Dario—Isang Makatarungang Hari
TUNGKOL sa mga proyekto sa pagtatayo na isinagawa niya, minsa’y ipinagmalaki ng isang hari: “Sa looban ng Babilonya ay gumawa ako ng isang bakuran ng matibay na pader sa silangang panig. Humukay ako ng bambang . . . Nagtayo ako sa pamamagitan ng bitumen at ladrilyo ng isang matibay na pader na, gaya ng isang bundok, ay hindi matitinag.” Oo, si Haring Nabucodonosor ng Babilonya ay nagsagawa ng malawak na proyekto sa pagtatayo at nagsumikap na patibayin ang kabiserang lunsod ng kaniyang imperyo. Ngunit ang lunsod ng Babilonya ay hindi napatunayang ubod nang tatag na gaya ng inakala niya.
Napatunayan ito noong Oktubre 5, 539 B.C.E. Kasama ng hukbo ng Media, nasakop noon ng Persianong tagapamahala na si Ciro II ang Babilonya at pinatay niya ang Caldeong tagapamahala nito na si Belshazar. Sino ngayon ang magiging unang tagapamahala ng kasasakop na lunsod na ito? Sumulat ang propeta ng Diyos na si Daniel, na naroroon sa loob ng lunsod nang bumagsak ito: “Ang kaharian ay tinanggap ni Dario na Medo, na noo’y humigit-kumulang animnapu’t dalawang taóng gulang.”—Daniel 5:30, 31.
Sino ba si Dario? Anong uri siya ng tagapamahala? Paano niya pinakitunguhan si propeta Daniel, na ipinatapon sa Babilonya sa loob ng mahigit na 70 taon?
ISANG HARI NA MAY KAKAUNTING ULAT SA KASAYSAYAN
Kaunti lamang ang impormasyon tungkol sa kasaysayan ni Dario ng Media. Halos walang naiwang nasusulat na rekord ang mga Medo. Bukod dito, ang daan-daang libong tapyas na cuneiform na nahukay sa Gitnang Silangan ay di-kumpleto ang kasaysayan na may maraming puwang. Ang ibang sinaunang sekular na mga kasulatan na naingatan ay iilan lamang at isang siglo o higit pa ang agwat sa panahon ng mga pangyayaring may kinalaman kay Dario.
Gayunpaman, ipinakikita ng katibayan na matapos masakop ang Ecbatana, ang kabisera ng Media, nakuha ng Persianong tagapamahala na si Ciro II ang katapatan ng mga Medo. Pagkatapos nito, magkasamang nakipaglaban ang mga Medo at mga Persiano sa ilalim ng kaniyang pamumuno. Hinggil sa kanilang kaugnayan, ganito ang sabi ng awtor na si Robert Collins sa kaniyang aklat na The Medes and Persians: “Sa kapayapaan ay pareho ang katayuan ng mga Medo at Persiano. Sila’y malimit na mahirang sa mataas na tungkulin sa pamahalaang pambayan at sa mga posisyon ng pangunguna sa hukbong Persiano. Kapag tinutukoy ng mga banyaga ang mga Medo at Persiano, hindi nila ipinakikita ang pagkakaiba ng nasakop at ng mananakop.” Kaya nagsanib ang Media at Persia upang bumuo ng Imperyo ng Medo-Persia.—Daniel 5:28; 8:3, 4, 20.
Talagang malaking papel ang ginampanan ng mga Medo sa pagpapabagsak sa Babilonya. Ipinakikilala ng Kasulatan “si Dario na anak ni Ahasuero ng binhi ng mga Medo” bilang unang hari ng Imperyo ng Medo-Persia, na namahala sa Babilonya. (Daniel 9:1) Kalakip sa kaniyang kapangyarihan bilang hari ang awtoridad na magtakda ng mga batas “ayon sa kautusan ng mga Medo at mga Persiano, na hindi pinawalang-bisa.” (Daniel 6:8) Ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Dario ay nagbibigay rin sa atin ng kaunting impormasyon sa kaniyang personalidad pati na ng kaugnay na dahilan ng kawalan ng sekular na impormasyon hinggil sa kaniya.
PINABORAN SI DANIEL
Di-nagtagal matapos humawak ng kapangyarihan sa Babilonya, bumuo si Dario ng “isang daan at dalawampung satrapa, na mangangasiwa sa buong kaharian,” sabi ng Bibliya, “at mangangasiwa sa kanila ang tatlong mataas na opisyal, at si Daniel ang isa sa mga ito.” (Daniel 6:1, 2) Gayunman, suklam na suklam ang iba pang opisyal sa mataas na posisyon ni Daniel. Tiyak na ang kaniyang integridad ay nagsilbing hadlang sa katiwalian, na malamang na ikinagalit nila. Tiyak na nainggit din ang matataas na opisyal, yamang pinaboran ng hari si Daniel at iniisip na gawin siyang punong ministro.
Palibhasa’y umaasang wawakasan ang ganitong situwasyon, nagpakana ang dalawang opisyal at mga satrapa ng isang legal na bitag. Pumunta sila sa hari at hiniling na lagdaan niya ang isang utos na magbabawal sa “pagsusumamo sa sinumang diyos o tao” maliban kay Dario sa loob ng 30 araw. Iminungkahi nila na ang sinumang lalabag ay ihahagis sa yungib ng mga leon. Pinaniwala si Dario na ang gayong utos ay magugustuhan ng lahat ng may-ranggong opisyal ng pamahalaan, at ang panukala ay waring isang kapahayagan ng kanilang katapatan sa hari.—Daniel 6:1-3, 6-8.
Nilagdaan ni Dario ang dekreto at di-nagtagal ay napaharap sa mga epekto nito. Si Daniel ang unang lumabag sa utos, yamang patuloy siyang nanalangin sa Diyos na Jehova. (Ihambing ang Gawa 5:29.) Ang tapat na si Daniel ay inihagis sa yungib ng mga leon sa kabila ng taimtim na pagsisikap ng hari na makasumpong ng paraan upang malusutan ang di-mababagong utos. Nagpahayag si Dario ng pagtitiwala na ang Diyos ni Daniel ay may kapangyarihang ingatan ang buhay ng propeta.—Daniel 6:9-17.
Pagkatapos ng magdamag na pagpupuyat at pag-aayuno, nagmadaling nagtungo si Dario sa yungib ng mga leon. Laking tuwa niya na makitang buháy at di-nasaktan si Daniel! Bilang makatarungang paghihiganti, agad na ipinahagis ng hari ang mga nagbintang kay Daniel at ang kani-kanilang pamilya sa yungib ng mga leon. Nagpalabas din siya ng utos na ‘sa bawat nasasakupan ng kaniyang kaharian, ang mga tao ay dapat manginig at matakot sa harap ng Diyos ni Daniel.’—Daniel 6:18-27.
Maliwanag, iginalang ni Dario ang Diyos at relihiyon ni Daniel at hangad niyang ituwid ang mali. Gayunman, ang pagpaparusa sa mga nagbintang kay Daniel ay tiyak na pumukaw ng galit ng natitirang mga opisyal. Bukod dito, ang kapahayagan ni Dario na nag-uutos sa buong kaharian na ‘matakot sa harap ng Diyos ni Daniel’ ay tiyak na ipinaghinanakit ng makapangyarihang klero ng Babilonya. Yamang ang mga eskriba ay tiyak na naimpluwensiyahan ng mga grupong ito, hindi nakapagtataka kung binago man ang sekular na mga ulat upang alisin ang impormasyon hinggil kay Dario. Gayunpaman, ang maikling salaysay sa aklat ng Daniel ay naglalarawan kay Dario bilang isang walang-kinikilingan at makatarungang tagapamahala.