Pagsunod sa Yapak ng Aking mga Magulang
AYON SA PAGLALAHAD NI HILDA PADGETT
“Ang aking buhay ay nakatalaga sa paglilingkod sa Kataas-taasan,” ayon sa ulat ng pahayagan, “at hindi ako maaaring maglingkod sa dalawang panginoon.” Ang pananalitang iyan na aking sinabi sa mga awtoridad ng British Ministry of Labour and National Service noong 1941 ang nagpahayag ng aking dahilan upang tanggihan ang kanilang utos sa akin na magtrabaho sa ospital noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Di-nagtagal pagkaraan nito ay nahatulan ako at sinentensiyahang mabilanggo nang tatlong buwan dahil sa aking pagtanggi.
ANO ang dahilan at napasadlak ako sa ganitong kagipitan? Hindi, hindi ito dahil sa ilang kapritso o mapaghimagsik na ugaling dala ng kabataan. Sa halip, itinuturong pabalik sa panahon ng aking pagkabata ang mga dahilan nito.
Ang Kasigasigan ni Itay Ukol sa Kaharian
Ako’y ipinanganak noong Hunyo 5, 1914, sa Horsforth malapit sa Leeds, sa kahilagaan ng Inglatera. Ang aking mga magulang, sina Atkinson at Pattie Padgett, ay mga guro sa Sunday school at miyembro ng koro ng Primitive Methodist Chapel kung saan si Itay ay tumutugtog ng organo. Nang ako’y sanggol pa lamang, ang aming tahanan ay masaya liban sa isang bagay. Nababahala si Itay sa kalagayan ng daigdig. Nasusuklam siya sa digmaan at karahasan at naniniwala siya sa utos ng Bibliya: “Huwag kang papatay.”—Exodo 20:13, King James Version.
Noong 1915 inamuki ng pamahalaan ang lahat ng kabataang lalaki na magboluntaryong umanib sa hukbo at sa gayo’y maiwasan ang sapilitang pagpapasundalo. Taglay ang pag-aagam-agam si Itay ay maghapong tumayo sa ulanan habang hinihintay ang kaniyang pagkakataon na magparehistro bilang sundalo. Kinabukasan mismo, nabago ang takbo ng kaniyang buong buhay!
Habang nagtatrabaho siya bilang tubero sa isang malaking bahay, nakipag-usap siya sa iba pang trabahador hinggil sa mga pangyayari sa daigdig. Inabután siya ng hardinero ng isang maliit na tract, na Gathering the Lord’s Jewels. Iniuwi iyon ni Itay, binasa iyon, at muling binasa. “Kung iyan ang totoo,” sabi niya, “kung gayon lahat ng iba pa ay mali.” Kinabukasan, humiling siya ng higit pang impormasyon, at sa loob ng tatlong linggo sa buong magdamag hanggang madaling araw, pinag-aralan niya ang Bibliya. Alam niyang natagpuan na niya ang katotohanan! Linggo, Enero 2, 1916, ganito ang sinasabi sa kaniyang talaarawan: “Sumimba sa Kapilya sa umaga, dumalo sa I.B.S.A. [International Bible Students Association, gaya ng pagkakilala sa mga Saksi ni Jehova noon sa Inglatera] sa gabi—na pinag-aaralan ang Hebreo 6:9-20—ang aking unang pagdalaw sa mga kapatid.”
Bumangon agad ang pagsalansang. Inakala ng aming mga kamag-anak at mga kaibigan sa kapilya na si Itay ay nasisiraan ng bait. Subalit buo na ang kaniyang pasiya. Naging pangunahin sa kaniyang buhay ang mga pulong at pag-aaral, at pagsapit ng Marso ay sinagisagan niya ang kaniyang pag-aalay kay Jehova sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. Pagkaraan ng ilang linggong pagdalo ni Itay nang nag-iisa sa mga pulong, nagsawa na rin si Inay sa katatanggi. Isinakay niya ako sa aking pram at nilakad ang walong kilometro patungo sa Leeds, at nakarating kami sa eksaktong pagtatapos ng pulong. Para mo na ring nakita ang kagalakan ni Itay. Mula noon, ang aming pamilya’y nagkaisa na sa paglilingkod kay Jehova.
Ang kalagayan ni Itay ay napakahirap—isang boluntaryo sa hukbo at pagkatapos sa loob lamang ng ilang linggo ay naging isang taong tumatanggi dahil sa budhi. Nang siya’y ipatawag, tumanggi siya sa paghawak ng baril, at noong Hulyo 1916 humarap siya sa una sa limang court-martial, anupat sinentensiyahang mabilanggo nang 90 araw. Nang matapos ang unang sentensiya, dalawang linggong nagbakasyon si Itay, na sinundan ng isa pang court-martial at 90 araw na naman sa bilangguan. Kasunod ng kaniyang ikalawang taning na panahon ng pagkabilanggo, siya’y inilipat sa Royal Army Medical Corps, at noong Pebrero 12, 1917, siya’y naglayag kasama ng mga sundalong sakay ng barko patungo sa Rouen, Pransiya. Isinasalaysay sa kaniyang talaarawan na doon ay lalo niyang kinamuhian ang kaniyang posisyon sa pagdaan ng mga araw. Nakita niyang inaalagaan lamang niya ang mga sundalo upang makabalik at muling lumaban.
Tumanggi na naman siyang makipagtulungan. Sa pagkakataong ito ay sinentensiyahan siya ng court-martial ng limang taon sa piitang militar ng Britanya sa Rouen. Nang igiit ni Itay na siya’y ilipat sa piitang sibil bilang isang taong tumatanggi dahil sa budhi, siya’y pinarusahan sa pamamagitan ng pagpapakain lamang ng tinapay at tubig sa loob ng tatlong buwan, na sinundan ng regular na pagkain ng bilanggo hanggang sa maragdagan ang kaniyang timbang; pagkatapos ay inulit ang buong pamamaraang ito. Kung araw ay nakaposas ang kaniyang mga kamay sa likod at kung gabi at oras ng pagkain ay nasa harapan naman ang kaniyang mga kamay. Sa buong buhay niya, taglay niya ang mga pilat sa kaniyang pulsuhan kung saan ang masisikip na posas ay nakaipit sa kaniyang kalamnan, na nagdulot ng nagnanaknak na mga sugat. Nakatanikala rin ang kaniyang mga paa na nakakabit naman sa kaniyang baywang.
Ginawa ng mga awtoridad ng hukbo ang lahat ng kanilang magagawa upang pahinain ang kaniyang loob ngunit sila’y nabigo. Kinuha ang kaniyang Bibliya at mga aklat. Walang sulat para sa kaniya mula sa bahay, ni hindi siya makapagpadala nito. Pagkalipas ng dalawang taon nagpasiya siyang patunayan ang kaniyang katapatan sa pamamagitan ng hindi pagkain. Sa loob ng pitong araw ay pinanindigan niya ang kaniyang pasiya, hindi siya kumain ni uminom, anupat inilipat siya sa ospital ng piitan, dahil sa kaniyang malubhang kalagayan. Napatunayan niya ang ibig niyang palabasin, bagaman nagmuntikan ang kaniyang buhay dahil dito. Sa paglipas ng mga taon ay inamin niyang nagkamali siya sa pagsasapanganib ng kaniyang buhay sa gayong paraan, at hindi na niya uulitin pang muli kailanman ang hakbanging iyon.
Natapos ang digmaan noong Nobyembre 1918 habang si Itay ay nakabilanggo pa rin sa Rouen, ngunit maaga nang sumunod na taon, siya’y inilipat sa piitang sibil sa Inglatera. Gunigunihin mo ang kaniyang kagalakan nang tanggapin niya ang lahat ng sulat at padala ni Inay na naimbak na, kasama ang kaniyang pinakamamahal na Bibliya at mga aklat! Siya’y dinala sa Winchester Prison, na doo’y nakilala niya ang isang kabataang brother na ang naging karanasan noong panahon ng digmaan ay katulad din ng sa kaniya. Ang pangalan niya ay Frank Platt, na nang maglao’y naglingkod sa London Bethel sa loob ng maraming taon. Nagsaayos sila na magkikitang muli kinabukasan, subalit si Frank ay inilipat na sa ibang lugar.
Noong Abril 12, 1919, tumanggap si Inay ng telegrama: “Aleluya! Uuwi na ako—tumatawag sa London.” Tunay ngang isang panahon ng pagsasaya pagkatapos ng tatlong taóng pagsubok, pagtitiis, at pagkakalayo! Ang unang naisip ni Itay ay ang tawagan at makipagkita sa mga kapatid sa London Bethel. Sa 34 Craven Terrace, siya’y buong-lugod na tinanggap. Pagkapaligo at pagkaahit at suot ang hiram na terno at sumbrero, umuwi si Itay. Mailalarawan mo kaya sa iyong isipan ang aming muling pagkikita? Ako’y maglilimang taon noon, at hindi ko siya natatandaan.
Ang unang pulong na dinaluhan ni Itay matapos siyang palayain ay ang Memoryal. Nang siya’y pumanhik ng hagdan patungo sa bulwagan, ang una niyang nakita ay si Frank Platt, na inilipat na sa ospital ng militar sa Leeds. Anong laking kagalakan ang nadama nila habang nagkukuwentuhan ng kanilang mga karanasan! Mula noon hanggang sa siya’y palayain, ang aming tahanan ay itinuring ni Frank na kaniyang pangalawang tahanan.
Ang Tapat na Paglilingkod ni Inay
Sa buong panahong wala si Itay, tumanggap ng labada si Inay upang makaragdag sa maliit na tinatanggap mula sa mga awtoridad. Napakababait ng mga kapatid sa amin. Tuwing mga ilang linggo isa sa matatanda sa kongregasyon ang nagbibigay sa kaniya ng isang maliit na sobreng may lamang regalo na walang lagda. Palaging sinasabi ni Inay na ang pag-ibig ng mga kapatid ang naglapit sa kaniya kay Jehova at tumulong sa kaniya upang makapagbata sa panahong iyon ng paghihirap. Palagian siya sa pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon sa buong panahong wala si Itay. Ang pinakamatindi niyang pagsubok ay noong panahong, sa loob ng mahigit na isang taon, hindi niya alam kung si Itay ay buháy pa o patay na. Karagdagan pa sa paghihirap, noong 1918 kaming mag-ina ay nagkasakit ng trangkaso Española. Nagkákamátay ang mga tao sa palibot namin. Ang magkakapitbahay na nagtutulungan ay nagkakahawahan at namamatay. Walang alinlangang naging dahilan ang kakapusan sa pagkain noon upang bumaba ang resistensiya ng mga tao laban sa impeksiyon.
Ang mga salita ni apostol Pedro ay napatunayang totoo para sa aming pamilya: “Pagkatapos ninyong magdusa ng kaunting panahon, . . . patatatagin . . . kayo [ng Diyos], palalakasin niya kayo”! (1 Pedro 5:10) Ang pagdurusa ng aking mga magulang ang bumuo ng kanilang di-matitinag na pananampalataya kay Jehova, ng ganap na katiyakan na siya’y tunay na nagmamalasakit sa atin at na walang anumang makapaghihiwalay sa atin mula sa pag-ibig ng Diyos. Ako’y pantanging pinagpala sa pagkakaroon ng gayong paraan ng pagpapalaki ukol sa pananampalataya.—Roma 8:38, 39; 1 Pedro 5:7.
Paglilingkod Nang Nasa Kabataan
Nang makalaya si Itay, naging sentro sa aming buhay ang paglilingkod ukol sa Kaharian. Wala akong natatandaang nilibanan ni isa mang pulong, maliban kung ako’y may sakit. Di-nagtagal pag-uwi ni Itay, ipinagbili niya ang kaniyang plate camera at ang gintong pulseras ni Inay upang may magastos sa pagdalo sa kombensiyon. Bagaman wala kaming kakayahang magbakasyon, hindi namin kailanman nilibanan ang mga pagtitipong ito, kasali na yaong sa London.
Ang unang dalawa o tatlong taon pagkatapos ng digmaan ay naging panahon ng pagpapaginhawa. Lubusang sinamantala nina Itay at Inay ang lahat ng pagkakataon upang makisama at makisalamuha. Natatandaan ko pa ang ginagawa naming pagdalaw sa ibang mga kapatid, at ako, palibhasa’y maliit pang bata, ay nakaupo habang nagkukulay at nagdodrowing samantalang ang matatanda naman ay nag-uusap tungkol sa mga bagong kaunawaan sa katotohanan sa loob ng mahahabang oras. Ang sama-samang pag-uusap, pag-aawitan sa palibot ng organo, kasiyahan sa matamis na pagsasamahan, ang naging dahilan ng kanilang kaligayahan at kaginhawahan.
Napakaistrikto ng aking mga magulang sa pagsasanay sa akin. Ako’y naiiba sa aming paaralan, anupat kahit limang taóng gulang pa lamang ay dala ko na ang aking “Bagong Tipan” upang basahin habang pinag-aaralan ng aming klase ang katesismo. Nang maglaon ay ipinarada ako sa buong paaralan bilang isang “taong tumatanggi dahil sa budhi” sapagkat ayaw kong makilahok sa pagdiriwang ng Remembrance Day.a Hindi ko ikinalulungkot ang paraan ng pagpapalaki sa akin. Sa katunayan, iyon ay isang proteksiyon at siyang nagpadali upang makapanatili sa ‘makipot na daan.’ Saanman magtungo ang aking mga magulang, sa mga pulong o sa paglilingkod, naroroon ako.—Mateo 7:13, 14.
Pantangi kong naaalaala ang Linggo ng umagang iyon nang ako’y magsimulang mangaral na mag-isa. Ako’y 12 taóng gulang lamang noon. Nang ako’y tin-edyer, natatandaan ko pang sinabi ko noon, isang Linggo ng umaga, na magpapaiwan ako sa bahay. Walang pumuna sa akin o pumilit man sa akin na lumabas, kaya naupo ako sa hardin habang pinag-aaralan ang aking Bibliya at ako’y di-mapakali. Pagkaraan ng isa o dalawang linggo na laging ganito, sinabi ko kay Itay: “Parang gusto kong sumama sa inyo ngayong umaga!” Mula noon ay nagpatuloy na ang aking pagsulong.
Napakagandang taon ang 1931! Hindi lamang dahil sa noon namin tinanggap ang bagong pangalang, mga Saksi ni Jehova, kundi noon din ako binautismuhan samantalang nasa pangnasyonal na kombensiyon sa Alexandra Palace, London. Hindi ko kailanman malilimutan ang araw na iyon. Nakasuot kami ng mahaba at itim na damit, at ang sa akin ay nagkátaóng basâ na dahil nagamit na ng ibang kandidato!
Ang aking ambisyon mula pa sa pagkabata ay ang maging isang colporteur, gaya ng pagkakilala noon sa mga pambuong-panahong mángangarál. Habang ako’y lumalaki, nadama kong dapat pa akong gumawa nang higit sa paglilingkod kay Jehova. Kaya, noong Marso 1933, sa edad na 18, sumama ako sa hanay ng pambuong-panahong mga lingkod.
Isang pantanging kagalakan para sa amin ang “Pioneer Weeks” sa ilang malalaking lunsod, kapag hanggang isang dosenang pambuong-panahong mga lingkod ang nagkakasama-sama, tumutuloy sa mga kapatid na tagaroon, at gumagawa bilang isang pangkat. Nagdadala kami ng mga bukleta sa mga pinuno ng relihiyon at iba pang mga prominenteng tao. Kailangan ang lakas ng loob sa paglapit sa kanila. Malimit na kami’y nililibak, at karamihan sa amin ay pinagsasarhan ng pinto. Hindi ito nakabahala sa amin, sapagkat gayon na lamang ang aming kasiglahan anupat natutuwa kami kapag dinudusta dahil sa pangalan ni Kristo.—Mateo 5:11, 12.
Sa Leeds ay ginawa naming pangkarga ng mga transcription machine ang pram, traysikel, at ang motorsiklo at sidecar ni Itay, at pagkaraan ay ang kaniyang kotse. Dalawang brother ang nagdadala ng machine sa isang kalye, nagpapatugtog upang tawagin ang pansin ng mga tao at upang hikayatin silang lumabas sa kani-kanilang pintuan, pagkatapos ay sinusundan ito ng limang-minutong pahayag ni Brother Rutherford na isinaplaka. Pagkatapos nito ay lumilipat sila sa sumunod na kalye habang kami naman, na mga mamamahayag, ay kasunod na nag-aalok ng mga literatura sa Bibliya.
Sa lumipas na mga taon, tuwing Linggo ng gabi pagkatapos ng pulong, kami’y pumupunta sa Town Hall Square kung saan may isang Speaker’s Corner at kami’y nagbibigay ng suporta sa pamamagitan ng pakikinig sa isa sa isang-oras na mga pahayag ni Brother Rutherford, habang nag-aabot ng mga pulyeto at nakikipag-alam sa kaninumang nagpakita ng interes. Naging popular kami roon. Maging ang mga pulis ay gumalang sa amin. Isang gabi kami’y nagkakatipon gaya ng dati nang, sa banda roon, nakarinig kami ng tunog ng mga tambol at banda. Di-nagtagal isang parada ng mga sandaang Fasista ang dumarating sa kalye. Sila’y nagmamartsang pumalibot sa aming likuran at huminto habang nakataas ang kanilang mga bandila. Tumigil ang banda, at naghari ang katahimikan kasabay ng pag-alingawngaw ng tinig ni Brother Rutherford: “Hayaan ninyo silang sumaludo sa mga bandila at yumukod sa mga tao kung gusto nila. Sasambahin naman natin at yuyukuran ang ating tanging Diyos na si Jehova!” Nag-alala kami sa susunod na mangyayari! Wala namang nangyari, maliban sa bagay na nakarinig sila ng isang mainam na patotoo, at pinatahimik sila ng mga pulis upang marinig namin ang iba pang sasabihin sa pahayag pangmadla.
Ngayon ay sinimulan nang gamitin ang ponograpo upang tulungan kaming makapagbigay ng kahanga-hangang patotoo. Sa pintuan, matamang nakatuon ang aming pansin sa plaka upang mahikayat ang mga tao na pakinggan sa loob ng buong limang minuto ang isinaplakang sermon sa Bibliya. Madalas na pinapapasok kami ng mga maybahay at nalulugod na kami’y bumalik at magpatugtog pa ng mga plaka.
Ang taóng 1939 ay napakaabala at mahirap, dahil sa pagsalansang at karahasan. Bago ang isa sa aming mga kombensiyon, dumanas ang mga kapatid ng ilang pang-uumog at pambubulyaw. Kaya sa panahon ng asamblea, gumawa sila ng mga plano para sa isang pantanging pangkat ng mga brother na nakakotse upang mangaral sa magugulong lugar samantalang ang mga sister naman at ang iba pang mga brother ay pumunta sa ligtas na mga lugar. Sa aking paggawa kasama ng grupo, dumaan ako sa isang eskinita upang mapuntahan ang mga bahay sa likuran. Samantalang nasa pinto, nakarinig ako ng pagkakagulo—may nagsisigawan at nagtitilian sa kalye. Nagpatuloy na lamang ako sa pakikipag-usap sa tao na nasa pinto, habang pinahahaba ang usapan hanggang sa marinig kong huminahon na ang mga bagay-bagay. Pagkatapos ay nilandas ko ang eskinita palabas sa kalye at nasumpungan kong nagkakagulo na pala ang mga kapatid dahil hindi nila ako makita! Gayunman, kinahapunan, sinubukang guluhin ng mga basagulero ang aming pulong, ngunit sila’y pinalabas ng mga brother.
Nagsimula ang Digmaang Pandaigdig II
Ngayon ay ipinatupad na ang sapilitang pagpapasundalo, at maraming kabataang brother ang nabilanggo mula sa 3 hanggang 12 buwan. Tumanggap noon si Itay ng karagdagang pribilehiyo, na makadalaw sa bilangguan. Tuwing Linggo ay nagdaraos siya ng Pag-aaral sa Bantayan sa lokal na kulungan. Kung Miyerkules ng gabi ay dumadalaw siya sa mga kapatid sa kanilang selda. Dahil sa siya mismo ay dumanas ng mahaba at mahirap na pagkabilanggo noong unang digmaang pandaigdig, nasisiyahan siyang paglingkuran yaong dumaranas ng gayunding pagsubok. Ginawa niya ito sa loob ng 20 taon, patuloy hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1959.
Pagsapit ng 1941 nasanay na kami sa ipinakikitang poot at galit ng maraming tao dahil sa aming paninindigan sa neutralidad. Hindi biru-biro ang tumayo sa mga kalye na may hawak na magasin at sumuong dito. Kasabay nito, nasisiyahan kaming matulungan ang mga refugee na pinatira sa aming lugar. Mga taga-Latvia, taga-Polandya, taga-Estonia, Aleman—anong laking kagalakan na makitang nagliliwanag ang kanilang mga mata kapag nakikita nila Ang Bantayan o Consolation (ngayo’y Gumising!) sa kanilang sariling wika!
Pagkatapos ay dumating ang paglilitis sa akin dahil sa paninindigan sa neutralidad noong Digmaang Pandaigdig II. Dahil sa pagkapiit sa selda ng 19 na oras sa bawat 24, napatunayan kong napakahirap ng buhay sa bilangguan. Ang unang tatlong araw ang pinakamahirap, dahil nag-iisa ako. Noong ikaapat na araw, ipinatawag ako sa opisina ng gobernador kung saan nadatnan ko ang dalawa pang babaing nakatayo. Binulungan ako ng isang babae: “Bakit ka ibinilanggo?” Sabi ko: “Magugulat ka kapag nalaman mo.” Pabulong siyang nagtanong habang kinakabahan: “JW ka ba?” Narinig siya ng isa pang babae at tinanong niya kami kapuwa: “Mga JW ba kayo?” at kaming tatlo’y nagyakapan sa isa’t isa. Hindi na kami nag-iisa!
Nakalulugod na Pambuong-Panahong Paglilingkod
Nang ako’y palayain sa bilangguan, ipinagpatuloy ko ang aking pambuong-panahong paglilingkod, at sumama sa akin ang isang edad 16 na kabataang babae na hindi na pumapasok sa paaralan. Lumipat kami sa Ilkley, isang magandang bayan sa hangganan ng Yorkshire Dales. Sa loob ng anim na buwan, sinikap naming makatagpo ng isang angkop na dako para sa aming mga pulong. Sa wakas ay nakaupa kami ng isang maliit na garahe, na ginawa naming Kingdom Hall. Tinulungan kami ni Itay, anupat naglagay siya ng mga ilaw at heater. Ginayakan din niya ang gusali para sa amin. May ilang taon kaming tinulungan ng karatig na kongregasyon, na nag-aatas ng mga kapatid bawat linggo upang magpahayag. Dahil sa pagpapala ni Jehova kami’y sumulong at lumaki, at sa wakas ay nakapagtatag ng kongregasyon.
Noong Enero 1959, biglang nagkasakit si Itay. Pinauwi ako, at namatay siya noong Abril. Napakahirap ng sumunod na mga taon. Pahinâ nang pahinâ ang katawan ni Inay at gayundin ang kaniyang memorya, na lalong nagpahirap sa akin. Subalit patuloy akong pinalalakas ng espiritu ni Jehova, at naalagaan ko siya hanggang sa kaniyang kamatayan noong 1963.
Napakarami kong pagpapala mula kay Jehova sa lumipas na mga taon. Lubhang napakarami para isalaysay. Nakita kong lumago ang aking pinagmulang kongregasyon at nahati nang apat na ulit, anupat nagpapadala ng mga mamamahayag at mga payunir, ang ilan bilang mga misyonero sa malalayong bansa gaya ng Bolivia, Laos, at Uganda. Ang pag-aasawa at paglagay sa tahimik ay hindi naging para sa akin. Hindi ito nagpalungkot sa akin; ako’y naging lubhang abala. Bagaman wala akong sariling kamag-anak sa laman, mayroon naman akong maraming anak at mga apo sa Panginoon, sandaang ulit pa nga.—Marcos 10:29, 30.
Madalas akong nag-aanyaya sa aming tahanan ng mga batang payunir at iba pang kabataan upang tamasahin ang Kristiyanong pagsasamahan. Sama-sama kaming naghahanda para sa Pag-aaral sa Bantayan. Nagkukuwentuhan din kami ng mga karanasan at nag-aawitan ng mga awiting pang-Kaharian, katulad na katulad ng ginagawa noon ng aking mga magulang. Kasama ng masasayang grupo ng mga kabataan, napananatili ko ang masigla at masayang pangmalas. Wala nang bubuti pang buhay para sa akin kaysa sa paglilingkod bilang payunir. Nagpapasalamat ako kay Jehova na ako’y nagkaroon ng pribilehiyo na masundan ang mga yapak ng aking mga magulang. Ang aking panalangin ay na maipagpatuloy ko sana ang paglilingkod kay Jehova magpakailanman.
[Talababa]
a Bilang pag-alaala sa pagwawakas ng labanan noong 1918 at, nang maglaon, noong 1945.
[Larawan sa pahina 23]
Si Hilda Padgett kasama ang kaniyang mga magulang, sina Atkinson at Pattie
[Larawan sa pahina 23]
Ang tract na nagpaalab sa interes ni Itay sa katotohanan