Ano Ba ang Talmud?
“Ang Talmud ay walang-alinlangang isa sa pinakanatatanging akda sa panitikan kailanman.”—The Universal Jewish Encyclopedia.
“[Ang Talmud ay] isa sa mga dakilang gawang intelektuwal ng sangkatauhan, isang dokumento na gayon na lamang kasalimuot, gayon na lamang kalawak ang kahulugan, gayon na lamang kahirap unawain anupat pinanatili nitong abala ang pinakamatatalas na isip sa loob ng mahigit na isa’t kalahating milenyo.”—Jacob Neusner, Judiong iskolar at awtor.
“Ang Talmud ang siyang pangunahing haligi [ng Judaismo] na sumusuhay sa buong espirituwal at intelektuwal na kayarian ng buhay ng mga Judio.”—Adin Steinsaltz, isang iskolar sa Talmud at isang rabbi.
ANG Talmud ay walang-alinlangang may napakalaking impluwensiya sa mga Judio sa loob ng maraming siglo. Subalit taliwas sa nabanggit na mga papuri, ang Talmud ay hinamak at tinawag na “isang dagat ng kalituhan at burak.” Binatikos ito bilang isang mapamusong na gawa ng Diyablo. Sa pamamagitan ng dekreto ng papa, ito ay paulit-ulit na ipinagbawal, kinumpiska, at sinunog pa nga nang maramihan sa mga liwasan ng Europa.
Ano nga ba talaga ang akdang ito na pumukaw ng gayon na lamang katinding kontrobersiya? Bakit natatangi ang Talmud sa gitna ng mga kasulatang Judio? Bakit ito isinulat? Paano ito nagkaroon ng gayong epekto sa Judaismo? May kahulugan kaya ito sa mga taong di-Judio?
Sa loob ng 150 taon matapos mawasak ang templo sa Jerusalem noong 70 C.E., apurahang naghanap ang mga akademya ng mga rabinikong paham sa buong Israel ng isang bagong saligan para mapanatili ang mga kaugaliang Judio. Kanilang pinagtalunan at pinagtibay ang iba’t ibang tradisyon ng kanilang binibigkas na batas. Salig sa pundasyong ito, nagtakda sila ng bagong mga hangganan at mga kahilingan para sa Judaismo, anupat nagbigay ng patnubay para sa pang-araw-araw na pamumuhay nang may kabanalan na walang isang templo. Ang bagong espirituwal na balangkas na ito ay binuod sa Mishnah, na tinipon ni Judah ha-Nasi sa pagsisimula ng ikatlong siglo C.E.a
Nakatayong mag-isa ang Mishnah, na hindi na kailangang bigyang-matuwid batay sa mga sinasabi sa Bibliya. Ang paraan ng pagtalakay nito at maging ang istilo ng Hebreo nito ay namumukod-tangi, anupat naiiba sa teksto ng Bibliya. Ang mga pasiya ng mga rabbi na sinipi sa Mishnah ay makaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Judio sa lahat ng dako. Sa katunayan, nagkomento si Jacob Neusner: “Inilaan ng Mishnah ang saligang-batas ng Israel. . . . Humihiling ito na tanggapin at sang-ayunan ang mga alituntunin nito.”
Subalit paano kung ang ilan ay magtanong kung ang awtoridad ng mga paham na sinipi sa Mishnah ay talaga ngang kapantay ng isiniwalat na Kasulatan? Kailangang ipakita ng mga rabbi na ang mga turo ng Tannaim (mga guro ng binibigkas na batas) na masusumpungan sa Mishnah ay kasuwatung-kasuwato ng Hebreong Kasulatan. Kinailangan pa ang karagdagang komentaryo. Nadama nila ang pangangailangan na ipaliwanag at bigyang-matuwid ang Mishnah at patunayan na ito’y nagmula sa Batas na ibinigay kay Moises sa Sinai. Napilitan ang mga rabbi na patunayang may iisang diwa at layunin ang binibigkas at ang nasusulat na batas. Kung gayon, sa halip na maging siyang pangwakas na komentaryo tungkol sa Judaismo, ang Mishnah ay naging isang bagong pundasyon para sa relihiyosong mga talakayan at debate.
Ang Paggawa sa Talmud
Ang mga rabbi na tumugon sa bagong hamong ito ay nakilala bilang Amoraim—“mga tagapagbigay-kahulugan,” o “mga tagapagpaliwanag,” ng Mishnah. Bawat akademya ay nakasentro sa isang prominenteng rabbi. Buong taon na nagdaraos ng mga talakayan ang isang maliit na grupo ng mga iskolar at mga estudyante. Subalit ang pinakamahahalagang sesyon ay ginaganap nang dalawang beses sa isang taon, sa mga buwan ng Adar at Elul, kapag kakaunti ang mga gawain sa pagsasaka at daan-daan o libu-libo pa nga ang makadadalo.
Nagpaliwanag si Adin Steinsaltz: “Ang pangulo ng akademya ang nangangasiwa at umuupo sa isang silya o pantanging panlatag. Sa unang hanay sa tapat niya ay nakaupo ang mas may awtoridad na mga iskolar, pati na ang kaniyang mga kasamahan o magagaling na estudyante, at nasa likuran nila ang lahat ng iba pang iskolar. . . . Ang kaayusan sa upuan ay batay sa isang eksaktong itinalagang herarkiya [alinsunod sa taglay na awtoridad].” Binibigkas ang isang bahagi ng Mishnah. Pagkatapos ay inihahambing ito sa katumbas o karagdagang materyal na tinipon ng Tannaim ngunit hindi kalakip sa Mishnah. Magsisimula ang pagsusuri. Nagbabangon ng mga tanong, at sinusuri ang mga pagkakasalungatan upang makita ang panloob na pagkakasuwato ng mga turo. Ang nagpapatunay na mga teksto mula sa Hebreong Kasulatan ay hinahanap upang suhayan ang mga rabinikong turo.
Bagaman maingat na isinaayos, ang mga talakayang ito ay mainit, anupat magulo pa nga kung minsan. Isang paham na sinipi sa Talmud ang bumanggit tungkol sa mga “tilamsik ng apoy” na tumatalsik sa mga bibig ng mga rabbi sa panahon ng debate. (Hullin 137b, Babylonian Talmud) Ganito ang sinabi ni Steinsaltz tungkol sa mga kaganapang ito: “Ang pangulo ng akademya, o ang paham na bumibigkas ng pahayag, ay nagbibigay ng kaniyang sariling pagpapakahulugan sa mga suliranin. Malimit siyang pinauulanan ng tanong ng mga iskolar na nakikinig batay sa ibang pinagmumulan ng impormasyon, sa pananaw ng ibang komentarista, o sa kanilang sariling lohikal na mga konklusyon. Kung minsan ang debate ay napakaigsi at limitado lamang sa isang malinaw at tiyakang tugon sa isang espesipikong tanong. Sa iba namang kaso ay nagbibigay ng mapagpipiliang solusyon ang ibang iskolar at kasunod nito ay isang malawakang debate.” Lahat ng dumalo ay malayang makibahagi. Ang mga isyung niliwanag sa mga sesyon ay ipababatid sa ibang akademya para repasuhin ng ibang iskolar.
Gayunman, hindi lamang walang-katapusang mga debate sa batas ang mga sesyong ito. Ang mga bagay na may kinalaman sa batas na tumatalakay sa mga alituntunin at mga regulasyon ng relihiyosong pamumuhay ng mga Judio ay tinatawag na Halakah. Ang salitang ito ay galing sa Hebreong salitang-ugat na “pumunta” at nagpapahiwatig ng ‘daan ng buhay na dapat tahakin ng isa.’ Ang lahat ng iba pang bagay—mga kuwento tungkol sa mga rabbi at mga tauhan sa Bibliya, pantas na mga kasabihan, mga ideya sa paniniwala at pilosopiya—ay tinatawag na Haggadah, mula sa Hebreong salitang-ugat na “sabihin.” Ang Halakah at Haggadah ay pinagsasama sa panahon ng mga rabinikong debate.
Sa kaniyang aklat na The World of the Talmud, nagkomento si Morris Adler: “Ginagambala ng isang pantas na guro ang isang mahaba at mahirap na argumento tungkol sa batas sa pamamagitan ng isang paglihis tungo sa hindi gaanong mahirap at mas nakapagpapasiglang paksa. . . . Sa gayon nakasusumpong tayo ng alamat at kasaysayan, napapanahong siyensiya at kuwento, paliwanag at biyograpiya sa Bibliya, sermon at teolohiya na pinagsama, na para sa isang di-pamilyar sa mga paraan ng akademya ay waring isang kakatwang paghahalu-halo ng di-organisadong impormasyon.” Sa mga iskolar sa mga akademya, lahat ng gayong paglihis ay may isang layunin at nauugnay sa puntong tinatalakay. Ang Halakah at Haggadah ang mga saligan sa pagbuo ng isang bagong balangkas sa rabinikong mga akademya.
Ang Paggawa ng Dalawang Talmud
Nang maglaon, ang pangunahing rabinikong sentro sa Palestina ay inilipat sa Tiberias. Ang iba pang mahahalagang akademya ay matatagpuan sa Sepphoris, Cesarea, at Lida. Ngunit ang humihinang kalagayan sa ekonomiya, patuloy na kawalang-katatagan sa pulitika, at sa wakas ang panggigipit at pag-uusig mula sa apostatang Kristiyanismo ay humantong sa malawakang pandarayuhan sa isa pang malaking sentro ng populasyong Judio sa Silangan—ang Babilonia.
Sa loob ng maraming siglo, dumagsa ang mga estudyante mula sa Babilonia tungo sa Palestina upang mag-aral sa ilalim ng dakilang mga rabbi sa mga akademya. Ang isa sa mga estudyanteng ito ay si Abba ben Ibo, tinawag ding Abba Arika—si Abba na matangkad—ngunit nang dakong huli ay nakilala na lamang bilang Rab. Nagbalik siya sa Babilonia noong mga 219 C.E. matapos mag-aral kay Judah ha-Nasi, at ito ay nagdulot ng malaking pagbabago sa espirituwal na kahalagahan ng Judiong pamayanan sa Babilonia. Si Rab ay nagtatag ng isang akademya sa Sura, isang lugar na maraming Judio ngunit kakaunti ang mga iskolar. Ang kaniyang reputasyon ay umakit sa 1,200 regular na mga estudyante sa kaniyang akademya, anupat libu-libo pa ang nagsisidalo kapag mga Judiong buwan ng Adar at Elul. Ang prominenteng kapanahon ni Rab, si Samuel, ay nagtatag ng isang akademya sa Nehardea. Lumitaw ang iba pang mahahalagang akademya sa Pumbeditha at Mehoza.
Ngayon ay hindi na kailangang maglakbay pa patungo sa Palestina, sapagkat ang isa ay maaaring mag-aral sa ilalim ng dakilang mga iskolar sa Babilonia. Ang pagkabuo ng Mishnah bilang isang hiwalay na teksto ay naghanda ng daan para sa ganap na kasarinlan ng mga akademya sa Babilonia. Bagaman nagkaroon na ngayon sa Palestina at Babilonia ng iba’t ibang istilo at pamamaraan ng pag-aaral, naingatan ng malimit na pag-uusap at pagpapalitan ng mga guro ang pagkakaisa ng mga akademya.
Sa pagtatapos ng ikaapat at sa pagsisimula ng ikalimang siglo C.E., lalong naging mahirap ang situwasyon para sa mga Judio sa Palestina. Ang daluyong ng mga pagbabawal at pag-uusig sa ilalim ng lumalaking awtoridad ng apostatang Sangkakristiyanuhan ay humantong sa pangwakas na dagok ng pagbuwag kapuwa sa Sanedrin at sa posisyon ng Nasi (patriyarka) noong mga 425 C.E. Kaya sinimulan ng Palestinong Amoraim na bumuo ng iisang nagkakasuwatong akda mula sa sumaryo ng mga debate sa mga akademya upang matiyak na maiingatan ang mga ito. Ang akdang ito, na madaliang tinipon noong magtatapos ang ikaapat na siglo C.E., ay nakilala bilang ang Palestinian Talmud.b
Samantalang humihina ang mga akademya sa Palestina, nararating naman ng Amoraim sa Babilonia ang tugatog ng kanilang kakayahan. Iniangat nina Abaye at Raba ang antas ng debate tungo sa masalimuot at mahusay na pangangatuwiran na sa dakong huli ay naging halimbawa ng pagsusuri sa Talmud. Sumunod, si Ashi, ang pangulo ng akademya sa Sura (371-427 C.E.), ay nagsimulang magtipon at magsaayos ng mga sumaryo ng mga debate. Ayon kay Steinsaltz, ginawa niya iyon “sa takot na, dahil sa hindi nga ito maayos, ang napakalaking kalipunan ng binibigkas na materyal ay nanganganib na unti-unting malimutan.”
Ang malaking kalipunang ito ng materyal ay higit pa sa maisasaayos ng isang tao o maging ng isang salinlahi. Ang panahon ng Amoraim ay natapos sa Babilonia noong ikalimang siglo C.E., subalit ang gawain ng panghuling pagsasaayos ng Babylonian Talmud ay nagpatuloy hanggang sa ikaanim na siglo C.E. sa pamamagitan ng isang grupo na tinawag na Saboraim, isang Aramaikong salita na nangangahulugang “ang mga tagapagpaliwanag,” o “tagapagbigay ng opinyon.” Pinagsama-sama ng mga huling patnugot na ito ang libu-libong magkakahiwalay na di-kumpletong impormasyon at mga rabinikong debate sa loob ng maraming siglo, anupat nagbigay sa Babylonian Talmud ng isang istilo at kayarian na nagbubukod dito mula sa lahat ng naunang kasulatang Judio.
Ano ang Nagawa ng Talmud?
Nilayon ng mga rabbi ng Talmud na patunayang ang pinagmulan ng Mishnah ay siya ring pinagmulan ng Hebreong Kasulatan. Ngunit bakit? Nagkomento si Jacob Neusner: “Ang ipinahayag na usapin ay ang katayuan ng Mishnah. Ngunit ang pinakaisyu ng bagay na ito ay lumalabas na yaong awtoridad ng paham mismo.” Upang patibayin ang awtoridad na ito, bawat linya sa Mishnah, kung minsan bawat salita, ay sinuri, hinamon, ipinaliwanag, at pinagtugma sa isang paraan. Sinabi ni Neusner na sa ganitong paraan ay “inilipat [ng mga rabbi] ang direksiyon ng Mishnah mula sa isang landas tungo sa iba.” Bagaman binuo bilang isang akda na kumpleto sa ganang sarili, ang Mishnah ngayon ay masusing sinuri at binigyang-kahulugan sa maliliit na bahagi. Sa paggawa nito, ito ay muling binuo at muling binigyang-kahulugan.
Ang bagong akdang ito—ang Talmud—ay tumupad sa layunin ng mga rabbi. Nagtakda sila ng mga alituntunin sa pagsusuri, at samakatuwid ay tinuruan nito ang mga tao na mag-isip tulad sa mga rabbi. Naniwala ang mga rabbi na ang kanilang pamamaraan sa pag-aaral at pagsusuri ay nagpapaaninaw ng pag-iisip ng Diyos. Ang pag-aaral mismo sa Talmud ay naging tunguhin, isang anyo ng pagsamba—ang paggamit ng isip na ipinagpapalagay na pagtulad sa Diyos. Sa susunod na mga salinlahi, ang Talmud mismo ay susuriin sa ganitong pamamaraan. Ang resulta? Ganito ang isinulat ng mananalaysay na si Cecil Roth: “Ang Talmud . . . ay nagbigay [sa mga Judio] ng permanenteng katangian na nagbubukod sa kanila mula sa iba, gayundin ng kanilang pambihirang kakayahang tumanggi at ng kanilang pagkakaisa. Ang pangangatuwiran nito ang nagpatalas sa kanilang pang-unawa, at nagbigay sa kanila . . . ng katalinuhan ng isip. . . . Binigyan ng Talmud ang pinag-uusig na Judio noong Edad Medya ng isa pang daigdig kung saan maaari siyang makatakas . . . Binigyan siya nito ng isang sariling bayan, na maaari niyang dalhin kapag nawala na ang kaniyang sariling lupain.”
Sa pagtuturo sa iba ng pag-iisip ng mga rabbi, tiyak na naging maimpluwensiya ang Talmud. Ngunit ang tanong para sa lahat—kapuwa mga Judio at di-Judio—ay ito, Talaga bang masasalamin sa Talmud ang pag-iisip ng Diyos?—1 Corinto 2:11-16.
[Mga talababa]
a Para sa higit na impormasyon tungkol sa pagkabuo at nilalaman ng Mishnah, tingnan ang artikulong “Ang Mishnah at ang Batas ng Diyos kay Moises” sa Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1997.
b Ang Palestinian Talmud ay mas kilala bilang ang Jerusalem Talmud. Gayunman, ang terminong ito ay isang maling katawagan, yamang hindi napapasok ng mga Judio ang Jerusalem noong kalakhang bahagi ng panahong Amoraico.
[Kahon sa pahina 31]
Ang Dalawang Talmud—Ano ang Pagkakaiba ng mga Ito?
Ang Hebreong salita na “Talmud” ay nangangahulugan ng “pag-aaral” o “pagkatuto.” Isinagawa ng Amoraim ng Palestina at Babilonia ang pag-aaral, o pagsusuri, sa Mishnah. Ganito ang ginagawa ng dalawang Talmud (Palestinian at Babylonian), pero ano ang pagkakaiba ng mga ito? Sumulat si Jacob Neusner: “Ang unang Talmud ay sumusuri sa ebidensiya, ang pangalawa ay sumisiyasat sa batayan; ang una ay lubusang nanatili sa paksang tinatalakay, ang pangalawa ay lubhang lumalampas dito.”
Ang mas masusi at lubusang pagsasaayos na ginawa sa Babylonian Talmud ay nagpangyari rito na hindi lamang maging mas malaki kundi mas malalim din at mas matalas ang paraan ng pag-iisip at pagsusuri nito. Kapag binabanggit ang salitang “Talmud,” karaniwan nang ang tinutukoy ay ang Babylonian Talmud. Ito ang Talmud na lubhang pinag-aralan at kinomentuhan sa paglipas ng mga siglo. Sa palagay ni Neusner, ang Palestinian Talmud “ay isang akda ng may-kakayahan,” at ang Babylonian Talmud “ay isang akda ng henyo.”