Kagaya Ka ba ni Jesus Kung Magturo?
“Namangha nang lubha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo; sapagkat siya ay nagtuturo sa kanila na gaya ng isang taong nagtataglay ng awtoridad, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.”—MATEO 7:28, 29.
1. Sino ang sumunod kay Jesus habang nagtuturo siya sa Galilea, at ano ang reaksiyon ni Jesus?
SAANMAN magtungo si Jesus, ang mga tao’y nagkakatipon sa kaniya. “Siya ay lumibot sa lahat ng dako ng buong Galilea, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian at nagpapagaling ng bawat uri ng karamdaman at bawat uri ng kapansanan sa gitna ng mga tao.” Habang kumakalat ang balita hinggil sa kaniyang mga gawa, “malalaking pulutong ang sumunod sa kaniya mula sa Galilea at sa Decapolis at sa Jerusalem at sa Judea at mula sa kabilang panig ng Jordan.” (Mateo 4:23, 25) Nang makita sila, “siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” Sa kaniyang pagtuturo ay nararamdaman nila ang habag o magiliw na pagmamahal na nadarama niya para sa kanila; iyo’y gaya ng isang nakapagpapaginhawang pamahid sa kanilang mga sugat na siyang nakaakit sa kanila sa kaniya.—Mateo 9:35, 36.
2. Bilang karagdagan sa mga himala ni Jesus, ano pa ang nakaakit sa napakaraming tao?
2 Anong kahima-himalang mga pagpapagaling sa pisikal ang nagawa ni Jesus—pinangyayaring luminis ang mga may ketong, makarinig ang mga bingi, makakita ang mga bulag, makalakad ang mga pilay, mabuhay na muli ang mga patay! Tiyak na ang kagila-gilalas na mga pagpapamalas na ito ng kapangyarihan ni Jehova na kumikilos sa pamamagitan ni Jesus ay makaaakit ng napakaraming tao! Subalit hindi lamang mga himala ang nakaakit sa kanila; pulu-pulutong na mga tao rin ang lumapit para sa espirituwal na pagpapagaling na inilalaan kapag si Jesus ay nagtuturo. Halimbawa, pansinin ang kanilang tugon pagkatapos na marinig ang kaniyang bantog na Sermon sa bundok: “Nang matapos na ni Jesus ang mga pananalitang ito, ang naging bunga ay namangha nang lubha ang mga pulutong sa kaniyang paraan ng pagtuturo; sapagkat siya ay nagtuturo sa kanila na gaya ng isang taong nagtataglay ng awtoridad, at hindi gaya ng kanilang mga eskriba.” (Mateo 7:28, 29) Inulit ng kanilang mga rabbi ang mga tradisyon sa salita mula sa sinaunang mga rabbi bilang sa kanilang awtoridad. Tinuruan sila ni Jesus taglay ang awtoridad mula sa Diyos: “Ang mga bagay na aking sinasalita, gaya ng sinabi sa akin ng Ama ang mga iyon, sinasalita ko nang gayundin ang mga iyon.”—Juan 12:50.
Umabot sa Puso ang Kaniyang Turo
3. Papaano naiiba sa mga eskriba at mga Fariseo ang paraan ng pagpapahayag ni Jesus ng kaniyang mensahe?
3 Ang pagkakaiba ng turo ni Jesus at ng sa mga eskriba at Fariseo ay hindi lamang ang nilalaman—mga katotohanan mula sa Diyos na kabaligtaran ng mabibigat na tradisyon sa salita na galing sa mga tao—kundi kung papaano rin ito itinuro. Mga palalo at mababagsik ang mga eskriba at Fariseo, anupat buong pagmamalaking nag-uutos na gumamit ng mararangal na titulo para sa kanila at may-pagkutyang humahamak sa karamihan bilang “isinumpang mga tao.” Samantala, si Jesus ay maamo, mahinahon, mabait, madamayin, at madalas na nagpaparayâ, at siya ay naaawa sa kanila. Hindi lamang nagturo si Jesus taglay ang tumpak na mga salita kundi taglay rin naman ang nakaaakit na mga salita mula sa kaniyang puso, na tuwirang umabot sa mga puso ng kaniyang mga tagapakinig. Ang kaniyang maligayang mensahe ang nagpalapit ng mga tao sa kaniya, anupat naudyukan silang pumunta sa templo nang maaga upang makinig sa kaniya, at nagpangyari sa kanila na manatili sa pagsunod sa kaniya at sa pakikinig sa kaniya nang may kasiyahan. Sila’y dumarating na pulu-pulutong upang makinig sa kaniya, na nagsasabing: “Hindi kailanman nakapagsalita ang ibang tao nang tulad nito.”—Juan 7:46-49; Marcos 12:37; Lucas 4:22; 19:48; 21:38.
4. Ano ang lalo nang nakaakit sa mga tao sa pangangaral ni Jesus?
4 Tiyak, ang isa sa mga dahilan kung bakit ang mga tao’y naaakit sa kaniyang turo ay ang paggamit niya ng mga ilustrasyon. Nakikita ni Jesus ang nakikita ng mga tao, subalit naiisip niya ang mga bagay na hindi nila kailanman naiisip. Ang tumutubong mga liryo sa kabukiran, ang mga ibong gumagawa ng kanilang mga pugad, ang mga lalaking naghahasik ng mga binhi, ang mga pastol na nagsasauli ng natagpuang mga tupa, mga babaing nagtatagpi ng mga lumang kasuutan, mga batang naglalaro sa palengke, mga mangingisdang bumabatak ng kanilang mga lambat—karaniwang mga bagay na nakikita ng bawat isa—ay hindi kailanman naging karaniwan lamang sa mga mata ni Jesus. Saanman siya tumingin, nakikita niya kung ano ang magagamit niya upang ilarawan ang Diyos at ang Kaniyang Kaharian o upang makagawa ng isang punto tungkol sa lipunan ng mga tao na nakapaligid sa kaniya.
5. Saan ibinatay ni Jesus ang kaniyang mga ilustrasyon, at bakit epektibo ang kaniyang mga talinghaga?
5 Ang mga ilustrasyon ni Jesus ay nakasalig sa pang-araw-araw na mga bagay na malimit na nakikita ng mga tao, at kapag ang katotohanan ay naiuugnay sa mga karaniwang bagay na ito, ang mga ito’y napapaukit agad nang malalim sa mga isipan niyaong mga nakikinig. Ang gayong mga katotohanan ay hindi lamang naririnig; ang mga ito’y nakikita sa balintataw at madaling maalaala pagkaraan. Ang mga talinghaga ni Jesus ay may katangian ng pagkasimple, walang nakalilitong materyal na maaaring makahadlang at makapigil sa kanilang pag-unawa sa mga katotohanan. Halimbawa, kunin natin ang talinghaga ng mabait na Samaritano. Kitang-kita mo kung papaano ang maging isang mabuting kapuwa-tao. (Lucas 10:29-37) Pagkatapos ay nariyan ang dalawang anak na lalaki—ang isa na nagsabing siya’y magtatrabaho sa ubasan ngunit hindi naman, ang isa pa na nagsabing hindi subalit gumawa. Nauunawaan mo agad kung ano talaga ang tunay na pagkamasunurin—ang paggawa ng iniatas na gawain. (Mateo 21:28-31) Walang inaantok o kaya’y nagpapagala-galang isipan habang nagtuturo si Jesus sa paraang buháy na buháy. Ang mga ito’y abalang-abala sa kapuwa pakikinig at panonood.
Mapagparayâ si Jesus Kapag Naaayon Ito sa Pag-ibig
6. Kailan lalo nang nakatutulong ang pagiging makatuwiran, o mapagparayâ?
6 Maraming pagkakataon kapag ang Bibliya ay nagsasabi ng tungkol sa pagiging makatuwiran, ang isang talababa ay nagpapakita na iyo’y nangangahulugan ng pagpaparayâ. Ang karunungan mula sa Diyos ay nagpaparayâ kapag may nagpapagaan na mga pangyayari. Dapat tayong maging makatuwiran, o mapagparayâ, paminsan-minsan. Nararapat na handang magparayâ ang matatanda kapag ito’y naaayon sa pag-ibig at nararapat bunga ng pagsisisi. (1 Timoteo 3:3; Santiago 3:17) Nag-iwan si Jesus ng kahanga-hangang halimbawa ng pagpaparayâ, anupat gumagawa ng eksepsiyon sa pangkalahatang mga alituntunin kapag kinailangan ang awa o pagkahabag.
7. Anu-ano ang mga halimbawa ni Jesus ng pagiging mapagparayâ?
7 Minsan ay sinabi ni Jesus: “Sinuman na nagtatatwa sa akin sa harap ng mga tao, ay akin ding itatatwa siya sa harap ng aking Ama na nasa mga langit.” Ngunit hindi niya inayawan si Pedro, kahit na itinatwa siya ni Pedro nang tatlong beses. May mga pangyayaring nagpapagaan, na maliwanag na isinaalang-alang ni Jesus. (Mateo 10:33; Lucas 22:54-62) Mayroon ding mga pangyayaring nagpapagaan nang labagin ng isang di-malinis na babaing inaagasan ng dugo ang Batas Mosaiko sa pamamagitan ng pakikihalubilo niya sa karamihan. Hindi rin siya isinumpa ni Jesus. Naunawaan niya ang kaniyang kawalan ng pag-asa. (Marcos 1:40-42; 5:25-34; tingnan din ang Lucas 5:12, 13.) Pinagsabihan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na huwag siyang ipakilala bilang ang Mesiyas, ngunit hindi siya nagmatigas sa tuntuning iyon nang ipakilala niya ang kaniyang sarili na gayon nga sa isang babaing Samaritana sa may balon. (Mateo 16:20; Juan 4:25, 26) Sa lahat ng pangyayaring ito, ang pag-ibig, awa, at habag ang nagpaging nararapat sa pagpaparayáng ito.—Santiago 2:13.
8. Kailan pinipilipit ng mga eskriba at mga Fariseo ang mga alituntunin, at kailan hindi?
8 Ito’y naiiba naman sa di-mapagparayáng mga eskriba at Fariseo. Kung para sa kanilang sarili ay lalabagin nila ang kanilang mga tradisyon ng Sabbath sa pagdadala ng kanilang toro sa tubig. O kung nahulog sa balon ang kanilang toro o ang kanilang anak na lalaki, lalabagin nila ang Sabbath upang iahon siya. Ngunit para sa karaniwang mga tao, hindi sila magpaparayâ ni katiting man! Sila mismo ay “ayaw man lamang galawin [ang mga kahilingan] ng kanilang mga daliri.” (Mateo 23:4; Lucas 14:5) Para kay Jesus, mas mahalaga ang mga tao kaysa sa karamihan ng mga alituntunin; para sa mga Fariseo, mas mahalaga ang mga alituntunin kaysa sa mga tao.
Ang Pagiging Isang “Anak ng Kautusan”
9, 10. Pagkatapos bumalik sa Jerusalem, saan natagpuan si Jesus ng kaniyang mga magulang, at ano ang ibig sabihin ng pagtatanong ni Jesus?
9 Ang ilan ay naghihinagpis na iisa-isa lamang ang napaulat na pangyayari sa pagiging bata ni Jesus. Gayunman ay marami ang hindi nakaunawa ng kahalagahan ng pangyayaring iyan. Iniulat para sa atin sa Lucas 2:46, 47: “Pagkatapos ng tatlong araw ay natagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro at nakikinig sa kanila at nagtatanong sa kanila. Ngunit lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay patuloy na namamangha sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” Ipinahihiwatig ng Theological Dictionary of the New Testament ni Kittel ang idea na sa pangyayaring ito ang salitang Griego para sa “nagtatanong” ay hindi lamang ang pagiging mausisa ng isang bata. Ang salita ay maaaring tumukoy sa pagtatanong na ginagamit sa pagsusuri ng hustisya, pagsisiyasat, sunud-sunod na pagtatanong, maging sa “nanunubok at tusong mga tanong ng mga Fariseo at Saduceo,” gaya ng binanggit sa Marcos 10:2 at 12:18-23.
10 Ang diksyunaryo ring iyon ay nagpapatuloy: “Dahil sa gamit na ito maaaring itanong kung . . . ang [Lucas] 2:46 ay hindi gaanong tumutukoy sa mausisang pagtatanong ng bata, kundi sa halip ay sa Kaniyang matagumpay na pakikipagkatuwiranan. Tamang-tama ang [Luc 2 talata] 47 sa ikalawang pangmalas.”a Ang salin ni Rotherham sa Luc 2 talatang 47 ay nagpapakilala rito bilang isang kapana-panabik na paghaharap: “Ngayon lahat niyaong nakikinig sa kaniya ay napatigagal dahil sa kaniyang unawa at sa kaniyang mga sagot.” Sinasabi ng Word Pictures in the New Testament ni Robertson na ang kanilang patuloy na pagkamangha ay nangangahulugang “sila’y napatigagal na halos lumuwa ang kanilang mga mata.”
11. Ano ang reaksiyon ni Maria at ni Jose sa kanilang nakita at narinig, at ano ang ipinahihiwatig ng isang diksyunaryo sa teolohiya?
11 Nang sa wakas ay makarating ang mga magulang ni Jesus sa lugar na iyon, “namangha sila nang lubha.” (Lucas 2:48) Sinasabi ni Robertson na ang salitang Griego sa pananalitang ito ay nangangahulugang “dagukan, patumbahin sa pamamagitan ng isang suntok.” Idinagdag niya na sina Jose at Maria ay waring “dinagukan” sa kanilang nakita at narinig. Sa diwa, si Jesus ay isa nang kahanga-hangang guro. At dahil sa pangyayaring ito sa templo, ipinahayag ng aklat ni Kittel na “sinisimulan na ni Jesus sa Kaniyang pagkabata ang pakikipagtalo na doon ang Kaniyang mga kalaban ay kailangang sumuko sa wakas.”
12. Ano ang kapansin-pansin sa mga huling pakikipagtalakayan ni Jesus sa mga lider ng relihiyon?
12 At sila nga’y sumuko! Pagkaraan ng mga taon, sa pamamagitan ng gayunding mga tanong tinalo ni Jesus ang mga Fariseo hanggang sa wala nang sinuman ang “nangahas mula sa araw na iyon na magtanong sa kaniya nang higit pa.” (Mateo 22:41-46) Napatahimik din ang mga Saduceo sa tanong tungkol sa pagkabuhay-muli, at “hindi na sila nagkaroon ng lakas ng loob na magtanong pa sa kaniya ng isa mang tanong.” (Lucas 20:27-40) Wala ring nagawa ang mga eskriba. Pagkaraan ng pakikipagtalo kay Jesus ng isa sa kanila, “walang sinuman ang nagkaroon pa ng lakas ng loob na magtanong sa kaniya.”—Marcos 12:28-34.
13. Ano ang dahilan at ang pangyayari sa templo ay naging mahalaga sa buhay ni Jesus, at ano pang kabatiran ang iminumungkahi nito?
13 Bakit kaya ang pangyayaring ito na nagsasangkot kay Jesus at sa mga guro sa templo ang pinili mula sa kaniyang pagkabata para isalaysay? Iyon ay isang malaking pagbabago sa buhay ni Jesus. Nang siya ay mga 12 taóng gulang, siya’y naging isang “anak ng kautusan” na siyang tawag ng mga Judio, na may pananagutang tuparin ang lahat ng mga ordenansa nito. Nang idaing ni Maria kay Jesus ang tungkol sa pagkabahalang idinulot niya sa kaniya at kay Jose, ang sagot ng kaniyang anak ay nagpapakita na malamang na naunawaan niya ang kahima-himalang katangian ng pagkapanganak sa kaniya at ang kaniyang kinabukasan bilang Mesiyas. Iyan ay ipinahihiwatig sa pamamagitan ng kaniyang pagsasabi na sa isang totoong tuwirang paraan, ang Diyos ang kaniyang Ama: “Bakit kinailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Siyanga pala, ito ang unang mga salita mula kay Jesus na nakaulat sa Bibliya, at ipinahihiwatig ng mga ito ang kaniyang kabatiran sa layunin ni Jehova ng kaniyang pagkasugo sa lupa. Kaya nga, ang buong pangyayaring ito ay may malaking kahalagahan.—Lucas 2:48, 49.
Iniibig at Nauunawaan ni Jesus ang mga Bata
14. Anong kaakit-akit na mga punto ang maaaring mabatid ng mga bata mula sa ulat tungkol sa batang si Jesus sa templo?
14 Ang ulat na ito ay dapat na maging lalong kapana-panabik sa mga bata. Ipinakikita nito na gayon na lamang ang ginawang pag-aaral ni Jesus habang siya’y nagbibinata. Ang mga rabbi sa templo ay nasindak sa karunungan ng 12-taóng-gulang na “anak ng kautusan” na ito. Gayunman siya’y nagtrabaho pa rin kasama ni Jose sa pagkakarpintero, anupat “nagpatuloy siyang magpasakop” sa kaniya at kay Maria, at sumulong “sa pabor ng Diyos at ng mga tao.”—Lucas 2:51, 52.
15. Papaano naging matulungin si Jesus sa mga bata sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, at ano ang kahulugan nito sa mga bata sa ngayon?
15 Si Jesus ay naging napakamatulungin sa mga bata sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa: “Nang makita ng mga punong saserdote at mga eskriba ang mga kamangha-manghang bagay na ginawa niya at ang mga batang lalaki na sumisigaw sa templo at nagsasabi: ‘Magligtas ka, aming dalangin, sa Anak ni David!’ sila ay nagalit at nagsabi sa kaniya: ‘Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?’ Sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa ito, “Mula sa bibig ng mga sanggol at mga pasusuhin ay naglaan ka ng papuri” ?’ ” (Mateo 21:15, 16; Awit 8:2) Gayundin ang kaniyang pagiging matulungin sa daan-daang libong bata sa ngayon na nag-iingat ng kanilang katapatan at naglalaan ng papuri, anupat ang ilan sa kanila ay gumawa nga ng gayon maging buhay man nila ang kapalit!
16. (a) Anong aral ang itinuro ni Jesus sa kaniyang mga apostol sa pamamagitan ng pagpapatayo sa isang bata sa gitna nila? (b) Sa anong napakapanganib na pagkakataon sa buhay ni Jesus nagkaroon pa rin siya ng panahon sa mga bata?
16 Nang magtalo ang mga apostol kung sino ang pinakadakila, sinabi ni Jesus sa 12: “‘Kung ang sinuman ay nagnanais na maging una, siya ay dapat na maging huli sa lahat at ministro ng lahat.’ At kinuha niya ang isang maliit na bata, pinatindig ito sa gitna nila at iniyakap ang kaniyang mga bisig dito at sinabi sa kanila: ‘Ang sinumang tumatanggap sa isa sa ganitong maliliit na bata salig sa aking pangalan, ay tumatanggap sa akin; at ang sinumang tumatanggap sa akin, ay tumatanggap, hindi lamang sa akin, kundi gayundin sa kaniya na nagsugo sa akin.’ ” (Marcos 9:35-37) At saka, nang siya’y patungo sa Jerusalem sa huling pagkakataon upang harapin ang isang nakapanghihilakbot na pagpapahirap at kamatayan, nagkapanahon pa rin siya para sa mga bata: “Hayaan ninyong ang maliliit na bata ay lumapit sa akin; huwag ninyong tangkaing pigilan sila, sapagkat ang kaharian ng Diyos ay sa mga tulad nito.” Pagkatapos ay “kinuha niya ang mga bata sa kaniyang mga bisig at pinasimulang pagpalain sila, na ipinapatong ang kaniyang mga kamay sa kanila.”—Marcos 10:13-16.
17. Bakit madali para kay Jesus na magkuwento sa mga bata, at ano ang dapat tandaan ng mga bata tungkol kay Jesus?
17 Alam ni Jesus kung papaano ang maging isang bata sa daigdig ng matatanda. Namuhay siya kasama ng matatanda, gumawang kasama nila, nakaranas na maging sakop nila, at nadama rin niya ang init, tiwasay na pakiramdam sa pagmamahal nila. Mga bata, ang Jesus ding ito ay inyong kaibigan; siya’y namatay alang-alang sa inyo, at kayo’y mabubuhay magpakailanman kung susundin ninyo ang kaniyang mga kautusan.—Juan 15:13, 14.
18. Anong makapigil-hiningang kaisipan ang dapat nating tandaan, lalo na sa mga panahong maiigting o mapanganib?
18 Ang pagsunod sa utos ni Jesus ay hindi naman mahirap na gaya ng inyong akala. Mga bata, siya’y naririto para sa inyo at para sa bawat isa, gaya ng mababasa natin sa Mateo 11:28-30: “Pumarito kayo sa akin, lahat kayo na nagpapagal at nabibigatan, at pananariwain ko kayo. Pasanin ninyo ang aking pamatok [o, “Sumukob ka sa pamatok kasama ko,” talababa (sa Ingles)] at matuto kayo mula sa akin, sapagkat ako ay mahinahong-loob at mababa ang puso, at masusumpungan ninyo ang pagpapanariwa ng inyong mga kaluluwa. Sapagkat ang aking pamatok ay may kabaitan at ang aking pasan ay magaan.” Gunigunihin lamang, habang tinatahak mo ang buhay ng paglilingkod kay Jehova, kasabay mo si Jesus, anupat ang pamatok ay may kabaitan at magaan ang pasan. Iyan ay isang makapigil-hiningang kaisipan para sa ating lahat!
19. Anu-anong katanungan tungkol sa mga pamamaraan ng pagtuturo ni Jesus ang maaari nating repasuhin sa pana-panahon?
19 Pagkatapos na marepaso ang ilan lamang sa mga paraan ng pagtuturo ni Jesus, nasumpungan ba nating tayo man ay nagtuturo ng gayon? Kapag nakikita natin yaong may mga kapansanan sa pisikal o nagugutom sa espirituwal, tayo ba’y naaawa anupat ginagawa ang anuman upang matulungan sila? Kapag nagtuturo tayo sa iba, itinuturo ba natin ang Salita ng Diyos, o, itinuturo natin ang sarili nating mga idea, gaya ng mga Fariseo? Alisto ba tayong mapansin ang pang-araw-araw na mga bagay sa paligid natin na magagamit upang maliwanagan, mailarawan, malinawan, at maragdagan ang pagkakaunawa sa espirituwal na mga katotohanan? Iniiwasan ba nating maging istrikto sa ilang mga alituntunin kapag, dahil sa mga pangyayari, mas mabuting magpamalas ng pag-ibig at kaawaan sa pamamagitan ng pagpaparayâ sa pagkakapit ng gayong mga alituntunin? At kumusta naman ang mga bata? Ipinakikita ba natin sa kanila ang katulad na mahinahong pagmamalasakit at maibiging-kabaitan na ginawa ni Jesus? Hinihimok mo ba ang iyong mga anak na mag-aral na tulad ng paraang ginawa ni Jesus bilang isang bata? Magiging matatag ka kayâ gaya ni Jesus ngunit handang tumanggap nang buong init sa mga nagsisisi, gaya ng kung papaanong tinitipon ng inahing manok ang kaniyang mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak?—Mateo 23:37.
20. Anong nakalulugod na kaisipan ang maaari nating ipang-aliw sa ating mga sarili habang naglilingkod tayo sa ating Diyos?
20 Kung magsisikap tayong gawin ang lahat ng ating magagawa upang magturo nang kagaya ni Jesus, tiyak na hahayaan niya tayong ‘sumukob sa kaniyang pamatok kasama niya.’—Mateo 11:28-30.
[Talababa]
a Mangyari pa, taglay natin ang lahat ng dahilan upang maniwalang magpapakita si Jesus ng nararapat na paggalang sa mga nakatatanda sa kaniya, lalo na sa mga may-uban at mga saserdote.—Ihambing ang Levitico 19:32; Gawa 23:2-5.
Natatandaan Mo Ba?
◻ Bakit nagkatipon ang mga tao kay Jesus?
◻ Bakit kung minsan ay nagparayâ si Jesus sa ilang mga alituntunin?
◻ Ano ang maaari nating matutuhan mula sa pagtatanong ni Jesus sa mga guro sa templo?
◻ Anong aral ang maaari nating makuha mula sa pakikitungo ni Jesus sa mga bata?