Pinararating sa Mas Maraming Tao ang Mabuting Balita
HABANG pinag-iisipan ko ang mga tao sa aking lupang tinubuan, natanto ko na sa mga balita lamang nalalaman ng marami ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Sa palagay ko ay kailangang makausap ang mga taong ito upang malaman nila kung sino ang mga Saksi ni Jehova at kung ano ang talagang pinaniniwalaan nila. Subalit paano ako makatutulong? Ang aking asawa ay isang Kristiyanong matanda, at nagbigay siya ng matatalinong patnubay at mungkahi sa akin.
Nagkaroon kami ng ideya mula sa artikulong “Mga Magasing Nagbibigay ng Praktikal na Kaaliwan,” na inilathala sa Enero 8, 1995, labas ng magasing Gumising! Tungkol sa gawain ng isang Saksi, ganito ang sabi ng artikulo: “Tinitiyak niyang tipunin ang mas matandang mga sipi ng ilang magasing Gumising! na natipon ng ibang mga Saksi sa tahanan. Pagkatapos ay dumadalaw siya sa mga ahensiya na inaakala niyang maaaring magpakita ng pantanging interes sa ilang mga paksa.”
Sa tulong ng aking asawa, di-nagtagal ay nakapangolekta ako ng ilang daang kopya ng magasin. Mula sa mga ito ay nakapili ako ng sari-saring paksa na angkop sa mga tao na sisikapin kong makausap.
Sa pamamagitan ng paggamit sa direktoryo ng telepono at mga pampublikong rekord, nakatipon ako ng isang listahan ng mga ospital, bahay-tuluyan ng mga kabataan, at mga nursing home. Inilista ko rin ang mga direktor ng punerarya, superbisor at tagapayo ng paaralan, tagasuring mediko, at mga opisyal ng mga bilangguan at hukuman. Kasali sa aking listahan ang mga direktor ng mga institusyon para sa mga alkoholiko at mga sugapa sa droga, mga samahan ukol sa mga usaping pangkapaligiran, sa mga may-kapansanan at mga biktima ng digmaan, at sa pagsasaliksik sa mga pagkaing pangkalusugan. Hindi ko rin naman nakaligtaan ang mga tagapangasiwa ng mga tanggapan sa pagkakawanggawa, sa mga serbisyong panlipunan, at sa mga kapakanang pampamilya.
Ano ang Sasabihin Ko?
Ang unang ginawa ko nang ako’y dumalaw ay ang ipakilalang mabuti kung sino ako. Pagkatapos ay binanggit ko na ang aking pagdalaw ay tatagal lamang ng ilang minuto.
Kapag kaharap na ang taong nangangasiwa, ganito ang sinasabi ko: “Ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova. Gayunpaman, hindi ako naparito upang makipag-usap tungkol sa relihiyon, na maaaring hindi angkop sa oras ng trabaho.” Karaniwan nang nagiging panatag ang situwasyon. Pagkatapos, samantalang ibinabagay ang aking mga komento sa situwasyon, ganito pa ang sasabihin ko: “Dalawa ang dahilan ng aking pagdalaw. Una, nais kong ipahayag ang aking pagpapahalaga sa gawain na inoorganisa ng inyong tanggapan. Kung sa bagay, hindi dapat ipagwalang-bahala ang paggugol ng isa ng kaniyang panahon at lakas sa kapakanan ng publiko sa pangkalahatan. Ito ay tiyak na dapat papurihan.” Sa maraming pagkakataon ay namamangha ang tao na nilalapitan sa ganitong paraan.
Malamang na sa puntong ito ay nag-iisip na ang tao kung ano ang ikalawang dahilan ng aking pagdalaw. Magpapatuloy ako: “Ang ikalawang dahilan ng aking pagdalaw ay ito: Mula sa aming magasing Gumising!, na inilalathala sa buong daigdig, pumili ako ng ilang artikulo na pantanging tumatalakay sa uri ng inyong gawain at sa mga suliraning kaugnay nito. Tiyak ko na gusto ninyong malaman kung paano minamalas ng isang internasyonal na babasahin ang mga problemang ito. Nalulugod akong iwan sa inyo ang mga kopyang ito.” Malimit sabihin sa akin na pinahahalagahan ang aking mga pagsisikap.
Ang Kamangha-mangha at Kasiya-siyang mga Resulta
Kapag ginamit ko ang pamamaraang ito, malimit ay maganda ang pagtanggap sa akin; isa lamang sa bawat 17 nakakausap ko ang tumatanggi sa akin. Marami akong karanasan na kapuwa kamangha-mangha at kasiya-siya.
Halimbawa, pagkatapos ng apat na beses na pagsubok at matiyagang paghihintay, nagtagumpay akong makausap ang isang pandistritong inspektor ng paaralan. Siya ay totoong abalang tao. Gayunpaman, siya ay totoong palakaibigan at sandaling nakipag-usap sa akin. Nang paalis na ako, sinabi niya: “Lubos kong pinahahalagahan ang iyong pagsisikap, at tiyak na babasahin kong mabuti ang inyong literatura.”
Sa isa pang pagkakataon, pumunta ako sa isang pandistritong hukuman, anupat nakilala ko ang pangunahing hukom na isang lalaking may katamtamang edad. Nang pumasok ako sa kaniyang tanggapan, tumingala siya mula sa kaniyang pagbabasa at tumingin na parang nayayamot.
“Bukás ang opisina tuwing Martes ng umaga lamang, at puwede ako sa panahong iyon para sa anumang impormasyon,” ang masungit na tugon niya.
“Ipagpaumanhin po ninyo ang pagpunta ko nang wala sa panahon,” ang mabilis na tugon ko at isinusog ko, “Siyempre po, malulugod akong bumalik sa ibang pagkakataon. Subalit ang totoo po ang aking pagdalaw ay isang personal na bagay.”
Ngayon ay nagkainteres ang hukom. Itinanong niya kung ano ang kailangan ko, sa paraang hindi na gaanong nagagalit. Inulit ko na babalik na lamang ako sa Martes.
“Pakisuyo, maupo ka,” ang giit niya, na lubha kong ipinagtaka. “Ano ba ang kailangan mo?”
Nagkaroon ng masiglang pag-uusap, at humingi siya ng paumanhin sa pagiging magaspang sa pasimula dahil siya’y totoong abala.
“Alam mo ba kung ano ang gusto ko sa mga Saksi ni Jehova?” ang tanong ng hukom pagkalipas ng ilang sandali. “Sila’y may matibay na mga simulain na sa mga ito ay hindi sila lumilihis. Sinubukan ni Hitler ang lahat ng maaari niyang gawin, subalit hindi pa rin sumali sa digmaan ang mga Saksi.”
Nang pumasok kaming dalawa sa isang tanggapan, nakilala kami ng mga kalihim doon. Pagkatapos ay walang-siglang nagsalita ang tagapangasiwang kalihim, “Ang presidente ay hindi kailanman tumatanggap ng anumang grupo.”
“Ngunit tatanggapin niya kami,” ang mahinahon kong tugon, “dahil kami’y mga Saksi ni Jehova. Hindi naman kami nagpepetisyon, at ang aming pagdalaw ay hindi lalampas ng tatlong minuto.” Tahimik akong nanalangin nang taimtim, “O Jehova, sana ay mabuti ang maging resulta nito!”
Medyo mabigat-sa-loob na tumugon ang kalihim, “Sige, susubukan ko.” Umalis siya. Pagkalipas ng mga dalawang minuto, na para sa akin ay waring walang hanggan, bumalik siya kasunod ang presidente mismo. Walang kaimik-imik, inakay niya kami patungo sa kaniyang tanggapan, na nilampasan ang dalawa pang silid.
Nang magsimula na kaming mag-usap, siya ay unti-unting naging palakaibigan. Malugod niyang tinanggap ang pantanging mga isyu ng magasing Gumising! nang ialok namin ang mga ito. Pinasalamatan namin si Jehova dahil sa pagkakataong ito na makapagbigay ng mainam na patotoo tungkol sa layunin ng ating gawain.
Sa pagbabalik-tanaw sa maraming magagandang karanasan, lalo kong napahalagahan ang sinabi ni apostol Pedro: “May katiyakang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.” (Gawa 10:34, 35) Kalooban ng Diyos na anuman ang pinagmulan, wika, o katayuan sa lipunan ng mga tao ay mabigyan sila ng pagkakataong malaman ang kaniyang layunin para sa sangkatauhan at para sa lupa.—Isinulat.