Takot Ka Bang Magtiwala sa Iba?
‘WALA akong makausap. Hindi ako maunawaan ng mga tao. Masyado silang abala sa kanilang sariling mga problema. Wala silang panahon para sa aking mga problema.’ Marami ang nakadarama ng ganito, kaya sinasarili na lamang nila ang mga bagay-bagay. Kapag kinukumusta sila ng iba, madalas na gusto nilang magsabi sa kanila, pero hindi nila ginagawa iyon. Talagang hindi nila masabi ang gusto nila.
Totoo, may mga tao na ayaw tumanggap ng tulong ng iba. Subalit marami ang talagang nangangailangan ng tulong ngunit natatakot na magpahayag ng kanilang mga iniisip, nadarama, at mga karanasan na totoong napakapersonal. Isa ka ba sa kanila? Talaga nga bang walang sinuman ang maaari mong pagkatiwalaan?
Inuunawa ang Pagkatakot
Sa sanlibutan sa ngayon ay laganap ang kawalang-tiwala. Hindi nakikipag-usap ang mga kabataan sa kanilang mga magulang. Hindi makapag-usap ang mga magulang sa isa’t isa. Kakaunti ang handang makipag-usap sa mga may awtoridad. Palibhasa’y di-makapagtapat sa iba, ang ilan ay bumabaling sa alak, droga, o magulong istilo ng pamumuhay upang matakasan ang kanilang mga suliranin.—Kawikaan 23:29-35; Isaias 56:12.
Ang kumpiyansa sa mga taong may awtoridad, tulad ng mga klerigo, doktor, therapist, at mga guro, ay humina dahil sa walang-katapusang pagbubunyag ng pandaraya at imoralidad. Halimbawa, sinasabi ng isang pagtaya na mahigit sa 10 porsiyento ng mga klerigo ay nasasangkot sa mahalay na paggawi. Ang “mga [ito na] sumisira ng pagtitiwala,” komento ng isang manunulat, “ay naghuhukay ng mga bangin, bitak at mga siwang sa ugnayan ng mga tao.” Paano nito naaapektuhan ang kanilang mga kongregasyon? Sumisira ito ng pagtitiwala.
Ang palasak na pagguho ng moral ay humantong din sa isang krisis sa pamilya, hanggang sa punto na ang mga pamilyang may diperensiya ang halos siyang pangkaraniwan, hindi ang eksepsiyon. Dating isang huwarang kapaligiran ang tahanan. Ngayon ito ay madalas na tulad lamang sa isang gasolinahan. Kapag lumalaki ang isang bata sa isang pamilya na “walang likas na pagmamahal,” ang karaniwang resulta ay mga nasa hustong gulang na walang kakayahang magtiwala sa iba.—2 Timoteo 3:3.
Karagdagan pa, habang lalong sumasama ang kalagayan sa sanlibutan, lalo tayong nalalantad sa posibleng nakatatakot na mga karanasan. Sa isang kahawig na situwasyon, sumulat si propeta Mikas: “Huwag kang magtiwala sa isang kompidensiyal na kaibigan.” (Mikas 7:5) Baka ganiyan din ang madama mo pagkatapos ng isang bahagyang pagkabigo, nasirang pagtitiwala, o isang pangyayaring nagsapanganib ng buhay. Nahihirapan kang muling magtiwala sa iba at ikaw ay nagiging walang pakiramdam, anupat nabubuhay sa araw-araw na para bang may pader na nakaharang sa iyong damdamin. (Ihambing ang Awit 102:1-7.) Totoo, baka makatulong ang gayong saloobin upang makakilos ka, subalit ang “kapanglawan ng [iyong] puso” ay nagnanakaw sa iyo ng tunay na kagalakan sa buhay. (Kawikaan 15:13) Ang totoo, upang ikaw ay maging malusog sa espirituwal, emosyonal, mental, at pisikal na paraan, kailangang gibain ang pader na iyon at kailangan mong matutuhang magtiwala sa mga tao. Posible ba ito? Oo.
Bakit Kailangang Gibain ang Pader?
Nakaluluwag sa bagbag na damdamin ang pagtatapat sa iba. Ganito ang naging karanasan ni Hana. Maganda ang pagsasama nila ng kaniyang asawa, panatag ang kanilang tahanan, ngunit siya’y labis na nababagabag. Bagaman ‘naghihinagpis ang kaniyang kaluluwa,’ may katalinuhang ‘nanalangin siya kay Jehova’ nang gayon na lamang kataimtim anupat nanginginig ang kaniyang mga labi. Oo, nagtapat siya kay Jehova. Pagkatapos ay ipinagtapat niya ang nararamdaman niya sa kinatawan ng Diyos na si Eli. Ano ang resulta? “[Si Hana] ay nagpatuloy ng kaniyang lakad at kumain, at ang kaniyang mukha ay hindi na nalumbay.”—1 Samuel 1:1-18.
Kinikilala sa maraming kultura ang kapakinabangan ng kompidensiyal na usapan. Halimbawa, napatunayang nakabubuti ang pakikipagpalitan ng mga ideya at karanasan sa pagitan niyaong may magkakatulad na mga kalagayan. Ganito ang konklusyon ng mga mananaliksik: “Ang pagkikimkim ng damdamin ay nagbubunga ng pagkakasakit—kailangan nating magsalita upang manatiling may katinuan.” Pinatutunayan ng dumaraming resulta ng mga siyentipikong pagsasaliksik ang katotohanan ng kinasihang kawikaan na nagsasabi: “Ang isang nagbubukod ng kaniyang sarili ay humahanap ng kaniyang sariling mapag-imbot na nasa; siya’y nakikipagtalo laban sa lahat ng praktikal na karunungan.”—Kawikaan 18:1.
Kung hindi mo ipahahayag sa iba ang iyong nadarama, paano ka nila matutulungan? Bagaman ang Diyos na Jehova ay nakababasa ng puso, ang kaibuturan ng iyong pag-iisip at damdamin ay lingid sa mga kapamilya at mga kaibigan—malibang ipagtapat mo sa kanila. (1 Cronica 28:9) Kapag ang suliranin ay may kinalaman sa paglabag sa batas ng Diyos, lulubha lamang ito kung ipagpapaliban ang pagtatapat nito.—Kawikaan 28:13.
Tiyak, makapupong higit ang kapakinabangan ng pagpapahayag sa iba ng mga kabalisahan kaysa sa posibilidad na masaktan. Mangyari pa, hindi ito nangangahulugan na hindi na tayo mag-iingat sa paghahayag ng personal na mga detalye. (Ihambing ang Hukom 16:18; Jeremias 9:4; Lucas 21:16.) “May magkakasama na handang magpahamak sa isa’t-isa,” ang babala ng Kawikaan 18:24 ngunit pagkatapos ay idinagdag: “May kaibigan na mahigit pa sa isang kapatid.” Saan ka makasusumpong ng gayong kaibigan?
Magtiwala Ka sa Iyong Pamilya
Kung may suliranin ka, sinubukan mo na bang ipakipag-usap ito sa iyong kabiyak o sa iyong mga magulang? “Tungkol sa maraming problema, ang kailangan lamang ay ipakipag-usap ito nang masinsinan,” ang inamin ng isang makaranasang tagapayo. (Kawikaan 27:9) Ang mga Kristiyanong asawang lalaki na ‘umiibig sa kanilang asawa na gaya sa kanilang sarili,’ mga asawang babae na ‘nagpapasakop sa kanilang mga asawa,’ at ang mga magulang na taimtim sa kanilang bigay-Diyos na pananagutan na ‘palakihin ang kanilang mga anak sa pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova’ ay magsisikap na maging madamaying mga tagapakinig at matulunging mga tagapayo. (Efeso 5:22, 33; 6:4) Bagaman hindi siya nag-asawa ni nagkaroon ng mga anak, tunay ngang napakagandang halimbawa ang ipinakita ni Jesus sa bagay na ito!—Marcos 10:13-16; Efeso 5:25-27.
Paano kung ang problema ay hindi makayanan ng pamilya? Sa Kristiyanong kongregasyon, hindi tayo kailanman kailangang mag-isa. “Sino ang mahina, at hindi ako mahina?” sabi ni apostol Pablo. (2 Corinto 11:29) Ganito ang payo niya: “Patuloy ninyong dalhin ang mga pasanin ng isa’t isa.” (Galacia 6:2; Roma 15:1) Sa ating espirituwal na mga kapatid, tiyak na makasusumpong tayo ng higit pa sa isang “kapatid na ipinanganak pagka may kagipitan.”—Kawikaan 17:17.
Magtiwala sa Kongregasyon
Sa mahigit na 80,000 kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa buong lupa, may mapagpakumbabang mga lalaki na naglilingkod bilang ‘mga kamanggagawa ukol sa inyong kagalakan.’ (2 Corinto 1:24) Ito ay ang matatanda. “Bawat isa,” sabi ni Isaias, “ay magiging gaya ng isang kublihang dako buhat sa hangin at isang dakong kanlungan buhat sa bagyo, gaya ng mga ilog ng tubig sa lupaing salat sa tubig, gaya ng lilim ng isang malaking batuhan sa isang nakapapagod na lupain.” Sinisikap ng matatanda na maging katulad nito.—Isaias 32:2; 50:4; 1 Tesalonica 5:14.
Naabot ng matatanda ang mga kahilingan sa Kasulatan bago ‘inatasan ng banal na espiritu.’ Ang pagkaalam nito ay magpapatibay ng iyong pagtitiwala sa kanila. (Gawa 20:28; 1 Timoteo 3:2-7; Tito 1:5-9) Mananatiling kompidensiyal ang ipinakipag-usap mo sa isang matanda. Ang pagiging mapagkakatiwalaan ay isa sa kaniyang mga kuwalipikasyon.—Ihambing ang Exodo 18:21; Nehemias 7:2.
Ang matatanda sa kongregasyon ay ‘patuloy na nagbabantay sa inyong mga kaluluwa na gaya niyaong mga magsusulit.’ (Hebreo 13:17) Hindi ka ba pinakikilos nito upang ilagak ang iyong tiwala sa mga lalaking ito? Likas lamang, hindi lahat ng matatanda ay nakahihigit sa parehong mga katangian. Ang ilan ay waring mas madaling lapitan, mabait, o maunawain kaysa sa iba. (2 Corinto 12:15; 1 Tesalonica 2:7, 8, 11) Bakit hindi mo subukang magtapat sa isang matanda na kapalagayang-loob mo?
Ang mga lalaking ito ay hindi mga binabayarang propesyonal. Sa halip, sila’y “kaloob na mga tao,” na inilaan ni Jehova upang tumulong sa iyo. (Efeso 4:8, 11-13; Galacia 6:1) Paano? Sa mahusay na paggamit ng Bibliya, ikakapit nila sa iyong personal na kalagayan ang nakapagpapagaling na kapangyarihan nito. (Awit 107:20; Kawikaan 12:18; Hebreo 4:12, 13) Mananalangin silang kasama mo at para sa iyo. (Filipos 1:9; Santiago 5:13-18) Malaki ang magagawa ng tulong buhat sa gayong maibiging mga tagapayo upang gumaling ang nababagabag na kalooban at maibalik ang kapayapaan ng isip.
Kung Paano Magtatatag ng Maaasahang Kaugnayan
Ang paghingi ng tulong, payo, o ng isang tagapakinig ay hindi naman palatandaan ng kahinaan o kabiguan. Ito ay isa lamang makatotohanang pagkilala na tayo ay di-sakdal at na walang sinuman ang nakaaalam ng lahat ng kasagutan. Tiyak, ang pinakadakilang tagapayo at kapalagayang-loob natin ay ang ating makalangit na Ama, ang Diyos na Jehova. Sumasang-ayon tayo sa salmista na sumulat: “Si Jehova ang aking lakas at ang aking kalasag. Sa kaniya nagtiwala ang aking puso, at ako’y natulungan.” (Awit 28:7) Sa panalangin ay malaya nating ‘mabubuksan ang ating puso’ sa kaniya anumang panahon, anupat may tiwalang nakikinig at nagmamalasakit siya sa atin.—Awit 62:7, 8; 1 Pedro 5:7.
Subalit paano ka matututong magtiwala sa matatanda at sa iba pa sa kongregasyon? Una, tingnan ang iyong sarili. Matibay ba ang saligan ng inyong mga pangamba? Mapaghinala ka ba sa motibo ng iba? (1 Corinto 13:4, 7) May paraan kaya upang mabawasan ang posibilidad na masaktan ka? Oo. Paano? Sikaping makilala nang personal ang iba sa espirituwal na kapaligiran. Kausapin sila sa mga pulong sa kongregasyon. Gumawa kayong magkasama sa bahay-bahay. Katulad sa paggalang, ang isa ay kailangang maging karapat-dapat upang umani ng pagtitiwala. Kaya maging matiisin ka. Halimbawa, lalago ang iyong pagtitiwala sa kaniya habang nakikilala mo ang isang espirituwal na pastol. Unti-unti mong isiwalat ang mga bagay na nakababahala sa iyo. Kung tumutugon siya sa isang nararapat, madamayin, at maingat na paraan, kung magkagayo’y baka maaaring magsabi ka pa ng higit.
Nagsisikap ang mga kapuwa mananamba kay Jehova, lalo na ang Kristiyanong matatanda, na matularan ang kahanga-hangang mga katangian ng Diyos sa kanilang pakikipag-ugnayan sa isa’t isa. (Mateo 5:48) Nagbubunga ito ng pagtitiwala sa kongregasyon. Ganito ang sabi ng isang mahabang panahon nang naglilingkod bilang matanda: “Kailangang malaman ng mga kapatid ang isang bagay: Anuman ang ginagawa ng isang tao, hindi nawawala ang Kristiyanong pag-ibig ng matanda para sa kaniya. Maaaring hindi niya magustuhan ang ginawa nito, ngunit minamahal pa rin niya ang kaniyang kapatid at ibig na matulungan siya.”
Kaya hindi dapat madamang nag-iisa ka sa iyong problema. Makipag-usap sa isa na may “mga espirituwal na kuwalipikasyon” na makatutulong sa iyo na balikatin ang iyong pasanin. (Galacia 6:1) Alalahanin na “ang pagkabalisa sa puso ng isang tao ay nagpapayuko roon,” ngunit “ang mga kaayaayang salita ay parang pulot-pukyutan, matamis sa kaluluwa at kagalingan sa mga buto.”—Kawikaan 12:25; 16:24.
[Kahon sa pahina 26]
Ang sinumang Kristiyano ay maaaring tawagin upang matulungan ang isang kamag-anak, kaibigan, o espirituwal na kapatid na may personal na suliranin. Alam mo ba kung paano tutulong?
Ang Isang Mahusay na Tagapayo
ay madaling lapitan: Mateo 11:28, 29; 1 Pedro 1:22; 5:2, 3
ay pumipili ng tamang pagkakataon: Marcos 9:33-37
ay nagsisikap na maunawaan ang suliranin: Lucas 8:18; Santiago 1:19
ay hindi nagagalit: Colosas 3:12-14
ay umaalalay sa mga nanlulumo: 1 Tesalonica 5:14; 1 Pedro 3:8
ay kumikilala sa kaniyang mga limitasyon: Galacia 6:3; 1 Pedro 5:5
ay nagbibigay ng espesipikong payo: Awit 19:7-9; Kawikaan 24:26
ay marunong mag-ingat ng lihim: Kawikaan 10:19; 25:9