Ang mga Payunir ay Nagkakaloob at Tumatanggap ng mga Pagpapala
“ANG pagpapayunir ay higit pa ang halaga kaysa isang matagumpay na karera sa sanlibutan. Wala nang higit pang kasiya-siya kaysa pagtulong sa mga tao na makilala si Jehova at ang kaniyang katotohanan.” Ganiyan ang sabi ng isang babaing Kristiyano na ang pinili ay pagpapayunir—buong-panahong pangangaral ng Kaharian—bilang kaniyang karera. Ilan pang ibang mga karera ang makapagbibigay ng gayong kaligayahan?
Ang pagpapayunir ay kapuwa isang dakilang tunguhin at isang mahalagang pribilehiyo. Papaano magagawa ng isang tao na piliin ang gayong buhay? Ano ang kailangan upang makapanatili sa pagpapayunir nang may sapat na haba ng panahon upang kamtin ang mga pagpapala na iniaalok niyaon?
Dalawang bagay ang kailangan. Una, ang tamang mga kalagayan. Marami ang nasa mga kalagayan na doon ay malinaw na imposibleng makapagpayunir ang isa. At pangalawa, ang tamang espirituwal na kuwalipikasyon at saloobin. Mangyari pa, kung ang kasalukuyang mga kalagayan ay nagpapahintulot sa isang tao na makapagpayunir o hindi, lahat ay maaaring magsikap upang mapasulong ang mga katangian ng isang maygulang na Kristiyano.
Kung Bakit ang Ilan ay Nagpapayunir
Ano ba ang mga kuwalipikasyon para sa matagumpay na pagpapayunir? Buweno, ang kasanayan sa pangangaral ay mahalaga. Kailangang alam ng mga payunir kung papaano ihaharap ang mabuting balita sa mga hindi kakilala, dadalaw muli sa mga taong interesado, at magdaraos ng pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Ang kawalan ng kakayahan sa mga ito ay maaaring magpahina ng loob ng isang payunir. Gayunpaman, mahalaga rin ang ibang mga bagay.
Halimbawa, lahat ng may kinalaman sa ating pagsamba ay konektado sa ating kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang organisasyon. Kasali na rito ang pagpapayunir. Isang kabataang payunir na nagngangalang Rado ang may ganitong paliwanag: “Para sa isang kabataan, wala nang mas mainam pa kaysa pag-aalaala kay Jehova at paglakad sa daan ng katotohanan.” Oo, ang pagpapayunir ay isang mainam na paraan para sa mga kabataan na maipakita ang kanilang pag-ibig kay Jehova at ang pagkamalapit sa kaniya.—Eclesiastes 12:1.
Ang kaalaman at kaunawaan ay kailangang-kailangan din. (Filipos 1:9-11) Sa katunayan, ang mga ito ang pinakagatong na nagpapatakbo sa ating espirituwal na makina. Kinakailangan ang regular na personal na pag-aaral upang maiwasan ang kapaguran sa espirituwal, na nawawalan ng sigla at paninindigan. Mangyari pa, ang kaalaman na kinukuha natin ay dapat makaapekto hindi lamang sa isip kundi pati sa puso. (Kawikaan 2:2) Samakatuwid, bukod sa personal na pag-aaral, kailangan natin ang panahon para sa pananalangin at pagbubulay-bulay upang ang natamo nating kaalaman ay nakaaabot sa puso. Kung magkagayon, pagka ipinahihintulot ng ating kalagayan, ating nanaisin na magpayunir.—Ihambing ang Ezra 7:10.
Ang pagpapayunir ay nangangailangan din ng espiritu ng pagsasakripisyo sa sarili. Isang kabataang lalaki na nagngangalang Ron ang nakabuo na ng lahat ng kaniyang plano para sa pagpapayunir. Hinihintay na lamang niya ay ang tamang mga kalagayan upang siya’y makapagsimula na. Unang-una, ibig niya ng isang trabaho na magpapahintulot sa kaniya na makapagpayunir at kasabay niyaon ay tamasahin ang ilan sa mga luho sa buhay. Nang banggitin niya ito sa isang may-gulang na sister, ang kaniyang sagot ay nakabigla sa kaniya. Sinabi ng sister: “Pinagpapala ni Jehova ang mga gawa, hindi ang mga pangako.” Ang binatang iyon ay nakakita ng isang trabaho na may mas mababang suweldo ngunit nagbigay sa kaniya ng panahon sa pagpapayunir. Ang pagkakapit ng Mateo 6:25-34 ay makatutulong sa isang tao na makapagpatuloy ng pagpapayunir sa mas maliit na kita.
Ang mapagpakumbabang pagkukusa na sundin ang mabubuting mungkahi ay makatutulong din sa atin sa pagpapayunir. Maaga sa kaniyang buhay bilang isang Kristiyano, pinagyaman ni Hanna ang pagnanais na magpayunir. Subalit hindi siya nagpayunir habang nag-aasikaso ng isang pamilya, at nang malaunan siya ay naging abala sa isang karera sa negosyo. Palibhasa’y sinunod niya ang mabuting payo ng listong matatanda, tinalikuran niya ang isang kawili-wiling karera sa sanlibutan at nagpayunir. Ngayon ay nararanasan ni Hanna ang malaking kagalakan sa pag-akay sa iba sa pag-aalay at pagtulong sa mga di-aktibo.
Ang pasasalamat sa nagawa ng katotohanan sa buhay ng isa ay maaari ring maging isang pampasigla na magpayunir. Isaalang-alang ang kaso ng isang labis na nanlulumong babae na magkakahiwalay na sana ng kaniyang asawa. Malaki ang ipinagbago ng kalagayang ito nang kaniyang matutuhan ang katotohanan ng Salita ng Diyos at ikapit iyon. Palibhasa’y galak na galak sa nagawa sa kaniya ng katotohanan, kaniyang ipinasiya na ang pinakamagaling na paraan upang maipakita niya ang pagpapahalaga ay ang magpayunir at tulungan ang iba. Ito’y kaniyang ginawa, at ngayon ay nakararanas na siya ng mga pagpapala ng maraming pag-aaral sa Bibliya at ng isang maligayang buhay pampamilya.
Makatutulong ang Iba
Malimit na ang mga payunir ay nagbubunga ng iba pang mga payunir. Si Rado, na nabanggit na, ay anim na taóng gulang nang dalawang payunir ang nakipag-aral ng Bibliya sa kaniyang mga magulang. Nang siya’y batang-bata pa, palagi siyang sumasama sa buong-panahong mga mangangaral na ito sa ministeryo sa larangan. Si Rado mismo ay naging isang regular pioneer sa edad na 17. Isa pang kabataan, si Arno, ay lumaki sa isang tahanang Kristiyano ngunit humina ang espirituwalidad. Nang bandang huli, siya’y kumilos upang manumbalik ang kaniyang espirituwal na lakas, at ngayon ay sinasabi niya: “Ako’y tumanggap ng napakaraming pampatibay-loob buhat sa mga payunir. Nakikisama ako sa kanila lalung-lalo na kung panahon ng mga bakasyon sa paaralan at kung minsan ay nag-uulat ng mga 60 oras isang buwan sa paglilingkod sa larangan. Pagkatapos niyan, ang pagiging isang regular pioneer [na humihingi ng 90 oras buwan-buwan] ay hindi na gaanong mahirap.” Ang pagbubulay-bulay sa payo na nasa 1 Corinto 7:29-31 na huwag lubusang gamitin ang sanlibutan ay tunay na nakatulong sa gayong mga kabataan.
Ang espiritu ng pagpapayunir ay mas madaling mag-uugat sa isang tahanan na kung saan ang espirituwal na mga kapakanan ay nasa unang dako at hinihimok ng mga magulang ang kanilang mga anak na pumasok sa buong-panahong ministeryo. Si Philo, na lumaki sa ganoong tahanan, ay nagbibida: “Marami ang nagpayo sa akin na ipagpatuloy ang aking pag-aaral, upang maihanda ang isang makasanlibutang kinabukasan. Subalit tinulungan ako ng aking mga magulang na pumili ng mas magaling. Kanilang sinabihan ako na kung talagang ibig kong magtayo ng isang magandang kinabukasan, ang unang dapat kong asikasuhin ay ang pagpapaunlad ng kaugnayan kay Jehova.”
Isang kabataang babae na nagngangalang Thamar ang naniniwala rin na ang kaniyang pagpapayunir ay bunga ng ipinakitang halimbawa at pagsisikap ng kaniyang mga magulang. Aniya: “Hindi ko talagang masasabi kung kailan ako nakapagpaunlad ng isang espirituwal na pangmalas sa buhay, ngunit alam ko na hindi ako isinilang na taglay na iyon. Ang kaugalian ng aking mga magulang na palagiang pakikibahagi sa paglilingkod sa larangan at pagdalo sa mga pulong, gayundin ang kanilang matimyas na pag-ibig sa katotohanan, ay tumulong sa akin nang malaki upang mapaunlad ang aking espirituwal na pangmalas.”
Manatili sa Iyong Pasiya
Pagkatapos na ang isa ay maging payunir, ang pagtitiyaga roon ay magpapangyari na tamasahin niya ang lubos na kapakinabangan sa matalinong pasiyang iyan. Maraming praktikal na payo ang maibibigay sa ganiyang layunin. Halimbawa, makabubuting matuto ang mga payunir na mag-iskedyul ng kanilang panahon upang maging mabunga iyon hangga’t maaari. Gayunman, ang pinakamahalagang salik ay ang kaugnayan ng isa kay Jehova at sa Kaniyang organisasyon.
May kaugnayan dito ay ang laging pananalangin. “Nang ako ay mapasakatotohanan, gustung-gusto kong magpayunir,” ang sabi ni Cor. Subalit hiniling ng kaniyang ama na kaniyang tapusin muna ang isang kurso sa Agricultural University. Pagkatapos, si Cor ay nagsimulang magpayunir. Nang malaunan ay nag-asawa siya, at ang kaniyang maybahay ay sumama sa kaniya sa pagpapayunir. Nang ito’y magdalang-tao, napaharap sa kaniya ang posibilidad na huminto sa pagpapayunir. “Malimit na nananalangin ako kay Jehova at ipinababatid ko sa kaniya ang naisin ng aking puso na magpatuloy sa pagpapayunir,” ang sabi ni Cor. Sa wakas si Cor ay nakasumpong ng isang uri ng hanapbuhay na nagpapangyari sa kaniya na magpayunir samantalang nagpapamilya.
Ang pagiging kontento na sa mga pangangailangan sa buhay ay isa pang salik na kalimita’y tumutulong sa isang tao upang manatili sa ministeryo ng pagpapayunir. Si apostol Pablo ay sumulat: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat kaniyang sinabi: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’ ” (Hebreo 13:5) Ang pagiging kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan ay nakatulong kina Harry at Irene na makapagpatuloy sa pagpapayunir. Si Irene, na isang bulag, ay walong taon na ngayon na payunir. “Kailanman ay hindi namin itinuring na isang suliranin ang aming kalagayan sa pananalapi,” aniya. “Basta pinag-iingatan lang namin na huwag kaming kumuha ng di-kinakailangang pasanin sa pananalapi. Lagi naming tinataya ang halaga. Ang aming buhay sa tuwina ay simple, bagaman totoong kaaya-aya, at kami’y mayaman sa mga pagpapala.”
Saganang Kagalakan at mga Pagpapala
Sa paggunita sa siyam na taon ng pagpapayunir, ganito ang sabi ni Thamar: “Ikaw ay lubhang napapalapit kay Jehova, na para bang ikaw ay aktuwal na inaalalayan niya.” (Awit 73:23) Sumasagi rin sa isip ang ilang pagsubok. “Ang aking sariling di-kasakdalan pati na yaong sa iba ay palaging nakabalisa sa akin,” isinusog pa ni Thamar. “Isa pa, pagmamasdan ko ang mga kapatid na pinili ang sagana sa materyal na paraan ng pamumuhay, at ang kanilang napili ay waring kaakit-akit pagka ako ay nagbabahay-bahay kung umuulan at malamig ang panahon. Subalit sa kaibuturan ng aking puso, hindi ko kailanman nanaising makipagpalit ng kalagayan. Mayroon pa bang iba maliban sa pagpapayunir na makapagdudulot ng gayong kagalakan, gayong kasiyahan sa espirituwal, at gayong mga pagpapala?” Iyo bang lubhang pahahalagahan ang nakakatulad na kagalakan at mga pagpapala?
Dahilan sa malaking panahon ang ginugugol ng mga payunir sa ministeryong Kristiyano, sila ay nasa katayuan na makatulong sa maraming indibiduwal upang magtamo ng kaalaman sa katotohanan sa Bibliya. Sina Harry at Irene, na nabanggit na, ay nagsasabi: “Maraming pribilehiyo ang matatamo sa organisasyon ni Jehova, subalit ang pagtulong sa isang baguhang interesado upang sumulong hanggang sa punto ng pagiging isang lingkod ni Jehova ang pinakadakila sa lahat.”
Mainam ang pagkakasabi ng isa pang payunir: “Ang mga salita ng Kawikaan 10:22 ay napatunayan kong totoo: ‘Ang pagpapala ni Jehova—iyan ay nagpapayaman, at hindi niya idinaragdag ang kapanglawan.’ Paulit-ulit, ang tekstong ito ay natupad sa akin nang mga taon na ako ay naglilingkod kay Jehova.”
Mga magulang, ikinikintal ba ninyo sa inyong mga anak ang pagnanais na magpayunir? Mga payunir, sinisikap ba ninyong pukawin sa iba ang hangaring ito? Mga matatanda, inyo bang sinusuportahan ang mga payunir sa inyong kongregasyon at kayo’y tumutulong upang ang iba’y magkaroon ng espiritu ng pagpapayunir? Harinawang marami pa sa bayan ni Jehova ang mapakilos upang magsikap na makamit ang gayong mayayamang pagpapala samantalang sila’y nakikibahagi sa paglilingkurang payunir.