Ano ang Magiging Kapalit ng Negosyo Mo?
ANG asawa ng presidente ng isang bansa sa Timog Amerika ay naakusahan ng paglilipat ng daan-daang libong dolyar sa pamamagitan ng mga kontrata sa huwad na mga kompanya na itinatag ng mga miyembro ng kaniyang pamilya. Isang 38 anyos na stockbroker sa India ang inaresto at inalis buhat sa kaniyang magarang apartment at sa kaniyang 29 na kotse dahil sa umano’y pagkasangkot niya sa isang iskandalo hinggil sa halagang $1.6 bilyon sa banko at sa stock market. Sa Pilipinas, libu-libong residente sa isang isla ang naghahanapbuhay sa pamamagitan ng paggawa ng ilegal na mga baril. Iniulat na upang manatili sa maunlad na negosyong ito, karaniwan nang sinusuhulan nila ang mga opisyal upang ang mga ito’y hindi makialam.
Oo, ang pandaraya at panghuhuwad sa negosyo ay malaganap sa buong daigdig. At madalas na ang nagiging kapalit ay ang posisyon at karangalan, gayundin ang salapi, ng mga taong nasasangkot.
Kumusta ka naman? May negosyo ka ba? O nagbabalak ka bang mag-umpisa ng isang negosyo? Ano ang magiging kapalit nito sa iyo? Hindi maiiwasan, may kapalit ang pagnenegosyo. Hindi naman ito palaging nakasásamâ. Gayunman, isang karunungan na tayahin ang magagastos bago pumasok sa isang negosyo o gumawa ng mga desisyon hinggil sa isang naitatag na. (Lucas 14:28) Ipinakikita ng kahon sa pahina 31 ang ilang magiging kapalit na maaari mong isaalang-alang.
Maliwanag, hindi madali ang magnegosyo. Para sa isang Kristiyano, may mga pananagutang espirituwal at moral na kailangang isaalang-alang. Matutugunan mo kaya ang mga kahilingan at makapanatiling timbang sa espirituwal? May mga kahilingan ba na hindi mo matutugunan dahil sa moral? Ano ang ilang simulain na tutulong sa iyo upang tiyakin kung aling kahilingan ang nararapat o hindi nararapat?
Ilagay ang Salapi sa Wastong Dako Nito
Kailangan ang salapi upang patakbuhin ang isang negosyo, at inaasahan na kikita nang sapat ang isang negosyo upang tumustos sa pamilya ng isa. Gayunman, madaling baligtarin ang mga tunguhin hinggil sa salapi. Ang kasakiman ay maaaring pumasok sa eksena. Para sa marami, naisasaisantabi ang lahat ng iba pa kapag ang nasasangkot ay salapi. Subalit, isang manunulat ng aklat sa Bibliya na Mga Kawikaan, si Agur, ang nagpahayag ng timbang na pangmalas nang sabihin niya: “Huwag mo akong bigyan ng kahit karalitaan o kayamanan man. Pakanin mo ako ng pagkaing kailangan ko.” (Kawikaan 30:8) Natanto niya ang kahalagahan ng pagiging kontento na sa isang sapat na ikabubuhay—hindi niya ibig na “tumibâ,” gaya ng sabi ng iba sa negosyo.
Gayunman, ang kasakiman ay maaaring mag-udyok sa isa na kalimutan ang simulaing ito kapag bumangon na ang umano’y tulad-gintong pagkakataon. Nag-ulat tungkol dito ang isang naglalakbay na ministro ng mga Saksi ni Jehova sa isang nagpapaunlad na bansa. Isang kompanya na nangangailangan ng puhunang kapital ang nagpahiwatig sa mga namumuhunan na dagling dodoble ang kanilang salapi, marahil sa loob lamang ng ilang buwan. Ang alok na ito hinggil sa madaling pagkita ng salapi ang nag-udyok sa marami upang mamuhunan. Ganito ang sabi ng naglalakbay na ministro: “Ang ilan ay sabik na mamuhunan. Hindi na sila gaanong nagtanong pa, at nanghiram pa sila ng salapi.”
Sa kabaligtaran, dalawang indibiduwal ang nagtungo sa upisina upang suriin ang kompanya bago mamuhunan. Hindi pinagbigyan ang kahilingan nilang makita ang mga pasilidad sa produksiyon. Dahil dito’y pinagdudahan nila ang reputasyon ng kompanya. Ito’y napatunayang proteksiyon para sa kanila, yamang pagkaraan ng ilang linggo, nabunyag ang isang maliwanag na pakanang pandaraya, at may mga taong inaresto. Isip-isipin lamang ang naging kapalit nito para sa mga hindi muna nagsiyasat. Hindi lamang salapi ang nawala sa kanila kundi marahil maging mga kaibigan na nagpautang sa kanila ngunit hindi mabayaran nang mabigo ang pakana. Sa mga bagay tungkol sa salapi, isang karunungan nga na ikapit ang simulain sa Kawikaan 22:3: “Matalino ang isa na nakakakita ng kapahamakan at ikinukubli ang sarili, ngunit ang walang-karanasan ay dumaraan at dumaranas ng kaparusahan”!
Tumupad Ka sa Pinag-usapan
Ano kung hindi kumita ang negosyo ng inaasahan mong kita? Pinapupurihan ng Awit 15:4 ang isang taong tumutupad sa kaniyang mga ipinangako kahit na sa paggawa ng gayon ay malugi siya: “Siya’y sumumpa na nagdala ng ikinapinsala niya, at gayunma’y hindi siya nagbabago.” Madaling tumupad sa pinag-usapan kapag maganda ang takbo ng mga bagay-bagay. Ngunit iyon ay nagiging isang pagsubok sa katapatan ng isa kapag iyon ay mangangahulugan ng pagkalugi.
Alalahanin ang isang halimbawa mula sa Bibliya noong panahon ni Josue. Minaneobra ng mga Gabaonita ang mga bagay-bagay upang ang mga pinunò ng Israel ay makipagtipan sa kanila at hindi sila lipulin. Ang totoo, bahagi sila ng isang bansa na itinuturing noon na isang banta sa Israel. Nang matuklasan ang panlilinlang, “hindi sila sinaktan ng mga anak na lalaki ni Israel, sapagkat ang mga pinuno ng kapisanan ay sumumpa sa kanila sa pangalan ni Jehova.” (Josue 9:18) Bagaman ang grupong ito ay nanggaling sa teritoryo ng mga kaaway, nadama ng mga pinunò na mahalagang tuparin ang kanilang sinalita. Ipinakita ng sumunod na mga pangyayari na ito’y nakalugod kay Jehova.—Josue 10:6-11.
Tutupad ka ba sa iyong mga kasunduan at mga kontrata sa negosyo kahit hindi nangyari ang mga bagay-bagay sa paraang inaasahan mo?a Sa paggawa nito ay magiging lalo kang kagaya ni Jehova, na laging tumutupad ng kaniyang salita.—Isaias 55:11.
Maging Tapat
Ang katapatan ay tulad ng isang nanganganib na uri, kung hindi man ito lubusang naglaho, sa daigdig ng negosyo sa ngayon. Ang iba na may negosyong katulad ng sa iyo ay maaaring gumagamit ng pandaraya upang lumaki ang kanilang kinikita. Baka sila’y di-tapat sa pag-aanunsiyo. Maaaring kinokopya nila ang pangalan ng ibang kompanya at inilalagay iyon sa kanilang produkto. O baka ipinakikilala nila ang isang mahinang klaseng produkto bilang isa na nagtataglay ng mahuhusay na katangian. Lahat ng ito ay mga anyo ng di-katapatan. Yaong mga gumagawa nito ay tulad ng “balakyot” na, ayon kay Asap, ‘nagsisilago sa kanilang kayamanan,’ maliwanag na sa pamamagitan ng mapandayang paraan.—Awit 73:12.
Ikaw ba, bilang isang Kristiyano, ay gagamit ng bawal na pamamaraan? O sa halip ay nanaisin mong gabayan ka ng mga simulain sa Bibliya, tulad ng: “Hindi namin ginawan ng mali ang sinuman, hindi namin pinasamâ ang sinuman, hindi namin sinamantala ang sinuman”; “tinalikuran na namin ang mga bagay na pailalim na dapat ikahiya, na hindi lumalakad na may katusuhan”; “dalawang uri ng timbangan ang karumal-dumal kay Jehova, at ang timbangang di-tapat ay hindi mabuti”? (2 Corinto 4:2; 7:2; Kawikaan 20:23) Tandaan, ang nagpasimuno ng di-pagtatapat ay walang iba kundi si Satanas na Diyablo, “ang ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44.
Maaaring tumutol ang ilan at magsabi: ‘Hindi magtatagal ang isa sa negosyo kung hindi siya gagamit ng pandaraya na gaya ng ginagawa ng iba.’ Dito ngayon maipamamalas ng isang Kristiyano ang kaniyang pananampalataya kay Jehova. Nasusubok ang katapatan kapag mayroon itong kapalit. Ang pagsasabing hindi makapaghahanapbuhay ang isang tao kung hindi siya mandaraya ay para na ring pagsasabing hindi nagmamalasakit ang Diyos sa mga umiibig sa kaniya. Ang isa na may tunay na pananampalataya kay Jehova ay nakababatid na makapaglalaan ang Diyos para sa kaniyang mga lingkod sa anumang bansa at sa anumang kalagayan. (Hebreo 13:5) Totoo, baka ang isa ay kailangang makontento na sa mas maliit na kita kaysa maaaring taglayin ng isang di-tapat, ngunit hindi ba ito isang sulit na halaga upang kamtin ang pagpapala ng Diyos?
Tandaan, ang pandaraya ay tulad ng isang boomerang na, kapag inihagis, bumabalik sa naghagis. Kung ang isang negosyante ay natuklasang nandaraya, kadalasan ay iiwan siya ng mga parokyano at mga supplier. Maaaring maloko niya sila nang minsan, pero baka iyon na ang huling pagkakataon. Samantala, karaniwan nang natatamo ng isang tapat na negosyante ang paggalang ng iba. Ingatang hindi matangay ng maling pangangatuwiran na, ‘Lahat naman ay gumagawa nito, kaya okey lang.’ Ang simulain sa Bibliya ay, “Huwag kang susunod sa karamihan na gumawa ng masama.”—Exodo 23:2.
Ipagpalagay na ang iyong matagal-nang-kasosyo sa negosyo ay hindi kapuwa Kristiyano at hindi laging sumusunod sa mga simulain sa Bibliya. Angkop ba na gawin itong dahilan upang takasan ang iyong sariling pananagutan kapag may ginawang isang bagay na di-maka-Kasulatan? Tandaan ang mga halimbawa nina Adan at Saul. Sa halip na iwasang magkasala, napadaig sila sa panggigipit mula sa iba at pagkatapos ay sinisi ang kanilang mga kasama. Anong laking halaga nga ang ibinayad nila!—Genesis 3:12, 17-19; 1 Samuel 15:20-26.
Makitungo Nang Maayos sa mga Kapananampalataya
May mga bagay ba na dapat isaalang-alang kapag nakikipagnegosyo sa mga kapuwa mananamba kay Jehova? Nang bumili si propeta Jeremias ng isang bukid buhat sa kaniyang pinsan sa kaniyang bayan ng Anathoth, hindi niya basta na lamang ibinigay sa kaniya ang salapi at nakipagkamay. Sa halip, sinabi niya: “Ako’y naglagda ng pangalan sa katibayan at aking tinatakan at tumawag ako ng mga saksi habang tinitimbang ko ang salapi sa timbangan.” (Jeremias 32:10) Sa paggawa ng gayong nasusulat na mga kasunduan ay mahahadlangan ang mga di-pagkakaunawaan na maaaring bumangon sa dakong huli kung sakaling magbago ang mga kalagayan.
Ngunit ano kung waring ikaw ay pinakitunguhan ng isang kapatid na Kristiyano nang di-makatuwiran sa isang negosyo? Ihahabla mo ba siya? Maliwanag ang Bibliya tungkol sa bagay na ito. “Ang sinuman ba sa inyo na may usapin laban sa iba ay nangangahas na magtungo sa hukuman sa harap ng mga taong di-matuwid, at hindi sa harap ng mga banal?” ang tanong ni Pablo. Ano kung ang suliranin ay hindi agad nalutas sa kasiya-siyang paraan? Sinabi pa ni Pablo: “Tunay ngang nangangahulugan ito ng lubusang pagkatalo sa inyo na nagkakaroon kayo ng mga hablahan sa isa’t isa. Bakit hindi na lamang ninyo hayaang gawan kayo ng mali? Bakit hindi na lamang ninyo hayaang dayain kayo?” Isip-isipin lamang ang kasiraang idudulot nito sa Kristiyanong organisasyon kung mabalitaan ng mga tagalabas na ang tunay na mga Kristiyano ay nagdedemandahan sa korte! Maaari kayang sa gayong mga pagkakataon ay naging mas matindi ang pag-ibig sa salapi kaysa sa pag-ibig sa kapatid? O posible kayang namantsahan ang karangalan ng isa at paghihiganti ngayon ang nangingibabaw sa isip niya? Ipinakikita ng payo ni Pablo na sa gayong kaso ay mas mainam na malugi kaysa magdemanda.—1 Corinto 6:1, 7; Roma 12:17-21.
Mangyari pa, may maka-Kasulatang paraan upang lutasin ang gayong mga alitan sa loob ng kongregasyon. (Mateo 5:37; 18:15-17) Sa pagtulong sa mga kapatid na nasasangkot upang sundin ang iminungkahing mga hakbang, ang mga tagapangasiwang Kristiyano ay maaaring magbigay ng ilang nakatutulong na payo sa mga kinauukulan. Waring madali ang sumang-ayon sa mga simulain sa Bibliya sa mga gayong pag-uusap, ngunit pagkatapos nito ay talaga bang ipakikita mong nakinig ka sa pamamagitan ng pagkakapit ng ipinayo? Ang pag-ibig sa Diyos at sa ating kapuwa Kristiyano ang mag-uudyok sa atin na gawin ang gayon.
Walang alinlangan, may kapalit ang pagnenegosyo. Nawa’y makatuwiran ang maging kapalit. Kapag napapaharap sa mga pagpapasiya o anumang alanganing situwasyon, tandaan na maraming bagay sa buhay ang lalong mahalaga kaysa sa salapi. Kung inilalagay natin ang salapi sa wastong dako nito, tinutupad ang ating salita, nagtatapat, at nakikitungo sa mga kasosyo sa maka-Kristiyanong paraan, matitiyak natin na hindi naman labis sa kinakailangang panahon at salapi ang uubusin ng pagnenegosyo, at kasabay nito, maiingatan natin ang mga pagkakaibigan, mabuting budhi, at isang mainam na kaugnayan kay Jehova.
[Talababa]
a Para sa modernong-panahong halimbawa ng pagtupad sa pinag-usapan sa negosyo, tingnan ang artikulong “Aking Salita Aking Panagot” sa Gumising! ng Mayo 8, 1988, pahina 11-13.
[Kahon sa pahina 31]
Ang mga Bagay na Maaaring Maging Kapalit ng Negosyo Mo
Panahon: Karaniwan nang mas malaking panahon ang ginugugol ng isa sa pagpapatakbo ng sariling negosyo kaysa sa isa na nagtatrabaho bilang empleyado ng isang kompanya. Ito kaya’y makahahadlang sa iyong iskedyul, anupat nag-iiwan ng mas kaunting panahon para sa mahalagang espirituwal na mga gawain? Sa kabilang dako, maaari mo kayang isaayos ang iyong mga gawain upang makagugol ng higit na panahon sa paggawa ng kalooban ng Diyos? Kung gayon, mabuti naman. Ngunit mag-ingat ka! Mas madali itong sabihin kaysa gawin.
Salapi: Kailangan ang salapi upang kumita ng salapi. Anong pamumuhunan ang kailangan para sa iyong negosyo? Mayroon ka na bang pondo? O kailangan pang mangutang ka? Makakaya mo bang malugi? O ang magiging kapalit ay higit pa sa makakaya mo kung hindi mangyayari ang mga bagay-bagay na inaasahan mo?
Mga Kaibigan: Dahil sa mga suliraning bumabangon sa araw-araw na pagpapatakbo ng negosyo, malimit na mawalan ng kaniyang mga kaibigan ang isang negosyante. Bagaman nariyan ang posibilidad na magkaroon ng mga kaibigan, lagi namang nariyan ang posibilidad ng maiigting na kaugnayan. Ano kung ang mga kaibigang ito ay ang ating mga kapatid na Kristiyano?
Isang Mabuting Budhi: Ang karaniwang pamamaraan ngayon sa daigdig ng negosyo ay “Parang mga aso kung magkagatan” o “Anong mapapala ko riyan?” Mahigit sa 70 porsiyento ng mga estudyante sa isang surbey sa Europa ang nagpatunay na ang etika ay wala nang dako sa daigdig ng negosyo. Hindi nga nakapagtataka na ang panghuhuwad, pandaraya, at alanganing pamamaraan sa negosyo ay naging palasak na. Matutukso ka kayang gumaya?
Ang Iyong Kaugnayan kay Jehova: Anumang gawain sa negosyo na labag sa mga batas at simulain ng Diyos, bagaman karaniwan na sa mga palakad sa negosyo, ay pipinsala sa kaugnayan ng isang tao sa kaniyang Maylikha. Maaaring maging kapalit nito ang pag-asa niya sa buhay na walang-hanggan. Hindi ba ito’y isang maliwanag na napakalaking halaga upang pagbayaran ng isang tapat na Kristiyano, anuman ang kapalit na materyal na pakinabang?
[Mga larawan sa pahina 31]
Alin ang tutulong upang maiwasan ang mga di-pagkakaunawaan sa dakong huli? Usapang-lalaki o nasusulat na kasunduan?