Isang Pambihirang Kasalan
NASA gawing hilaga ng Mozambique ang isang saganang libis na napalilibutan ng magagandang bundok—ang ilan ay mabato, ang iba naman ay natatakpan ng malalagong pananim. Sa dakong ito masusumpungan ang nayon ng Fíngoè. Sa maaliwalas na mga gabi ng taglamig, ang langit ay nagniningning sa mga bituin, at ang buwan ay nagliliwanag anupat nasisinagan nito ang nabubungan-ng-dayaming mga tahanan ng mga taganayon. Sa kahanga-hangang tanawing ito naganap ang isang namumukod-tanging kasalan.
Daan-daang tao ang naglakad nang ilang oras, mga araw pa nga, upang dumalo sa natatanging okasyong ito. Ang ilan ay tumawid sa mailang at mapanganib na mga dakong pinamumugaran ng mga hyena, leon, at mga elepante. Bukod sa pansariling dala-dalahan, marami sa mga bisita ang may dalang mga manok, kambing, at gulay. Nang sila’y makarating sa nayon, pumunta sila sa isang malawak na lugar na karaniwang ginagamit para sa mga Kristiyanong kombensiyon. Bagaman pagod mula sa paglalakbay, sila’y maligaya, at mababakas sa kanilang nakangiting mga mukha ang pananabik sa susunod na mangyayari.
Sino ba ang mga ikakasal? Marami sila! Oo, isang malaking bilang ng mga ikakasal. Sila’y hindi bahagi ng kontrobersiyal na maramihang kasalan. Sa halip, ang mga ito’y taimtim at may mabuting layunin na mga nagsasama ngunit hindi naparehistro ang kasal noon sapagkat sila’y nakatira sa mga liblib na pook na malayo sa mga tanggapan ng pagrerehistro. Nabatid ng lahat ng nagsasamang ito ang maka-Diyos na mga pamantayan hinggil sa pag-aasawa nang sila’y makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Nalaman nila na kailangan nilang magpakasal ayon sa mga batas ng lupain upang mapaluguran ang kanilang Maylalang, ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa, kung paanong sina Jose at Maria ay tumalima sa mga kahilingan ng pagrerehistro noong panahon na malapit nang isilang si Jesus.—Lucas 2:1-5.
Paghahanda sa Okasyon
Nagpasiyang tumulong ang tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Mozambique. Una, nakipag-ugnayan muna sa mga Ministro ng Katarungan at ng Panloob sa kapitolyo ng bansa, ang Maputo, upang alamin kung anong pamamaraan ang hinihiling ng batas. Sumunod, nakipag-ugnayan sa lokal na mga awtoridad ang mga misyonerong nasa kapitolyong lunsod ng lalawigan ng Tete upang mapangasiwaan pa ang mga kaayusan. Itinakda ang isang petsa ng paglalakbay ng mga misyonero at mga opisyal ng Notary at ng Civil Identification Department patungo sa nayon ng Fíngoè. Samantala, ang tanggapang pansangay naman ay nagpadala ng isang liham ng paliwanag na naglalaan ng mga tagubilin sa lahat ng kinauukulang kongregasyon. Sabik na sabik kapuwa ang mga Saksi at ang mga lokal na opisyal sa namumukod-tanging okasyong ito.
Noong Linggo, Mayo 18, 1997, dumating sa Fíngoè ang tatlong misyonero kasama ang mga opisyal ng pamahalaan. Naghanda ang lokal na mga awtoridad ng matutuluyan ng mga opisyal malapit sa gusali ng administrasyon. Gayunman, gayon na lamang ang paghanga ng mga panauhing opisyal sa pagiging mapagpatuloy ng mga Saksi ni Jehova anupat minabuti pa nilang makituloy kasama ng mga misyonero sa ginawang pansamantalang mga kubo. Nagulat sila nang malamang isa sa mga tagaluto ay isang elder sa isang lokal na kongregasyon at na kabilang sa mga gumagawa ng mababang uri ng trabaho bilang paghahanda sa kasalan ang isang naglalakbay na tagapangasiwa. Napansin din nila ang kabaitan ng mga misyonero na walang-reklamong tumuloy sa isang simpleng kubo at gumamit ng tabò sa paliligo. Ngayon lamang sila nakakita ng gayong katibay na buklod sa pagitan ng mga taong may iba’t ibang pinagmulan. Gayunman, ang lalong nakapagpahanga sa kanila ay ang pananampalatayang ipinamalas sa pagsasagawa ng malaking sakripisyo upang makasuwato lamang ng batas ng lupain at ng kaayusan ng Diyos.
Isang Maligayang Okasyon
Nang dumating ang mga ikakasal, agad nilang inihanda ang unang hakbang sa pag-aasawa: ang pagkuha ng sertipiko ng kapanganakan. Lahat ay matiyagang naghintay habang nakapila sa harap ng mga tauhan ng Civil Registry upang ibigay ang mga impormasyon tungkol sa kanilang sarili. Pagkatapos ay tumuloy sila sa sumunod na pila upang makunan ng larawan, at saka sila pumunta sa mga tauhan ng Civil Identification Department upang kunin ang kanilang mga identity card. Pagkatapos, sila’y bumalik sa mga tauhan ng Civil Registry para sa paghahanda sa pinananabikang sertipiko ng kasal. Kasunod nito, matiyaga silang nakatayo habang hinihintay ang pagtawag sa kanilang pangalan sa megaphone. Ang pag-aabot ng sertipiko ng kasal ay isang makabagbag-pusong eksena. Nag-umapaw ang kaligayahan habang hawak ng bawat mag-asawa ang kanilang sertipiko ng kasal na parang isang napakahalagang tropeo.
Ang lahat ng ito’y naganap sa gitna ng nakapapasong init ng araw. Gayunman, hindi nahadlangan ng init at alikabok ang kagalakang dulot ng okasyon.
Magara ang suot ng mga lalaki, anupat karamihan ay nakaamerikana. Ang mga babae naman ay nakabihis ng kanilang tradisyonal na kasuutan, na may mahaba at makulay na tela na ang tawag ay capulana na nakabalot sa kanilang baywang. Ang ilan ay may dalang mga sanggol na nakabalot sa gayunding tela.
Naging maayos ang mga bagay-bagay, ngunit napakarami nila upang matapos na lahat sa isang araw. Nang gumabi na, buong-kabaitang nagpasiya ang mga opisyal ng pamahalaan na ipagpatuloy pa ang paglilingkod sa mga ikakasal. Sinabi nila na hindi nila maaatim na iwan ang “ating mga kapatid” na naghihintay pagkatapos ng napakalaking sakripisyong ginawa ng mga ito upang makarating doon. Hindi kailanman malilimutan ang espiritung ito ng pagtutulungan at pagsasakripisyo sa sarili.
Kasabay ng pagdilim ang matinding lamig. Habang may ilang nakatuloy sa mga kubo, karamihan sa mga ikakasal ay nasa labas, habang magkakatabing nakapalibot sa mga sigâ. Ito’y hindi man lamang nakabawas sa kaligayahan ng okasyon. Nangibabaw sa mga sagitsit ng apoy ang tunog ng halakhakan at awitan, na inawit sa apatang-himig ng armoniya. Ikinuwento ng marami ang tungkol sa kanilang paglalakbay, habang mahigpit na hawak ang katatanggap na mga dokumento.
Pagsapit ng bukang-liwayway ang ilan ay nagbakasakali sa gitna ng nayon na ipagbili ang kanilang mga manok, kambing, at gulay upang ibayad sa rehistro ng kanilang kasal. Marami ang tunay na “naghain” ng mga hayop na iyon, anupat ipinagbili ang mga ito sa napakababang halaga. Para sa mahihirap, ang kambing ay isang napakahalaga at napakamahal na pag-aari; ngunit handa nilang gawin ang pagsasakripisyong ito upang makasal at mapaluguran ang kanilang Maylalang.
Tiniis na mga Hirap sa Paglalakbay
Ang ilan sa mga ikakasal ay naglakad nang pagkalalayo upang makarating doon. Ito ang naging karanasan ni Chamboko at ng kaniyang asawa, si Nhakulira. Ikinuwento nila ang nangyari sa kanila noong ikalawang gabi ng okasyon habang idinadarang ang kanilang mga paa sa sigâ. Bagaman 77 taon na, bulag ang isang mata at malabo pa ang isa, si Chamboko ay yapak na naglakad nang tatlong araw kasama ng iba pa sa kaniyang kongregasyon, sapagkat siya’y determinadong gawing legal ang kanilang 52 taon nang pagsasama.
Si Anselmo Kembo, 72 taóng gulang, ay mga 50 taon nang nakikisama kay Neri. Ilang araw bago ang paglalakbay, malubhang natusok ang kaniyang binti ng isang malaking tinik habang naglilinang ng kaniyang pananim. Siya’y isinugod sa pinakamalapit na ospital upang gamutin. Magkagayunman, ipinasiya niyang lakarin ang paglalakbay, anupat dahil sa sakit ay paika-ikang binagtas ang daan patungo sa Fíngoè. Umabot ito ng tatlong araw. Hindi mapigil ni Anselmo ang kaniyang kagalakan habang hawak ang kaniyang sertipiko ng kasal.
Ang isa pang kapuri-puring bagong kasal ay si Evans Sinóia, dati’y maraming asawa. Nang matutuhan niya ang katotohanan sa Salita ng Diyos, ipinasiya niyang gawing legal ang pagsasama nila ng kaniyang unang asawa, ngunit tumanggi ito, anupat iniwan siya at sumama sa ibang lalaki. Ang kaniyang pangalawang asawa, na nag-aaral din ng Bibliya, ay sumang-ayon na pakasal sa kaniya. Sila’y magkasamang naglakad sa mapanganib na lugar na pinamumugaran ng mga leon at iba pang mababangis na hayop. Pagkatapos ng tatlong araw na paglalakbay, sila man ay matagumpay na nakasal nang legal.
Noong Biyernes, limang araw mula ng dumating ang mga misyonero at mga opisyal, natapos ang gawain. Ang resulta ay 468 identity card at 374 na mga sertipiko ng kapanganakan ang naibigay. Ang bilang ng naibigay na sertipiko ng kasal ay 233! Natigib ng kaligayahan ang kapaligiran. Bagaman pagod, lahat ay sumang-ayon na iyon ay sulit na sulit. Walang alinlangan, ang okasyong iyon ay mananatiling nakaukit nang malalim sa mga isipan at puso ng lahat ng naroroon. Tunay na iyon ay isang pambihirang kasalan!