Mahalaga kay Papias ang mga Pangungusap ng Panginoon
“AKO’Y nasiyahan . . . hindi sa gitna ng mga taong masalita, kundi ng mga taong nagturo ng katotohanan.” Iyan ang isinulat ni Papias, isang nag-aangking Kristiyano noong ikalawang siglo ng ating Panlahatang Panahon.
Nabuhay si Papias nang panahong kasunod ng pagkamatay ng mga apostol ni Jesu-Kristo. Ang totoo, siya’y isang kasamahan ni Polycarp, na ayon sa ulat ay natuto mula kay apostol Juan. Ang mga kredensiyal na ito, kasali na ang paraan ni Papias ng pagkuha ng kaalaman, ang malamang na patotoo na siya’y may malawak na kaalaman.
Maingat na Pamamaraan
Ang pagkauhaw ni Papias sa katotohanan ay maliwanag na makikita sa limang aklat na bumubuo ng kaniyang isinulat tungkol sa mga pangungusap ng Panginoon. Nang nasa kabataan pa, tiyak na isinaulo ni Papias ang marami sa mga pangungusap ng katotohanan na kaniyang narinig. Nang malaunan, buhat sa kaniyang tinitirahan sa siyudad ng Hierapolis sa Phrygia, sa Asia Minor, si Papias ay nagtanong sa mga may edad na upang tiyakin kung nakita o narinig nila ang sinuman sa mga apostol ni Jesus. May kasabikang tinanong niya sila at isinulat ang kanilang sinabi.
Nagpapaliwanag si Papias: “Ako’y hindi mag-aatubili na isulat . . . ang anumang maingat na natutuhan ko kailanman buhat sa matatanda, at maingat na natatandaan, na tinitiyak sa inyo na ang mga ito ay totoo. Sapagkat ako’y nasiyahan, tulad ng karamihan ng tao, hindi sa gitna ng mga taong masalita, kundi ng mga taong nagturo ng katotohanan; ni ng mga naglahad ng mga utos ng iba, kundi ng mga nag-ulat ng mga utos na ibinigay ng Panginoon sa pananampalataya at nanggagaling sa katotohanan mismo. At kung magkataong makilala ko ang isang naging tagasunod ng matatanda, hihingin ko ang mga ulat na ibinigay ng matatanda—ang sinabi ni Andres o ang sinabi ni Pedro, o ni Felipe o ni Tomas o ni Santiago, o ng sinabi ni Juan o ni Mateo, o ng iba pang alagad ng Panginoon.”
Ang Kaniyang Isinulat
Tiyak na natamo ni Papias ang saganang espirituwal na kaalaman. Atin lamang maguguniguni kung gaano kataimtim ang kaniyang pakikinig sa mga detalyeng kaugnay ng personal na buhay at ministeryo ng bawat isa sa mga apostol. Mga 135 C.E., isinulat ni Papias sa isang aklat ang kailangan niyang sabihin. Nakalulungkot, nawala ang aklat na ito. Ito’y sinipi ni Irenaeus, isang nag-aangking Kristiyano noong ikalawang siglo C.E., at ng historyador noong ikaapat na siglo na si Eusebius. Sa katunayan, iyon ay binabasa pa rin noong ika-9 na siglo C.E. at maaaring umiral hanggang noong ika-14 na siglo.
Si Papias ay naniwala sa dumarating na Milenyong Paghahari ni Kristo. (Apocalipsis 20:2-7) Ayon kay Irenaeus, siya’y sumulat tungkol sa isang panahon “na ang paglalang, na muling nanariwa at lumaya, ay mamumunga nang sagana ng lahat ng uri ng pagkain, buhat sa hamog ng langit at sa katabaan ng lupa, gaya nang kung papaano ang matatanda, na nakakita kay Juan, ang alagad ng Panginoon, ay naglahad na kanilang narinig kung papaano magtuturo ang Panginoon tungkol sa mga panahong iyon.” Sumulat pa rin si Papias: “Sa mga sumasampalataya ang mga bagay na ito ay kapani-paniwala. At nang si Judas, ang lilo, ay tumangging maniwala at nagtanong, ‘Papaano nga maisasagawa ng Panginoon ang ganiyang bagay?’ ang sabi ng Panginoon, ‘Yaong mga buháy sa panahong iyon ang makakakita.’ ”
Si Papias ay sumulat nang isang panahon na ang Gnostisismo ay laganap. Ang pilosopiya, pagmumunimuni, at paganong mistisismo ay inihalo ng mga Gnostiko sa apostatang Kristiyanismo. Sa aktuwal, ang pagbubunyag ni Papias ng mga orakulo, o mga pangungusap ng Panginoon, ay isang pagtatangkang pigilin ang paglaganap ng Gnostisismo. Pagkamatay niya, nagpatuloy si Irenaeus na labanan ang huwad at ipinangangalandakang espirituwalidad ng mga Gnostiko. Tiyak na napakarami ng Gnostikong literatura, anupat naging dahilan upang banggitin ni Papias nang may kasamang panunuya “yaong mga taong masalita.” Maliwanag ang kaniyang layunin—daigin ng katotohanan ang kasinungalingan.—1 Timoteo 6:4; Filipos 4:5.
Mga Komento Tungkol sa mga Ebanghelyo
Sa mga bahagi ng isinulat ni Papias na umiiral pa, makikita natin ang pagkabanggit sa mga salaysay na isinulat nina Mateo at Marcos. Halimbawa, sinasabi ni Papias tungkol sa kasulatan ni Marcos: “Pagkatapos na maging tagapagsalin ni Pedro, wastong isinulat ni Marcos ang lahat ng kaniyang natandaan.” Upang higit pang patunayan ang pagiging totoo ng Ebanghelyong ito, nagpapatuloy si Papias: “Samakatuwid si Marcos ay hindi nagkamali, samantalang isinusulat niya ang ilang bagay-bagay ayon sa kaniyang natatandaan; sapagkat tiniyak niya na huwag kaligtaan ang anumang kaniyang narinig, o isulat doon ang anumang pangungusap na walang katotohanan.”
Si Papias ay nagbibigay ng panlabas na ebidensiya na ang kaniyang Ebanghelyo ay orihinal na isinulat ni Mateo sa wikang Hebreo. Sinasabi ni Papias: “Kaniyang isinulat ang mga pangungusap sa wikang Hebreo, at ang mga ito ay isinalin ng bawat isa ayon sa pinakamagaling na magagawa niya.” Malamang na ang tinukoy ni Papias ay ang mga pag-uulat ng Ebanghelyo ni Lucas at ni Juan, at gayundin ang iba pang mga sulat ng Kasulatang Griegong Kristiyano. Kung gayon, siya’y magiging isa sa pinakaunang mga saksi na nagtatag ng pagiging totoo ng mga ito at ng pagka-kinasihan ng Diyos. Subalit, nakalulungkot, wala nang natitira kundi kapi-kapirasong mga labí ng mga isinulat ni Papias.
Palaisip sa Kaniyang Espirituwal na Pangangailangan
Bilang isang tagapangasiwa sa kongregasyon sa Hierapolis, si Papias ay isang walang-pagkapagod na tagapagsiyasat. Bukod sa pagiging isang masipag na mananaliksik, siya’y nagpamalas ng matinding pagpapahalaga sa Kasulatan. Tama ang pagkasabi ni Papias na anumang doktrinang itinuro ni Jesu-Kristo o ng Kaniyang mga apostol ay makapupong mahalaga na ipaliwanag kaysa pabagu-bagong mga pangungusap na masusumpungan sa panitikan noong kaniyang kaarawan.—Judas 17.
Ayon sa ulat, nagdusa si Papias ng pagkamartir sa Pergamo noong 161 o 165 C.E. Hindi natitiyak kung gaano katindi aktuwal na nakaapekto sa buhay at iginawi ni Papias ang mga turo ni Jesu-Kristo. Gayunman, siya’y nagkaroon ng matinding hangarin na matuto at talakayin ang Kasulatan. Gayundin ang tunay na mga Kristiyano sa ngayon, sapagkat sila’y palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan. (Mateo 5:3) At tulad ni Papias kanilang pinahahalagahan ang mga pangungusap ng Panginoon.