Inaabot ang Lahat ng Uri ng Tao sa Modernong-Panahong Atenas
NANG dalawin ni apostol Pablo ang Atenas humigit-kumulang noong 50 C.E., ang lunsod ay isa pa ring mahalagang sentro ng komersiyo, bagaman hindi na nito tinatamasa ang kaluwalhatian ng kaniyang klasikal na nakalipas. Ganito ang sabi ng isang makasaysayang akda: “[Ang Atenas] ay nanatiling ang espirituwal at makasining na lunsod ng Gresya, gayundin ang kinahihiligang puntahan ng mga edukado at mga makapangyarihan nang panahong iyon.”
Habang naroroon, malamang na nagkaroon si Pablo ng pagkakataong mangaral sa mga Judio, mga paganong taga-Atenas, at mga tao buhat sa maraming iba’t ibang lugar. Palibhasa’y alisto at isang bihasang guro, sa isang diskurso ay sinabi niya na binigyan ng Diyos ang “lahat ng mga persona ng buhay at ng hininga,” na “ginawa niya mula sa isang tao ang bawat bansa ng mga tao,” at na “silang lahat sa lahat ng dako ay dapat na magsisi” sapagkat hahatulan Niya “ang tinatahanang lupa.”—Gawa 17:25-31.
Isang Kakaibang Teritoryo
Sa nakalipas ng mga dekada ang Atenas ay muling naging isang lunsod na nakaaakit ng mga tao buhat sa lahat ng dako. Dumating ang mga diplomatiko at mga tauhan ng militar bilang bahagi ng mga misyon buhat sa ibang bansa. Naninirahan naman doon ang mga kabataan buhat sa Aprika at Gitnang Silangan bilang mga estudyante sa pamantasan. Nagdagsaan ang mga dayuhang manggagawa buhat sa Aprika, Asia, at sa mga bansa sa Silangang Europa. Maraming Pilipino at iba pa buhat sa Timog-silangang Asia, na dumating sa paghahanap ng trabaho bilang mga katulong sa bahay. At patuloy ang paghugos ng mga refugee buhat sa kalapit na mga bansa at mga lugar sa buong daigdig na may mga kaguluhan.
Ang kalagayang ito ay naghaharap ng hamon para sa lokal na mga mángangarál ng mabuting balita ng Kaharian. Karamihan sa pansamantalang mga residente ay nagsasalita ng Ingles, ngunit ang ilan ay nakapagsasalita lamang ng kanilang sariling wika. Ang mga taong ito ay kumakatawan sa maraming iba’t ibang kultura at relihiyosong pinagmulan. Sa mga bisita, makasusumpong ka ng nag-aangking mga Kristiyano, Muslim, Hindu, Budista, animista, agnostiko, at mga ateista. Kailangang matutuhan ng mga Saksi ni Jehova na ibagay ang kanilang mga presentasyon upang umangkop sa iba’t ibang pinagmulan ng mga taong ito.
Yamang marami sa mga bagong dating na ito ang dumanas ng mahihirap na kalagayan, malimit na nagtatanong sila tungkol sa kahulugan ng buhay at sa mga maaasahan sa hinaharap. Mataas ang pagpapahalaga ng ilan sa Bibliya at hindi sila nahihirapang tanggapin kung ano ang sinasabi nito. Ang karamihan sa kakaibang teritoryong ito ay mapagpakumbaba, maaamo, at gutóm sa katotohanan. Nadarama nilang mas malaya silang hanapin ang katotohanan dahil sa malayo sila sa kanilang pamilya at sariling bayan.
Itinatag ang unang Ingles na kongregasyon sa Atenas noong 1986 upang masaklaw ang teritoryong ito. Kamangha-mangha ang pagsulong. Sa nakalipas na limang taon, mga 80 baguhan ang nabautismuhan. Ang resulta ay ang pagkatatag sa Atenas ng isang kongregasyong Arabe, isang kongregasyong Polako, at sa isang yugto ng panahon, isang grupong Pranses. Ang ilan buhat sa kongregasyong Ingles ay lumipat upang tulungan ang gayong mga kongregasyon at grupo sa Tesalonica sa gawing hilaga, sa Heraklion, Creta, at sa Piraeus, ang daungan sa Atenas. Ibig mo bang makilala ang ilan sa mga dayuhan na natuto ng katotohanan sa Atenas?
Ang mga Kanais-nais ng mga Bansa ay Dumarating
Si Thomas ay isinilang sa Asmara, Eritrea, at lumaki na isang debotong Katoliko. Sa edad na 15, pumasok siya sa monasteryo. Itinanong niya sa isa sa mga pari: “Papaano nangyari na ang isang Diyos ay tatlong Diyos?” Sumagot ang pari: “Dahil sa tinatanggap natin kung ano ang sinasabi ng papa tungkol sa espirituwal na mga bagay. Higit sa lahat, ito ay isang misteryo, at napakabata mo pa para maunawaan ito.” Pagkatapos ng limang taon sa monasteryo, umalis si Thomas, palibhasa’y nabigo at nasiphayo sa paggawi at mga turo ng simbahan. Gayunman, hindi siya sumuko sa paghahanap sa tunay na Diyos.
Isang araw di pa natatagalan pagkatapos na siya’y lumipat sa Atenas, natagpuan niya sa kaniyang pintuan ang isang kopya ng Ang Bantayan, na may pabalat na temang “Ang Kalusugan at Kaligayahan ay Mapapasaiyo.” Maraming ulit na binasa niya iyon. Sa magasin ding iyon, nabasa niya na dapat na hanapin muna natin ang Kaharian ng Diyos at ang kaniyang katuwiran. (Mateo 6:33) Si Thomas ay lumuhod at humiling sa Diyos na ipakita sa kaniya kung papaano gagawin ito, anupat nangako: “Kung ipakikita mo sa akin kung papaano hahanapin ang iyong Kaharian, itatalaga ko ang anim na buwan ng aking buhay upang matutuhan kung papaano maglilingkod sa iyo.” Nang ikaapat na linggo mula noon, dalawang Saksi ang kumatok sa kaniyang pintuan. Agad na tinanggap ni Thomas ang pag-aaral sa Bibliya, at pagkaraan ng sampung buwan ay nabautismuhan siya. Sabi niya: “Talagang sinagot ni Jehova ang aking panalangin, at binigyan niya ako ng pagkakataong maging isa sa kaniyang mga Saksi. Ngayon ang pag-ibig niya ang nagpapakilos sa akin na unahin ang kaniyang Kaharian at katuwiran sa aking buhay.”
Habang nangangaral sa bahay-bahay, nasumpungan ng dalawa pang Saksi ang isang banyagang pangalan sa isang timbre.
“Ano ang kailangan ninyo?” ang tinig ng isang babae buhat sa intercom.
Isa sa mga Saksi ang nagsabi na sinisikap nilang matagpuan ang mga taong nagsasalita ng Ingles na interesado sa Bibliya.
“Ano ang relihiyon ninyo?” ang tanong ng babae.
“Kami’y mga Saksi ni Jehova.”
“Ah, mabuti! Pumanhik kayo sa pinakamataas na palapag.”
Gayon ang ginawa nila at, nang bumukas ang pinto ng elebeytor, isang napakalaking lalaki na may negatibong saloobin ang nakatayo roon. Pero nagsalita ang babae buhat sa loob.
“Patuluyin mo sila. Gusto ko silang makausap.”
Napag-alaman na siya pala ay naglalakbay sa buong daigdig kasama ng koponan sa isport ng kaniyang asawa, at kahapon lamang ay nanalangin siya na matagpuan sana niya ang mga Saksi ni Jehova. Kaya agad napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Yamang limitado lamang ang panahon ng kanilang pamamalagi sa Gresya, tatlong pag-aaral bawat linggo ang isinaayos, at ang aklat na Mabuhay Magpakailanman ay natapos sa loob lamang ng sampung linggo.
Nakabalik sila sa Gresya nang sumunod na kapanahunan ng isport. Itinuloy ng babae ang kaniyang pag-aaral at mahusay ang kaniyang pagsulong. Pagkaraan ng dalawang buwan, sumama siya sa mga Saksi sa gawaing pangangaral bilang isang di-bautisadong mamamahayag at agad na nakapagbukas ng kaniyang unang pag-aaral sa Bibliya. Kanino? Sa kaniyang asawa, na labis na humanga sa mga Saksi at sa mga pagbabago sa kaniyang maybahay.
Si Allan, na anak ng isang Protestanteng pastor, ay lumaki sa Timog Aprika. Sa murang edad, kumbinsido siya na ang Bibliya ang kinasihang kapahayagan buhat sa Diyos. Palibhasa’y hindi nasisiyahan sa kaniyang relihiyon, bumaling siya sa pilisopiya at pulitika, pero higit kailanman ay lalo lamang niyang nadama na ito’y walang-saysay. Pagkatapos lumipat sa Gresya, tumindi ang nadarama niyang kawalang-saysay. Inaakala niyang walang layunin ang kaniyang buhay, na siya’y nasa isang daan na walang patutunguhan.
May nangyari isang gabi. “Lumuhod ako at binuksan ko sa Diyos ang aking puso,” ang paglalahad ni Allan. “Habang lumuluha dahil sa naging landasin ko sa buhay, nagsumamo ako sa Diyos na akayin niya ako sa kaniyang tunay na mga tagasunod. Ipinangako ko na susundin ko ang kaniyang patnubay.” Nang linggo ring iyon, siya’y nasa isang tindahan at nakausap niya ang may-ari, isang babae, na isa palang Saksi. Ang pag-uusap na iyon ang bumago sa buhay ni Allan. “Nang sumunod na mga araw, nakita kong gumuho ang pinakaiingatan kong mga paniniwala: ang Trinidad, apoy ng impiyerno, kawalang-kamatayan ng kaluluwa—lahat ay maliwanag na hindi itinuturo ng Bibliya.” Sa Kingdom Hall, isang mag-asawang Saksi ang nag-alok na makipag-aral ng Bibliya sa kaniya. Pumayag siya at naging mabilis ang kaniyang pagsulong. “Dahil sa katotohanan ay napaluha ako sa kaligayahan,” nagunita ni Allan, “at ako’y pinalaya nito.” Nabautismuhan siya makalipas ang isang taon. Siya ngayon ay maligayang naglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod sa lokal na kongregasyon.
Si Elizabeth ay galing sa Nigeria, kung saan hinanap niya ang Diyos sa iba’t ibang simbahan ngunit hindi pa rin nasiyahan. Ang lubhang nakatakot sa kaniya ay ang doktrina tungkol sa walang-hanggang pagpaparusa sa apoy ng impiyerno. Nang dumating siya sa Atenas kasama ng kaniyang pamilya, dalawang Saksi ang dumalaw sa kaniyang tahanan, at napasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya. Tuwang-tuwa si Elizabeth na mabatid na hindi pinahihirapan ng Diyos ang mga tao, kundi naglalaan siya ng pag-asa para sa walang-hanggang buhay sa isang paraisong lupa. Nagdadalang-tao siya noon sa kaniyang ikaapat na anak, na ibig niyang ipalaglag. Nang magkagayo’y nalaman niya mula sa Bibliya ang pangmalas ni Jehova sa kabanalan ng buhay. Ngayon ay mayroon siyang isang magandang anak na babae. Mabilis ang pagsulong ni Elizabeth at di-nagtagal siya’y nabautismuhan. Bagaman siya’y may apat na anak at isang buong-panahong trabaho, nakapaglilingkod siya bilang isang auxiliary pioneer halos bawat buwan. Siya’y pinagpala na makitang ang kaniyang asawa ay magsimulang mag-aral ng Bibliya. Sabi niya: “Sa wakas ay nasumpungan ko ang tunay na Diyos at ang tunay na pagsamba, salamat kay Jehova at sa kaniyang maibiging organisasyon.”
Marami sa mga tao sa kakaibang teritoryong ito ang natagpuan sa pagpapatotoo sa lansangan, ngunit nangangailangan ng pagtitiyaga upang linangin ang kanilang interes. Ganito ang nangyari sa isang kabataang babae na nagngangalang Sallay, mula sa Sierra Leone. Isang Saksi ang nagbigay sa kaniya ng isang tract, kumuha ng kaniyang direksiyon, at nagsaayos na dalawin siya. Si Sallay ay interesado at tumanggap siya ng pag-aaral sa Bibliya, ngunit dahil sa dami ng trabaho at iba pang suliranin, hindi iyon naidaraos nang regular. Pagkatapos ay bigla siyang lumipat nang hindi naibigay ang kaniyang bagong direksiyon. Nagtiyaga ang Saksi sa pamamagitan ng patuloy na pagpunta sa dating direksiyon, at sa dakong huli si Sallay ay nagpahatid ng mensahe para sa Saksi na puntahan siya sa kaniyang bagong tirahan.
Naging mas regular na ngayon ang pag-aaral kahit na si Sallay ay nasa mga huling buwan na ng kaniyang pagdadalang-tao. Pagkasilang ng sanggol, si Sallay ay naging isang di-bautisadong mamamahayag. Kung ang lahat ng ito ay waring naging madali, hindi gayon. Sa ganap na 6:30 n.u., kailangang nakahanda na siya para sa kalahating oras na biyahe sa bus upang dalhin ang kaniyang sanggol sa nursery school, kasunod ang isa pang oras na biyahe sakay ng bus patungo sa trabaho. Pagkatapos ng kaniyang trabahong paglilinis, nagbibiyahe siya pabalik sa tahanan. Kapag mga gabing may pulong, o kapag lumalabas siya sa larangan, nadaragdagan ng tig-iisang oras ang kaniyang pagbibiyahe, sa kabila ng pagtutol ng kaniyang asawa. Samantalang pinakikitaan ang kaniyang asawa ng pag-ibig at pagtitiis, si Sallay ay sumulong hanggang sa punto ng pag-aalay at bautismo. Kumusta naman ang kaniyang asawa? Dumalo siya sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo at pumayag na mag-aral ng Bibliya.
Pinagpala ng Maiinam na Resulta
Para sa karamihan ng mga taong ito, pansamantala lamang ang pagtira nila sa Atenas. Marami ang bumabalik sa kanilang bansang pinagmulan upang ibahagi ang mabuting balita sa mga kamag-anak at mga kaibigan. Ang iba naman ay lumipat sa ibang mga bansa sa Kanluran at nagpatuloy na maglingkod kay Jehova. Yaong mga nanatili sa Gresya ay nagtatamasa ng mabubuting resulta sa pagpapatotoo sa kanilang mga kababayan na nandayuhan din doon. Sa ibang kaso ang mga binhi ng katotohanan ay nagbunga lamang pagkatapos na ang mga panauhin ay lumipat sa ibang bansa at matagpuan ng mga Saksi.
Lahat ng ito ay nagpapatunay na si Jehova ay hindi nagtatangi. Tinatanggap niya ang mga tao sa bawat bansa na natatakot sa kaniya at umiibig sa katuwiran. (Gawa 10:34, 35) Para sa gayong tulad-tupang mga tao, ang kanilang paglipat sa ibang bansa para sa materyal na mga pakinabang ay nagbunga ng lalong higit na mga pagpapala kaysa sa kanilang inaasahan—kaalaman sa tunay na Diyos, si Jehova, at sa kaniyang pangako na buhay na walang-hanggan sa isang matuwid na bagong sanlibutan. Oo, tunay na saganang pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap na abutin ang mga banyaga sa modernong-panahong Atenas!
[Mga larawan sa pahina 16]
Ang mga tao buhat sa maraming lupain ay nakaririnig ng mabuting balita sa Atenas