Tinupad Nila ang Kalooban ni Jehova
Ginantimpalaan ang Pananampalataya ng mga Magulang
PARA sa mga Israelita, ang pagsilang ng isang anak na lalaki ay dahilan ng malaking kagalakan. Nangangahulugan ito na magpapatuloy ang linya ng angkan at na ang manang lupain ay mananatili sa pamilya. Subalit noong mga taóng 1593 B.C.E., ang pagsisilang ng anak na lalaki ay waring isang sumpa pa nga sa halip na pagpapala sa mga Hebreo. Bakit? Sapagkat ang Faraon ng Ehipto, na nababahala sa mabilis na paglaki ng populasyon ng mga Judio sa teritoryong pinamamahalaan niya, ay nag-utos na patayin ang lahat ng kanilang bagong silang na mga lalaki.—Exodo 1:12, 15-22.
Sa panahon ng napakasamang pagtatangkang ito na pumatay nang lansakan ay saka nagkaroon ng isang magandang sanggol na lalaki sina Amram at Joshebed, isang mag-asawang Hebreo. Madaling isipin kung paanong ang kanilang kagalakan ay nalambungan ng takot nang maalaala nila ang dekreto ni Faraon. Gayunman, samantalang minamasdan nina Amram at Joshebed ang kanilang lalaking sanggol, matatag na ipinasiya nilang hindi siya pababayaan, anuman ang mangyari.—Exodo 2:1, 2; 6:20.
Pagkilos Taglay ang Pananampalataya
Sa loob ng tatlong buwan ay itinago nina Amram at Joshebed ang kanilang sanggol. (Exodo 2:2) Subalit mapanganib ito, yamang totoong magkalapit ang tirahan ng mga Hebreo at mga Ehipsiyo. Sinumang magtatangkang paglalangan ang dekreto ni Faraon ay malamang na parusahan ng kamatayan—at papatayin din ang sanggol. Ano, kung gayon, ang gagawin ng mapagmahal na mga magulang na ito upang manatiling buhay ang kanilang anak at ang kanilang sarili?
Nanguha ng mga supang ng papiro si Joshebed. Ang papiro ay isang matibay na hungko, nakakatulad ng kawayan, at may tatsulok na tangkay na sintaba ng isang daliri. Maaari itong tumaas hanggang sa 6 na metro. Ginamit ng mga Ehipsiyo ang halamang ito upang gumawa ng papel, mga banig, layag, sandalyas, at magagaang na bangka.
Ginamit ni Joshebed ang mga tangkay upang gumawa ng baul na may sapat na sukat upang mailulan ang kaniyang sanggol. Pagkatapos ay pinahiran niya ito ng bitumen at alkitran upang mapagdikit-dikit ang baul at hindi ito mapasukan ng tubig. Pagkatapos ay inilulan ni Joshebed ang kaniyang sanggol sa loob ng sisidlan at inilagay ito sa gitna ng mga tambo sa tabi ng pampang ng Ilog Nilo.—Exodo 2:3.
Natagpuan ang Sanggol
Ang anak na babae ni Joshebed, si Miriam, ay namalagi sa malapit upang makita kung ano ang susunod na mangyayari. Nang magkagayon ay pumunta ang anak na babae ni Faraon sa Nilo upang maligo.a Marahil ay alam ni Joshebed na madalas puntahan ng prinsesa ang dakong ito ng Nilo at sadyang iniwan ang baul sa lugar na madali itong matatagpuan. Sa paano man, napansin kaagad ng anak na babae ni Faraon ang baul na naroon sa gitna ng mga tambo, at tinawag niya ang isa sa kaniyang mga tagapaglingkod upang kunin ito. Nang makita niya ang umiiyak na bata sa loob, nahabag siya. Natanto niya na ito ay isang sanggol na Hebreo. Subalit, paano niya mapapayagang patayin ang gayong kagandang bata? Liban sa makataong kabaitan, maaaring ang anak na babae ni Faraon ay naimpluwensiyahan ng popular na paniniwalang Ehipsiyo na ang pagpasok sa langit ay depende sa rekord ng mabubuting gawa sa panahong nabubuhay pa ang isa.b—Exodo 2:5, 6.
Si Miriam, na nagmamasid buhat sa malayo, ay lumapit sa anak na babae ni Faraon. “Yayaon ba ako at tatawag para sa iyo ng pantanging tagapag-alagang babae mula sa mga babaing Hebreo upang alagaan niya ang bata para sa iyo?” ang tanong niya. Sumagot ang prinsesa: “Yumaon ka!” Tumakbo si Miriam patungo sa kaniyang ina. Di-nagtagal, nakatayo na si Joshebed sa harap ng anak na babae ni Faraon. “Kunin mo ang batang ito at alagaan siya para sa akin,” ang sabi ng prinsesa sa kaniya, “at ako mismo ang magpapasahod sa iyo.” Maaaring sa panahong ito ay natanto na ng anak na babae ni Faraon na si Joshebed ang ina ng sanggol.—Exodo 2:7-9.
Inalagaan ni Joshebed ang kaniyang anak hanggang sa awatin ito sa pagsuso.c Nagbigay ito sa kaniya ng maraming pagkakataon upang turuan siya tungkol sa tunay na Diyos, si Jehova. Pagkatapos ay ibinalik ni Joshebed ang bata sa anak na babae ni Faraon, na nagpangalan sa bata ng Moises, na nangangahulugang “iniligtas buhat sa tubig.”—Exodo 2:10, talababa sa Ingles.
Aral Para sa Atin
Lubusang sinamantala nina Amram at Joshebed ang kaunting pagkakataon na taglay nila upang turuan ang kanilang anak sa mga simulain ng dalisay na pagsamba. Dapat na gayundin ang gawin ng mga magulang ngayon. Ang totoo, kailangan na gawin nila ang gayon. Si Satanas na Diyablo “ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng sinumang masisila.” (1 Pedro 5:8) Gustung-gusto niyang maging kaniyang biktima ang mga minamahal na kabataan—lalaki at babae—na may pag-asang maging mahuhusay na lingkod ni Jehova. Ang kanilang murang gulang ay hindi nakapupukaw ng habag sa kaniya! Dahil dito, sinasanay ng matatalinong magulang ang kanilang mumunting anak na matakot sa tunay na Diyos, si Jehova.—Kawikaan 22:6; 2 Timoteo 3:14, 15.
Sa Hebreo 11:23, iniulat bilang isang gawa ng pananampalataya ang pagsisikap nina Amram at Joshebed na itago ang kanilang sanggol sa unang tatlong buwan ng buhay nito. Ang may-takot sa Diyos na mga magulang na ito ay kapuwa nagpamalas ng pagtitiwala sa nagliligtas na kapangyarihan ni Jehova sa pamamagitan ng pagtangging pabayaan ang kanilang anak, at dahil dito ay pinagpala sila. Tayo man ay dapat magpamalas ng mahigpit na pagsunod sa mga batas at simulain ni Jehova, anupat nagtitiwala na anuman ang pahintulutan ni Jehova na mapaharap sa atin ay makabubuti sa dakong huli sa ating walang-hanggang kapakanan at kaligayahan.—Roma 8:28.
[Mga talababa]
a Sinamba ng mga Ehipsiyo ang Nilo bilang isang diyos ng pag-aanak. Naniniwala sila na ang katubigan nito ay may kapangyarihang magdulot ng pagkamabunga at magpahaba ng buhay.
b Naniniwala ang mga Ehipsiyo na sa kamatayan ang espiritu ng isang tao ay bibigkas ng mga patotoo sa harap ni Osiris na gaya ng “Hindi ko pinighati ang sinumang tao,” “Hindi ko ikinait ang gatas sa bibig ng mga pasusuhin,” at “Pinagkalooban ko ng tinapay ang gutóm at ng inumin ang uháw.”
c Noong sinaunang panahon, maraming bata ang mas matagal na pinasususo ng ina kaysa sa karaniwan sa ngayon. Si Samuel ay malamang na tatlong taon nang awatin sa pagsuso, at mga lima naman si Isaac.