Masdan Ninyo ang mga Matapat!
“Sino talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?”—APOCALIPSIS 15:4.
1. Anong patotoo ang ibinigay ni J. F. Rutherford tungkol sa pagkamatapat ng kaniyang hinalinhan, si C. T. Russell?
SINIMULAN ni Joseph F. Rutherford, na humalili kay C. T. Russell bilang presidente ng Samahang Watch Tower noong 1917, ang kaniyang pahayag sa libing ni Russell sa pamamagitan ng pagsasabi: “Si Charles Taze Russell ay matapat sa Diyos, matapat kay Kristo Jesus, matapat sa layunin ng kaharian ng Mesiyas. Siya ay lubos na matapat—oo, matapat maging hanggang sa kamatayan.” Tunay, iyan ay isang mainam na papuri para sa isang tapat na lingkod ng Diyos na Jehova. Wala nang hihigit pang papuri ang maibibigay natin sa isang tao kaysa sa pagsasabing naharap niya ang hamon ng pagkamatapat, na siya ay matapat—lubos na matapat.
2, 3. (a) Bakit naghaharap ng hamon ang pagkamatapat? (b) Sino ang nagagayakan din laban sa tunay na mga Kristiyano sa kanilang pagsisikap na maging matapat?
2 Ang pagiging matapat ay naghaharap ng isang hamon. Bakit? Sapagkat ang pagkamatapat ay salungat sa pagkabahala sa sariling kapakanan. Pangunahin sa mga di-matapat sa Diyos ay ang klero ng Sangkakristiyanuhan. Gayundin naman, hindi pa nagkaroon kailanman ng gayon na lamang kalaganap na kataksilan sa mga relasyong pangmag-asawa sa ngayon. Pangkaraniwan na ang pangangalunya. Palasak din ang pagiging di-matapat sa daigdig ng negosyo. Hinggil dito, tayo ay sinabihan: “Maraming manedyer at propesyonal . . . ang naniniwala na tanging ang mga mangmang at ignorante ang matapat sa kanilang mga kompanya sa ngayon.” Ang mga taong “lubhang matapat” ay hinahamak. “Dapat kang maging matapat unang-una at tangi lamang sa iyong sarili” ang siyang sinabi tungkol dito ng presidente ng isang kompanya na nagbibigay ng payo tungkol sa pangangasiwa at paghahanap ng mga tagapangasiwa. Ang pagbanggit ng tungkol sa pagkamatapat sa sarili ay makasisira lamang sa kahulugan ng salita. Ipinaaalaala sa atin nito ang nakasaad sa Mikas 7:2: “Ang isa na matapat ay napawi mula sa lupa.”
3 Sa isang mas malawak na antas, si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay nagagayakan laban sa atin, anupat determinado na italikod tayo sa Diyos. Iyan ang dahilan kung kaya ang mga Kristiyano ay sinabihan sa Efeso 6:12: “Tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” Oo, kailangan nating pakinggan ang babala: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay. Ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.”—1 Pedro 5:8.
4. Anong mga hilig ang nagpapaging napakahirap na maging matapat?
4 Ang mapag-imbot na hilig na minana natin sa ating mga magulang ay nagiging dahilan din kung bakit mahirap maging matapat, gaya ng binanggit sa Genesis 8:21: “Ang hilig ng puso ng tao ay masama”—at mapag-imbot—“mula pa sa kaniyang kabataan.” Tayong lahat ay may suliranin na kagaya ng ipinagtapat ni apostol Pablo na taglay niya: “Ang mabuti na nais ko ay hindi ko ginagawa, subalit ang masama na hindi ko nais ang siyang ginagawa ko.”—Roma 7:19.
Ang Pagkamatapat ay Isang Natatanging Bagay
5, 6. Ano ang masasabi tungkol sa kung ano ang pagkamatapat, at papaano ito binigyang-katuturan?
5 Ang “pagkamatapat” ay isang natatanging salita. Kaya naman sinasabi sa Insight on the Scriptures: “Lumilitaw na walang mga salitang Ingles na eksaktong nagpapahayag ng buong kahulugan ng Hebreo at Griegong mga salita, subalit ang ‘pagkamatapat,’ kasali na, gaya ng karaniwan dito, ang kaisipan ng debosyon at katapatan, kapag ginamit may kaugnayan sa Diyos at sa paglilingkuran sa kaniya, ay halos siyang katumbas na kahulugan.”a Hinggil sa “pagkamatapat” minsan ay sinabi ng Ang Bantayan: “Katapatan, tungkulin, pag-ibig, obligasyon, paninindigan. Anong pagkakatulad ang taglay ng mga salitang ito? Ang mga ito ay iba’t ibang pitak ng pagkamatapat.” Oo, napakaraming kagalingan ang sa totoo’y iba’t ibang pitak lamang ng pagkamatapat. Tunay ngang kapansin-pansin kung gaano kadalas pag-ugnayin sa Kasulatan ang pagkamatapat at ang katuwiran.
6 Nakatutulong din ang sumusunod na mga katuturan: ‘Ang pagkamatapat ay maaaring magpakita ng patuloy, maaasahang katapatan at paninindigan, panatag laban sa anumang pag-aatubili o tukso.’ ‘Ang pagkamatapat ay nagpapahiwatig ng katapatan sa binitiwang salita o patuloy na paninindigan sa institusyon o mga simulain na itinalaga ng isa para sa kaniyang sarili; ang termino ay nagpapahiwatig hindi lamang ng pagsunod kundi ng pagtangging maakit at mahikayat palayo sa pagsunod na iyan.’ Sa gayon, ang mga taong patuloy na tapat sa kabila ng mga pagsubok, oposisyon, at pag-uusig ay karapat-dapat na tawaging “matapat.”
7. Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkamatapat at ng katapatan?
7 Gayunman, hinggil dito, makabubuting ilarawan ang pagkakaiba sa pagitan ng pagkamatapat at ng katapatan. Sa kanlurang Estados Unidos, may isang bukal na halos bawat oras ay bumubuga ng tubig at singaw. Gayon na lamang ang pagiging regular nito anupat iyon ay tinawag na ang Matandang Tapat. Bumabanggit ang Bibliya tungkol sa katapatan ng mga bagay na walang buhay gaya ng buwan, sapagkat ito ay maaasahan. Bumabanggit ang Awit 89:37 tungkol sa buwan bilang “isang tapat na saksi sa sangkalangitan.” Ang mga salita ng Diyos ay sinasabing tapat. Ganito ang sabi ng Apocalipsis 21:5: “Ang Isa na nakaupo sa trono ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.’ Gayundin, sinabi niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at totoo.’ ” Lahat ng ito ay tapat, maaasahan, ngunit ang mga ito ay walang kakayahang maging malapit o magkaroon ng moral na mga katangian, tulad ng pagkamatapat.
Si Jehova, ang Pangunahing Isa na Matapat
8. Anong maka-Kasulatang patotoo ang nagpapakilala sa pinakamainam na halimbawa ng pagkamatapat?
8 Walang alinlangan, ang Diyos na Jehova ang pinakamainam na halimbawa ng pagkamatapat. Matapat si Jehova sa lahi ng tao, anupat inilaan pa nga ang kaniyang Anak upang ang mga tao ay magtamo ng walang-hanggang buhay. (Juan 3:16) Sa Jeremias 3:12, ganito ang mababasa natin: “ ‘Magbalik kayo, O taksil na Israel,’ ang kapahayagan ni Jehova. ‘Hindi ako titingin nang may galit sa inyo, sapagkat ako ay matapat.’ ” Higit pang nagpapatotoo sa pagkamatapat ni Jehova ay ang mga salita na nakaulat sa Apocalipsis 16:5: “Ikaw, ang Isa na ngayon at nang nakaraan, ang Isa na matapat, ay matuwid.” At muli, sa Awit 145:17, tayo ay sinabihan: “Si Jehova ay matuwid sa lahat ng kaniyang mga daan at matapat sa lahat ng kaniyang mga gawa.” Sa katunayan, totoong namumukod-tangi si Jehova sa kaniyang pagkamatapat anupat sinasabi ng Apocalipsis 15:4: “Sino talaga ang hindi matatakot sa iyo, Jehova, at luluwalhati sa iyong pangalan, sapagkat ikaw lamang ang matapat?” Ang Diyos na Jehova ay matapat sa pinakamataas na antas.
9, 10. Anong rekord ng pagkamatapat ang ginawa ni Jehova may kinalaman sa kaniyang pakikitungo sa bansang Israel?
9 Ang kasaysayan ng bansang Israel ay partikular na nagtataglay ng saganang patotoo sa pagkamatapat ni Jehova sa kaniyang bayan. Noong mga kaarawan ng mga Hukom, paulit-ulit na tumalikod ang Israel buhat sa tunay na pagsamba, subalit paulit-ulit namang nalungkot si Jehova at iniligtas sila. (Hukom 2:15-22) Sa loob ng limang siglo na ang Israel ay may mga hari, ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagkamatapat sa bansang iyan.
10 Ang pagkamatapat ni Jehova ang nagpangyari sa kaniya na maging matiisin sa kaniyang bayan, gaya ng binanggit sa 2 Cronica 36:15, 16: “Si Jehova na Diyos ng kanilang mga ninuno ay patuloy na nagsugo laban sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero, anupat paulit-ulit na nagsugo, dahil nakadama siya ng pagkamadamayin sa kaniyang bayan at para sa kaniyang tahanan. Subalit kanilang patuloy na tinutuya ang mga mensahero ng tunay na Diyos at hinahamak ang kaniyang mga salita at kinukutya ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang matinding galit ni Jehova ay bumugso laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagamutan.”
11. Anong katiyakan o kaaliwan ang inilalaan sa atin ng pagkamatapat ni Jehova?
11 Sapagkat si Jehova ang matapat na nakahihigit sa lahat, maisusulat ni apostol Pablo, gaya ng nakaulat sa Roma 8:38, 39: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan kahit ang buhay kahit ang mga anghel kahit ang mga pamahalaan kahit ang mga bagay na narito ngayon kahit ang mga bagay na darating kahit ang mga kapangyarihan kahit ang taas kahit ang lalim kahit ang anumang iba pang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na nasa kay Kristo Jesus na ating Panginoon.” Oo, tinitiyak sa atin ni Jehova: “Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.” (Hebreo 13:5) Tunay, nakaaaliw na malamang ang Diyos na Jehova ay laging matapat!
Si Jesu-Kristo, ang Anak na Matapat
12, 13. Anong patotoo mayroon tayo hinggil sa pagkamatapat ng Anak ng Diyos?
12 Ang lubusang tumutulad kay Jehova sa pagharap sa hamon ng pagkamatapat noon at ngayon ay si Jesu-Kristo. Angkop nga na sipiin ni apostol Pedro ang Awit 16:10 at ikapit iyon kay Jesu-Kristo sa Gawa 2:27: “Hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa Hades, ni ipahihintulot mo man na ang iyong matapat na isa ay makakita ng kasiraan.” Karapat-dapat nga na ipakilala si Jesu-Kristo bilang ang “matapat na isa.” Sa lahat ng paraan, siya ay matapat sa kaniyang Ama at sa ipinangakong Kaharian ng Diyos. Unang sinubukan ni Satanas na sirain ang integridad ni Jesus sa pamamagitan ng pagtukso, pag-akit ukol sa sariling kapakanan. Yamang nabigo rito, bumaling ang Diyablo sa pag-uusig, anupat sa wakas ay pinapangyari ang kamatayan ni Jesus sa pahirapang tulos. Kailanman ay hindi lumihis si Jesus kung tungkol sa kaniyang pagkamatapat sa kaniyang makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova.—Mateo 4:1-11.
13 Si Jesu-Kristo ay naging matapat sa kaniyang mga tagasunod sa pagtupad sa kaniyang pangako na nakaulat sa Mateo 28:20: “Narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.” Bilang katuparan ng pangakong iyan, siya’y matapat na nangunguna sa kaniyang kongregasyon mula noong Pentecostes 33 C.E. hanggang sa kasalukuyan.
Di-sakdal na mga Tao na Naging Matapat
14. Anong halimbawa ng pagkamatapat ang ipinakita ni Job?
14 Ngayon, kumusta naman ang mga taong di-sakdal? Maaari ba silang maging matapat sa Diyos? Mayroon tayong natatanging halimbawa kay Job. Tiniyak ni Satanas ang isyu sa kaniyang kaso. Matapat ba si Job sa Diyos na Jehova, o naglilingkod lamang siya sa kaniya dahil sa sariling kapakanan? Ipinaghambog ni Satanas na maitatalikod niya si Job mula kay Jehova sa pamamagitan ng pagdudulot ng suliranin kay Job. Nang mawalan si Job ng lahat ng kaniyang tinatangkilik, ng lahat ng kaniyang anak, at maging ng kaniyang kalusugan, hinimok siya ng kaniyang asawa: “Sumpain mo ang Diyos at mamatay ka!” Subalit matapat si Job, sapagkat sinabi niya sa kaniya: “ ‘Kung paanong nagsasalita ang isa sa mga hangal na babae, gayon ka rin nagsasalita. Tatanggapin ba lamang natin ang mabuti mula sa tunay na Diyos at hindi na tatanggapin ang masama?’ Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job ng kaniyang mga labi.” (Job 2:9, 10) Sa katunayan, sa kaniyang diumano’y mga mang-aaliw, sinabi ni Job: “Bagaman paslangin ako [ng Diyos], gayunma’y aasa ako sa kaniya.” (Job 13:15, New International Version) Hindi nga nakapagtataka na natamo ni Job ang pagsang-ayon ni Jehova! Kaya naman, ganito ang sabi ni Jehova kay Elifas na Temanita: “Ang aking galit ay nag-init laban sa iyo at sa iyong dalawang kasama, sapagkat kayo ay hindi nagsalita ng katotohanan tungkol sa akin di-tulad ng aking lingkod na si Job.”—Job 42:7, 10-16; Santiago 5:11.
15. Anong maka-Kasulatang patotoo ang mayroon tayo hinggil sa pagkamatapat ng maraming lingkod ng Diyos na Jehova?
15 Lahat ng lalaki at babaing may pananampalataya na inilarawan sa Hebreo kabanata 11 ay masasabing matapat. Hindi lamang sila tapat kundi matapat din sa harap ng panggigipit. Kaya naman, mababasa natin tungkol sa kanila “na sa pamamagitan ng pananampalataya ay . . . nagtikom ng mga bibig ng mga leon, nagpatigil ng puwersa ng apoy, tumakas sa talim ng tabak . . . Oo, tinanggap ng iba ang kanilang pagsubok sa pamamagitan ng mga panlilibak at mga panghahagupit, ang totoo, higit pa nga riyan, sa pamamagitan ng mga gapos at mga bilangguan. Sila ay binato, sila ay sinubok, sila ay nilagari, sila ay namatay sa pamamagitan ng pagpaslang ng tabak, sila ay nagpagala-gala na nakabalat-tupa, na nakabalat-kambing, samantalang sila ay nasa kakapusan, nasa kapighatian, pinagmamalupitan.”—Hebreo 11:33-37.
16. Anong halimbawa ng pagkamatapat ang inilaan ni apostol Pablo?
16 Naglalaan din ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ng litaw na halimbawa kay apostol Pablo. Angkop ngang masasabi niya sa mga Kristiyanong taga-Tesalonica hinggil sa kaniyang ministeryo: “Kayo ay mga saksi, gayundin ang Diyos, kung paano kami napatunayang matapat at matuwid at di-mapipintasan sa inyo na mga mananampalataya.” (1 Tesalonica 2:10) Mayroon pa tayong patotoo ng pagkamatapat ni Pablo sa kaniyang mga salita na nakaulat sa 2 Corinto 6:4, 5, na doo’y mababasa natin: “Sa bawat paraan ay inirerekomenda namin ang aming mga sarili bilang mga ministro ng Diyos, sa pagbabata ng marami, sa mga kapighatian, sa mga pangangailangan, sa mga kahirapan, sa mga pambubugbog, sa mga bilangguan, sa mga kaguluhan, sa mga pagpapagal, sa mga gabing walang tulog, sa mga panahon na walang pagkain.” Lahat ng ito ay nagpapatunay sa pagtataglay ni apostol Pablo ng paggalang-sa-sarili dahil siya ay matapat.
Mga Matapat sa Modernong Panahon
17. Anong mga salita ni J. F. Rutherford ang nagpakita ng kaniyang determinasyon na maging matapat?
17 Pagsapit ng modernong panahon, mayroon tayong mainam na halimbawa na naisaalang-alang na sa ating introduksiyon. Pansinin ang nakasaad sa aklat na Worldwide Security Under the “Prince of Peace,” sa pahina 146 sa ilalim ng subtitulong “Pagkamatapat sa Panahon ng Pagkabilanggo.” Doon ay sinasabi: “Bilang pagpapamalas ng pagkamatapat sa organisasyon ni Jehova noong panahon ng kaniyang pagkabilanggo, ganito ang isinulat ng presidente ng Samahang Watch Tower, si Joseph F. Rutherford, noong Disyembre 25, 1918: ‘Dahil sa tumanggi akong makipagkompromiso sa Babilonya, kundi buong katapatang nagsikap na maglingkod sa aking Panginoon, ako’y nabilanggo, na ipinagpasalamat ko naman. . . . Higit kong pipiliin ang Kaniyang pagsang-ayon at ngiti at mabilanggo, kaysa makipagkompromiso o magbigay-daan sa Hayop at maging malaya at tamuhin ang papuri ng buong sanlibutan.’ ”b
18, 19. Anong mahuhusay na halimbawa ng pagkamatapat sa modernong panahon ang mayroon tayo?
18 Mayroon tayong mahuhusay na halimbawa ng pagkamatapat sa marami pang ibang Kristiyano na nagbata ng pag-uusig. Kabilang sa gayong mga taong matapat ay ang mga Aleman na Saksi ni Jehova noong panahon ng rehimeng Nazi, gaya ng inilarawan sa video na Purple Triangles, na malawak na ipinamahagi sa wikang Ingles. Kapansin-pansin din ang maraming matapat na Aprikanong Saksi ni Jehova, gaya ng mga nasa Malawi. Doon, isang guwardiya sa bilangguan ang nagpatunay sa pagkamatapat ng mga Saksi, anupat nagsabi: “Hindi sila makikipagkompromiso kailanman. Nadaragdagan lamang sila.”
19 Hindi maaaring basahin ng isang tao ang kamakailang mga Yearbook of Jehovah’s Witnesses nang hindi hahanga sa pagkamatapat na ipinamalas ng mga tunay na Kristiyano, gaya niyaong mga nasa Gresya, Mozambique, at Poland. Marami sa kanila ang dumanas ng matinding pagpapahirap; ang iba ay pinaslang. Ipinakikita sa pahina 177 ng 1992 Yearbook ang mga larawan ng siyam na Kristiyanong lalaki sa Etiopia na humarap sa hamon ng pagkamatapat hanggang sa punto ng kamatayan. Bilang mga Saksi ni Jehova, hindi ba tayo nagagalak na magkaroon ng gayon karaming mahuhusay na halimbawa upang pasiglahin tayo na harapin ang hamon ng pagkamatapat?
20. Ano ang resulta kapag tayo ay nanatiling matapat?
20 Sa pamamagitan ng matapat na paglaban sa mga tukso at panggigipit, nagkakaroon din tayo ng paggalang-sa-sarili. Kaya nga, kaninong panig ibig nating tayo’y masumpungan hinggil sa isyu ng pagkamatapat? Sa pamamagitan ng pagharap sa hamon ng pagkamatapat, pumapanig tayo sa Diyos na Jehova at pinatutunayan na si Satanas na Diyablo ay talaga namang nakasusuklam, ubod-samang sinungaling! Sa gayo’y nakakamtan natin ang pagsang-ayon ng ating Maylikha, ang Diyos na Jehova, at ang gantimpala na walang-hanggang buhay sa kaligayahan. (Awit 37:29; 144:15b) Kung ano ang hinihiling upang maharap ang hamon ng pagkamatapat ang siyang susunod na isasaalang-alang.
[Mga talababa]
a Isang dalawang-tomong ensayklopidya sa Bibliya na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit naghaharap ng hamon ang pagiging matapat?
◻ Bakit masasabi na ang “pagkamatapat” ay isang totoong natatanging salita?
◻ Anong maka-Kasulatang mga halimbawa ang mayroon tayo ng di-sakdal na mga taong matapat?
◻ Anong maiinam na modernong-panahong mga halimbawa ng pagkamatapat ang mayroon tayo?
[Larawan sa pahina 11]
Si Charles Taze Russell
[Larawan sa pahina 12]
Si Jesus ay tunay na ang “matapat na isa” ni Jehova
[Larawan sa pahina 13]
Si Job, bagaman di-sakdal, ay napatunayang matapat sa Diyos
[Larawan sa pahina 14]
Si Pablo ay nagpakita ng mainam na halimbawa ng pagkamatapat kay Jehova