehova “ang Diyos ng katotohanan.” (Awit 31:5) Siya’y tapat sa lahat ng kaniyang pakikitungo, at ang kaniyang mga pangako ay tiyak sapagkat siya’y hindi maaaring magsinungaling. (Bilang 23:19; 1 Samuel 15:29; Tito 1:2) Ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay “puspos ng di-sana nararapat na kagandahang-loob at katotohanan.” Nang narito sa lupa, laging katotohanan ang sinasalita niya gaya nang pagkatanggap niya nito buhat sa kaniyang Ama. (Juan 1:14; 8:40) Bukod dito, si Jesus ay “hindi nagkasala, o kinasumpungan man ng daya ang kaniyang bibig.” (1 Pedro 2:22) Kung tayo’y tunay na mga lingkod ng Diyos at ni Kristo, tayo’y magiging tapat sa pagsasalita at matuwid sa asal, na para bang “nabibigkisan ng katotohanan.”—Efeso 5:9; 6:14.
12. Kung tayo’y may kagalingan, anong mga uri ng pananalita ang kailangang iwasan natin?
12 Kung tayo’y may kagalingan, may mga uri ng pananalita na ating iiwasan. Hindi tayo lalayo sa payo ni Pablo: “At lahat ng malisyosong kapaitan at galit at poot at pambubulyaw at masamang bibig ay alisin ninyo kasama ang lahat ng kasamaan.” “Ang pakikiapid at ang anumang uri ng karumihan o ang kasakiman ay huwag man lamang masambit sa gitna ninyo, gaya ng nararapat sa mga banal; o ang nakahihiyang asal o ang walang kawawaang pagsasalita o ang masagwang pagbibiro, na mga bagay na di-nararapat, kundi bagkus kayo’y magpasalamat.” (Efeso 4:31; 5:3, 4) Ang iba ay mawiwiling makisama sa atin dahilan sa ang ating matuwid na puso ay nag-uudyok sa atin na iwasan ang pananalitang hindi maka-Kristiyano.
13. Bakit ang dila ay kailangang supilin ng mga Kristiyano?
13 Ang naising makalugod sa Diyos at magsalita ng magagaling na bagay ay tutulong sa atin na supilin ang dila. Dahilan sa makasalanang mga hilig, lahat tayo ay natitisod sa salita paminsan-minsan. Gayunman, sinasabi ng alagad na si Santiago na “kung atin ngang inilalagay ang mga preno ng kabayo sa kanilang mga bibig,” sila’y masunuring pumupunta kung saan natin sila inaakay. Dahil dito, dapat tayong puspusang magsikap na supilin ang dila at gamitin ito tangi lamang sa mga paraang may kagalingan. Ang isang di-nasusupil na dila “ay nagsisilbing isang daigdig ng kasamaan.” (Santiago 3:1-7) Bawat uri ng kasamaan ng balakyot na sanlibutang ito ay iniugnay sa di-masupil na dila. Ito nga ang may kagagawan ng nakapipinsalang mga bagay gaya ng bulaang patotoo, panlalait, at paninira. (Isaias 5:20; Mateo 15:18-20) At pagka ang isang di-masupil na dila ay nagsasalita ng pang-aabuso, pang-uupasala, o paninirang-puri, iyon ay punô ng nakamamatay na lason.—Awit 140:3; Roma 3:13; Santiago 3:8.
14. Anong dalawang pamantayan ng pananalita ang kailangang iwasan ng mga Kristiyano?
14 Gaya ng ipinakikita ni Santiago, di-magkatugma na “purihin si Jehova” sa pamamagitan ng pagsasalita nang mabuti tungkol sa Diyos ngunit pagkatapos ay gamitin ang dila upang “sumpain ang mga tao” sa pamamagitan ng panlalait sa kanila. Anong laking kasalanan na umawit ng mga papuri sa Diyos sa mga pulong at pagkatapos ay humayo at magsalita ng masama tungkol sa mga kapananampalataya! Kapuwa ang matamis at mapait na tubig ay hindi maaaring manggaling sa iisang bukal. Kung naglilingkod tayo kay Jehova, ang mga iba ay may katuwiran na umasang magsasalita tayo ng mabubuting bagay sa halip na marinig sa atin ang pangit na mga salita. Kaya nga iwasan natin ang masasamang pananalita at sikaping magsalita ng mga bagay na pakikinabangan ng ating mga kasama at patitibayin sila sa espirituwal.—Santiago 3:9-12.
Ang Kagalingan at ang Ating mga Kilos
15. Bakit lubhang mahalaga na iwasan ang paggamit ng mga paraang mapanlinlang?
15 Yamang ang kaisipan at pananalitang Kristiyano ay kailangang may kagalingan, kumusta naman ang ating mga kilos? Ang kagalingan ng asal ang tanging paraan upang kamtin ang pagsang-ayon ng Diyos. Walang lingkod ni Jehova ang makapagwawaksi ng kagalingan, gagamit ng panlilinlang at pandaraya, at may katuwirang mag-iisip na ang gayong mga bagay ay tatanggapin ng Diyos. Ang Kawikaan 3:32 ay nagsasabi: “Ang taong magdaraya ay kasuklam-suklam kay Jehova, ngunit Siya’y matalik na kaibigan ng mga matuwid.” Kung minamahal natin ang ating kaugnayan sa Diyos na Jehova, ang pumupukaw-isip na mga salitang iyon ang dapat pumigil sa atin sa pagbuo ng mga pakanang makapipinsala o sa paggawa ng anumang panlilinlang. Aba, kabilang sa pitong bagay na nakasusuklam sa kaluluwa ni Jehova ay “isang puso na kumakatha ng masasamang akala”! (Kawikaan 6:16-19) Kung gayon, iwasan natin ang gayong mga kilos at ang gawin ay ang mga bagay na may kagalingan, sa kapakinabangan ng ating mga kapuwa tao at sa ikaluluwalhati ng ating makalangit na Ama.
16. Bakit kailangang iwasan ng mga Kristiyano ang paimbabaw na mga kilos?
16 Upang makita sa atin ang kagalingan, kailangan na tayo’y tapat. (Hebreo 13:18) Ang taong mapagpaimbabaw, na ang mga kilos ay hindi kasuwato ng kaniyang mga salita, ay hindi magaling. Ang salitang Griego na isinaling “mapagpaimbabaw” (hy·po·kri·tesʹ) ay nangangahulugan na “isa na sumasagot” at gayundin tumutukoy sa isang artista sa dulaan. Yamang ang mga artistang Griego at Romano ay nakamaskara, ang salitang ito ay ginamit sa paraang makatalinghaga para sa isa na nagkukunwari. Ang mga mapagpaimbabaw ay “mga di-tapat.” (Ihambing ang Lucas 12:46 sa Mateo 24:50, 51.) Ang pagpapaimbabaw (hy·poʹkri·sis) ay maaari ring tumukoy sa kabalakyutan at katusuhan. (Mateo 22:18; Marcos 12:15; Lucas 20:23) Anong lungkot nga pagka ang isang nagtitiwala ay nabiktima sa pamamagitan ng mga ngiti, panghihibo, at mga kilos na pakunwari lamang! Subalit nakagagalak pagka alam natin na tayo’y nakikitungo sa mapagkakatiwalaang mga Kristiyano. At tayo ay pinagpapala ng Diyos dahil sa pagiging mga taong magagaling at hindi mapagpaimbabaw. Ang kaniyang pagsang-ayon ay naroon sa mga nagpapamalas ng “walang paimbabaw na pagmamahal sa kapatid” at may “pananampalataya na walang pagpapaimbabaw.”—1 Pedro 1:22; 1 Timoteo 1:5.
Ang Kagalingan ay Aktibong Kabutihan
17, 18. Habang ipinakikita natin ang bunga ng espiritu na kabutihan, papaano tayo makikitungo sa iba?
17 Kung nilalakipan natin ng kagalingan ang ating pananampalataya, magsisikap tayo na umiwas sa pag-iisip, pagsasalita, at paggawa ng mga bagay na hindi nakalulugod sa Diyos. Gayunman, sa pagpapakita ng kagalingang Kristiyano kailangan ding makita sa atin ang aktibong kabutihan. Sa katunayan, ang kagalingan ay may kahulugan na kabutihan. At ang kabutihan ay isang bunga ng banal na espiritu ni Jehova, hindi bunga ng pagsisikap lamang ng tao. (Galacia 5:22, 23) Samantalang ating ipinakikita ang bunga ng espiritu na kabutihan, mauudyukan tayong magkaroon ng mabuting kaisipan tungkol sa iba at bigyan sila ng komendasyon sa kanilang mabuting mga katangian sa kabila ng kanilang di-kasakdalan. Sila ba’y naglingkod nang may katapatan kay Jehova nang matagal na panahon na? Kung gayo’y dapat natin silang igalang at tayo’y magsalita nang mabuti tungkol sa kanila at sa kanilang paglilingkod sa Diyos. Ang ating makalangit na Ama ay nagbibigay-pansin sa pag-ibig na ipinakita nila ukol sa kaniyang pangalan at sa kanilang magagaling na gawang pananampalataya, at dapat na ganoon din ang gawin natin.—Nehemias 13:31b; Hebreo 6:10.
18 Dahil sa kagalingan tayo’y nagiging matiyaga, maunawain, mahabagin. Kung isang kapananampalataya natin kay Jehova ang dumaranas ng kahirapan o panlulumo, aaliwin natin siya at sisikaping mabigyan ng kaunting ginhawa, gaya nang kung papaano tayo inaaliw ng ating mapagmahal na Ama sa langit. (2 Corinto 1:3, 4; 1 Tesalonica 5:14) Nakikiramay tayo sa mga taong nagdadalamhati, marahil dahilan sa pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Kung mayroon tayong magagawang anuman upang mapagaang ang pagdurusa, gagawin natin iyon, sapagkat ang espiritu ng kagalingan ay nag-uudyok upang ang isa’y kumilos nang may pagmamahal, may taglay na kabaitan.
19. Papaano malamang na makitungo sa atin ang iba kung tayo ay may kagalingan sa kaisipan, salita, at gawa?
19 Kung papaanong pinupuri natin si Jehova sa pamamagitan ng pagsasalita ng kabutihan tungkol sa kaniya, ang iba naman ay malamang na pupurihin tayo kung tayo’y may kagalingan sa kaisipan, salita, at gawa. (Awit 145:10) Ang isang pantas na kawikaan ay nagsasabi: “Mga pagpapala ay nasa ulo ng matuwid, ngunit ang bibig ng masama ay nagtatakip ng karahasan.” (Kawikaan 10:6) Ang isang masama at marahas na tao ay walang kagalingan na magpapamahal sa kaniya sa iba. Kaniyang inaani ang inihasik niya, sapagkat hindi siya totohanang mapupuri ng mga tao sa pamamagitan ng pagsasalita nang mabuti tungkol sa kaniya. (Galacia 6:7) Mas lalong mabuti nga ang mga taong nag-iisip, nagsasalita, at kumikilos sa magagaling na paraan bilang mga lingkod ni Jehova! Kanilang nakakamtan ang pag-ibig, pagtitiwala, at paggalang ng iba, na naaakit na purihin sila at magsalita nang mabuti tungkol sa kanila. At, ang kanilang maka-Diyos na kagalingan ay nagbubunga ng walang katulad na pagpapala ni Jehova.—Kawikaan 10:22.
20. Ang magagaling na kaisipan, pananalita, at kilos ay maaaring magkaroon ng anong epekto sa isang kongregasyon ng mga lingkod ni Jehova?
20 Ang magagaling na kaisipan, pananalita, at mga kilos ay tiyak na pakikinabangan ng isang kongregasyon ng mga lingkod ni Jehova. Pagka ang mga magkakapananampalataya ay may mapagmahal, magalang na kaisipan sa pakikitungo sa isa’t isa, ang pag-iibigan ng magkakapatid ay sumasagana sa gitna nila. (Juan 13:34, 35) Ang magagaling na pananalita, kasali na ang taimtim na komendasyon at pagpapatibay-loob, ay pinagmumulan ng isang masiglang damdamin ng pakikipagtulungan at pagkakaisa. (Awit 133:1-3) At ang nakagagalak, may kagalingang mga kilos ay pumupukaw sa iba na tumugon sa kahawig na paraan. Higit sa lahat, ang pagkakapit ng kagalingang Kristiyano ay nagbubunga ng pagsang-ayon at pagpapala ng ating may kagalingang Ama sa langit, si Jehova. Sa gayo’y harinawang maging layunin natin na tugunin ang mahalagang mga pangako ng Diyos sa pamamagitan ng pagsampalataya. At sa lahat ng paraan tayo’y maging masigasig sa pagsisikap na ang ating pananampalataya ay lakipan ng kagalingan.
Ano ang Iyong mga Sagot?
◻ Ano ang “kagalingan,” at bakit ang di-sakdal na mga tao ay makapagtataglay ng kagalingan?
◻ Ang kagalingan ay nangangailangan ng anong uri ng mga kaisipan?
◻ Papaano dapat maapektuhan ang ating pananalita ng kagalingan?
◻ Ano ang dapat na maging epekto ng kagalingan sa ating mga kilos?
◻ Ano ang ilang kapakinabangan kung ang isa ay may kagalingan?
[Larawan sa pahina 21]
Yamang ang matamis at mapait na tubig ay hindi maaaring manggaling sa iisang bukal, ang iba ay may katuwiran na umasang ang mga lingkod ni Jehova ay magsasalita tangi lamang ng magagaling na bagay