Talaga Bang Kailangan Mong Humingi ng Tawad?
‘HINDI ako kailanman humihingi ng tawad,’ ang isinulat ni George Bernard Shaw. ‘Ang nangyari ay nangyari na,’ baka sabihin ng iba.
Marahil tayo mismo ay atubiling umamin ng pagkakamali sa takot na mapahiya. Baka ikinakatuwiran nating ang problema ay nasa ibang tao. O baka gusto nating humingi ng tawad pero ipinagpapaliban muna iyon hanggang sa palagay nati’y nakalimutan na sa wakas ang bagay na iyon.
Kaya, kung gayon, kailangan pa bang humingi ng tawad? Talaga bang may magagawang anuman ang mga ito?
Pag-ibig ang Umuubliga sa Atin na Humingi ng Tawad
Ang pag-ibig pangkapatid ay isang pagkakakilanlang tanda ng mga tunay na tagasunod ni Jesu-Kristo. Sinabi niya: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Hinihimok ng Kasulatan ang mga Kristiyano na “ibigin nang masidhi ang isa’t isa mula sa puso.” (1 Pedro 1:22) Inuubliga tayo ng masidhing pag-ibig na humingi ng tawad. Bakit? Dahil ang di-kasakdalan ng tao ay di-maiiwasang nagiging sanhi ng kirot ng damdamin na pumipigil sa pag-ibig kung hindi magagamot ang mga ito.
Halimbawa, dahil sa mayroon tayong di-pagkakasundo ng isa na nasa Kristiyanong kongregasyon, baka hindi na natin siya kausapin. Kung tayo ang nagkasala, paano kaya maibabalik ang maibiging kaugnayan? Karaniwan, sa pamamagitan ng paghingi ng tawad at pagkatapos ay pagsisikap na makipag-usap sa magiliw na paraan. Utang natin ang pag-ibig sa ating mga kapananampalataya, at kapag sinabi nating ikinalulungkot natin ang ating pagkakasala, binabayaran natin ang ilan sa utang na iyan.—Roma 13:8.
Upang ilarawan: Matagal nang magkaibigan ang dalawang Kristiyanong babae na sina Mari Carmen at Paqui. Subalit, dahil sa naniwala si Mari Carmen sa isang nakapipinsalang tsismis, lumamig ang pagkakaibigan nila ni Paqui. Tuluyan niyang nilayuan si Paqui nang walang anumang paliwanag. Halos isang taon ang lumipas, nalaman ni Mari Carmen na ang tsismis ay di-totoo. Ano ang ginawa niya? Pag-ibig ang nag-udyok sa kaniya na lumapit kay Paqui at mapakumbabang humingi ng tawad sa kaniyang masamang paggawi. Kapuwa bumaha ang kanilang mga luha, at mula noo’y naging matibay ang kanilang pagkakaibigan.
Bagaman inaakala nating wala tayong ginawang mali, ang paghingi ng tawad ay makalulutas sa di-pagkakaunawaan. Ganito ang nagunita ni Manuel: “Maraming taon na ang nakaraan kaming mag-asawa ay namalagi sa tahanan ng isa sa ating mga kapatid sa espirituwal habang siya’y nasa ospital. Ginawa namin ang aming buong makakaya upang matulungan siya at ang kaniyang mga anak noong siya’y may karamdaman. Subalit nang makauwi na siya, nagreklamo siya sa isang kaibigan na hindi namin inasikasong mabuti ang mga gastusin sa bahay.
“Dumalaw kami at nagpaliwanag na marahil dahil sa aming kabataan at kakulangan ng karanasan, hindi namin naasikaso ang mga bagay-bagay na gaya ng pag-aasikaso niya. Agad siyang tumugon sa pagsasabi na siya ang may utang sa amin at na siya’y totoong nagpapasalamat sa lahat ng nagawa namin para sa kaniya. Nalutas ang suliranin. Ang karanasang iyan ang nagturo sa amin sa kahalagahan ng mapagpakumbabang paghingi ng kapatawaran kapag bumangon ang di-pagkakaunawaan.”
Pinagpala ni Jehova ang mag-asawang ito dahil sa pagpapamalas ng pag-ibig at ‘pagtataguyod ng mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan.’ (Roma 14:19) Kasangkot din sa pag-ibig ang pagsasaalang-alang sa damdamin ng iba. Pinayuhan tayo ni Pedro na magpakita ng “damdaming pakikipagkapuwa.” (1 Pedro 3:8) Kung tayo’y may damdaming pakikipagkapuwa, mas malamang na madama natin ang kirot na idinulot ng ating walang-pakundangang salita o kilos at mauudyukan tayo na humingi ng tawad.
“Magbigkis sa Inyong mga Sarili ng Kababaan ng Pag-iisip”
Maging ang tapat na Kristiyanong matatanda ay maaaring magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pana-panahon. (Ihambing ang Gawa 15:37-39.) Ito ang mga pagkakataon na nakatutulong ang paghingi ng tawad. Ngunit ano ang tutulong sa isang matanda o iba pang Kristiyano na nahihirapang humingi ng tawad?
Pagpapakumbaba ang siyang susi. Nagpayo si apostol Pedro: “Magbigkis sa inyong mga sarili ng kababaan ng pag-iisip sa pakikitungo sa isa’t isa.” (1 Pedro 5:5) Bagaman totoo na sa maraming pagtatalo ay parehong masisisi ang dalawang panig, iisipin ng mapagpakumbabang Kristiyano ang kaniyang sariling pagkukulang at handang aminin ang mga iyon.—Kawikaan 6:1-5.
Ang isa na hinihingan ng tawad ay dapat tumanggap niyaon sa mapagpakumbabang paraan. Bilang paglalarawan, ipagpalagay natin ang dalawang lalaki na kailangang mag-usap ay nakatayo sa taluktok ng dalawang magkaibang bundok. Totoong imposible ang pag-uusap sa pagitan ng bangin na naghihiwalay sa kanila. Gayunman, kapag ang isa sa kanila ay bumaba sa libis at sumunod naman ang isa sa kaniyang halimbawa, madali silang makapag-uusap. Gayundin naman, kung kailangang lutasin ng dalawang Kristiyano ang di-pagkakaunawaan sa pagitan nila, hayaang ang bawat isa ay makipagkita sa isa’t isa sa libis, wika nga, at angkop na humingi ng tawad.—1 Pedro 5:6.
Mahalaga sa Pag-aasawa ang Paghingi ng Tawad
Ang pag-aasawa ng dalawang di-sakdal na tao ay di-maiiwasang nagbubukas ng pagkakataon sa paghingi ng tawad. At kung ang mag-asawa ay parehong may damdaming pakikipagkapuwa, ito ang magtutulak sa kanila na humingi ng tawad kung sila’y nakapagsalita o nakagawa ng nakasasakit. Ganito ang sabi sa Kawikaan 12:18: “May isa na nagsasalita nang walang-pakundangan na gaya ng mga saksak ng isang tabak, ngunit ang dila ng pantas ay nagpapagaling.” Ang ‘walang-pakundangang mga saksak,’ ay hindi na mababawi, ngunit ang mga ito ay maaaring mapagaling ng taimtim na paghingi ng tawad. Sabihin pa, nangangailangan ito ng patuloy na pagsasaalang-alang at pagsisikap.
Tungkol sa kaniyang pag-aasawa, ganito ang sabi ni Susana: “Kami ni Jack* ay 24 na taon nang kasal, pero may natutuklasan pa rin kaming mga bagong bagay tungkol sa isa’t isa. Nakalulungkot, minsan noong nakaraan, naghiwalay kami at namuhay nang magkalayo sa loob ng ilang linggo. Gayunman, nakinig kami sa maka-Kasulatang payo mula sa matatanda at nagbalikan kami. Batid namin ngayon na yamang magkaiba ang aming personalidad, malamang na bumangon ang mga pagkakasalungatan. Kapag nangyayari ito, agad kaming humihingi ng tawad at talagang nagsisikap na unawain ang punto de vista ng isa’t isa. Natutuwa akong sabihin na totoong bumuti ang aming pagsasama.” Sinabi pa ni Jack: “Natutuhan din naming mapansin ang mga sandaling madali kaming magdamdam. Sa gayong panahon ay hinahabaan namin ang aming pasensiya sa isa’t isa.”—Kawikaan 16:23.
Dapat ka bang humingi ng tawad kung inaakala mong wala kang kasalanan? Kapag matinding damdamin ang nasasangkot, mahirap maging makatuwiran tungkol sa kung sino ang dapat sisihin. Ngunit ang mahalaga ay ang kapayapaan sa pag-aasawa. Isaalang-alang si Abigail, isang Israelitang babae na ang asawa’y nakitungo nang masama kay David. Bagaman hindi siya masisisi sa kahangalan ng kaniyang asawa, humingi siya ng tawad. “Pakisuyo, ipagpatawad mo ang pagkakasala ng iyong aliping babae,” ang pagsusumamo niya. Tumugon si David sa pamamagitan ng pagpapakundangan sa kaniya, anupat mapagpakumbabang inamin na kung hindi dahil sa kaniya, baka nakapagbubo na siya ng dugong walang-sala.—1 Samuel 25:24-28, 32-35.
Gayundin naman, nadarama ng isang Kristiyanong babae na nagngangalang June, na 45 taon nang may-asawa, na kailangan sa matagumpay na pag-aasawa ang pagiging handa na maunang humingi ng tawad. Ganito ang sabi niya: “Sinasabi ko sa sarili ko na mas mahalaga ang aming pagsasama kaysa sa aking damdamin bilang isang indibiduwal. Kaya kapag humingi ako ng tawad, nadarama kong nakatutulong ako sa aming pagsasama.” Ganito naman ang sabi ng isang nakatatandang lalaki na nagngangalang Jim: “Humihingi ako ng tawad sa aking kabiyak kahit sa maliliit na bagay. Mula nang sumailalim siya sa isang maselang na operasyon, madali siyang mabalisa. Kaya lagi ko siyang inaakbayan at sinasabi, ‘Pasensiya ka na, Mahal. Hindi ko sinasadyang saktan ka.’ Tulad ng halamang nadiligan, agad siyang sumasaya.”
Kung nasaktan natin ang taong pinakamamahal natin, napakabisa ang agad na paghingi ng tawad. Buong-pusong sumang-ayon si Milagros, na nagsabi: “Wala akong tiwala sa aking sarili, at ang padalus-dalos na salita ng aking asawa ay nakababalisa sa akin. Pero kapag humingi siya ng tawad, lumuluwag kaagad ang aking kalooban.” Angkop naman, ganito ang sabi sa atin ng Kasulatan: “Ang kalugud-lugod na pananalita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.”—Kawikaan 16:24.
Sanayin ang Kakayahang Humingi ng Tawad
Kung nasanay na tayo sa paghingi ng tawad kapag kailangan, malamang na tumugon nang mainam sa atin ang mga tao. At baka humingi pa sila mismo ng tawad. Kapag inaakala nating may nagalit sa atin, bakit hindi ugaliing humingi ng tawad sa halip na sikaping iwasang aminin ang pagkakamali? Maaaring minamalas ng sanlibutan na ang paghingi ng tawad ay tanda ng kahinaan, pero ang totoo ay katunayan ito ng Kristiyanong pagkamay-gulang. Mangyari pa, hindi natin ibig na maging gaya niyaong kumikilala ng pagkakamali gayunma’y minamaliit ang kanilang pananagutan. Halimbawa, humihingi ba tayo ng tawad pero wala naman iyon sa loob natin? Kung dumating tayo nang huli at abut-abot ang paghingi ng tawad, determinado ba tayong pasulungin ang ating pagiging nasa oras?
Kaya, kung gayon, talaga bang kailangan nating humingi ng tawad? Oo, kailangan natin. Utang natin sa ating sarili at sa iba na gawin ang gayon. Makatutulong ang paghingi ng tawad upang maibsan ang kirot na sanhi ng di-kasakdalan, at malulunasan nito ang maiigting na ugnayan. Ang bawat paghingi natin ng tawad ay isang aral sa pagpapakumbaba at nagsasanay sa atin na maging mas makonsiderasyon sa damdamin ng iba. Bunga nito, mamalasin tayo ng mga kapananampalataya, kabiyak, at ng iba bilang karapat-dapat sa kanilang pagmamahal at pagtitiwala. Magkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip, at pagpapalain tayo ng Diyos na Jehova.
[Talababa]
a Hindi ang tunay nilang pangalan.
[Mga larawan sa pahina 23]
Nagtataguyod ng Kristiyanong pag-ibig ang taimtim na paghingi ng tawad