Siya ay Lubhang Kinalugdan ni Jehova
“MAGANDANG ARAW, isa na lubhang kinalulugdan, si Jehova ay sumasaiyo.” Anong gandang pagbati! Ang tagapagsalita ay walang iba kundi ang anghel na si Gabriel. Nagsasalita siya sa isang kabataang babae na may mapagpakumbabang puso—si Maria, ang anak ng lalaking nagngangalang Heli. Ang taon ay 3 B.C.E., at ang lugar ay ang lunsod ng Nazaret.—Lucas 1:26-28.
Si Maria ay ipinangako sa pag-aasawa kay Jose na karpintero. Ayon sa batas at kaugaliang Judio, siya ay minamalas bilang kaniyang pinakasalang asawa. (Mateo 1:18) Tulad niya, siya ay buhat sa mababang kalagayan sa lipunan. Bakit, kung gayon, binabati siya ng anghel bilang isa na lubhang kinalulugdan?
Ang Kaniyang Kahanga-hangang Pribilehiyo
Sinabi pa ni Gabriel: “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat ikaw ay nakasumpong ng pabor ng Diyos; at, narito! maglilihi ka sa iyong bahay-bata at magsisilang ng isang anak na lalaki, at tatawagin mong Jesus ang kaniyang pangalan. Ang isang ito ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang trono ni David na kaniyang ama, at siya ay mamamahala bilang hari sa bahay ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakaroon ng wakas ang kaniyang kaharian.”—Lucas 1:29-33.
Palibhasa’y nanggigilalas at nagugulumihanan, nagtanong si Maria: “Paano mangyayari ito, yamang wala akong pakikipagtalik sa lalaki?” Sumagot si Gabriel: “Ang banal na espiritu ay darating sa iyo, at ang kapangyarihan ng Kataas-taasan ay lililim sa iyo. Sa dahilan ding iyan ang isisilang ay tatawaging banal, Anak ng Diyos.” Upang pawiin ang anumang alinlangan, idinagdag pa ng anghel: “Narito! si Elisabet din mismo na iyong kamag-anak ay naglihi ng isang anak na lalaki, sa kaniyang katandaan, at ito ang ikaanim na buwan para sa kaniya, ang tinatawag na babaing baog; sapagkat sa Diyos ay walang kapahayagan ang magiging imposible.”—Lucas 1:34-37.
Agad tinanggap ni Maria ang kahanga-hangang pribilehiyong ito ng paglilingkod. May pagkukusa, ngunit mapagpakumbabang siya’y tumugon: “Narito! Ang aliping babae ni Jehova! Maganap nawa ito sa akin ayon sa iyong kapahayagan.” Pagkatapos nito, si Gabriel ay lumisan. Nagmamadaling pumaroon si Maria sa isang lunsod sa bulubunduking rehiyon ng Juda. Pagdating sa tahanan ng saserdoteng si Zacarias at ng kaniyang maybahay, si Elisabet, nasumpungan niyang gayon na gayon ang mga kalagayan ayon sa pagkalarawan ng anghel. Galak na galak ang puso ni Maria! Sa kaniyang mga labi ay bumubukal ang mga salitang papuri kay Jehova.—Lucas 1:38-55.
Siya’y Naging Asawa ni Jose
Isang birhen ang maglalaan ng katawang tao ni Jesus, sapagkat inihula ang gayong pagsilang. (Isaias 7:14; Mateo 1:22, 23) Ngunit bakit kailangan ang isang birhen na ipinakipagtipang ikasal? Upang maglaan ng kukupkop bilang ama na magbibigay sa bata ng legal na karapatan sa trono ni Haring David. Kapuwa sina Jose at Maria ay mula sa tribo ng Juda at inapo ni Haring David. Kaya ang mga karapatan ni Jesus bilang tagapagmana ay naitatag sa dalawang paraan. (Mateo 1:2-16; Lucas 3:23-33) Kaya nga nang dakong huli ay tiniyak ng anghel kay Jose na hindi siya dapat mag-atubili na gawing kaniyang legal na asawa si Maria, bagaman siya ay nagdadalang-tao.—Mateo 1:19-25.a
Dahil sa isang utos sa pagbubuwis na ipinalabas ni Cesar Augusto kung kaya napilitan sina Jose at Maria na magparehistro sa Betlehem. Samantalang naroroon, nagsilang siya ng panganay na anak na lalaki. Nagsidating ang mga pastol upang makita ang sanggol, at pinuri nila ang kaniyang Ama, si Jehova. Pagkatapos ng 40 araw ng pagdadalisay ayon sa Batas Mosaiko, pumaroon si Maria sa templo sa Jerusalem upang gumawa ng pakikipagkaisa ukol sa kaniyang mga kasalanan. (Levitico 12:1-8; Lucas 2:22-24) Oo, yamang siya ay hindi ipinaglihi nang walang kasalanan, at sa gayo’y hindi malaya buhat sa bahid ng kasalanan, kailangang takpan ang kaniyang minanang mga di-kasakdalan sa pamamagitan ng mga hain ng pakikipag-isa.—Awit 51:5.
Habang sina Maria at Jose ay nasa templo, ang matanda nang si Simeon at ang may edad nang propetisang si Ana ay nagkapribilehiyong makita ang Anak ng Diyos. Hindi si Maria ang sentro ng atensiyon. (Lucas 2:25-38) Nang dakong huli, ang mga Mago ay nagpatirapa kay Jesus at hindi sa kaniya.—Mateo 2:1-12.
Pagkatapos tumakas tungo sa Ehipto at manatili roon hanggang sa mamatay ang balakyot na si Herodes, ang mga magulang ni Jesus ay bumalik at nanirahan sa munting nayon ng Nazaret. (Mateo 2:13-23; Lucas 2:39) Doon pinalaki nina Jose at Maria si Jesus sa ilalim ng maka-Diyos na mga kalagayang pampamilya.
May Iba Pang Anak si Maria
Pagsapit ng panahon, binigyan nina Maria at Jose si Jesus ng mga kapatid sa laman. Nang makarating si Jesus sa kaniyang sariling bayan ng Nazaret dahil sa kaniyang ministeryo, nakilala siya ng kaniyang mga kababata. “Hindi ba ito ang anak ng karpintero?” ang tanong nila. “Hindi ba ang kaniyang ina ay tinatawag na Maria, at ang kaniyang mga kapatid na lalaki ay sina Santiago at Jose at Simon at Judas? At ang kaniyang mga kapatid na babae, hindi ba silang lahat ay kasama natin?” (Mateo 13:55, 56) Tinutukoy ng mga taga-Nazaret ang likas na pamilya nina Jose at Maria, kasali na ang kaniyang mga anak na lalaki at mga babae na kilala nila bilang mga kapatid ni Jesus sa laman.
Ang mga kapatid na ito ay hindi mga pinsan ni Jesus. Ni sila man ay kaniyang mga alagad, o espirituwal na mga kapatid, sapagkat nililinaw ng Juan 2:12 ang pagkakaiba ng dalawang grupo sa pamamagitan ng pagsasabing: “Siya [si Jesus] at ang kaniyang ina at mga kapatid na lalaki at ang kaniyang mga alagad ay bumaba sa Capernaum.” Pagkalipas ng ilang taon sa Jerusalem, nakita ni apostol Pablo si Cefas, o Pedro, at sinabi pa: “Hindi ko nakita ang sinuman sa ibang mga apostol; ang nakita ko ay si Santiago lamang, ang kapatid ng Panginoon.” (Galacia 1:19, The Jerusalem Bible) Isa pa, ang pangungusap na si Jose ay “hindi nakipagtalik [kay Maria] hanggang sa siya ay makapagsilang ng anak na lalaki” ay nagpapakita na ang kumupkop kay Jesus bilang ama ay sumiping sa kaniya (kay Maria) nang dakong huli at nagkaanak sa kaniya ng iba pa. (Mateo 1:25) Kaya naman, sa Lucas 2:7 ay tinawag si Jesus bilang ang kaniyang “panganay” na anak.
Isang Inang May Takot sa Diyos
Bilang isang inang may takot sa Diyos, nakipagtulungan si Maria kay Jose sa pagtuturo sa kaniyang mga anak nang ayon sa katuwiran. (Kawikaan 22:6) Na siya ay isang masugid na estudyante ng Kasulatan ay makikita sa kaniyang mayaman sa espirituwal na pangungusap nang siya’y batiin ni Elisabet. Nang panahong iyan ay inulit ng ina ni Jesus ang damdamin mula sa awit ni Ana at siya’y nagpamalas ng kaalaman sa mga awit, sa makasaysayan at makahulang mga kasulatan, at sa mga aklat ni Moises. (Genesis 30:13; 1 Samuel 2:1-10; Kawikaan 31:28; Malakias 3:12; Lucas 1:46-55) Isinaulo ni Maria ang makahulang mga pangyayari at mga sawikain, isinapuso ang mga ito, at binulay-bulay. Kaya siya ay lubusang nasasangkapan sa pakikibahagi sa pagtuturo bilang magulang ng batang si Jesus.—Lucas 2:19, 33.
Ang 12-taóng-gulang na si Jesus na naturuang mabuti ay nagpamalas ng kaalaman sa Kasulatan na ikinamangha ng marurunong na lalaki sa templo. Dahilan sa siya’y napahiwalay sa kaniyang mga magulang noong panahon ng Paskuwa, sinabi ng kaniyang ina: “Anak, bakit mo kami pinakitunguhan nang ganito? Narito ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo na nasa pagkabagabag ng isip.” Sumagot si Jesus: “Bakit kinailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na nasa bahay ng aking Ama?” Palibhasa’y hindi niya naintindihan ang kahulugan ng sagot na ito, pinakaingatan ito ni Maria sa kaniyang puso. Sa pagbabalik sa Nazaret, si Jesus ay patuloy na “sumulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa pabor ng Diyos at ng mga tao.”—Lucas 2:42-52.
Si Maria Bilang Alagad ni Jesus
Angkop na angkop nga na sa dakong huli ay maging isang tapat na alagad ni Jesus si Maria! Siya ay maamo at walang ambisyon na maging tanyag sa kabila ng kaniyang pambihirang atas mula sa Diyos. Nalalaman ni Maria ang Kasulatan. Kung ikaw mismo ay magsasaliksik nito, hindi mo masusumpungan na siya ay inilalarawan na may sinag sa ulo, nakaupo sa isang trono bilang “inang-reyna” at puspos ng naaaninag na kaluwalhatian ni Kristo. Sa halip, masusumpungan mo siya sa isang tabi, malayo sa pansin ng madla.—Mateo 13:53-56; Juan 2:12.
Hinadlangan ni Jesus sa gitna ng kaniyang mga alagad ang anumang bagay na gaya ng pagsamba kay Maria. Nang minsang siya ay nagsasalita, “isang babae buhat sa karamihan ang sumigaw, ‘Pinagpala ang bahay-bata na nagluwal sa iyo at ang dibdib na nagpasuso sa iyo!’ ‘Sa halip,’ siya’y tumugon, ‘pinagpala sila na nakikinig ng salita ng Diyos at tinutupad iyon.’ ” (Lucas 11:27, 28, The New American Bible, isinalin ng mga miyembro ng Catholic Biblical Association of America) Sa isang piging sa kasalan, sinabi ni Jesus kay Maria: “Ano ang kinalaman ko sa iyo, babae? Ang aking oras ay hindi pa dumarating.” (Juan 2:4) Ganito ang mababasa sa ibang mga salin: “Ipaubaya mo sa akin ang bagay na iyan.” (Weymouth) “Huwag mong subuking ako’y utusan.” (An American Translation) Oo, iginalang ni Jesus ang kaniyang ina, subalit hindi niya inilagay siya sa isang pedestal.
Walang-Hanggang mga Pribilehiyo
Anong inam na mga pribilehiyo ang tinamasa ni Maria! Isinilang niya si Jesus. Pagkatapos ay inalagaan at sinanay niya ang bata. Sa wakas, siya’y nagsagawa ng pananampalataya, anupat naging alagad at espirituwal na kapatid ni Kristo. Sa ating huling sulyap sa Kasulatan tungkol kay Maria, makikita natin siya sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. Naroon siya kasama ng mga apostol ni Jesus, ng kaniyang iba pang mga anak na lalaki, at ilang tapat na mga babae—pawang mga mananamba ni Jehova.—Gawa 1:13, 14.
Pagsapit ng panahon, namatay si Maria at ang kaniyang katawan ay nagbalik sa alabok. Tulad ng iba pang pinahirang tagasunod ng kaniyang mahal na anak noong una, siya’y natulog sa kamatayan hanggang sa takdang panahon ng Diyos upang siya’y buhayin bilang isang espiritung nilalang na may walang-kamatayang buhay sa langit. (1 Corinto 15:44, 50; 2 Timoteo 4:8) Anong laking tuwa ngayon nitong “isa na lubhang kinalulugdan” na nasa harapan ni Jehova at ni Jesu-Kristo!
[Talababa]
a Kung si Maria ay hindi na birhen, sino ang magnanais magpakasal sa kaniya? Iginigiit ng mga Judio na ang isang babae ay dapat manatiling birhen hangga’t siya’y dalaga.—Deuteronomio 22:13-19; ihambing ang Genesis 38:24-26.
[Larawan sa pahina 31]
Si Maria ay lubhang kinalugdan bilang ina ni Jesus