Mayroon Ka Bang “Isang Masunuring Puso”?
NANG si Solomon ay maging hari ng sinaunang Israel, nakadama siya ng kakulangan. Kaya humiling siya sa Diyos ng karunungan at kaalaman. (2 Cronica 1:10) Si Solomon ay nanalangin din: “Nararapat mong bigyan ang iyong lingkod ng isang masunuring puso upang humatol sa iyong bayan.” (1 Hari 3:9) Kung may “masunuring puso” si Solomon, susundin niya ang banal na mga batas at simulain at mararanasan ang mga pagpapala ni Jehova.
Ang masunuring puso ay hindi isang pasanin kundi isang pinagmumulan ng kagalakan. Si apostol Juan ay sumulat: “Sapagkat ito ang kahulugan ng pag-ibig sa Diyos, na tuparin natin ang kaniyang mga kautusan; at gayunma’y ang kaniyang mga kautusan ay hindi nakapagpapabigat.” (1 Juan 5:3) Walang-alinlangan, dapat nating sundin ang Diyos. Tutal, si Jehova ang ating Dakilang Maylalang. Sa kaniya ang lupa at lahat ng naririto, maging ang lahat ng pilak at ginto. Kaya nga, talagang hindi tayo makapagbibigay sa Diyos ng anuman sa materyal, bagaman hinahayaan niyang gamitin natin ang ating mga pananalapi upang ipahayag ang ating pag-ibig sa kaniya. (1 Cronica 29:14) Inaasahan ni Jehova na ating iibigin siya at may pagpapakumbabang lalakad na kasama niya, na ginagawa ang kaniyang kalooban.—Mikas 6:8.
Nang tanungin si Jesu-Kristo kung alin ang pinakadakilang kautusan sa Batas, sinabi niya: “Ibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang buong puso mo at nang buong kaluluwa mo at nang buong pag-iisip mo. Ito ang pinakadakila at unang kautusan.” (Mateo 22:36-38) Ang pagsunod sa Diyos ay isang paraan upang ipahayag ang pag-ibig na iyan. Dapat kung gayon na ipanalangin ng bawat isa sa atin na bigyan tayo ni Jehova ng isang masunuring puso.
Sila’y May Isang Masunuring Puso
Naglalaman ang Bibliya ng maraming halimbawa niyaong mga may masunuring puso. Halimbawa, inutusan ni Jehova si Noe na magtayo ng isang malaking daong para sa pagpapanatili ng buhay. Ito’y isang napakalaking gawain na nangailangan ng mga 40 o 50 taon. Kahit na gamitin ang modernong mga kagamitan at iba pang kasangkapan sa ngayon, isang pambihirang gawang inhinyeriya ang magtayo ng gayong napakalaking bagay na maaaring lumutang. Isa pa, kailangang magbabala si Noe sa mga tao na walang-alinlangan ay lumibak at tumuya sa kaniya. Subalit siya’y masunurin kahit sa pinakamaliit na detalye. Sinasabi ng Bibliya: “Gayung-gayon ang ginawa niya.” (Genesis 6:9, 22; 2 Pedro 2:5) Ipinakita ni Noe ang pag-ibig niya kay Jehova sa pamamagitan ng matapat na pagsunod sa loob ng maraming taon. Anong inam na halimbawa para sa ating lahat!
Isaalang-alang din ang patriyarkang si Abraham. Inutusan siya ng Diyos na lumipat mula sa mayamang Ur ng mga Caldeo tungo sa isang di-kilalang lugar. Si Abraham ay sumunod nang walang pag-aalinlangan. (Hebreo 11:8) Sa natitirang bahagi ng buhay niya, siya at ang kaniyang pamilya ay nanirahan sa mga tolda. Pagkatapos ng maraming taon bilang dayuhan sa lupain, pinagpala siya ni Jehova at ang kaniyang masunuring asawang si Sara, ng isang anak na lalaki na ang pangalan ay Isaac. Gayon na lamang ang pagmamahal ng 100-taong-gulang na si Abraham sa kaniyang anak ng katandaan! Mga ilang taon pagkatapos, hiniling ni Jehova kay Abraham na ihain si Isaac bilang isang handog na susunugin. (Genesis 22:1, 2) Ang isipin lamang na gawin iyon ay tiyak na napakasakit para kay Abraham. Gayunman, sumunod pa rin siya sapagkat mahal niya si Jehova at nananampalataya siya na ang ipinangakong binhi ay darating sa pamamagitan ni Isaac, kahit mangailangan pang ibangon siya ng Diyos mula sa mga patay. (Hebreo 11:17-19) Subalit, nang sandaling papatayin na ni Abraham ang kaniyang anak, pinigilan siya ni Jehova at sinabi: “Ngayon ay nalalaman ko ngang ikaw ay may-takot sa Diyos sa dahilang hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isa.” (Genesis 22:12) Dahil sa kaniyang pagiging masunurin, ang may-takot sa Diyos na si Abraham ay nakilala bilang ang “kaibigan ni Jehova.”—Santiago 2:23.
Si Jesu-Kristo ang pinakamainam na halimbawa natin ng pagiging masunurin. Sa kaniyang pag-iral bago naging tao, nakasumpong siya ng kagalakan sa masunuring paglilingkod sa kaniyang Ama sa langit. (Kawikaan 8:22-31) Bilang isang tao, sumunod si Jesus kay Jehova sa lahat ng bagay, na laging nalulugod na gawin ang kaniyang kalooban. (Awit 40:8; Hebreo 10:9) Kaya, tunay ngang masasabi ni Jesus: “Wala akong ginagawang anuman sa aking sariling pagkukusa; kundi kung paanong itinuro sa akin ng Ama aking sinasalita ang mga bagay na ito. At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko; hindi niya ako iniwan sa aking sarili lamang, sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na kalugud-lugod sa kaniya.” (Juan 8:28, 29) Sa wakas, upang ipagbangong-puri ang soberanya ni Jehova at tubusin ang masunuring sangkatauhan, kusang ibinigay ni Jesus ang kaniyang buhay at dumanas ng isang kahiya-hiya at napakasakit na kamatayan. Sa katunayan, “nang masumpungan niya ang kaniyang sarili sa anyo ng tao, nagpakababa siya at naging masunurin hanggang sa kamatayan, oo, kamatayan sa pahirapang tulos.” (Filipos 2:8) Anong inam na halimbawa ng pagpapakita ng isang masunuring puso!
Hindi Sapat ang Bahagyang Pagsunod
Hindi lahat ng nag-aangking sumusunod sa Diyos ay aktuwal na naging masunurin sa kaniya. Isaalang-alang si Haring Saul ng sinaunang Israel. Inutusan siya ng Diyos na lipulin ang balakyot na mga Amalekita. (1 Samuel 15:1-3) Bagaman nilipol sila ni Saul bilang isang bansa, iniligtas niya ang kanilang hari at ang ilan sa kanilang mga tupa at mga baka. Nagtanong si Samuel: “Bakit hindi mo sinunod ang tinig ni Jehova?” Bilang tugon, sinabi ni Saul: “Ngunit sinunod ko ang tinig ni Jehova . . . Ang bayan [ng Israel] ay kumuha sa mga samsam ng tupa at baka, ang pinakamabuti sa mga ito . . . , upang ihain kay Jehova.” Idiniriin ang kahalagahan ng lubos na pagsunod, sinabi ni Samuel: “Lubos bang natutuwa si Jehova sa mga handog na susunugin at mga hain na gaya ng pagsunod sa tinig ni Jehova? Narito! Ang pagsunod ay mas mabuti kaysa hain, ang magbigay pansin kaysa taba ng mga tupang lalaki; sapagkat ang paghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng panghuhula, at ang katigasan ng ulo ay gaya ng paggamit ng mahiwagang kapangyarihan at terapim. Dahil itinakwil mo ang salita ni Jehova, kaniya rin namang itatakwil ka bilang hari.” (1 Samuel 15:17-23) Anong laking bagay ang naiwala ni Saul dahil sa hindi niya pagkakaroon ng masunuring puso!
Maging ang matalinong Haring si Solomon, na nanalanging magkaroon ng isang masunuring puso, ay di-nagpatuloy sa pagsunod kay Jehova. Salungat sa banal na kalooban, nag-asawa siya ng mga babaing dayuhan na naging dahilan upang magkasala siya sa Diyos. (Nehemias 13:23, 26) Naiwala ni Solomon ang pagsang-ayon ng Diyos sapagkat hindi siya nagpatuloy sa pagkakaroon ng isang masunuring puso. Isa itong babala para sa atin!
Hindi ito nangangahulugan na humihiling si Jehova ng kasakdalan sa kaniyang mga lingkod na tao. Kaniyang ‘inaalaala na tayo’y alabok.’ (Awit 103:14) Tayong lahat ay tiyak na nagkakamali kung minsan, subalit nalalaman ng Diyos kung talagang taos sa puso ang ating hangarin na paluguran siya. (2 Cronica 16:9) Kung magkasala tayo dahil sa di-kasakdalan subalit magsisi, maaari tayong humingi ng kapatawaran salig sa haing pantubos ni Kristo, na nagtitiwalang “magpapatawad [si Jehova] nang sagana.” (Isaias 55:7; 1 Juan 2:1, 2) Maaaring kailanganin din ang tulong ng maibiging Kristiyanong matatanda upang makapanumbalik tayo sa espirituwal at magkaroon ng matatag na pananampalataya at ng isang masunuring puso.—Tito 2:2; Santiago 5:13-15.
Gaano Kalubos ang Iyong Pagsunod?
Bilang mga lingkod ni Jehova, karamihan sa atin ang walang-alinlangan ay nakadarama na mayroon tayong masunuring puso. Baka ipangatuwiran natin, Hindi ba’t nakikibahagi ako sa gawaing pangangaral ng Kaharian? Hindi ba’t naninindigan ako kapag bumangon ang malalaking isyu tulad ng neutralidad? At hindi ba’t regular naman akong dumadalo sa mga Kristiyanong pagpupulong, gaya ng paghimok ni apostol Pablo? (Mateo 24:14; 28:19, 20; Juan 17:16; Hebreo 10:24, 25) Totoo, ang bayan ni Jehova sa pangkalahatan ay nagpapamalas ng taos-pusong pagsunod sa gayong mahahalagang bagay.
Subalit paano naman ang ating paggawi sa araw-araw na mga gawain, marahil sa mga bagay na waring di-gaanong mahalaga? Sinabi ni Jesus: “Ang taong tapat sa pinakakaunti ay tapat din sa marami, at ang taong di-matuwid sa pinakakaunti ay di-matuwid din sa marami.” (Lucas 16:10) Makabubuti kung gayon na itanong ng bawat isa sa atin sa kaniyang sarili, Mayroon ba akong masunuring puso may kaugnayan sa mga bagay na hindi gaanong mahalaga kahit na hindi batid ng iba?
Ipinakita ng salmista na maging sa loob ng kaniyang bahay, kung saan hindi siya nakikita ng iba, siya’y ‘lumakad sa katapatan ng kaniyang puso.’ (Awit 101:2) Habang nakaupo sa loob ng inyong bahay, maaari mong buksan ang telebisyon at manood ng isang pelikula. Doon mismo, ang iyong pagsunod ay maaaring masubok. Baka nagiging mahalay na ang palabas. Patuloy ka bang manonood at mangangatuwirang ito ang uri ng palabas na pinanonood ngayon? O uudyukan ka ba ng iyong masunuring puso na sundin ang maka-Kasulatang utos na, ‘ang pakikiapid at kawalang-kalinisan ay huwag man lamang mabanggit sa gitna ninyo’? (Efeso 5:3-5) Isasara mo ba ang TV, kahit kapana-panabik na ang palabas? O ililipat mo ba ang channel kung ang programa ay maging marahas? “Si Jehova mismo ay nagsusuri sa matuwid at gayon din sa isa na balakyot,” ang awit ng salmista, “at sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopotan ng Kaniyang kaluluwa.”—Awit 11:5.
Nagdudulot ng mga Pagpapala ang Isang Masunuring Puso
Mangyari pa, maraming pitak ng buhay ang may-kapakinabangan nating masusuri ang ating mga sarili kung talaga bang sinusunod natin ang Diyos mula sa puso. Ang ating pag-ibig kay Jehova ang dapat na mag-udyok sa atin na palugdan siya at gawin ang sinasabi niya sa atin sa kaniyang Salita, ang Bibliya. Ang isang masunuring puso ay tutulong sa atin upang mapanatili ang isang mabuting pakikipag-ugnayan kay Jehova. Totoo, kung tayo’y lubos na masunurin, ‘ang mga salita ng ating bibig at pagbubulay-bulay ng ating puso ay magiging kaluguran kay Jehova.’—Awit 19:14.
Dahil mahal tayo ni Jehova, tinuturuan niya tayo ng pagiging masunurin para sa ating ikabubuti. At lubos tayong nakikinabang sa pamamagitan ng buong-pusong pagbibigay pansin sa banal na turo. (Isaias 48:17, 18) Kung gayon, may-kagalakan nating tanggapin ang tulong na inilalaan ng ating makalangit na Ama sa pamamagitan ng kaniyang Salita, kaniyang espiritu, at ng kaniyang organisasyon. Tayo’y tinuturuan niya nang husto anupat waring nakaririnig tayo ng tinig sa ating likuran na nagsasabi: “Ito ang daan. Dito kayo lumakad, kayo bayan.” (Isaias 30:21) Habang tinuturuan tayo ni Jehova sa pamamagitan ng Bibliya, mga publikasyong Kristiyano, at sa mga pagpupulong ng kongregasyon, magbigay pansin sana tayo, ikapit ang ating natututuhan, at maging “masunurin sa lahat ng bagay.”—2 Corinto 2:9.
Ang isang masunuring puso ay magdudulot ng malaking kagalakan at maraming pagpapala. Magbibigay ito ng kapayapaan ng isip, sapagkat nalalaman natin na tayo’y nakalulugod sa Diyos na Jehova at napagagalak ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Ang isang puso na masunurin ay magiging sanggalang natin kung tayo’y tinutukso na gumawa ng masama. Kung gayon, dapat nating sundin ang ating makalangit na Ama at manalangin: “Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang masunuring puso.”
[Picture Credit Line sa pahina 29]
Mula sa Self-Pronouncing Edition of the Holy Bible na naglalaman ng mga bersiyong King James at Revised