Inihula ang Taggutom
SA LUMIPAS na mga taon ang malagim na taggutom ay laging laman ng kalunus-lunos na balitang pandaigdig. Mula sa Ethiopia at saanman ay nanggagaling ang di-malilimot na paglalarawan ng pagdurusa. Noong 1992 ang pansin ng daigdig ay napapako sa kalunus-lunos na mga biktima ng taggutom sa Somalia, na likha ng tagtuyot at digmaan. Nag-ulat ang International Herald Tribune noong Setyembre 1992: “Walang nakaaalam kung ilang taga-Somalia ang namatay na, subalit ayon sa Red Cross ang bilang ay mahigit nang 100,000. Daan-daan, kung hindi man libu-libo, ang namamatay araw-araw.”
Hindi talagang inihahayag ng mga bilang na iyan ang kaabahan at kirot na dinaranas ng mga taong kasangkot. Si Yvette Pierpaoli, kinatawan sa Europa ng Refugees International, ay sumulat sa magasin ng UN na Refugees: “Sa New York o sa Geneva, lumilitaw nang malinaw ang suliranin ng mga takas; bumabanggit ng mga numero na may kalakip na maraming zero anupat mahirap maintindihan. Subalit sa layo na libu-libong milya, sa mga hangganan ng mga bansang halos anarkiya ang umiiral, ang lalamunan mo’y parang sinasakal dahil sa matinding emosyon at gusto mong sumigaw dahil sa nasasaksihang malaganap na pagdurusa.”
Bagaman sinasabi ng Red Cross na ang pagsisikap nito na tulungan ang Somalia ang pinakamalaking proyekto nito ng pagkakawanggawa kailanman, maraming tagapagmasid ang nagrereklamo na ang pangkalahatang larawan ay ang pagkakaloob ng napakaliit na tulong, na totoong huli na. Ganito ang hinanakit ni Pierpaoli: “Ang mga bansang nagbigay ng tulong ay nag-aatubiling magpatuloy, sawa na sa pagtangkilik sa isang Aprika na nagkakawatak-watak. . . . Sinisisi nila ang mga Aprikano sa kanilang mahinang pangangasiwa, sa kasakiman ng kanilang mga lider, sa waring walang katapusang mga alitan.”
Inihula ng Bibliya ang isang panahon na magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain “sa iba’t ibang dako.” Ang mga kakapusang ito sa pagkain, kasama ang maraming pangyayari, tulad ng mga digmaan, lindol, at mga salot, ay nagpapakita na malapit na ang Kaharian ng Diyos. (Lucas 21:11, 31) Ipinakikita pa rin ng Bibliya na sa ilalim ng mapagkawanggawang Kahariang ito ng Diyos, magkakaroon ng saganang pagkain para sa buong sangkatauhan. “Magkakaroon ng saganang trigo sa lupa,” ang isinulat ng salmista. “Sa taluktok ng mga bundok ay magkakaroon ng labis-labis.”—Awit 72:16.