Si Jehova ang Diyos na May Layunin
“Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking ipinayo, gayon ang matutupad.”—ISAIAS 14:24.
1, 2. Ano ang sinasabi ng marami tungkol sa layunin ng buhay?
ANG mga tao sa lahat ng dako ay nagtatanong: “Ano ang layunin ng buhay?” Isang pulitikong lider sa Kanluran ang nagsabi: “Mas maraming tao higit kailanman ang nagtatanong, ‘Sino ba tayo? Ano ang ating layunin?’” Nang isang pahayagan ang magsurbey ng mga kabataan tungkol sa tanong na ano ang layunin ng buhay, ang karaniwang mga tugon ay: “Upang gawin ang anumang nais ng iyong puso.” “Mamuhay nang lubus-lubusan sa bawat sandali.” “Pamumuhay nang masaya at maluho.” “Upang magkaanak, lumigaya at pagkatapos ay mamatay.” Karamihan ay may paniwala na ganito na lamang ang buhay. Walang sinuman ang bumanggit ng anumang matagalang layunin ng buhay sa lupa.
2 Isang iskolar ni Confucius ang nagsabi: “Ang sukdulang kahulugan ng buhay ay masusumpungan sa ating karaniwang pag-iral bilang tao.” Ayon dito, ang mga tao ay patuloy na isisilang, makikipagpunyagi sa loob ng 70 o 80 taon, pagkatapos ay mamamatay at hindi na iiral kailanman. Isang ebolusyonaryong siyentipiko ang nagsabi: “Maaaring hangarin natin ang ‘mas mataas’ na kasagutan—subalit wala nito.” Para sa mga ebolusyonistang ito, ang buhay ay isang pagpupunyagi para sa kaligtasan, na pawang niwawakasan ng kamatayan. Ang ganiyang mga pilosopya ay naghaharap ng isang walang-pag-asang pangmalas sa buhay.
3, 4. Papaano apektado ng mga kalagayan sa sanlibutan ang pangmalas ng marami sa buhay?
3 Marami ang nag-aalinlangan na may layunin ang buhay pagka nakikita nila na ang buhay ng tao ay lipos ng matinding kahirapan. Sa panahon natin, na ang tao’y ipinagpapalagay na sumapit na sa sukdulan ng tagumpay sa industriya at siyensiya, mga isang bilyong katao sa buong daigdig ang may malubhang sakit o kapos sa kinakailangang pagkain. Milyun-milyong bata ang namamatay bawat taon sa gayong mga sanhi. Isa pa, sa ika-20 siglong ito ay makaapat na beses ang dami ng namamatay sa digmaan kung ihahambing sa mga digmaan ng nakalipas na apat na raang taon kung pagsasama-samahin. Ang krimen, karahasan, pag-abuso sa droga, pagguho ng pamilya, AIDS at iba pang mga sakit na naililipat ng pagtatalik—humahaba ang listahan ng negatibong mga salik. Ang mga lider ng daigdig ay walang maiharap na lunas para sa mga suliraning ito.
4 Sa liwanag ng gayong mga kalagayan, isang tao ang nagpahayag ng paniwala ng marami: “Walang layunin ang buhay. Kung lahat ng masasamang bagay na ito ay nangyayari, walang gaanong kabuluhan ang buhay.” At isang lalaking may edad na ang nagsabi: “Ako’y nagtatanong kung bakit narito ako sa kalakhang bahagi ng aking buhay. Kung mayroon mang layunin, hindi na iyon mahalaga sa akin.” Kaya dahilan sa hindi alam ng karamihan kung bakit pinapayagan ng Diyos na umiral ang pagdurusa, ang nakalulungkot na mga kalagayan sa daigdig ang dahilan kung bakit sila’y walang tunay na pag-asa para sa hinaharap.
5. Bakit ang mga relihiyon sa daigdig na ito ay isa pa ring dahilan ng kalituhan tungkol sa layunin ng buhay?
5 Maging ang mga lider ng relihiyon ay baha-bahagi, at di-nakatitiyak kung tungkol sa layunin ng buhay. Isang dating dekano ng St. Paul’s Cathedral sa London ang nagsabi: “Sa buong buhay ko ako’y nakipagpunyagi upang masumpungan ang layunin ng buhay. . . . Bigo ako.” Totoo, maraming klerigo ang nagtuturo na sa kamatayan ang mabubuti ay nagtutungo sa langit at ang masasama naman ay nagtutungo sa isang nag-aapoy na impiyerno magpakailanman. Subalit sa pangmalas na ito ay naiiwan pa rin sa lupa ang tao upang magpatuloy sa kaniyang landas na lipos ng paghihirap. At kung layunin naman ng Diyos na sa langit mamuhay ang mga tao, bakit hindi na lamang sa una pa ay ginawa niya silang makalangit na mga nilalang, gaya ng ginawa niya sa mga anghel, at sa gayo’y hindi na nakatikim ang mga tao ng napakaraming paghihirap? Kaya ang kalituhan tungkol sa layunin ng buhay sa lupa o ang pagtangging maniwala na ito’y may anumang layunin ay pangkaraniwan na.
Ang Diyos na May Layunin
6, 7. Ano ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa Soberano ng Sansinukob?
6 Subalit, ang pinakamalaganap na aklat sa kasaysayan, ang Banal na Bibliya, ay nagsasabi sa atin na si Jehova, ang Soberano ng sansinukob, ay Diyos na may layunin. Ipinakikita nito sa atin na siya’y may pangmatagalan, sa katunayan, walang-hanggang layunin para sa sangkatauhan sa lupa. At pagka nagpanukala si Jehova ng isang bagay, walang pagsalang matutupad iyon. Kung papaano pinangyayari ng ulan na tumubo ang binhi, sinasabi ng Diyos na, “magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa aking bibig. Ito’y hindi babalik sa akin nang walang bunga, kundi tiyakang gagawin nito ang kinalulugdan ko, at tiyakang magtatagumpay ito sa pinagsuguan ko.” (Isaias 55:10, 11) Anuman ang sabihin ni Jehova na kaniyang gagawin, “gayon ang matutupad.”—Isaias 14:24.
7 Tayong mga tao ay lubos na makapagtitiwala na tutupdin ng Makapangyarihan-sa-lahat ang kaniyang mga pangako, sapagkat ang Diyos ay “hindi makapagsisinungaling.” (Tito 1:2; Hebreo 6:18) Pagka sinabi niya sa atin na gagawin niya ang isang bagay, ang kaniyang salita ay isang garantiya na iyon ay mangyayari. Para na ring natupad iyon. Siya ay nagpapahayag: “Ako ang Isang Banal at wala nang ibang Diyos, ni sinuman ay gaya ko; ang Isa na nagpapahayag ng magiging wakas magbuhat sa pasimula, at mula noong unang panahon ng mga bagay na hindi pa nangyayari; ang Isang nagsasabi, ‘Ang aking sariling payo ay tatayo, at gagawin ko ang aking buong kaluguran’ . . . Aking sinalita iyon; akin ding pangyayarihin. Aking pinanukala iyon, gagawin ko rin naman iyon.”—Isaias 46:9-11.
8. Papaano masusumpungan ang Diyos ng mga taong taimtim na nagnanais makilala siya?
8 Isa pa, “hindi nais [ni Jehova] na ang sinuman ay mapuksa kundi nagnanais na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Sa dahilang ito, hindi niya ibig na ang sinuman ay maging walang-alam tungkol sa kaniya. Isang propeta na nagngangalang Azarias ang nagsabi: “Kung inyong hahanapin [ang Diyos], kaniyang hahayaang siya’y matagpuan ninyo, ngunit kung iiwan ninyo siya ay iiwan niya kayo.” (2 Cronica 15:1, 2) Sa gayon, yaong mga taimtim na nagnanasang makilala ang Diyos at ang kaniyang mga layunin ay tiyak na kakamtin iyon kung pagsisikapan nilang hanapin siya.
9, 10. (a) Ano ang inilaan para sa mga nagnanais makilala ang Diyos? (b) Ano ang pinangyayari na magawa na natin dahil sa pagsasaliksik sa Salita ng Diyos?
9 Saan hahanapin? Para sa mga talagang humahanap sa Diyos, siya’y naglaan ng kaniyang Salita, ang Bibliya. Sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, ang gayunding aktibong puwersa na ginamit niya upang likhain ang sansinukob, inakay ng Diyos ang tapat na mga tao upang isulat ang kailangang malaman natin tungkol sa kaniyang mga layunin. Halimbawa, tungkol sa hula ng Bibliya, sinabi ni apostol Pedro: “Ang hula ay hindi kailanman dinala sa pamamagitan ng kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos habang sila ay inaakay ng banal na espiritu.” (2 Pedro 1:21) Gayundin, si apostol Pablo ay nagpahayag: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran, upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may-kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 Timoteo 3:16, 17; 1 Tesalonica 2:13.
10 Pansinin na pinangyayari ng Salita ng Diyos na tayo ay maging “lubos na may kakayahan, lubusang nasasangkapan,” sa halip na bahagya lamang o di-lubusan. Pinangyayari nito na matiyak ng isa kung sino ang Diyos, ano ang kaniyang mga layunin, at ano ang kahilingan niya sa kaniyang mga lingkod. Ito ang maaasahan buhat sa isang aklat na akda ng Diyos. At ito ang tanging masasaliksik natin upang makamit ang tumpak na kaalaman sa Diyos. (Kawikaan 2:1-5; Juan 17:3) Sa paggawa ng gayon, tayo ay ‘hindi na magiging mga sanggol pa, na sinisiklut-siklot ng mga alon at dinadalang paroo’t parito ng bawat hangin ng turo sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng katusuhan sa lalang na pagkakamali.’ (Efeso 4:13, 14) Ipinahayag ng salmista ang tamang pangmalas: “Ang iyong salita [ng Diyos] ay ilawan sa aking paa, at tanglaw sa aking daan.”—Awit 119:105.
Pasulong na Isiniwalat
11. Papaano isiniwalat ni Jehova ang kaniyang mga layunin sa sangkatauhan?
11 Sa pasimula pa lamang ng sambahayan ng tao, isiniwalat na ni Jehova ang kaniyang mga layunin may kaugnayan sa lupang ito at sa mga tao na naririto. (Genesis 1:26-30) Subalit nang tanggihan ng ating unang mga magulang ang soberanya ng Diyos, ang tao ay nahulog sa espirituwal na kadiliman at kamatayan. (Roma 5:12) Gayunpaman, batid ni Jehova na may magnanais na maglingkod sa kaniya. Sa gayon, sa paglakad ng daan-daang taon, kaniyang pasulong na isiniwalat ang kaniyang mga layunin sa kaniyang tapat na mga lingkod. Ang ilan sa mga nakipagtalastasan sa kaniya ay sina Enoc (Genesis 5:24; Judas 14, 15), Noe (Genesis 6:9, 13), Abraham (Genesis 12:1-3), at Moises (Exodo 31:18; 34:27, 28). Ang propeta ng Diyos na si Amos ay sumulat: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay habang hindi niya naisisiwalat ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta.”—Amos 3:7; Daniel 2:27, 28.
12. Papaano nagbigay si Jesus ng higit na liwanag tungkol sa mga layunin ng Diyos?
12 Nang ang Anak ng Diyos, si Jesu-Kristo, ay nasa lupa mga 4,000 taon pagkatapos ng paghihimagsik sa Eden, isiniwalat ang marami pang mga detalye ng mga layunin ni Jehova. Ito’y lalung-lalo na kung tungkol sa layunin ng Diyos na magtatag ng isang makalangit na Kaharian na mamamahala sa lupa. (Daniel 2:44) Ang Kahariang iyan ay ginawa ni Jesus na pinakatema ng kaniyang pagtuturo. (Mateo 4:17; 6:10) Siya at ang kaniyang mga alagad ay nagturo na sa ilalim ng Kaharian, ang orihinal na layunin ng Diyos para sa lupa at para sa sangkatauhan ay matutupad. Ang lupa ay gagawing isang paraiso na tinatahanan ng sakdal na mga tao, na mabubuhay magpakailanman. (Awit 37:29; Mateo 5:5; Lucas 23:43; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:4) Bukod diyan, ipinakita ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang mga bagay na magaganap sa bagong sanlibutang iyon sa pamamagitan ng mga himala na pinapangyari ng Diyos na maisagawa nila.—Mateo 10:1, 8; 15:30, 31; Juan 11:25-44.
13. Tungkol sa mga pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan, anong pagbabago ang naganap noong Pentecostes 33 C.E.?
13 Noong Pentecostes 33 C.E., 50 araw pagkamatay ni Jesus, ang espiritu ng Diyos ay ibinuhos sa kongregasyon ng mga tagasunod ni Kristo. Ito ang humalili sa di-tapat na Israel bilang tipang bayan ni Jehova. (Mateo 21:43; 27:51; Gawa 2:1-4) Ang pagbubuhos ng banal na espiritu noong pagkakataong iyon ay isang katibayan na, magmula noon, isisiwalat ng Diyos ang mga katotohanan tungkol sa kaniyang mga layunin sa pamamagitan ng bagong ahensiyang ito. (Efeso 3:10) Noong unang siglo C.E., itinatag ang pangkaayusang balangkas ng kongregasyong Kristiyano.—1 Corinto 12:27-31; Efeso 4:11, 12.
14. Papaano makikilala ng mga humahanap ng katotohanan ang tunay na kongregasyong Kristiyano?
14 Sa ngayon, makikilala ng mga humahanap ng katotohanan ang tunay na kongregasyong Kristiyano sa pamamagitan ng walang-pagbabagong pagpapakita nito ng pangunahing katangian ng Diyos, ang pag-ibig. (1 Juan 4:8, 16) Oo, ang pag-iibigan ng magkakapatid ay isang nagpapakilalang tanda ng tunay na pagka-Kristiyano. Sinabi ni Jesus: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” “Ito ang aking kautusan, na ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.” (Juan 13:35; 15:12) At ipinaalaala ni Jesus sa kaniyang mga tagapakinig: “Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko.” (Juan 15:14) Kaya ang tunay na mga lingkod ng Diyos ay yaong mga tumutupad ng batas ng pag-ibig. Hindi lamang nila sinasalita iyon, sapagkat “ang pananampalataya na walang mga gawa ay patay.”—Santiago 2:26.
Kaliwanagan
15. Ano ang matitiyak ng mga lingkod ng Diyos?
15 Inihula ni Jesus na sa paglipas ng panahon, ang tunay na kongregasyong Kristiyano ay maliliwanagan nang higit at higit tungkol sa mga layunin ng Diyos. Ipinangako niya sa kaniyang mga tagasunod: “Ang katulong, ang banal na espiritu, na ipadadala ng aking Ama sa aking pangalan, ang isang iyon ay magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay.” (Juan 14:26) Sinabi rin ni Jesus: “Narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 28:20) Sa gayon, ang kaliwanagan may kaugnayan sa katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin ay patuloy na nararagdagan sa gitna ng mga lingkod ng Diyos. Oo, “ang landas ng mga matuwid ay parang maningas na liwanag na sumisikat nang paliwanag nang paliwanag hanggang sa malubos ang araw.”—Kawikaan 4:18.
16. Ano ang sinasabi sa atin ng ating espirituwal na kaliwanagan kung nasaan na nga ba tayo kung tungkol sa mga layunin ng Diyos?
16 Sa ngayon, ang espirituwal na liwanag na iyan ay lalong maliwanag kailanman, sapagkat tayo’y nasa panahon na maraming hula sa Bibliya ang natutupad o malapit nang matupad. Ito’y nagpapakita sa atin na nabubuhay tayo sa “mga huling araw” ng masamang sistemang ito ng mga bagay. Ito ang yugto ng panahon na tinawag na “ang katapusan ng sistema ng mga bagay”; ito’y susundan ng bagong sanlibutan ng Diyos. (2 Timoteo 3:1-5, 13; Mateo 24:3-13) Gaya ng inihula ni Daniel, ang makalangit na Kaharian ng Diyos ay malapit nang kumilos upang “durugin at wakasan ang lahat ng kahariang ito [na umiiral ngayon], at iyon mismo ay lalagi magpakailanman.”—Daniel 2:44.
17, 18. Anong dakilang mga hula ang natutupad na ngayon?
17 Kabilang sa mga hula na natutupad ngayon ay ang isa na nakasulat sa talatang 14 ng Mateo kabanata 24. Doon ay sinabi ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” Sa buong lupa, ang gawaing pangangaral na iyan ng Kaharian ay ginagawa ng milyun-milyong Saksi ni Jehova. At daan-daang libong tao ang napaparagdag sa kanila taun-taon. Ito’y kasuwato ng hula sa Isaias 2:2, 3, na nagsasabi na “sa huling bahagi ng mga araw” ng masamang sanlibutang ito, ang mga tao mula sa maraming bansa ang magsisiparoon sa tunay na pagsamba kay Jehova, at ‘kaniyang tuturuan sila tungkol sa kaniyang mga daan, at sila’y lalakad sa kaniyang mga landas.’
18 Ang mga baguhang ito ay humuhugos sa pagsamba kay Jehova “na parang alapaap,” ayon sa pagkahula sa Isaias kabanata 60, talatang 8. Isinususog ng Isa 60 talatang 22: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis nito sa sariling kapanahunan nito.” Ang panahong iyan, ayon sa ipinakikita ng katibayan, ay ngayon na. At ang mga baguhan ay makapagtitiwala na sa pakikisama sa mga Saksi ni Jehova, sila’y nakikipag-ugnayan na sa tunay na kongregasyong Kristiyano.
19. Bakit natin sinasabi na ang mga baguhan na nakikiugnay sa mga Saksi ni Jehova ay pumupunta sa tunay na kongregasyong Kristiyano?
19 Bakit natin masasabi ito nang may katiyakan? Sapagkat ang mga baguhang ito, kasali na ang milyun-milyong nasa loob na ng organisasyon ni Jehova, ay nag-alay ng kanilang buhay sa Diyos at gumagawa na ng kaniyang kalooban. Kabilang dito ang pamumuhay nang kasuwato ng batas ng maka-Diyos na pag-ibig. Bilang isang katibayan nito, ‘pinukpok [ng mga Kristiyanong ito] ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit at hindi na mangag-aaral pa man ng pakikipagdigma.’ (Isaias 2:4) Lahat ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay gumawa na nito, sapagkat kanilang isinasagawa ang pag-ibig. Ito’y nangangahulugan na sila’y hindi magdadala ng mga armas na pandigma laban sa isa’t isa o sa kaninuman. Dito sila ay naiiba sa lahat—di-tulad ng mga relihiyon ng daigdig. (Juan 13:34, 35; 1 Juan 3:10-12, 15) Sila’y hindi napapasangkot sa nasyonalismo na lumilikha ng pagkakabaha-bahagi, sapagkat sila’y bumubuo ng isang pangglobong kapatiran na pinagbubuklod ng pag-ibig, “isang sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”—Colosas 3:14; Mateo 23:8; 1 Juan 4:20, 21.
Ang Karamihan ay Sadyang Ayaw Makaalám
20, 21. Bakit ang lubhang karamihan ng sangkatauhan ay nasa espirituwal na kadiliman? (2 Corinto 4:4; 1 Juan 5:19)
20 Samantalang ang espirituwal na liwanag sa gitna ng mga lingkod ng Diyos ay lumiliwanag, ang nalalabing bahagi naman ng mga tao sa lupa ay napapasadlak sa lalong malaking espirituwal na kadiliman. Hindi nila nakikilala si Jehova o ang kaniyang mga layunin. Inilarawan ng propeta ng Diyos ang panahong ito nang kaniyang sabihin: “Narito! tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng pusikit na dilim ang mga bayan.” (Isaias 60:2) Ganito nga ang nangyayari sapagkat ang mga tao ay hindi nagpapakita ng taimtim na interes sa pagkatuto tungkol sa Diyos, ni nagpapakita man sila ng hangaring palugdan siya. Sinabi ni Jesus: “Ito ngayon ang saligan sa paghatol, na ang liwanag ay dumating sa sanlibutan ngunit inibig ng mga tao ang kadiliman sa halip na ang liwanag, sapagkat ang kanilang mga gawa ay balakyot. Sapagkat siya na nagsasagawa ng buktot na mga bagay ay napopoot sa liwanag at hindi lumalapit sa liwanag, upang ang kaniyang mga gawa ay hindi masaway.”—Juan 3:19, 20.
21 Ang gayong mga tao ay hindi talagang interesado na alamin kung ano ang kalooban ng Diyos. Sa halip, ang kanilang buhay ay nakasentro sa paggawa ng kanilang sariling kalooban. Sa hindi pagbibigay-pansin sa kalooban ng Diyos, sila’y lumalagay sa isang mapanganib na katayuan, sapagkat ang kaniyang Salita ay nagpapahayag: “Siyang naglalayo ng kaniyang tainga sa pakikinig sa kautusan—maging ang kaniyang panalangin ay karumal-dumal.” (Kawikaan 28:9) Tataglayin nila ang mga ibubunga ng landas na kanilang piniling lakaran. Ang apostol na si Pablo ay sumulat: “Huwag kayong palíligaw: Ang Diyos ay hindi isa na malilibak. Sapagkat anuman ang inihahasik ng isang tao, ito rin ang kaniyang aanihin.”—Galacia 6:7.
22. Ano ngayon ang ginagawa ng maraming tao na nagnanais ng kaalaman sa Diyos?
22 Gayunman, marami ang nagnanais makaalam ng kalooban ng Diyos, ang taimtim na humahanap sa kaniya, at napapalapit sa kaniya. “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo,” ang sabi ng Santiago 4:8. Tungkol sa gayong mga tao ay sinabi ni Jesus: “Siya na gumagawa ng totoo ay lumalapit sa liwanag, upang ang kaniyang mga gawa ay maihayag na ginawang kasuwato ng Diyos.” (Juan 3:21) At anong kahanga-hangang kinabukasan ang nilayon ng Diyos para sa mga nagsisilapit sa liwanag! Ang ating susunod na artikulo ang tatalakay sa lubhang nakagagalak na pag-asa.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Ano ang sinasabi ng marami kung tungkol sa layunin ng buhay?
◻ Papaano isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang sarili bilang isang Diyos na may layunin?
◻ Anong dakilang kaliwanagan ang naganap noong unang siglo C.E.?
◻ Papaano makikilala ngayon ang tunay na kongregasyong Kristiyano?