“Ibinagsak, Ngunit Hindi Napuksa”
AYON SA PAGLALAHAD NI ULF HELGESSON
Noong Hulyo 1983, ang mga doktor na nakadunghal sa akin ay bumulalas: “Gising na siya!” Isang tumor na may habang 12 sentimetro ang inalis sa aking gulugod sa napakaselang na 15-oras na operasyon. Ganap akong nalumpo.
PAGKALIPAS ng ilang araw, inilipat ako sa isang ospital na halos 60 kilometro mula sa aking sariling bayan sa Hälsingborg, sa katimugan ng Sweden. Doon ay sumali ako sa isang programa upang mapanauli ang aking lakas. Sinabi ng physiotherapist na ito’y mangangailangan ng lubusang pagtitiyaga, gayunma’y sabik na sabik na akong magsimula. Talagang gusto kong makalakad-muli. Sa aking masikap na pagpapatuloy sa limang-oras-bawat-araw na programa ng pag-eehersisyo, naging mabilis ang aking pagbuti.
Pagkaraan ng isang buwan nang dumalaw sa aming kongregasyon ang naglalakbay na tagapangasiwa, siya at ang iba pang Kristiyanong matatanda ay nagbiyahe nang malayo upang doon sa aking silid sa ospital ganapin ang pulong ng matatanda sa kongregasyon. Gayon na lamang ang kagalakan ng aking puso sa pagpapatunay na ito ng pag-ibig sa kapatid! Pagkatapos ng pulong ay naghain ang mga nars sa ward ng tsa at tinapay sa buong grupo.
Sa pasimula ay nagulat ang mga doktor sa aking pagbuti. Pagkalipas ng tatlong buwan nakauupo na ako sa aking silyang de-gulong at nakatatayo pa nga nang ilang sandali. Ako’y natuwa at lubusang determinadong makalakad-muli. Ang aking pamilya at kapuwa mga Kristiyano ay nagbibigay ng napakaraming pampatibay-loob kapag sila’y dumadalaw. Nakauuwi pa nga ako pasanda-sandali.
Isang Mabigat na Hadlang
Subalit pagkaraan nito, hindi na ako nakaramdam ng pagbuti. Di-nagtagal ay sinabi sa akin ng physiotherapist ang mapait na balita: “Hanggang diyan na lamang ang iyong pagbuti!” Ang tunguhin ngayon ay ang palakasin ako upang makakilos na mag-isa sa silyang de-gulong. Naiisip ko kung ano kaya ang mangyayari sa akin. Papaano ang aking asawa? Siya man ay nagkaroon na rin ng maselang na operasyon at kinailangan ang aking tulong. Kakailanganin kayang alagaan ako sa ospital habang panahon?
Gayon na lamang ang aking panlulumo. Unti-unting naubos ang aking lakas, tibay ng loob, at puwersa. Lumipas ang mga araw, at ako’y nanatiling hindi makakilos. Hindi lamang ako paralisado sa pisikal kundi ako’y manhid na rin sa emosyon at espirituwal. Ako’y ‘ibinagsak.’ Lagi kong itinuturing noon ang aking sarili na malakas sa espirituwal. Matibay ang pagkakaugat ng aking pananampalataya sa Kaharian ng Diyos. (Daniel 2:44; Mateo 6:10) Kumbinsido ako sa pangako ng Bibliya na lahat ng sakit at karamdaman ay pagagalingin sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos at na ang buong sangkatauhan ay isasauli sa sakdal na buhay roon. (Isaias 25:8; 33:24; 2 Pedro 3:13) Ngayon ay nararamdaman kong ako’y paralisado hindi lamang sa pisikal kundi sa espirituwal man. Nadama kong ako’y ‘napuksa.’—2 Corinto 4:9.
Bago ako magpatuloy, hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ang ilang bagay tungkol sa akin.
Isang Maligayang Pamilya
Ako’y ipinanganak noong 1934, at naging mabuti naman ang aking kalusugan. Sa pagsisimula ng dekada 1950, nakilala ko si Ingrid, at kami’y nagpakasal noong 1958 at nanirahan sa bayan ng Östersund, sa gitnang Sweden. Isang malaking pagbabago sa aming buhay ang naganap nang kami’y magsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova noong 1963. Noon ay may tatlo na kaming maliliit na anak—sina Ewa, Björn, at Lena. Di-nagtagal at ang aming buong pamilya ay nakikipag-aral na at sumusulong na mabuti sa pag-alam ng mga katotohanan sa Bibliya.
Di pa nalalaunan pagkatapos na kami’y magsimulang makipag-aral, lumipat kami sa Hälsingborg. Doon, inialay naming mag-asawa ang aming sarili kay Jehova at binautismuhan kami noong 1964. Higit kaming lumigaya nang mabautismuhan ang aming panganay na anak, si Ewa, noong 1968. Pagkaraan ng pitong taon, noong 1975, sina Björn at Lena ay nabautismuhan din, at nang sumunod na taon ay naatasan akong matanda sa Kristiyanong kongregasyon.
Ang aking sekular na trabaho ay nagpangyari sa akin na mapaglaanang mabuti ng materyal na mga pangangailangan ang aking pamilya. At lalo pang sumidhi ang aming kaligayahan ng pumasok sina Björn at Lena sa pambuong-panahong ministeryo. Naanyayahan agad si Björn na maglingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Arboga. Ang buhay, wika nga, ay nakangiti sa amin. Pagkatapos, sa pagsisimula ng 1980, nagsimula akong makaramdam ng mga pisikal na epekto ng tumor na sa wakas ay inalis sa maselang na operasyong iyon noong 1983.
Pananagumpay sa Pagkalumpo sa Espirituwal
Nang sabihin sa akin na hindi na ako makalalakad pang muli, para bang gumuhong lahat ang aking pag-asa. Papaano ko napanumbalik ang aking espirituwal na lakas? Mas madali kaysa sa aking akala. Dinampot ko lamang ang aking Bibliya at sinimulang basahin. Habang patuloy ang aking pagbasa, patuloy rin ang pagtanggap ko ng espirituwal na lakas. Higit sa lahat ay hinangaan ko ang Sermon sa Bundok ni Jesus. Paulit-ulit ko itong binasa at binulay-bulay.
Nanumbalik ang aking maligayang pangmalas sa buhay. Sa pagbabasa at pagbubulay-bulay, nagsimula akong makatanaw ng mga pagkakataon sa halip na mga hadlang. Naisauli ang aking hangarin na ibahagi sa iba ang mga katotohanan ng Bibliya, at nasapatan ko ang hangaring ito sa pamamagitan ng pagpapatotoo sa mga tauhan ng ospital at sa iba pa na aking nakilala. Lubusan akong sinuportahan ng aking pamilya at sila’y nagsanay kung papaano ako aalagaan. Nang bandang huli ay nakalabas din ako sa ospital.
Sa wakas ay nakauwi na ako. Anong ligaya ng araw na iyon para sa aming lahat! Gumawa ng iskedyul ang aking pamilya kasali na ang pag-aalaga sa akin. Ang aking anak na lalaki, si Björn, ay nagpasiyang iwan ang gawain sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova, at umuwi upang makatulong sa pag-aalaga sa akin. Tunay na nakaaaliw na maging tampulan ng pagmamahal at pagmamalasakit ng aking pamilya.
Pagharap sa Isa Pang Hadlang
Gayunman, sa paglipas ng panahon, humina ang aking katawan, at hindi ako halos makakilos. Sa wakas, sa kabila ng tapat na pagsisikap ng aking pamilya, hindi na rin nila makayanan na ako’y arugain pa sa aming tahanan. Kaya inakala kong mas makabubuti na ako’y dalhin na sa nursing home. Muli, ito’y nangangahulugan ng mga pagbabago at isang bagong rutin. Subalit hindi ko hinayaang ito’y maging hadlang sa espirituwal.
Hindi ko kailanman itinigil ang pagbabasa at pagsasaliksik sa Bibliya. Palagi kong iniisip kung ano ang aking magagawa, hindi yaong kung ano ang hindi ko magagawa. Binulay-bulay ko ang espirituwal na mga pagpapalang taglay ng lahat ng mga Saksi ni Jehova. Nanatili akong malapit kay Jehova sa panalangin at ginamit ko ang lahat ng pagkakataon upang makapagpatotoo sa iba.
Sa ngayon ay ginugugol ko ang magdamag at ilang bahagi ng mga araw sa nursing home. Ang hapon at gabi ay ginugugol ko naman sa aming bahay o sa aming mga pulong Kristiyano. Isinaayos ng serbisyo munisipal ang regular na transportasyon papunta’t pauwi sa mga pulong at papunta’t pauwi sa aming bahay. Ang aking tapat na pamilya, ang mga kapatid sa kongregasyon, at ang mga tauhan sa nursing home ay nag-alaga sa akin sa isang kahanga-hangang paraan.
Paggawa ng Aking Makakaya
Hindi ko itinuturing ang aking sarili na imbalido, at hindi ako pinakikitunguhan ng aking pamilya na gaya nito, ni ang aking mga kapatid na Kristiyano. Ako’y buong-pagmamahal na inaruga, anupat nakayanan kong ipagpatuloy ang aking mabisang paglilingkod bilang matanda. Pinangangasiwaan ko ang Pag-aaral sa Aklat ng Kongregasyon linggu-linggo, gayundin ang lingguhang pag-aaral ng kongregasyon sa Ang Bantayan sa Kingdom Hall. Nahihirapan akong buklatin ang mga pahina ng Bibliya, kaya may inatasan upang tumulong sa akin na gawin ito sa mga pulong. Pinangangasiwaan ko ang mga pulong at nagbibigay ng pahayag habang nasa aking silyang de-gulong.
Kaya nga nagagawa ko pa rin ang maraming bagay na kinagigiliwan kong gawin noon, kasali na ang pagpapastol. (1 Pedro 5:2) Nagagawa ko ito kapag ang mga kapatid ay lumalapit sa akin para humingi ng tulong o ng payo. Ginagamit ko rin ang telepono, anupat ako na ang nagkukusang tawagan ang iba. Ang ibinubungang pampatibay-loob ay naging para sa isa’t isa. (Roma 1:11, 12) Isang kaibigan ang nagsabi kamakailan: “Tamang-tama kapag ako’y nasisiraan ng loob, tumatawag ka upang ako’y pasiglahin.” Ngunit ako man ay napatitibay, sa pagkaalam na pinagpapala ni Jehova ang aking mga pagsisikap.
Bago at pagkatapos ng pulong, nagkakaroon ako ng mainam na pakikisalamuha sa mga bata sa kongregasyon. Yamang ako’y nakaupo sa aking silyang de-gulong, nag-uusap kami sa isa’t isa nang magkapantay ang mga mata. Hinahangaan ko ang kanilang pagkamatapat at pagkaprangko. Minsa’y sinabi sa akin ng isang batang lalaki: “Kayo po’y isang pambihirang guwapong imbalido!”
Sa pag-uukol ng pansin sa kung ano ang aking magagawa sa halip na mabahala sa kung ano ang hindi ko magagawa, nasisiyahan ako sa paglilingkod kay Jehova. Marami akong natutuhan sa nangyari sa akin. Napagtanto kong tayo’y sinasanay at pinalalakas ng mga pagsubok na ating dinaranas.—1 Pedro 5:10.
Maraming malulusog na tao, napansin ko, ang hindi nakauunawa na dapat tayong maging taimtim sa pagsamba sa ating makalangit na Ama. Kung hindi, ang ating iskedyul ng pag-aaral, mga pulong, at ministeryo sa larangan ay maaaring maging rutin na lamang. Itinuturing ko ang mga paglalaang ito na napakahalaga upang makaligtas sa wakas ng sanlibutang ito tungo sa ipinangako ng Diyos na makalupang Paraiso.—Awit 37:9-11, 29; 1 Juan 2:17.
Dapat na panatilihin nating nag-aalab sa ating mga puso ang pag-asa ng buhay sa darating na bagong sanlibutan ng Diyos. (1 Tesalonica 5:8) Natutuhan ko rin na huwag sumuko sa pakikipaglaban sa anumang tendensiya ng panghihina ng loob. Natutuhan kong malasin si Jehova bilang aking Ama at ang kaniyang organisasyon bilang aking Ina. Napagtanto ko na kung tayo’y magsisikap, magagamit ni Jehova ang sinuman sa atin upang maging isang epektibong lingkod niya.
Kahit na kung minsan ay nadarama kong ako, wika nga’y ‘ibinagsak,’ hindi naman ako ‘napuksa.’ Hindi ako kailanman pinabayaan ni Jehova at ng kaniyang organisasyon, maging ng aking pamilya at ng aking mga kapatid na Kristiyano. Salamat na lamang at kinuha ko ang Bibliya at pinasimulang basahin iyon, napanumbalik ang aking espirituwal na lakas. Tumatanaw ako ng utang na loob sa Diyos na Jehova, na nagbibigay ng “lakas na higit sa karaniwan” kapag tayo’y nagtitiwala sa kaniya.—2 Corinto 4:7.
Taglay ang lubusang pananalig at ganap na pagtitiwala kay Jehova, ako’y nananabik sa pagtanaw sa kinabukasan. Nananalig akong sa malapit na hinaharap tutuparin ng Diyos na Jehova ang kaniyang pangako hinggil sa isasauling paraiso dito sa lupa lakip ang lahat ng kahanga-hangang pagpapala na idudulot nito.—Apocalipsis 21:3, 4.