Pagkaligtas sa “Araw ni Jehova”
“Ang araw ni Jehova ay dakila at lubhang kakila-kilabot, at sino ang makatatagal doon?”—JOEL 2:11.
1. Bakit dapat maging isang maligayang okasyon ‘ang kakila-kilabot na araw ni Jehova’?
“KAKILA-KILABOT”! Ganiyan ang paglalarawan ng propeta ng Diyos na si Joel sa dakilang “araw ni Jehova.” Gayunman, tayo na umiibig kay Jehova at nag-alay sa kaniya salig sa haing pantubos ni Jesus ay hindi kailangang yumukyok sa takot habang papalapit ang araw ni Jehova. Talaga namang iyon ay magiging isang nakasisindak na araw, ngunit isang araw ng dakilang pagliligtas, ang araw ng paglaya mula sa balakyot na sistema ng mga bagay na sumalot sa sangkatauhan sa loob ng libu-libong taon. Sa pag-asam sa araw na iyon, nanawagan si Joel sa bayan ng Diyos na “magalak at magsaya; sapagkat si Jehova ay gagawa ng isang dakilang bagay,” at idinagdag niya ang katiyakan: “Mangyayari na ang sinumang tumawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Pagkatapos, sa kaayusan ng Kaharian ng Diyos, “doroon yaong nangaligtas, gaya ng sinabi ni Jehova, at sa nangalabi, na tinatawag ni Jehova.”—Joel 2:11, 21, 22, 32.
2. Sa katuparan ng mga layunin ng Diyos, ano ang nagaganap (a) sa “araw ng Panginoon” (b) sa “araw ni Jehova”?
2 Hindi dapat ipagkamali ang kakila-kilabot na araw ni Jehova sa “araw ng Panginoon” ng Apocalipsis 1:10. Sa huling nabanggit ay kasali ang katuparan ng 16 na pangitain na inilarawan sa Apocalipsis kabanata 1 hanggang 22. Kasali rito ang panahon ng katuparan ng lahat ng pangyayaring inihula ni Jesus bilang sagot sa tanong ng kaniyang mga alagad: “Kailan mangyayari ang mga bagay na ito, at ano ang magiging tanda ng iyong pagkanaririto at ng katapusan ng sistema ng mga bagay?” Ang makalangit na pagkanaririto ni Jesus ay makikilala sa lupa sa pamamagitan ng nakatatakot na ‘mga digmaan, taggutom, pagkakapootan, salot, at katampalasanan.’ Yamang dumami ang mga kaabahang ito, naglaan si Jesus ng kaaliwan para sa mga taong may takot sa Diyos sa pamamagitan ng pagsusugo ng kaniyang modernong-panahong mga alagad upang ipangaral “ang mabuting balitang ito ng kaharian . . . sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” Pagkatapos, bilang kasukdulan ng araw ng Panginoon, biglang magsisimula “ang wakas” ng kasalukuyang sistema ng mga bagay, ang kakila-kilabot na araw ni Jehova. (Mateo 24:3-14; Lucas 21:11) Iyan ang magiging araw ni Jehova para sa paglalapat ng mabilis na paghatol sa masamang sanlibutan ni Satanas. “Mayayanig nga ang langit at lupa; ngunit si Jehova ay magiging kanlungan sa kaniyang bayan.”—Joel 3:16.
Kumilos si Jehova Noong mga Araw ni Noe
3. Paanong ang mga kalagayan sa ngayon ay nakakatulad sa panahon ni Noe?
3 Ang mga kalagayan sa sanlibutan sa ngayon ay katulad niyaong sa “mga araw ni Noe” mahigit na 4,000 taon na ang nakalipas. (Lucas 17:26, 27) Ganito ang mababasa natin sa Genesis 6:5: “Nakita ni Jehova na ang kasamaan ng tao ay laganap sa lupa at ang bawat hilig ng mga kaisipan ng kaniyang puso ay masama na lamang sa lahat ng panahon.” Katulad na katulad nga ng sanlibutan sa ngayon! Ang kabalakyutan, kasakiman, at kawalang-pag-ibig ay palasak sa lahat ng dako. Kung minsa’y baka isipin natin na sagad na ang kasamaan ng sangkatauhan. Subalit patuloy na natutupad ang hula ni apostol Pablo tungkol sa “mga huling araw”: “Ang mga taong balakyot at mga impostor ay susulong mula sa masama tungo sa lalong masama, nanliligáw at naililigaw.”—2 Timoteo 3:1, 13.
4. Ano ang naging epekto ng huwad na pagsamba noong unang panahon?
4 Nakapagdulot kaya ng kaginhawahan sa sangkatauhan ang relihiyon noong panahon ni Noe? Sa kabaligtaran, ang apostatang relihiyon kagaya ng umiral noon ay lalong nagpalubha sa kapaha-pahamak na mga kalagayan. Nagpadaig ang ating mga unang magulang sa huwad na turo ng “orihinal na serpiyente, ang tinatawag na Diyablo at Satanas.” Sa ikalawang salinlahi mula kay Adan, “pinasimulan ang pagtawag sa pangalan ni Jehova,” waring sa mapamusong na paraan. (Apocalipsis 12:9; Genesis 3:3-6; 4:26) Nang maglaon, ang rebelyosong mga anghel, na tumalikod sa bukod-tanging debosyon sa Diyos, ay nagkatawang-tao upang magkaroon ng mahalay na relasyon sa magagandang anak na babae ng mga tao. Nagsilang ang mga babaing ito ng mga higante na magkahalong espiritu at tao, tinatawag na Nefilim, na nang-api at nang-abuso sa mga tao. Sa ilalim ng makademonyong impluwensiyang ito, ‘sinira ng lahat ng laman ang kanilang lakad sa lupa.’—Genesis 6:1-12.
5. Tungkol sa mga pangyayari noong panahon ni Noe, anong babalang payo ang ibinibigay ni Jesus sa atin?
5 Subalit isang pamilya ang nanatiling may integridad kay Jehova. Kaya naman, “iningatang ligtas [ng Diyos] si Noe, isang mangangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa nang magpasapit siya ng delubyo sa isang sanlibutan ng mga taong di-maka-Diyos.” (2 Pedro 2:5) Inilarawan ng Delubyong iyon ang kakila-kilabot na araw ni Jehova, na siyang palatandaan ng wakas ng sistemang ito ng mga bagay at na tungkol dito ay humula si Jesus: “May kinalaman sa araw at sa oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa mga langit kahit ang Anak, kundi ang Ama lamang. Sapagkat kung paano ang mga araw ni Noe, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao. Sapagkat gaya nila noong mga araw na iyon bago ang baha, na kumakain at umiinom, ang mga lalaki ay nag-aasawa at ang mga babae ay ibinibigay sa pag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong; at hindi sila nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat, magiging gayon ang pagkanaririto ng Anak ng tao.” (Mateo 24:36-39) Katulad din nito ang kalagayan natin sa ngayon, kaya pinapayuhan tayo ni Jesus na ‘bigyang-pansin ang ating sarili, at manatiling gising, na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng pagsusumamo na magtagumpay tayo sa pagtakas mula sa lahat ng mga bagay na ito na itinalagang maganap.’—Lucas 21:34-36.
Ang Panghukumang Kaparusahan ni Jehova sa Sodoma at Gomorra
6, 7. (a) Ano ang inilalarawan ng mga pangyayari noong panahon ni Lot? (b) Anong maliwanag na babala ang inilalaan nito sa atin?
6 Ilang daang taon pagkaraan ng Baha, nang dumami na sa lupa ang mga inapo ni Noe, nasaksihan ng tapat na si Abraham at ng kaniyang pamangking si Lot ang isa pang kakila-kilabot na araw ni Jehova. Si Lot at ang kaniyang pamilya ay nakatira sa lunsod ng Sodoma. Kasama ng kalapit na Gomorra, ang lunsod na ito ay nagumon sa kasuklam-suklam na imoralidad sa sekso. Pangunahin ding pinagtuunan ng pansin ang materyalismo, anupat sa wakas ay naapektuhan maging ang asawa ni Lot. Sinabi ni Jehova kay Abraham: “Ang sigaw ng pagdaing tungkol sa Sodoma at Gomorra, oo, iyon ay malakas, at ang kanilang kasalanan, oo, iyon ay napakabigat.” (Genesis 18:20) Nakiusap si Abraham kay Jehova na paligtasin ang mga lunsod na iyon alang-alang sa mga matuwid na naroroon, ngunit ipinahayag ni Jehova na hindi siya makasumpong ng kahit sampung matuwid na tao roon. Tinulungan ng mga anghel mula sa Diyos sina Lot at ang kaniyang dalawang anak na babae upang makatakas tungo sa karatig na lunsod ng Zoar.
7 Ano ang sumunod na nangyari? Sa paghahambing sa ating “mga huling araw” sa mga araw ni Lot, ganito ang ulat ng Lucas 17:28-30: “Gayundin, kung paanong naganap nang mga araw ni Lot: sila ay kumakain, sila ay umiinom, sila ay bumibili, sila ay nagtitinda, sila ay nagtatanim, sila ay nagtatayo. Ngunit nang araw na lumabas si Lot sa Sodoma ay umulan ng apoy at asupre mula sa langit at pinuksa silang lahat. Magiging gayundin sa araw na iyon kapag ang Anak ng tao ay isisiwalat.” Ang kinahinatnan ng Sodoma at Gomorra sa kasindak-sindak na araw na iyon ni Jehova ay naghahatid ng isang maliwanag na babala sa atin sa panahong ito ng pagkanaririto ni Jesus. Ang modernong salinlahi ng sangkatauhan ay ‘nakiapid din nang labis-labis at sumunod sa laman sa di-likas na paggamit.’ (Judas 7) Isa pa, ang imoral na mga pangmalas sa sekso ng ating panahon ay siyang dahilan sa maraming “salot” na inihula ni Jesus para sa panahong ito.—Lucas 21:11.
Umani ang Israel ng “Hanging Bagyo”
8. Hanggang saan iningatan ng Israel ang pakikipagtipan kay Jehova?
8 Sa takdang panahon, pinili ni Jehova ang Israel upang maging kaniyang ‘tanging pag-aari higit sa lahat ng bayan, . . . isang kaharian ng mga saserdote at isang banal na bansa.’ Ngunit ito ay nakasalalay sa kanilang ‘maingat na pagsunod sa kaniyang tinig at pag-iingat ng kaniyang tipan.’ (Exodo 19:5, 6) Pinahalagahan ba nila ang dakilang pribilehiyong ito? Hinding-hindi! Totoo, ang tapat na mga indibiduwal sa bansang ito ay naglingkod sa kaniya nang buong-katapatan—sina Moises, Samuel, David, Jehoshafat, Hezekias, Josias, gayundin ang nakatalagang mga propeta at mga propetisa. Subalit ang bansa sa kabuuan ay di-tapat. Nang maglaon, ang kaharian ay nahati sa dalawa—ang Israel at ang Juda. Sa pangkalahatan, ang dalawang bansa ay nalulong sa paganong pagsamba at sa iba pang lumalapastangan-sa-Diyos na mga kaugalian ng karatig na mga bansa.—Ezekiel 23:49.
9. Paano hinatulan ni Jehova ang rebelyosong sampung-tribong kaharian?
9 Paano hinatulan ni Jehova ang mga bagay-bagay? Gaya ng dati, nagbigay siya ng babala, kasuwato ng simulaing ipinahayag ni Amos: “Ang Soberanong Panginoong Jehova ay hindi gagawa ng isang bagay kung ang kaniyang lihim ay hindi pa niya naihahayag sa kaniyang mga lingkod na propeta.” Si Amos mismo ang nagpahayag ng kaabahan para sa hilagang kaharian ng Israel: “Ano, kung gayon, ang magiging kahulugan sa inyo ng araw ni Jehova? Iyon ay magiging kadiliman, at walang liwanag.” (Amos 3:7; 5:18) Karagdagan pa, ganito ang ipinahayag ng kapuwa propeta ni Amos na si Oseas: “Hangin ang patuloy nilang inihahasik, at hanging bagyo ang kanilang aanihin.” (Oseas 8:7) Noong 740 B.C.E., ginamit ni Jehova ang hukbong Asiryano upang puksain ang hilagang kaharian ng Israel nang minsan at magpakailanman.
Ang Pakikipagtuos ni Jehova sa Apostatang Juda
10, 11. (a) Bakit hindi pumayag si Jehova na patawarin ang Juda? (b) Anong karima-rimarim na mga bagay ang nagpasama sa bansa?
10 Nagsugo rin si Jehova ng kaniyang mga propeta sa timugang kaharian ng Juda. Gayunman, ang mga hari ng Juda gaya ni Manases at ng kaniyang kahalili, si Amon, ay patuloy na gumawa ng masama sa Kaniyang paningin, anupat nagbubo ng ‘walang-salang dugo na lubhang pagkarami-rami at naglingkod sa mga karumal-dumal na idolo at yumukod sa mga iyon.’ Bagaman ang anak ni Amon na si Josias ay gumawa ng tama sa paningin ni Jehova, ang mga humaliling hari, pati ang bayan, ay nalugmok na naman sa kabalakyutan, kung kaya “hindi pumayag si Jehova na magpatawad.”—2 Hari 21:16-21; 24:3, 4.
11 Ganito ang ipinahayag ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Jeremias: “Isang kamangha-mangha, at kakila-kilabot na bagay, ang nangyayari sa lupain: Ang mga propeta na rin ang nanghuhula ng kasinungalingan; at ang mga saserdote, ay patuloy na nanunupil alinsunod sa kanilang kapangyarihan. At ganoon naman ang ibig ng aking sariling bayan; ngunit ano ang gagawin ninyo sa wakas niyaon?” Ang bansang Juda ay nagkasala sa dugo sa sukdulang paraan, at ang mga mamamayan nito ay pinasamâ ng pagnanakaw, pagpaslang, pangangalunya, pagsumpa ng kabulaanan, pagsunod sa ibang mga diyos, at iba pang karima-rimarim na mga bagay. Ang templo ng Diyos ay naging isang “yungib ng mga tulisan.”—Jeremias 2:34; 5:30, 31; 7:8-12.
12. Paano sinimulang parusahan ni Jehova ang taksil na Jerusalem?
12 Ipinahayag ni Jehova: “Nagdadala ako ng isang kalamidad mula sa hilaga [Caldea], ng isang malaking paglipol.” (Jeremias 4:6) Sa gayon, dinala niya ang Pandaigdig na Kapangyarihan ng Babilonya, na nang panahong iyon ay “ang martilyong pampanday sa buong lupa,” upang pukpukin ang taksil na Jerusalem at ang templo nito. (Jeremias 50:23) Noong 607 B.C.E., pagkatapos ng isang mahigpit na pagkubkob, bumagsak ang lunsod sa makapangyarihang hukbo ni Nabucodonosor. “At pinaslang ng hari ng Babilonya ang mga anak ni [Haring] Zedekias sa Ribla sa harap ng kaniyang mga mata, at pinaslang ng hari ng Babilonya ang lahat ng maharlika ng Juda. At binulag niya ang mga mata ni Zedekias, pagkatapos nito ay iginapos siya sa mga tansong pataw, upang dalhin siya sa Babilonya. At sinunog ng mga Caldeo ang bahay ng hari at ang mga bahay ng mga tao, at kanilang giniba ang mga pader ng Jerusalem. At ang iba sa bayan na natitira sa lunsod, at ang mga humiwalay na nagsikampi sa kaniya, at ang iba pa sa bayan na naiwan ay dinala ni Nebuzaradan na punong tanod tungo sa pagkatapon sa Babilonya.”—Jeremias 39:6-9.
13. Sino ang naligtas sa araw ni Jehova noong 607 B.C.E., at bakit?
13 Talaga namang isang kakila-kilabot na araw! Gayunman, ang ilang kaluluwa na sumunod kay Jehova ay kabilang sa mga iniligtas sa maapoy na kahatulang iyon. Kasali sa mga ito ang di-Israelitang mga Rechabita, na bilang kabaligtaran ng mga taga-Judea ay nagpamalas ng isang mapagpakumbaba at masunuring saloobin. Naligtas din ang tapat na bating na si Ebed-melec, na sumagip kay Jeremias mula sa kamatayan sa isang maputik na imbakang-tubig, at ang matapat na kalihim ni Jeremias, si Baruc. (Jeremias 35:18, 19; 38:7-13; 39:15-18; 45:1-5) Sa gayong mga tao ipinahayag ni Jehova: “Nalalaman kong lubos ang mga kaisipan na aking naiisip sa inyo, . . . mga kaisipan tungkol sa kapayapaan, at hindi tungkol sa kapahamakan, upang bigyan kayo ng kinabukasan at pag-asa.” Ang pangakong ito ay nagkaroon ng maliit na katuparan noong 539 B.C.E. nang ang may-takot sa Diyos na mga Judio ay palayain ng mananakop ng Babilonya, si Haring Ciro, at bumalik upang muling itayo ang lunsod at templo ng Jerusalem. Yaong mga nakalabas na ngayon mula sa Babilonikong relihiyon at naisauli sa dalisay na pagsamba kay Jehova ay makaaasa rin sa isang maluwalhating kinabukasan ng walang-hanggang kapayapaan sa naisauling Paraiso ni Jehova.—Jeremias 29:11; Awit 37:34; Apocalipsis 18:2, 4.
Unang-Siglong “Malaking Kapighatian”
14. Bakit lubusang itinakwil ni Jehova ang Israel?
14 Dumako na tayo sa unang siglo C.E. Noon ay nahulog na naman sa apostasya ang nakabalik na mga Judio. Isinugo ni Jehova sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak upang maging kaniyang Pinahirang Isa, o Mesiyas. Noong taóng 29 hanggang 33 C.E., nangaral si Jesus sa buong lupain ng Israel, na sinasabi: “Magsisi kayo, sapagkat ang kaharian ng mga langit ay malapit na.” (Mateo 4:17) Karagdagan pa, kaniyang tinipon at sinanay ang mga alagad upang makibahagi sa kaniya sa paghahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Paano tumugon ang mga tagapamahala ng mga Judio? Kanilang hinamak si Jesus at sa wakas ay ginawa ang karima-rimarim na krimen ng pagpaparanas sa kaniya ng masakit na kamatayan sa isang pahirapang tulos. Itinakwil ni Jehova ang mga Judio bilang kaniyang bayan. Ngayon ay lubusan nang tinanggihan ang bansang iyon.
15. Ang nagsising mga Judio ay nagkapribilehiyo na gawin ang ano?
15 Noong araw ng Pentecostes 33 C.E., ibinuhos ng binuhay-muling si Jesus ang banal na espiritu, at binigyang-kapangyarihan nito ang kaniyang mga alagad upang magsalita sa mga wika ng mga Judio at mga proselita na agad nagkatipon. Nang nagsasalita sa pulutong, ganito ang ipinahayag ni apostol Pedro: “Ang Jesus na ito ay binuhay na muli ng Diyos, na sa katotohanang ito ay mga saksi kaming lahat. . . . Samakatuwid ay alamin ngang may katiyakan ng buong bahay ng Israel na siya ay ginawa ng Diyos na kapuwa Panginoon at Kristo, ang Jesus na ito na inyong ipinako.” Paano tumugon ang tapat na mga Judio? “Nasugatan sila sa puso,” nagsisi sa kanilang mga kasalanan, at nabautismuhan. (Gawa 2:32-41) Bumilis ang pangangaral ng Kaharian, at sa loob ng 30 taon ay naipaabot ito sa “lahat ng nilalang na nasa ilalim ng langit.”—Colosas 1:23.
16. Paano minaniobra ni Jehova ang mga pangyayaring humantong sa kaniyang paglalapat ng kahatulan sa likas na Israel?
16 Sumapit na ngayon ang panahon upang ilapat ni Jehova ang hatol sa kaniyang itinakwil na bayan, ang likas na Israel. Libu-libo, mula sa mga bansa sa bawat panig ng noo’y kilalang sanlibutan, ang dumagsa sa Kristiyanong kongregasyon at pinahiran bilang espirituwal na “Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Subalit ang bayang Judio noon ay nalugmok sa isang landasin ng pagkapoot at karahasan ng mga sekta. Salungat sa isinulat ni Pablo tungkol sa ‘pagpapasakop sa nakatataas na mga awtoridad,’ hayagan silang nagrebelde sa kapangyarihang Romano na namamahala sa kanila. (Roma 13:1) Maliwanag na minaniobra ni Jehova ang sumunod na mga pangyayari. Noong taóng 66 C.E., umabante ang mga hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Gallus upang kubkubin ang Jerusalem. Napasok ng sumasalakay na mga Romano ang lunsod hanggang sa masira ang pader ng templo. Ayon sa makasaysayang mga rekord ni Josephus, talagang nakaranas ng kapighatian ang lunsod at ang bayan.a Ngunit biglang tumakas ang lumulusob na mga sundalo. Nagbigay ito ng pagkakataon sa mga alagad ni Jesus upang ‘makatakas tungo sa mga bundok,’ gaya ng payo sa kaniyang hula na nakaulat sa Mateo 24:15, 16.
17, 18. (a) Sa pamamagitan ng anong kapighatian inilapat ni Jehova ang katarungan sa bayang Judio? (b) Anong laman ang ‘nakaligtas,’ at ito ay anino ng anong bagay?
17 Gayunman, darating pa lamang ang lubusang pagsasagawa ng kahatulan ni Jehova sa kasukdulan ng kapighatian. Noong 70 C.E., bumalik upang sumalakay ang mga hukbong Romano, na ngayo’y nasa ilalim ni Heneral Tito. Matindi ngayon ang labanan! Ang mga Judio, na sila mismo ay naglalaban-laban sa isa’t isa, ay hindi uubra sa mga Romano. Ang lunsod at ang templo nito ay lubusang winasak. Mahigit sa isang milyong buto’t balat na Judio ang nagdusa at namatay, mga 600,000 bangkay ang inihagis sa labas ng mga pintuang-daan ng lunsod. Pagkatapos na bumagsak ang lunsod, 97,000 Judio ang dinalang bihag, anupat marami ang namatay nang dakong huli sa mga pagtatanghal ng mga gladyador. Tunay, ang tanging laman na nakaligtas sa mga taon ng kapighatiang iyon ay yaong sa mga masunuring Kristiyano na tumakas tungo sa mga bundok sa kabila ng Jordan.—Mateo 24:21, 22; Lucas 21:20-22.
18 Sa gayon, nagkaroon ng una nitong katuparan ang dakilang hula ni Jesus hinggil sa “katapusan ng sistema ng mga bagay,” na ang kasukdulan ay sa araw ni Jehova ng paglalapat ng katarungan sa rebelyosong bansang Judio noong 66-70 C.E. (Mateo 24:3-22) Gayunman, iyon ay isa lamang anino ng ‘pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova,’ ang panghuling kapighatian na malapit nang lumamon sa buong sanlibutan. (Joel 2:31) Paano kayo “maliligtas”? Sasabihin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Inilahad ni Josephus na pinalibutan ng lumulusob na mga Romano ang lunsod, sinira ang bahagi ng pader, at susunugin na lamang ang pintuang-daan ng templo ni Jehova. Dahil dito ay nangilabot sa takot ang maraming Judiong nakulong sa loob, sapagkat nakikita nila ang napipintong kamatayan.—Wars of the Jews, Aklat II, kabanata 19.
Mga Tanong sa Repaso
◻ Paano nauugnay ang “araw ng Panginoon” sa “araw ni Jehova”?
◻ Sa pagbabalik-tanaw sa panahon ni Noe, anong babala ang dapat nating bigyang-pansin?
◻ Paano naglaan ng isang mabisang aral ang Sodoma at Gomorra?
◻ Sino ang mga nakaligtas sa unang-siglong “malaking kapighatian”?
[Mga larawan sa pahina 15]
Naglaan si Jehova ng kaligtasan para sa mga pamilya nina Noe at Lot, gayundin noong 607 B.C.E. at 70 C.E.