Pagpapalaganap ng Katotohanan ng Bibliya sa Portugal
BUHAT sa Caminha sa hilaga hanggang sa Vila Real de Santo Antônio sa timog, libu-libong makukulay na bangkang pangisda ang nakakalat sa 800 kilometro ng Baybaying Atlantiko sa Portugal. Maraming siglo nang ang mga mangingisda ay ‘nagsibaba sa dagat sa kanilang mga barko,’ kung kaya ang isda ang siyang pangunahing pagkaing makikita sa mesa ng mga Portuges.—Awit 107:23.
Sa nakaraang 70 taon, isa pang uri ng pangingisda ang nagaganap sa Portugal. Abalang-abala ang mga Saksi ni Jehova sa pagdadala ng mabuting balita sa sampu-sampung libong simbolikong mga isda. (Mateo 4:19) Noong Mayo 1995 ay may pinakamataas na bilang na 44,650 mamamahayag ng Kaharian—isang katumbasan na 1 sa mga 210 naninirahan. Sa ilang lunsod ang katumbasan ay kalahati nito.
Dahil sa napakaraming manggagawa, ang mga teritoryo sa pagpapatotoo sa maraming lugar ay nagagawa nang halos bawat linggo. Kaya ang mga Saksing Portuges ay listong-listo sa paggamit ng iba’t ibang paraan upang maibahagi sa iba ang kanilang pag-asa sa Bibliya. Oo, nauunawaan nila ang kahalagahan ng pagpapakilala ng katotohanan ng Bibliya sa lahat ng paraan na posible.—1 Corinto 9:20-23.
Pagtulong sa mga Relihiyoso
Ayon sa isang sensus noong 1991, 70 porsiyento ng mga may edad na 18 o higit pa sa Portugal ay nagpapakilalang mga Romano Katoliko. Sa kabila nito, kakaunti ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Bibliya. Ganito ang sabi ng pahayagang Jornal de Notícias: “Ito ang isa sa pinakamalaking trahedya sa Katolikong daigdig: Ang kawalang-alam sa Bibliya!” Bakit ganito ang kalagayan? Tinutukoy ng Portuges na pahayagang Expresso ang sagot. Sa pag-uulat tungkol sa isang pulong ng 500 pari sa Fátima, sinabi ng pahayagan: “Ayon sa prelado, mahalaga na palayain ng pari mismo ang kaniyang sarili buhat sa walang-katapusang dami ng mga gawain upang sa gayo’y pantanging maitatag niyang muli ang kaniyang katayuan bilang ‘tagapaghayag.’ . . . Kung magiging buong-kaluluwa ang pari sa pangangaral ng Ebanghelyo, hindi na siya magkakaroon pa ng panahon para sa ibang gawain.”
Sa kabaligtaran, abalang-abala naman ang mga Saksi ni Jehova sa Portugal sa pagpapakilala ng katotohanan ng Bibliya sa lahat ng posibleng paraan. Bunga nito, nagtatamo ng kaalaman sa Bibliya ang maraming taimtim na mga Katoliko.
Si Carlota ay isang debotong Katoliko at miyembro ng isang grupo ng mga kabataan sa isang relihiyosong orden. Siya ay isa ring guro sa kindergarten kung saan si Antônio, na isang Saksi, ay nagtatrabaho. Bilang isang regular pioneer, o pambuong-panahong ministro, laging sinisikap ni Antônio na ipakipag-usap ang Bibliya sa kaniyang mga kamanggagawa sa panahon ng tanghalian. Isang araw ay tinanong siya ni Carlota tungkol sa paniniwala sa apoy ng impiyerno at sa pagsamba kay Maria. Ipinakita sa kaniya ni Antônio kung ano ang itinuturo ng Bibliya sa mga paksang ito, at iyon ang pasimula ng maraming talakayan sa Bibliya. Nang dumalo si Carlota sa kaniyang unang pulong sa lokal na Kingdom Hall, siya’y lubhang humanga. Gayunman, ang oras ng mga pulong ay natapat sa mga pulong ng relihiyosong orden na kinaaaniban niya. Natanto niya na kailangan niyang magpasiya. Ano kaya ang gagawin niya?
Tinipon ni Carlota ang buong grupo ng mga kabataan at ipinaliwanag mula sa Bibliya kung bakit siya nagbibitiw. Pinuna ng lahat ang kaniyang desisyon, maliban sa isang batang babae na nagngangalang Stela, na matamang nakinig. Nang kausapin siya ni Carlota nang bandang huli, maraming itinanong si Stela tungkol sa pinagmulan at layunin ng buhay. Binigyan siya ni Carlota ng aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?a at nagpasimula ng pakikipag-aral ng Bibliya sa kaniya.
Samantala, naging mabilis ang espirituwal na pagsulong ni Carlota, siya’y nabautismuhan noong Hunyo 1991, at nagsimulang maglingkod bilang isang regular pioneer pagkaraan ng anim na buwan. Noong Mayo 1992 ay nagpakasal sila ni Antônio, anupat magkasamang nagpatuloy sa pagpapayunir sa isang karatig na kongregasyon na doo’y may malaking pangangailangan. At si Stela? Nabautismuhan siya noong Mayo 1993 at ngayon ay naglilingkod bilang isang regular pioneer.
Napakarelihiyoso ng kabataang si Francisco. Tuwing Linggo ay nakikinig siya ng Misa sa umaga at ng pagdarasal ng Rosaryo sa bandang hapon. Naglilingkod siya bilang sakristan, na tumutulong sa pari sa panahon ng Misa. Nananalangin pa man din siya sa Diyos na sana siya’y gawing “santo” balang araw!
Talagang gustung-gusto ni Francisco na magkaroon ng Bibliya, at isang araw ay binigyan siya nito ng isang kaibigan. Nagulat siya nang malaman niyang may pangalan ang Diyos, na Jehova. (Exodo 6:3; Awit 83:18) Nang mabasa niya sa Exodo 20:4, 5 na ipinagbabawal ng Diyos ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba, lalo pa siyang nagulat! Palibhasa’y nakikitang punung-punô ng mga imahen ang simbahan, siya’y marubdob na nanalangin sa Diyos na tulungan siyang maunawaan ang lahat ng kalituhang ito. Pagkaraan ng ilang araw ay nakausap niya ang isang dating kaeskuwela at tinanong niya siya kung bakit hindi na siya pumapasok sa paaralan sa gabi.
“Dumadalo ako ngayon sa isang mas mahusay na paaralan sa gabi,” sagot ng kaniyang kaibigan.
“Anong paaralan iyan, at ano ang iyong pinag-aaralan?” tanong ni Francisco. Siya’y totoong nagulat sa isinagot ng kaibigan.
“Ako’y nag-aaral ng Bibliya sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova,” ang sabi ng kaniyang kaibigan. “Gusto mo bang sumama?”
Hindi makapaniwala si Francisco sa nakita niya sa kaniyang unang pulong—masasaya, nakangiting mga mukha; mga taong nakikipag-usap sa isa’t isa nang magiliw at palakaibigan; mga batang nakaupo sa tabi ng kanilang mga magulang at nagtutuon ng pansin sa ipinapahayag.
“Narito ako, ibang tao, at para akong bahagi ng pamilya!” ang naibulalas ni Francisco. Regular na siyang dumadalo sa mga pulong mula noon. Ngayon si Francisco ay naglilingkod bilang isang matanda sa kongregasyon, at kasama ng kaniyang asawa at dalawang anak, nagagalak siya sa mga dakilang pangako ng Kaharian na nasa Salita ng Diyos.
Ibinabahagi ang Katotohanan sa mga Kamag-anak
Si Manuela, isang regular pioneer sa lugar ng Lisbon, ay maraming nahuhuling espirituwal na isda dahil sa kaniyang pagtitiyaga sa may kabaitang pagpapatotoo sa lahat, kasali na ang mga kamag-anak. Kabilang sa kanila ang kaniyang kapatid sa laman, si José Eduardo, na nagsanay sa karate at sa paggamit ng mga sandata. Maraming beses na niyang nilabag ang batas anupat sa wakas siya ay nilitis sa 22 bintang at nasentensiyahan ng 20 taóng pagkabilanggo. Siya’y totoong marahas anupat kinatatakutan siya maging ng mga kapuwa bilanggo, at siya’y ikinulong na mag-isa sa isang nakabukod na selda.
Sa loob ng pitong taon ay matiyagang dinadalaw ni Manuela si José Eduardo, ngunit lagi nitong tinatanggihan ang kaniyang mensahe sa Bibliya. Sa wakas, nang ilathala ang aklat na Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation?, tinanggap niya iyon, at napasimulan ang pag-aaral sa Bibliya. Malaki kaagad ang naging pagbabago sa kaniyang paggawi. Pagkaraan ng isang linggo ay nagpatotoo siya sa 200 bilanggo, at nang sumunod na linggo ay sa 600 pa. Pinahintulutan pa siyang dumalaw sa mga bilanggo sa ibang gusali ng bilangguan. Dahil sa kapansin-pansing pagbabago sa kaniyang asal, ang sentensiya ay bumaba ng 15 taon. Pagkatapos na mabilanggo ng 10 taon, pinalaya siya sa ilalim ng probasyón. Limang taon na ang nakalipas mula noon, at si José Eduardo ay isa na ngayong bautisadong Saksi ni Jehova, anupat naglilingkod bilang ministeryal na lingkod sa lokal na kongregasyon. Tunay na ito’y isang kaso ng ‘lobo na tumatahang kasama ng kordero’!—Isaias 11:6.
Dahil sa kaniyang patuloy na pagsisikap na magpatotoo sa kaniyang pamilya, taglay ni Manuela ang kagalakan na matulungan ang kaniyang asawa at apat pang miyembro ng kaniyang pamilya na maging aktibo sa paglilingkod kay Jehova. Ang kaniyang asawa ay isa na ngayong ministeryal na lingkod.
“Palalayasin Ko Sila sa Pamamagitan ng Tadyak at Pamalo”
Si Maria do Carmo ay nakatira sa isang lugar sa labas ng Lisbon nang dumalaw sa kaniya ang mga Saksi. Nagustuhan niya ang kaniyang narinig at tinanong niya ang kaniyang asawa, si Antônio, kung maaari siyang mag-aral ng Bibliya sa tahanan. “Huwag na huwag mong gagawin iyan!” ang sagot niya. “Kapag may naabutan akong mga Saksi ni Jehova sa ating bahay, palalayasin ko sila sa pamamagitan ng tadyak at pamalo.” Nagkataon naman na si Antônio ay isang instruktor sa karate at black-belter sa ikatlong antas. Kaya nagpasiya si Maria do Carmo na mag-aral na lamang sa ibang lugar.
Pagkaraan, si Antônio ay kinailangang pumunta sa Inglatera para sa isang walong-araw na kurso sa karate, at maingat na inilagay ni Maria do Carmo sa maleta ni Antônio ang publikasyong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya.b Yamang malaki ang panahon ni António sa biyaheng ito, binasa niya ang aklat. Sa kaniyang biyahe pauwi, isang malakas na bagyo ang yumugyog sa eroplano, at nahirapan itong lumapag. Sa kauna-unahang pagkakataon sa kaniyang buhay, nanalangin si Antônio kay Jehova.
Nang makauwi na si Antônio, siya ay inanyayahang dumalo sa pulong ng Saksi na nagdaraos ng pag-aaral sa kaniyang asawa. Pinaunlakan niya iyon at nasumpungan niyang ang lahat ay totoong palakaibigan. Isinaayos ang isang pag-aaral sa Bibliya, at di-nagtagal, batid na ni Antônio na siya ay kailangang magpasiya. Ang kinalabasan ay huminto na siya sa pagtuturo ng karate at nagsimulang turuan ang kaniyang mga estudyante kung papaano mamumuhay nang payapa ngayon at magpakailanman. Isa sa kanila, na isa ring black-belter, ay bautisadong Kristiyano na ngayon.
Si Antônio naman ay nabautismuhan noong Abril 1991. Isang araw pagkaraan ng kaniyang bautismo, nagsimula siyang maglingkod bilang auxiliary pioneer. Pagkaraan ng anim na buwan siya’y naging isang regular pioneer, at di-nagtagal ay nagdaraos na siya ng 12 pag-aaral ng Bibliya sa tahanan. Noong Hulyo 1993 siya ay nahirang bilang ministeryal na lingkod sa kongregasyon.
Sa Madalas na Magawang Teritoryo
Sa maraming lugar sa bansa, nagagawa ang teritoryo nang halos bawat linggo. Papaano isinasagawa nang mabunga ng mga Saksi ang kanilang gawaing “pangingisda”?
Sinisikap ni João na makausap ang lahat ng tao sa bawat tahanan. Nang dinadalaw ang isang ginang, itinanong niya kung may iba pang nakatira sa tahanan. Sumagot ang ginang na nakatira roon ang kaniyang asawa at dalawang anak na lalaki, ngunit hindi sila madaling makakausap dahil sila’y nagtatrabaho at nasa tahanan lamang kung gabi. Kaya nagpatuloy na si João at dinalaw ang iba sa lugar na iyon. Pagkaraan ng isa at kalahating oras, nilapitan siya ng isang lalaki.
“Ibig mo raw makipag-usap sa akin,” sabi ng lalaki kay João. “Pakisuyong sabihin mo sa akin kung ano ang kailangan mo.”
“Mawalang-galang na, pero hindi ko kayo kilala,” ang sagot ni João, palibhasa’y nagulat. “Sino ba kayo?”
“Ako si Antônio, at dito ako nakatira sa kalyeng ito. Sinabi mo sa aking nanay na ibig mong makausap ang iba pa sa pamilya, kaya hinanap kita para malaman kung ano ang kailangan mo.”
Si João ay lubusang nagpatotoo kay Antônio at nagpasimula ng pag-aaral ng Bibliya sa kaniya. Pagkatapos ng ikalawang pag-aaral, itinanong ni Antônio kung ang pag-aaral ay maaaring idaos nang dalawang beses sa isang linggo. Sa loob lamang ng apat na buwan, sumama na siya kay João at nagsimulang mangaral ng mabuting balita sa kanilang kalye. Pagkaraan ng tatlong buwan, siya ay nabautismuhan. Kamakailan ay nagsimula na ring mag-aral ng Bibliya ang kaniyang ina. Napakahalaga nga na sikaping makausap sa ministeryo ang lahat ng miyembro ng sambahayan!
Ang gayong mga nakatutuwang karanasan ay nagpapakita na malaki pang espirituwal na pangingisda ang kailangang gawin sa katubigan ng Portugal. Pinagpala ni Jehova ng libu-libong sumusulong na pag-aaral sa Bibliya ang masisipag na Saksi roon. Habang patuloy nilang sinisikap ang higit pang mga paraan upang ipakilala ang katotohanan ng Bibliya sa lahat, ang salita ni apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Filipos ay tunay na natutupad sa Portugal ngayon: “Sa bawat paraan . . . si Kristo ay naihahayag.”—Filipos 1:18.
[Mga talababa]
a Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Mapa sa pahina 23]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
ESPANYA
PORTUGAL
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Ginagamit ng mga Saksi sa Portugal ang lahat ng pagkakataon upang ipabatid ang katotohanan ng Bibliya