Bakit Nawawala ang Pagtitiwala?
‘MAY mapagkakatiwalaan ka pa ba sa ngayon?’ Maaaring nakarinig ka na ng isang nasiphayong indibiduwal na nagtanong ng ganito. O baka naitanong mo pa nga ito sa iyong sarili nang mabagabag ka sa nangyari sa iyong buhay.
Hindi maikakaila, sa buong daigdig ay nawawala ang pagtitiwala sa mga institusyon at sa ibang tao. Kadalasan, may katuwiran ang kawalang ito ng pagtitiwala. Talaga bang inaasahan ninuman na tutuparin ng karamihan ng mga pulitiko ang lahat ng kanilang mga pangakong binitiwan bago ang eleksiyon? Ipinakita ng isang surbey noong 1990 sa 1,000 estudyante sa Alemanya na bagaman 16.5 porsiyento sa kanila ang nagtitiwalang malulutas ng mga pulitiko ang mga suliranin ng daigdig, doble ng bilang na ito naman ang nagpahayag ng matinding pag-aalinlangan. At sinabi ng nakararami na wala silang tiwala sa kakayahan ng mga pulitiko na lutasin ang mga suliranin at wala rin silang tiwala na magkukusa sila na gawin ito.
Ganito ang reklamo ng pahayagang Stuttgarter Nachrichten: “Pangunahin nang nasa isip ng napakaraming pulitiko ang kanilang sariling kapakanan at pagkatapos, marahil, ang kapakanan ng kanilang mga botante.” Sumasang-ayon ang mga tao sa ibang bansa. Ganito ang sabi ng pahayagang The European tungkol sa isang bansa: “Ang pagdududa ng mga kabataan sa mga pulitiko ay may basehan at ganito rin ang palagay ng mga nakatatanda sa kanila.” Binanggit nito na ‘palaging inaalis sa tungkulin ng mga botante ang mga partido sa pulitika.’ Sinabi pa ng pahayagan: “Agad na napapansin ng sinumang gumugugol ng panahon na kasama ng mga kabataan [doon] ang kanilang kawalan ng tiwala at pakiramdam na sila’y waring natatangay.” Gayunman, kung walang pagtitiwala ang publiko, kaunti ang magagawa ng isang demokratikong pamahalaan. Ganito ang minsang nasabi ng dating Pangulong John F. Kennedy ng Estados Unidos: “Ang saligan ng mabisang pamahalaan ay ang pagtitiwala ng publiko.”
Kung tungkol naman sa pagtitiwala sa daigdig ng pananalapi, ang biglang pagbabago sa ekonomiya at ang pagkalugi ng mga pakanang biglang-yaman ay nagpangyari upang mag-atubili ang marami. Nang di-mapigil ang pagtaas at pagbaba ng mga bilihan ng istak [stock market] sa daigdig noong Oktubre 1997, binanggit ng isang newsmagazine ang tungkol sa “matindi at kung minsa’y di-makatuwirang kawalan ng pagtitiwala” at gayundin “ang nakahahawang kawalan ng pagtitiwala.” Sinabi rin nito na “lubhang nasaid ang pagtitiwala [sa isang bansa sa Asia] anupat ang mismong pag-iral ng rehimen . . . ay waring nanganganib.” Bilang buod, binanggit nito ang hindi mapag-aalinlanganan: “Nakasalig sa pagtitiwala ang mga ekonomiya.”
Hindi na rin pinagtitiwalaan ang relihiyon. Ganito ang malungkot na komento ng relihiyosong babasahin sa Alemanya na Christ in der Gegenwart: “Patuloy na humihina ang pagtitiwala ng mga tao sa Simbahan.” Sa pagitan ng 1986 at 1992, bumaba ang bilang ng mga Aleman na may malaki, o kahit paano’y may pagtitiwala sa simbahan mula sa 40 tungo sa 33 porsiyento. Sa katunayan, sa dating Silangang Alemanya, bumaba ito sa wala pang 20 porsiyento. Sa kabaligtaran, dumami naman ang mga taong may kaunti o walang tiwala sa simbahan mula sa 56 tungo sa 66 na porsiyento sa dating Kanlurang Alemanya at hanggang 71 porsiyento sa dating Silangang Alemanya.
Maliwanag din ang pagbaba ng pagtitiwala sa mga larangan maliban pa sa pulitika, pananalapi, at relihiyon—ang tatlong haligi ng lipunan ng tao. Isa pang halimbawa ang pagpapatupad ng batas. Lubhang nayanig ang pagtitiwala ng tao dahil sa mga palusot sa mga kodigong kriminal, mga problema sa makatarungang pagpapatupad ng batas, at kahina-hinalang mga desisyon sa hukuman. Ayon sa magasing Time, “ang pagkasiphayo ng mga mamamayan at pulisya ay umabot na sa punto na nawalan na ng tiwala sa isang sistema na paulit-ulit na nagpapalaya sa mapanganib na mga kriminal mula sa piitan.” Dahil sa mga paratang na katiwalian at kalupitan ng pulisya, bumaba ang pagtitiwala maging sa pulisya.
May kinalaman naman sa pulitika sa buong daigdig, ang nakanselang mga usaping pangkapayapaan at nasirang mga tigil-putukan ay nagpapakita ng kawalan ng pagtitiwala. Itinuturo ni Bill Richardson, embahador ng Estados Unidos sa United Nations, ang pangunahing hadlang sa pagtatamo ng kapayapaan sa Gitnang Silangan, sa basta pagsasabing: “Walang pagtitiwala.”
Samantala sa mas personal na antas, walang tiwala ang maraming tao maging sa malapit na mga kamag-anak at mga kaibigan, ang mismong mga tao na normal na tinatakbuhan ng mga tao para sa pang-unawa at kaaliwan kapag may mga problema sila. Katulad ito ng kalagayang inilarawan ng propetang Hebreo na si Mikas: “Huwag kayong manampalataya sa isang kasamahan. Huwag kayong magtiwala sa isang matalik na kaibigan. Mula sa kaniya na nakahiga sa iyong dibdib ay bantayan mo ang mga pagbuka ng iyong bibig.”—Mikas 7:5.
Isang Tanda ng mga Panahon
Ang sikologong Aleman na si Arthur Fischer ay sinipi kamakailan na nagsabi: “Ang pagtitiwala sa pag-unlad ng lipunan at sa personal na kinabukasan ng isa ay totoong lubhang bumaba sa lahat ng larangan ng gawain. Pinag-aalinlanganan ng mga kabataan kung matutulungan sila ng mga institusyon ng lipunan. Ang kanilang pagtitiwala ay umabot pa sa punto na nawawalan na sila ng anumang tiwala, ito man ay sa pulitikal, relihiyoso, o iba pang organisasyon.” Hindi kataka-taka na ang sosyologong si Ulrich Beck ay bumabanggit tungkol sa isang “kultura ng pag-aalinlangan” sa matagal nang umiiral na mga awtoridad, institusyon, at mga dalubhasa.
Sa gayong kultura, ang mga tao ay may hilig na lumayo, tumanggi sa lahat ng awtoridad, at mamuhay ayon sa personal na mga pamantayan, na nagpapasiya nang walang payo o patnubay mula sa iba. Ang ilan ay nagiging labis-labis na mapaghinala, maaaring wala pa ngang konsiderasyon, kapag nakikitungo sa mga inaakala nilang hindi na nila mapagkakatiwalaan. Itinataguyod ng saloobing ito ang isang nakapipinsalang kapaligiran, gaya ng inilarawan sa Bibliya: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.” (2 Timoteo 3:1-5; Kawikaan 18:1) Tunay, ang kawalan ng pagtitiwala ngayon ay isang tanda ng mga panahon, isang tanda ng “mga huling araw.”
Sa isang daigdig na dumaranas ng kawalan ng pagtitiwala at punô ng mga taong gaya ng inilarawan sa itaas, ang buhay ay talagang hindi maaaring tamasahin nang lubusan. Subalit makatuwiran bang isipin na magbabago ang mga bagay-bagay? Mapagtatagumpayan ba ang kawalan ng pagtitiwala sa ngayon? Kung gayon, paano at kailan?