Matiyagang Naghihintay kay Jehova Mula pa sa Aking Kabataan
AYON SA PAGKALAHAD NI RUDOLF GRAICHEN
Tulad ng kidlat, humampas ang trahedya sa aking pamilya nang ako ay 12 taóng gulang pa lamang. Una, nabilanggo ang aking ama. Pagkatapos, kami ng aking kapatid na babae ay sapilitang kinuha sa tahanan at pinatira na kasama ng mga estranghero. Nang maglaon, kami ng aking ina ay inaresto ng mga Gestapo. Nabilanggo ako, at napunta siya sa isang kampong piitan.
ANG sunud-sunod na pangyayaring iyan ay pasimula lamang ng isang yugto ng mahapding pag-uusig na dinanas ko sa aking kabataan bilang isang Saksi ni Jehova. Sinikap na sirain ng ubod-samang Gestapo ng Nazi at nang maglaon ay ng Stasi ng Silangang Alemanya ang aking integridad sa Diyos. Ngayon, pagkatapos ng 50 taóng nakaalay na paglilingkod sa kaniya, masasabi ko ang sinabi ng salmista: “Matagal na silang napopoot sa akin sapol pa noong kabataan ko; gayunma’y hindi sila nanaig sa akin.” (Awit 129:2) Anong laki ng aking pasasalamat kay Jehova!
Isinilang ako noong Hunyo 2, 1925, sa maliit na bayan ng Lucka malapit sa Leipzig, Alemanya. Bago pa man ako isilang, nakilala na ng aking mga magulang, sina Alfred at Teresa, ang taginting ng katotohanan sa Bibliya sa mga publikasyon ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng pagkakilala noon sa mga Saksi ni Jehova. Naaalaala ko pa na bawat araw ay tinitingnan ko ang mga larawan ng mga eksena sa Bibliya na nakasabit sa dingding ng aming tahanan. Ipinakikita ng isang larawan ang lobo at ang kordero, ang batang kambing at ang leopardo, ang guya at ang leon—pawang nasa kapayapaan, na pinapatnubayan ng isang munting bata. (Isaias 11:6-9) Ang gayong mga larawan ay hindi ko makalimutan.
Kailanma’t maaari, isinasali ako ng aking mga magulang sa mga gawain sa kongregasyon. Halimbawa, noong Pebrero 1933, ilang araw lamang matapos humawak ng kapangyarihan si Hitler, ang “Photo-Drama of Creation”—na mayroong mga slide, pelikula, at nakarekord na paglalahad—ay ipinalabas sa maliit na bayan namin. Gayon na lamang ang kasabikan ko, isang batang lalaki na pitong taóng gulang lamang, habang nakasakay sa likuran ng isang pickup na trak na patungong bayan bilang bahagi ng isang martsa na nag-aanunsiyo para sa “Photo-Drama”! Sa ganito at iba pang okasyon, ipinadama sa akin ng mga kapatid na para bang ako ay isang kapaki-pakinabang na miyembro ng kongregasyon sa kabila ng aking murang edad. Kaya mula sa napakabatang edad, tinuruan na ako ni Jehova at naimpluwensiyahan ng kaniyang Salita.
Sinanay na Magtiwala kay Jehova
Dahil sa istriktong Kristiyanong neutralidad, ang mga Saksi ni Jehova ay hindi nasangkot sa pulitika ng Nazi. Bilang resulta, noong 1933 ang mga Nazi ay nagpasa ng mga batas na nagbabawal sa amin na mangaral, magpulong, at kahit na magbasa ng aming sariling literatura sa Bibliya. Noong Setyembre 1937 ay inaresto ng Gestapo ang lahat ng kapatid sa aming kongregasyon, pati na ang aking ama. Iyon ay labis na nagpalungkot sa akin. Ang aking ama ay sinentensiyahang mabilanggo nang limang taon.
Sa tahanan ay naging napakahirap ng mga bagay sa amin. Subalit agad kaming natutong magtiwala kay Jehova. Isang araw pag-uwi ko mula sa paaralan, nagbabasa ng Ang Bantayan ang aking ina. Nais niyang ipaghanda ako ng simpleng pagkain, kaya ipinatong niya ang magasin sa itaas ng maliit na kabinet. Pagkapananghalian, habang sinisinop namin ang mga plato, may kumatok nang malakas sa pintuan. Iyon ay isang pulis na gustong maghanap ng literatura sa Bibliya sa aming apartment. Labis akong natakot.
Sobra ang init ng araw noon. Kaya ang unang ginawa ng pulis ay ang alisin ang kaniyang helmet at ipatong ito sa mesa. Pagkatapos ay nagpasimula na siyang maghanap. Samantalang tumitingin siya sa ilalim ng mesa, nagsimulang dumausdos ang kaniyang helmet. Kaya dali-daling sinunggaban ng aking ina ang helmet at ipinatong ito sa kabinet doon mismo sa ibabaw ng Ang Bantayan! Hinalughog ng pulis ang aming apartment subalit hindi nakasumpong ng anumang literatura. Sabihin pa, hindi niya naisip na tumingin sa ilalim ng kaniyang helmet. Nang handa na siyang umalis, malumanay na nagpaumanhin siya sa aking ina samantalang inaabot nang patalikod ang kaniyang helmet. Laking ginhawa ang nadama ko!
Ang gayong mga karanasan ay naghanda sa akin sa mas mahihirap na pagsubok. Halimbawa, sa paaralan ay pinipilit akong sumali sa organisasyong Hitler Youth, kung saan sinasanay ang mga bata sa disiplinang pangmilitar at tinuturuan ng mga pilosopiyang Nazi. Ang ilang guro ay may personal na tunguhing maabot ang 100-porsiyentong pakikibahagi ng mga estudyante. Tiyak na nadama ng aking guro, si Herr Schneider, na siya ay bigung-bigo dahil, di-tulad ng lahat ng iba pang guro sa aming paaralan, kulang siya ng isang estudyante para magkaroon ng 100-porsiyentong pakikibahagi. Ako ang estudyanteng iyon.
Isang araw ay ipinatalastas ni Herr Schneider sa buong klase: “Mga bata, bukas ay mamamasyal ang klase.” Gusto ng lahat ang ideya. Pagkatapos ay isinusog niya: “Lahat kayo ay dapat na magsuot ng inyong unipormeng Hitler Youth nang sa gayon kapag nagmamartsa tayo sa daan, makikita ng lahat na kayo ay mababait na bata ni Hitler.” Kinabukasan ay dumating nang nakauniporme ang lahat ng bata maliban sa akin. Tinawag ako ng guro sa harapan ng silid-aralan at tinanong: “Tingnan mo ang ibang bata at pagkatapos ay tingnan mo ang sarili mo.” Idinagdag niya: “Alam ko na dukha ang mga magulang mo at hindi ka kayang ibili ng uniporme, pero may ipakikita ako sa iyo.” Dinala niya ako sa kaniyang mesa, binuksan ang drower, at sinabi: “Gusto kong ibigay sa iyo ang bagong unipormeng ito. Maganda, ’di ba?”
Mas mabuti pang mamatay na ako kaysa magsuot ng unipormeng Nazi. Nang makita ng aking guro na wala akong balak na isuot iyon, nagalit siya, at kinantiyawan ako ng buong klase. Pagkatapos ay ipinasyal niya kami subalit sinikap na itago ako sa pamamagitan ng pagpapalakad sa akin sa gitna ng iba pang bata na nakauniporme. Gayunpaman, maraming tao sa bayan ang nakakita sa akin yamang naiiba ako sa aking mga kaklase. Alam ng lahat na kami ng aking mga magulang ay mga Saksi ni Jehova. Nagpapasalamat ako kay Jehova sa pagbibigay sa akin ng kinakailangang espirituwal na lakas nang ako ay bata pa.
Tumindi ang Pag-uusig
Isang araw maaga noong 1938, kami ng aking kapatid na babae ay kinuha mula sa paaralan at isinakay sa kotse ng mga pulis patungo sa isang repormatoryo sa Stadtroda, mga 80 kilometro ang layo. Bakit? Ipinasiya ng mga hukuman na ilayo kami sa impluwensiya ng aming mga magulang at baguhin kami upang maging mga batang Nazi. Di-nagtagal at napansin ng nangangasiwa sa repormatoryo na kami ng aking kapatid na babae ay magalang at masunurin, bagaman matatag sa aming Kristiyanong neutralidad. Labis na humanga ang direktor anupat ninais niyang makilala nang personal ang aking ina. Gumawa ng eksepsiyon, at pinahintulutan ang aking ina na madalaw kami. Kami ng aking kapatid na babae, at ng aking ina ay napakaligaya at nagpapasalamat kay Jehova sa pagkakaloob sa amin ng pagkakataon na magkasama para magpatibayan sa isa’t isa nang buong araw. Talagang kailangan namin ito.
Nanatili kami sa repormatoryo sa loob ng mga apat na buwan. Pagkatapos kami ay pinatira kasama ng isang pamilya sa Pahna. Tinagubilinan sila na ilayo kami sa aming mga kamag-anak. Kahit ang aking ina ay hindi pinahintulutang dumalaw. Gayunman, sa ilang pagkakataon, nagawa niyang makipag-ugnayan sa amin. Sinasamantala ang madalang na mga pagkakataong iyon, ginawa ni Inay ang lahat ng magagawa niya upang maikintal sa amin ang determinasyon na manatiling tapat kay Jehova, anuman ang pagsubok at mga kalagayan na pahihintulutan niya.—1 Corinto 10:13.
At dumating nga ang mga pagsubok. Noong Disyembre 15, 1942, nang 17 taóng gulang pa lamang ako, dinampot ako ng mga Gestapo at inilagay sa isang kulungan sa Gera. Pagkaraan ng mga isang linggo, inaresto rin ang aking ina at nagkasama kami sa iisang bilangguan. Yamang ako ay menor-de-edad pa, hindi ako maaaring litisin ng mga hukuman. Kaya kami ng aking ina ay gumugol ng anim na buwan sa kulungan samantalang hinihintay ng mga hukuman ang aking ika-18 kaarawan. Sa mismong araw na naging 18 taon ako, kami ng aking ina ay nilitis.
Bago ko natanto, tapos na ang lahat. Talagang hindi ko alam na hindi ko na pala makikitang muli ang aking ina. Ang huli kong alaala sa kaniya ay nang makita ko siyang nakaupong katabi ko sa isang maitim na bangkong kahoy sa loob ng hukuman. Kapuwa kami hinatulang nagkasala. Ako ay sinentensiyahang mabilanggo nang apat na taon at isa’t kalahating taon naman ang sa aking ina.
Noong mga araw na iyon ay libu-libong Saksi ni Jehova ang nasa mga bilangguan at mga kampo. Gayunpaman, ako ay ipinadala sa isang bilangguan sa Stollberg, kung saan ako lamang ang Saksi. Mahigit na isang taon akong nakakulong na nag-iisa, ngunit kasama ko si Jehova. Ang pag-ibig na aking nilinang para sa kaniya noong nasa kabataan pa ako ang siyang susi sa aking espirituwal na kaligtasan.
Noong Mayo 9, 1945, pagkatapos na mabilanggo ako sa loob ng dalawa at kalahating taon, nakatanggap kami ng mabuting balita—nagwakas na ang digmaan! Nang araw na iyon ay pinalaya ako. Pagkatapos maglakad nang 110 kilometro, nakauwi ako na talagang maysakit dahil sa pagod at gutom. Maraming buwan ang lumipas bago nanauli ang aking kalusugan.
Pagdating na pagdating ko, pinanlumo ako ng napakaraming masamang balita. Una ay tungkol sa aking ina. Matapos siyang mabilanggo ng isa’t kalahating taon, hiniling sa kaniya ng mga Nazi na pirmahan ang isang dokumento na nagtatakwil sa kaniyang pananampalataya kay Jehova. Tumanggi siya. Kaya dinala siya ng Gestapo sa isang kampong piitan ng mga babae, sa Ravensbrück. Doon ay namatay siya dahil sa tipus bago pa magwakas ang digmaan. Siya ay isang Kristiyanong may napakalakas na kalooban—isang magiting na mandirigma na hindi kailanman sumuko. Nawa ay may-kabaitang alalahanin siya ni Jehova.
May balita rin tungkol sa aking kuya, si Werner, na hindi nag-alay kailanman kay Jehova. Umanib siya sa hukbong Aleman at napatay sa Russia. Kumusta naman ang aking ama? Nakauwi nga siya, subalit nakalulungkot, isa siya sa iilan lamang Saksi na pumirma sa napakasamang dokumentong nagtatakwil sa kanilang pananampalataya. Nang makita ko siya, mukha siyang matamlay at waring wala sa sarili.—2 Pedro 2:20.
Isang Maikling Yugto ng Masigasig na Espirituwal na Paggawa
Noong Marso 10, 1946, dinaluhan ko ang aking unang asamblea sa Leipzig pagkatapos ng digmaan. Gayon na lamang ang tuwa nang ipatalastas na magkakaroon ng pagbabautismo sa araw ding iyon! Bagaman maraming taon ko nang patiunang inialay ang aking buhay kay Jehova, ito ang aking unang pagkakataon upang mabautismuhan. Hindi ko malilimutan ang araw na iyon.
Noong Marso 1, 1947, matapos magpayunir nang isang buwan, inanyayahan ako sa Bethel sa Magdeburg. Ang mga tanggapan ng Samahan ay lubhang nasira dahil sa pagbobomba. Kay laking pribilehiyo na makatulong sa gawaing pagkukumpuni! Pagkatapos ng tag-araw na iyon ay inatasan ako sa lunsod ng Wittenberge bilang special pioneer. Sa ilang buwan ay gumugol ako ng mahigit sa 200 oras sa pangangaral sa iba tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Kay ligaya ko na maging malayang muli—walang digmaan, walang pag-uusig, walang mga bilangguan!
Nakalulungkot sabihin, hindi nagtagal ang kalayaang iyon. Pagkatapos ng digmaan ay nabahagi ang Alemanya, at ang lugar na tinirhan namin ay napailalim sa panunupil ng mga Komunista. Noong Setyembre 1950 ang secret police ng Silangang Alemanya, na kilala bilang Stasi, ay nagsimulang mag-aresto sa mga kapatid sa sistematikong paraan. Ang mga bintang laban sa akin ay hindi kapani-paniwala. Binintangan akong isang espiya para sa pamahalaang Amerikano. Dinala ako sa pinakagrabeng bilangguang Stasi sa bansa, sa Brandenburg.
Pag-alalay Buhat sa Aking Espirituwal na mga Kapatid
Doon ay hindi ako pinahintulutan ng mga Stasi na matulog kapag araw. Pagkatapos ay pagtatatanungin nila ako sa buong magdamag. Matapos na iparanas sa akin ang pagpapahirap na ito nang ilang araw, lumubha ang mga bagay-bagay. Isang umaga, sa halip na ibalik ako sa aking selda, dinala nila ako sa isa sa kanilang kasumpa-sumpang U-Boot Zellen (kilala bilang mga submarinong selda dahil sa kinalalagyan ng mga ito sa pinakailalim ng isang bodega sa silong). Binuksan nila ang isang luma at kinakalawang na pintuan at inutusan akong pumasok. Kinailangang humakbang ako sa isang mataas na patuto ng pintuan. Nang ibaba ko ang aking paa, napansin ko na ang sahig ay lubusang natatakpan ng tubig. Pabagsak na isinara ang pintuan na kasabay ang isang teribleng pag-ingit. Walang ilaw at walang bintana. Madilim na madilim.
Dahil sa ilang pulgada ng tubig sa sahig, hindi ako makaupo, makahiga, o makatulog. Pagkatapos maghintay nang wari ay walang-hanggan, kinuha akong muli para sa higit pang pagtatanong habang nasa silong ng maliliwanag na ilaw. Hindi ko na alam kung alin ang mas mahirap—ang maghapong tumayo sa tubig sa halos ay pusikit na kadiliman o ang magbata ng nakasisilaw na ilaw na itinuon mismo sa akin nang buong magdamag.
Maraming beses na pinagbantaan nila akong barilin. Matapos ang ilang gabi ng pagtatanong, isang umaga ay dinalaw ako ng isang Rusong opisyal ng militar na may mataas na ranggo. Nagkaroon ako ng pagkakataon upang sabihin sa kaniya na mas masahol pa ang pagtrato sa akin ng mga Alemang Stasi kaysa sa Gestapo ng Nazi. Sinabi ko sa kaniya na ang mga Saksi ni Jehova ay neutral sa ilalim ng pamahalaang Nazi at neutral din sa ilalim ng pamahalaang Komunista at na hindi kami nakikialam sa pulitika saanmang panig sa daigdig. Sa kabaligtaran, sinabi ko, marami na ngayon ay mga opisyal ng Stasi ay dating miyembro ng organisasyong Hitler Youth, na malamang ay doon nila natutuhan kung paano walang-awang mang-usig ng mga walang-salang tao. Habang nagsasalita ako, nanginginig ang aking katawan sa lamig, gutom, at pagod.
Ang nakapagtataka, hindi nagalit sa akin ang Rusong opisyal. Sa kabaligtaran, kinumutan niya ako at pinakitunguhan ako nang may kabaitan. Di-nagtagal pagkatapos ng kaniyang pagdalaw, ibinalik ako sa mas maalwang selda. Pagkaraan ng ilang araw, ipinabahala ako sa mga hukumang Aleman. Samantalang nakabinbin ang aking kaso, tinamasa ko ang mainam na pribilehiyo na makasama sa selda ang lima pang Saksi. Matapos magbata ng maraming malupit na pagtrato, nasumpungan kong gayon na lamang kaginhawa ang makasama ang aking espirituwal na mga kapatid!—Awit 133:1.
Sa hukuman ay hinatulan akong nagkasala ng pag-eespiya at sinentensiyahang mabilanggo nang apat na taon. Itinuring iyon na magaan na sentensiya. Ang ilang kapatid ay sinentensiyahan nang mahigit sa sampung taon. Dinala ako sa bilangguang mahigpit na naguguwardiyahan. Sa palagay ko ni daga ay hindi makagagapang papasok o palabas sa bilangguang iyon—napakahigpit ng pagbabantay. Gayunpaman, sa tulong ni Jehova ay nagawa ng malalakas-loob na mga kapatid na makapagpasok ng isang kumpletong Bibliya. Kinalas ito at pinaghiwa-hiwalay ang bawat aklat at pinagpasa-pasa sa mga bilanggong kapatid.
Paano namin ginawa ito? Ito ay napakahirap. Ang tanging panahon na nagkikita-kita kami ay kapag dinadala kami sa mga paliguan tuwing ikalawang linggo. Minsan, habang naliligo ako, ibinulong sa aking tainga ng isang kapatid na lalaki na nagtago siya ng ilang pahina ng Bibliya sa kaniyang tuwalya. Pagkatapos kong maligo ay kailangang kunin ko ang kaniyang tuwalya sa halip na ang sa akin.
Isa sa mga guwardiya ang nakakita na bumubulong sa akin ang kapatid na lalaki at ubod-lakas na hinampas niya ito ng batuta. Kinailangan kong damputin kaagad ang tuwalya at makihalo sa iba pang bilanggo. Salamat na lamang at hindi ako nahuli na may mga pahina ng Bibliya. Kung hindi ay baka naisapanganib na ang aming programa sa espirituwal na pagpapakain. Nakaranas kami ng maraming nakakatulad na karanasan. Ang aming pagbabasa ng Bibliya ay laging ginagawa nang patago at nasa bingit ng panganib. Angkop na angkop ang mga salita ni apostol Pedro, “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay.”—1 Pedro 5:8.
Sa ilang kadahilanan, ipinasiya ng mga awtoridad na paulit-ulit na ilipat ang ilan sa amin sa iba’t ibang bilangguan. Sa loob ng mahigit na apat na taon, nailipat ako sa sampung iba’t ibang bilangguan. Gayunpaman, lagi akong nakasusumpong ng mga kapatid. Labis na napamahal sa akin ang lahat ng mga kapatid na ito, at totoong nakapagpapalungkot sa akin na iwan sila sa tuwing ililipat ako.
Sa wakas ay dinala ako sa Leipzig, at doon ako napalaya sa pagkakabilanggo. Ang bantay sa bilangguan na nagpalaya sa akin ay hindi nagpaalam kundi, sa halip ay nagsabi, “Di-magtatagal at muli ka naming makikita.” Gusto ng kaniyang balakyot na isipan na mabilanggo akong muli. Madalas ay naiisip ko ang Awit 124:2, 3, na ganito ang sabi: “Kung hindi lamang napatunayang sumasaatin si Jehova nang magsibangon laban sa atin ang mga tao, kung magkagayo’y nilamon na sana nila tayong buhay, nang ang kanilang galit ay nag-aalab laban sa atin.”
Inililigtas ni Jehova ang Kaniyang Matapat na mga Lingkod
Ngayon ay malayang tao na naman ako. Ang kakambal kong kapatid na babae, si Ruth, at si Sister Herta Schlensog ay naroon sa may pintuan-daan na naghihintay sa akin. Sa lahat ng mga taon ng aking pagkakabilanggo, bawat buwan ay pinadadalhan ako ni Herta ng isang maliit na balutan ng pagkain. Talagang naniniwala ako na kung wala ang maliliit na balutang iyon, baka namatay na ako sa bilangguan. May-kabaitang alalahanin sana siya ni Jehova.
Sapol nang paglaya ko, pinagpala na ako ni Jehova ng maraming pribilehiyo ng paglilingkuran. Naglingkod akong muli bilang special pioneer, sa Gronau, Alemanya, at bilang isang tagapangasiwa ng sirkito sa German Alps. Nang maglaon ay inanyayahan akong magpatala sa ika-31 klase ng Watchtower Bible School of Gilead para sa mga misyonero. Ginanap ang aming pagtatapos sa Yankee Stadium sa panahon ng internasyonal na asamblea ng mga Saksi ni Jehova noong 1958. Nagkaroon ako ng pribilehiyo na magpahayag sa malaking pulutong ng mga kapatid at maglahad ng ilan sa aking mga karanasan.
Pagkaraan ng gradwasyon ay naglakbay ako patungong Chile upang maglingkod bilang isang misyonero. Doon ay naglingkod akong muli bilang isang tagapangasiwa ng sirkito, sa pinakatimugang bahagi ng Chile—ako ay literal na isinugo sa mga dulo ng lupa. Noong 1962, nagpakasal kami ni Patsy Beutnagel, isang magandang misyonera buhat sa San Antonio, Texas, E.U.A. Nagtamasa ako ng maraming kamangha-manghang mga taon ng paglilingkuran kay Jehova na kasama siya.
Sa mahigit na 70 taon ng aking buhay, naranasan ko ang maraming maliligayang sandali at maraming kalamidad. Sinabi ng salmista: “Marami ang kalamidad ng isa na matuwid, ngunit inililigtas siya ni Jehova mula sa lahat ng iyon.” (Awit 34:19) Noong 1963, samantalang ako ay nasa Chile, naranasan namin ni Patsy ang masaklap na kamatayan ng aming sanggol na babae. Nang maglaon, nagkasakit nang malubha si Patsy, at lumipat kami sa Texas. Nang siya ay 43 taon pa lamang, siya ay namatay, sa ilalim din ng masaklap na mga kalagayan. Madalas kong idalangin na sana ay may-kabaitang alalahanin ni Jehova ang aking magandang kabiyak.
Ngayon, bagaman masakitin at matanda na, nasisiyahan ako sa pribilehiyo ng paglilingkuran bilang isang regular pioneer at matanda sa Brady, Texas. Totoo, hindi laging madali ang buhay, at baka may iba pang pagsubok na kailangang harapin ko. Gayunman, gaya ng salmista ay masasabi ko: “O Diyos, tinuruan mo ako mula sa aking kabataan, at hanggang ngayon ay inihahayag ko ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.”—Awit 71:17.
[Mga larawan sa pahina 23]
(1) Naglilingkod ako ngayon bilang isang matanda at payunir, (2) kasama si Patsy, bago kami ikasal, (3) sa silid-aralan ni Herr Schneider, (4) ang aking ina, si Teresa, na namatay sa Ravensbrück