Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian
“Pasikatin ang Inyong Liwanag sa Harap ng mga Tao”
SA KANIYANG Sermon sa Bundok, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Kayo ang liwanag ng sanlibutan.” Hinimok pa niya sila: “Pasikatin ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang kanilang makita ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa mga langit.”—Mateo 5:14-16.
Napansin ang maiinam na gawa ng mga Saksi ni Jehova sa Italya. Halimbawa, nakapagdudulot ng kapurihan sa Diyos ang kanilang mabuting asal kapag dumadalo sa kanilang mga taunang kombensiyon, gaya ng pinatutunayan ng sumusunod na mga report:
▪ Maraming taon na tinulungan ng isang babae sa Terni, Italya, ang kaniyang anak na babae sa pagpapatakbo ng isang karinderya na matatagpuan malapit sa istadyum sa lunsod na iyan. Sinabi niya: “Napansin ko ang malaking pagkakaiba ng mga nanonood ng larong soccer at ng mga delegado sa mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa lugar na iyon. Mas mahinhin ang pananamit ng mga Saksi, at sila ay tapat at magalang. Madalas kong itanong sa aking sarili kung paano nagkakasundo nang gayon na lamang ang mga taong may iba’t ibang lahi.
“Isang araw ay nilapitan ako sa lansangan ng isang Saksi at itinanong kung alam ko ang pangalan ng Diyos. Hindi ko alam, at yamang batid ko na mabubuting tao ang mga Saksi ni Jehova, pumayag akong dalawin niya ako. May mga tanong ako tungkol sa kalagayan ng mga patay, na kaniya namang sinagot mula sa Bibliya. Tinanggap ko nang walang pag-aatubili ang pag-aaral sa Bibliya, at pagkaraan nang dalawang sanlinggo ay dumalo na ako sa mga pulong.
“Sa simula ay sumasalansang sa akin ang aking anak na babae, subalit ang aking asal at determinasyon ay nagpabago ng kaniyang saloobin. Siyam na buwan na ang nakaraan sapol nang ako ay mag-aral. Ngayon ang aking anak na babae at ang kaniyang asawa ay may pagpapahalagang nagkokomento tungkol sa mga Saksi na bumibili sa kanilang karinderya. Tungkol naman sa akin, nabautismuhan ako sa isang kombensiyon sa istadyum na ito.”
▪ Pagkatapos ng isang kombensiyon sa Roseto degli Abruzzi, ganito ang sinabi ng isang manedyer sa kampo: “Napansin ko na ang mga Saksi ni Jehova ay napakatapat sa lahat ng kanilang ginagawa. Noong nakaraang sanlinggo, 40 sa kanila ang nasa kampo ko, at wala silang nalikhang problema. Sa kabaligtaran, sila lamang ang lumalapit at nagsasabi sa iyo kung sila ay may karagdagang taong patitirahin sa kanilang trailer o tolda. Sa ganang akin, sila ang maaaring maging pinakamabuting parokyano mo.”
▪ Pagkatapos ng kombensiyon ding iyon, sinabi ng isang manedyer ng otel: “Lahat ng Saksi ni Jehova ay mapayapa. Hindi sila magulo, at maaga silang matulog. Sila ay talagang mababait, tapat, at may magandang asal. Napakaganda sana kung ang lahat ay katulad nila. Ninanakaw ng iba ang lahat ng bagay—mga plorera, senisera, kahit ang papel sa palikuran at asukal! Kailanman ay walang nangyaring ganoon sa inyo. Kapag ang inyong mga anak ay kumukuha ng mga ice cream mula sa repridyeretor sa gabi, hindi ako nababahalang alamin pa kung anu-ano ang kanilang kinuha. Kinukuwenta nila ang kanilang nakuha sa akin at agad na binabayaran. Tiwalang-tiwala ako sa kanila. Napakaganda sana kung ang iba ay gayon din! Sana ang lahat ng parokyano ko ay mga Saksi ni Jehova.”
Kilalang-kilala ang mga Saksi ni Jehova sa Italya, tulad sa iba pang bahagi ng daigdig. ‘Pinananatili nilang mainam ang kanilang paggawi sa gitna ng mga bansa’ at sa gayo’y nagdudulot ng kapurihan sa tunay na Diyos, na ang pangalan ay taglay nila.—1 Pedro 2:12.