Di-magtatagal, Wala Nang Magiging Dukha!
“HUWAG kayong matakot, sapagkat, narito! ipinahahayag ko sa inyo ang mabuting balita ng malaking kagalakan na tataglayin ng lahat ng mga tao.” (Lucas 2:10) Ang nakapagpapasiglang mga salitang ito ay narinig ng namanghang mga pastol malapit sa Betlehem nang gabing isilang si Jesus. Kasuwato ng kapahayagang iyan, lubusang binigyang-diin ni Jesus ang “mabuting balita” sa panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa. Sa ngayon, kapag labis tayong umaasa sa salapi upang tumugon sa ating mga pangangailangan, papaano tayo makikinabang sa mabuting balita tungkol kay Jesus?
Ipinahayag ni Jesu-Kristo ang “mabuting balita sa mga dukha.” (Lucas 4:18) Ayon sa Mateo 9:35, “si Jesus ay humayo sa paglilibot sa lahat ng mga lunsod at mga nayon, na nagtuturo sa kanilang mga sinagoga at nangangaral ng mabuting balita ng kaharian.” Ang kaniyang mensahe ay lalo nang nakapagpapatibay-loob sa mga maralita. “Sa pagkakita sa mga pulutong siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Totoo, sinabi ni Jesus, “Ang mga dukha ay laging kasama ninyo,” subalit hindi tayo dapat manghinuha buhat sa mga salitang ito na wala nang pag-asa para sa mga nagdarahop. (Juan 12:8) Hangga’t umiiral ang balakyot na sistemang ito, laging may mga dukha, anuman ang dahilan ng kanilang kalagayan. Hindi tinatanggihan ng Salita ng Diyos ang katunayan ng karalitaan, ngunit hindi ito bumabaling sa negatibong mga aspekto. Sa halip, nag-aalok ito ng tulong sa mga dukha upang mapagtagumpayan ang mga kabalisahan sa buhay.
Tulong Para sa mga Dukha
Kapansin-pansin, may nagsabi: “Wala nang hihigit pang pásanín ang maaaring tiisin ng isang tao kaysa sa pagkaalam na walang nagmamalasakit o nakauunawa.” Subalit, sa kabila ng kawalan ng pagdamay sa bahagi ng karamihan, mayroon pa ring mabuting balita para sa mga dukha—kapuwa sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Nakalulungkot, marami ang may bahagyang interes lamang na tumulong sa mga dukha. Ayon sa The World Book Encyclopedia, naniniwala ang ilan na “ang mga tao sa lipunan ay nagpapaligsahan upang mabuhay at . . . ang nakahihigit na mga tao ang nagiging makapangyarihan at mariwasa.” Maaaring malasin niyaong mga naniniwala sa teoriyang ito, na tinatawag na social Darwinism, ang mga dukha bilang mga taong tamad lamang o gastador. Subalit, ang mga obrero sa kabukiran, dayuhang mga manggagawa, at iba pa, sa kabila ng mababang suweldo, ay malimit na puspusang nagpapagal upang mapakain ang kanilang pamilya.
Sa maraming lupain ang karalitaan ay pangkaraniwan na. Kaya naman, ang mga dukha—na siyang nakararami—ay hindi nakadaramang sila’y bigo. Gayunpaman, sa gayong mga lupain ay may mga taong namumuhay sa sobrang luho sa gitna ng karalitaan. Ang maaalwan, magagarang tahanan ay kahanay ng siksikan, maruruming barung-barong. Ang may malaking-suweldong mga lalaki ay nagmamaneho ng kanilang mga mamahaling kotse sa mga lansangang nagkalat ang mahihirap at walang trabaho. Totoong batid ng mga dukha sa gayong mga lupain ang kanilang kalagayan. Totoo naman, “nagdurusa ang mga dukha hindi lamang dahil sa di-wastong pagkain, di-kanais-nais na mga tirahan, at di-sapat na pangangalagang medikal, kundi dahil na rin sa patuloy na kabalisahan tungkol sa kanilang kalagayan,” sabi ng The World Book Encyclopedia. “Palibhasa’y di makakita ng trabaho, nadarama nilang sila’y walang dangal at di-kagalang-galang.” Papaano, kung gayon, napagtatagumpayan ng ilan na totoong maralita ang kanilang kalagayan? Ano ang kinalaman dito ng mabuting balita tungkol kay Jesus?
Una, tandaan na ang karalitaan ay maaaring lumubha dahil sa di-mabubuting kinaugalian. Tingnan ang ilang halimbawa. Inaamin ni Valdecir na samantalang ang kaniyang maybahay at maliliit na anak ay halos walang makain, nag-aaksaya naman siya ng salapi sa isang imoral na istilo ng pamumuhay. Sabi niya: “Bagaman may trabaho, malimit na wala akong pera ngunit palaging may sari-saring tiket sa sugal sa aking bulsa.” Bumagsak naman ang negosyo ni Milton, na may 23 empleyado, dahil sa paglalasing at paninigarilyo. Sabi niya: “May mga magdamag na nasa kalye ako, hindi makauwi, at labis na nagdusa ang aking pamilya dahil sa akin.”
Inubos din ni João sa mga bisyo ang kaniyang suweldo. “May mga gabing hindi ako umuuwi. Hindi sapat ang lahat ng kinita ko para sa aking mga bisyo at mga relasyon sa ibang babae. Naging gayon na lamang kalubha ang situwasyon, at nais ng aking asawa na humiwalay.” Bukod sa kaniyang mga suliranin sa salapi at pag-aasawa, may iba pa. Ganito ang sabi niya: “Naging suliranin ako ng mga kamag-anak at mga kapitbahay, at lalo nang naging suliranin sa trabaho. Bunga nito, lagi akong walang trabaho.” Si Júlio naman ay isang sugapa sa droga. Gayunman, ganito ang paliwanag niya: “Yamang hindi sapat ang aking suweldo para sa aking bisyo sa droga, nagsimula akong magtrabaho bilang tagapagbenta ng narkotiko upang hindi na ako bumili pa ng droga.”
Palibhasa’y lumaki sa isang maralitang pamilya na may walong anak, gusto ni José na magkaroon ng mga bagay para sa kaniyang sarili. Dahil sa naisip niya na wala na rin namang mawawala sa kaniya, nagsimula siyang magnakaw sa mga tao kasama ng ibang kabataan. Sa kawalang-pag-asa, isa pang kabataan ang naging miyembro ng isang pangkat na tinatawag na Headbangers. Ganito ang paliwanag niya: “Yamang karamihan sa amin ay totoong napakamaralita, nasiyahan kami sa paninira ng mga bagay-bagay at pag-atake sa mga tao.”
Subalit, ngayon ang mga lalaking ito at ang kani-kanilang pamilya ay hindi na dumaranas ng matinding kasalatan o nakadarama ng kapaitan o sama ng loob. Hindi na sila nakadarama ng kawalang-kaya o kawalang-pag-asa. Bakit hindi? Sapagkat pinag-aralan nila ang mabuting balita na ipinangaral ni Jesus. Ikinapit nila ang payo ng Bibliya at nakisama sa mga taong may gayunding kaisipan sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. At natuto sila ng ilang napakahalagang mga bagay tungkol sa kayamanan at karalitaan.
Tulong Upang Mapagtagumpayan ang Karalitaan
Una, natutuhan nila na kung ikakapit ang mga simulain sa Bibliya, mababawasan ang masasamang epekto ng karalitaan. Hinahatulan ng Bibliya ang imoralidad, paglalasing, pagsusugal, at pag-aabuso sa droga. (1 Corinto 6:9, 10) Napakamagastos ang gayong mga bagay. Gagawin nitong dukha ang taong mayaman, at lalong dukha ang taong dukha. Malaki ang magagawa upang mapabuti ang kabuhayan ng pamilya kung tatalikuran ang mga bisyong ito at ang iba pang kagaya nito.
Ikalawa, nasumpungan nila na mayroong mas mahahalagang bagay sa buhay kaysa sa kayamanan. Isang timbang na pangmalas ang ipinahayag sa mga salitang ito: “Ang karunungan ay pananggalang na gaya ng salapi na pananggalang; ngunit ang kahigitan ng kaalaman ay na iniingatan ng karunungan ang buhay ng mga nagtataglay niyaon.” (Eclesiastes 7:12) Oo, kailangan ang salapi. Ngunit ang salig-Bibliyang karunungan at kaalaman tungkol sa mga layunin ng Diyos ay higit na kapaki-pakinabang. Totoo, sa isa na nagkukulang ng karunungan, ang pagkakaroon ng labis na salapi ay maaaring maging pasanin gaya ng kung may kakaunti lamang nito. May karunungang nanalangin ang manunulat ng Bibliya: “Huwag mo akong bigyan ng kahit karalitaan o kayamanan man. Pakanin mo ako ng pagkaing kailangan ko, upang ako’y hindi mabusog at aktuwal na ikaila ka at sabihin: ‘Sino si Jehova?’ at upang ako’y hindi maging dukha at aktuwal na magnakaw at lapastanganin ang pangalan ng aking Diyos.”—Kawikaan 30:8, 9.
Ikatlo, natuklasan nila na kung ang isang tao ay namumuhay ayon sa mabuting balita na ipinangaral ni Jesus, hindi siya kailanman dapat makadamang siya’y pinabayaan. Ang mabuting balita ay may kinalaman sa Kaharian ng Diyos. Ang mensahe ay tinawag na “mabuting balita ng kaharian,” at sa ating kaarawan ito ay ipinangangaral sa buong tinatahanang lupa. (Mateo 24:14) Sinabi sa atin ni Jesus na aalalayan tayo kung ilalagak natin ang ating pag-asa sa Kahariang iyan. Sabi niya: “Patuloy, kung gayon, na hanapin muna ang kaharian at ang katuwiran [ng Diyos], at ang lahat ng iba pang mga bagay na ito ay idaragdag sa inyo.” (Mateo 6:33) Hindi nangangako ang Diyos ng magagarang kotse o mararangyang bahay. Ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga pangangailangan sa buhay, tulad ng pagkain at pananamit. (Mateo 6:31) Subalit milyun-milyon sa ngayon ang makapagpapatotoo na maaasahan ang pangako ni Jesus. Ang isang tao, kahit na napakamaralita, ay hindi lubusang pababayaan kung uunahin niya ang Kaharian.
Ikaapat, nasumpungan nila na kapag inuuna ng isa ang Kaharian ng Diyos, hindi sumásamâ ang loob niya dahil sa paghihirap sa kabuhayan. Oo, kailangang magpagal ang isang taong dukha. Subalit kung naglilingkod siya sa Diyos, taglay niya ang isang pinagpalang kaugnayan sa kaniyang Maylikha, na tungkol sa Kaniya ay sinasabi ng Bibliya: “Hindi niya hinamak o kinamuhian man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; at hindi niya ikinubli ang kaniyang mukha sa kaniya, at nang siya’y dumaing sa kaniya ay kaniyang dininig.” (Awit 22:24) Isa pa, may tulong sa isang taong dukha upang mapagtagumpayan ang mga suliranin sa buhay. Nagtatamasa siya ng mainit na pakikipagsamahan sa kapuwa mga Kristiyano at may kaalaman at pagtitiwala sa isiniwalat na kalooban ni Jehova. Ang mga bagay na ito ay “higit na kanais-nais kaysa sa ginto, oo, kaysa sa maraming dinalisay na ginto.”—Awit 19:10.
Sa Wakas, Wala Nang Karalitaan!
Sa wakas, natututuhan ng mga taong nakikinig sa mabuting balita na nilayon ng Diyos na Jehova na lutasin ang suliranin ng karalitaan minsan at magpakailanman sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian. Nangangako ang Bibliya: “Hindi laging malilimutan ang dukha, ni maglalaho man ang pag-asa ng maaamo.” (Awit 9:18) Ang Kaharian ay isang tunay na pamahalaan, itinatag sa mga langit anupat si Jesu-Kristo ang Tagapamahala. Di-magtatagal, hahalinhan ng Kahariang iyan ang mga pamahalaan ng tao sa pamamalakad ng pamumuhay ng tao. (Daniel 2:44) Kung magkagayon, bilang nakaluklok na Hari, si Jesus ay “maaawa sa mapagpakumbaba at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay kaniyang ililigtas. Kaniyang tutubusin ang kanilang kaluluwa buhat sa paniniil at karahasan, at ang kanilang dugo ay magiging mahalaga sa kaniyang paningin.”—Awit 72:13, 14.
Sa pananabik sa panahong iyan, ganito ang sabi ng Mikas 4:3, 4: “Sila’y aktuwal na uupo, bawat isa sa ilalim ng kaniyang punung-ubas at sa ilalim ng kaniyang punung-igos, at walang tatakot sa kanila; sapagkat sinalita ng mismong bibig ni Jehova ng mga hukbo.” Sino ang binabanggit dito? Aba, lahat niyaong nagpapasakop sa Kaharian ng Diyos. Lulutasin ng Kahariang iyan ang lahat ng suliranin na nagpapahirap sa sangkatauhan—maging ang suliranin ng pagkakasakit at kamatayan. “Aktuwal na sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman, at tunay na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8; 33:24) Tunay ngang magiging isang naiibang sanlibutan iyan! At tandaan, mapaniniwalaan natin ang mga pangakong ito sapagkat ang mga ito ay kinasihan ng Diyos mismo. Sabi niya: “Ang bayan ko ay tatahan sa payapang dakong tirahan at sa mga tiwasay na tahanan at sa mga tahimik na dakong pahingahan.”—Isaias 32:18.
Madadaig ng pagtitiwala sa Kaharian ng Diyos ang kawalan ng paggalang sa sarili na malimit na dulot ng karalitaan. Alam ng isang dukhang Kristiyano na siya ay kasinghalaga ng isang Kristiyanong mayaman sa paningin ng Diyos. Kapuwa sila mahal ng Diyos, at sila’y may parehong pag-asa. Kapuwa sila nananabik sa panahon na, sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, wala na ang karalitaan. Anong maluwalhating panahon nga iyan! Sa wakas, wala nang mga dukha!
[Larawan sa pahina 5]
Bakit aaksayahin ang tinatangkilik sa pagsusugal, paninigarilyo, paglalasing, pag-aabuso sa droga, o sa imoral na istilo ng pamumuhay?
[Larawan sa pahina 7]
Lulutasin ng Diyos na Jehova ang mga suliranin ng karalitaan ng tao sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian