Ipinagsasanggalang ang Mabuting Balita sa Legal na Paraan
HABANG ang tao’y patuloy na nagtatayo ng mga lunsod, siya’y patuloy ring nagtatayo ng mga pader. Lalo na noong nakalipas na panahon, ang mga tanggulang ito ay isang sanggalang. Sa ibabaw ng halang na ito, ang mga tagapagtanggol ay maaaring makipagtunggali upang ang pader ay hindi mabutas o mahukay ng mga lumulusob. Hindi lamang nakadama ng proteksiyon ang mga naninirahan sa lunsod kundi maging yaong mga nakatira sa mga bayan sa palibot ay nakasumpong din ng kanlungan sa likod ng mga pader.—2 Samuel 11:20-24; Isaias 25:12.
Sa katulad na paraan, ang mga Saksi ni Jehova ay nagtayo rin ng isang pader—isang legal na pader—na pananggalang. Ang pader na ito’y itinayo hindi upang ibukod ang mga Saksi sa ibang bahagi ng lipunan, yamang ang mga Saksi ni Jehova ay kilala bilang mahihilig makihalubilo at palakaibigang mga tao. Sa halip, pinatitibay nito ang legal na mga garantiya ng saligang kalayaan para sa lahat ng tao. Gayundin, ipinagsasanggalang nito ang legal na mga karapatan ng mga Saksi upang malaya silang makasamba. (Ihambing ang Mateo 5:14-16.) Iniingatan ng pader na ito ang kanilang paraan ng pagsamba at ang kanilang karapatang ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ano ba ang pader na ito, at paano ito itinayo?
Itinatayo ang Isang Legal na Pader na Pananggalang
Bagaman ang mga Saksi ni Jehova ay nagtatamasa ng kalayaan sa relihiyon sa karamihan ng mga lupain, sa ilang bansa naman ay ginagawa silang tudlaan ng walang-katuwirang panunuligsa. Kapag tinututulan ang kanilang kalayaan sa pagsamba sa pamamagitan ng pagtitipon o kaya’y sa pangangaral sa bahay-bahay, ipinaglalaban nila ito sa legal na paraan. Libu-libong kaso na ang kinasasangkutan ng mga Saksi sa buong daigdig.a Hindi lahat ay naipanalo. Ngunit kapag nagpasiya ang mababang hukuman laban sa kanila, kadalasa’y idinudulog nila ito sa mataas na hukuman. Ano ang naging resulta?
Sa nakalipas na mga dekada ng ika-20 siglo, ang mga tagumpay na usapin sa maraming lupain ay naging mapanghahawakang mga batayan na pinagsasaligan ng mga Saksi ni Jehova para sa susunod na mga kaso. Gaya ng mga laryo o mga bato na ginawang pader, ang kasiya-siyang mga pasiyang ito ay bumubuo ng isang legal na pader na pananggalang. Mula sa ibabaw ng pinakapader na mga batayang ito, patuloy na ipinakikipaglaban ng mga Saksi ang kanilang relihiyosong kalayaan na sumamba.
Tingnan natin bilang isang halimbawa ang kasong Murdock v. Commonwealth of Pennsylvania, na pinagpasiyahan ng Korte Suprema ng Estados Unidos noong Mayo 3, 1943. Ang tanong na ibinangon sa kaso ay ito: Dapat bang kumuha muna ng lisensiya sa paglalako ang mga Saksi ni Jehova para sa pamamahagi ng kanilang mga relihiyosong literatura? Nanindigan ang mga Saksi ni Jehova na hindi sila dapat pag-utusang gawin iyon. Ang kanilang gawaing pangangaral ay hindi—at kailanma’y hindi naging isang—negosyo. Ang kanilang tunguhin ay, hindi upang kumita, kundi upang mangaral ng mabuting balita. (Mateo 10:8; 2 Corinto 2:17) Sa naging desisyon sa kasong Murdock, pumanig ang Korte sa mga Saksi, anupat nanghawakan na ang anumang pag-uutos na pagbayarin ng buwis sa lisensiya na ipinapataw bilang kondisyon sa pamamahagi ng relihiyosong literatura ay labag sa konstitusyon.b Ang desisyong ito ay naglaan ng mahalagang batayan, at matagumpay na pinagsaligan ito ng mga Saksi bilang awtoridad para sa marami pang kaso mula noon. Ang naging desisyon sa kasong Murdock ay napatunayang isang matibay na laryo sa legal na pader na pananggalang.
Malaki ang nagawa ng gayong mga kaso upang ipagsanggalang ang kalayaan ng relihiyon para sa lahat ng tao. Hinggil sa mahalagang bahaging nagawa ng mga Saksi sa pagtatanggol sa karapatang sibil sa Estados Unidos, ganito ang sinabi ng University of Cincinnati Law Review: “Nagkaroon ng napakalaking epekto ang mga Saksi ni Jehova sa pagsulong sa batas ng konstitusyon, lalo na ang pagpapalawak sa hangganan ng pananggalang sa pagsasalita at relihiyon.”
Pinatitibay ang Pader
Sa bawat tagumpay ng usapin, ang pader ay lalong tumitibay. Isaalang-alang ang ilan sa mga naging desisyon noong dekada ng 1990 na doo’y nakinabang ang mga Saksi ni Jehova, gayundin ang lahat ng iba pang mangingibig ng kalayaan, sa buong daigdig.
Gresya. Noong Mayo 25, 1993, pinagtibay ng Europeong Hukuman ng mga Karapatang Pantao ang karapatan ng isang mamamayang Griego na ituro ang kaniyang relihiyosong paniniwala sa iba. Ang kaso ay kinasangkutan ni Minos Kokkinakis, na noon ay 84 anyos. Bilang isa sa mga Saksi ni Jehova, si Kokkinakis ay mahigit na 60 ulit na inaresto mula noong 1938, pinaharap sa mga hukumang Griego nang 18 ulit, at nabilanggo nang mahigit na anim na taon. Siya’y nahatulan pangunahin nang dahil sa isang Griegong batas noon pang dekada ng 1930 na nagbabawal sa pangungumberte—isang batas na naging dahilan ng halos 20,000 pag-aresto sa mga Saksi ni Jehova mula 1938 hanggang 1992. Ipinasiya ng Europeong Hukuman na nilabag ng Griegong pamahalaan ang relihiyosong kalayaan ni Kokkinakis at nag-utos na pagkalooban ito ng halagang $14,400 bilang bayad-pinsala. Sa naging desisyon nito, ipinasiya ng Korte na ang mga Saksi ni Jehova ay talagang isang “kilalang relihiyon.”—Tingnan Ang Bantayan ng Setyembre 1, 1993, pahina 27-31.
Mexico. Noong Hulyo 16, 1992, isang malaking hakbang sa pagtatanggol ng kalayaan sa relihiyon ang isinagawa sa Mexico. Noong petsang iyon ipinatupad ang Batas ng mga Asosasyong Panrelihiyon at Pampublikong Pagsamba. Sa batas na ito, makatatanggap ang isang grupo ng relihiyon ng legal na katayuan bilang isang institusyong panrelihiyon sa pamamagitan ng kinakailangang pagpaparehistro. Noon, ang mga Saksi ni Jehova, gaya ng ibang relihiyon sa bansa, ay aktuwal na umiiral ngunit walang legal na katayuan. Noong Abril 13, 1993, nag-aplay ang mga Saksi para sa pagpaparehistro. Nakatutuwa naman, noong Mayo 7, 1993, sila’y legal na naparehistro bilang La Torre del Vigía, A. R., at Los Testigos de Jehová en México, A. R., na kapuwa mga asosasyong panrelihiyon.—Tingnan ang Gumising!, Hulyo 22, 1994, pahina 12-14.
Brazil. Noong Nobyembre 1990, ipinagbigay-alam ng National Institute of Social Security (INSS) ng Brazil sa tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower na ang mga boluntaryong ministro sa Bethel (ang pangalan ng mga pasilidad ng sangay ng mga Saksi ni Jehova) ay hindi na ituturing bilang mga ministro ng relihiyon kung kaya ang mga ito’y mapapasailalim na ng mga batas sa paggawa sa Brazil. Iniapela ng mga Saksi ang desisyon. Noong Hunyo 7, 1996, nagpalabas ng desisyon ang Judicial Advisory ng Office of the Attorney General sa Brasília na pinagtitibay ang katayuan ng mga ministro sa Bethel bilang mga miyembro ng isang lehitimong komunidad na panrelihiyon, at hindi bilang sekular na mga empleado.
Hapon. Noong Marso 8, 1996, ibinaba ng Korte Suprema ng Hapon ang desisyon hinggil sa usapin ng edukasyon at kalayaan sa relihiyon—para sa kapakinabangan ng lahat sa Hapon. Lubos na nagkakaisa ang korte sa pagpapasiyang lumabag sa batas ang Kobe Municipal Industrial Technical College nang patalsikin nito si Kunihito Kobayashi dahil sa pagtanggi nitong makibahagi sa pagsasanay sa martial arts. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagpababa ang Korte Suprema ng isang desisyon batay sa kalayaan sa relihiyon na ginarantiyahan naman ng Konstitusyon ng Hapon. Bilang pagsunod sa kaniyang salig-sa-Bibliyang budhi, itinuring ng kabataang Saksing ito na ang mga pagsasanay na ito’y hindi kasuwato ng mga simulain sa Bibliya gaya niyaong masusumpungan sa Isaias 2:4, na nagsasabi: “Papandayin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mangag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Ang desisyong ito ng Korte ay naglaan ng isang batayan para sa mga magiging kaso sa hinaharap.—Tingnan Ang Bantayan, Nobyembre 1, 1996, pahina 19-21.
Noong Pebrero 9, 1998, ibinaba ng Mataas na Hukuman ng Tokyo ang isa pang mahalagang desisyon na nagpapatibay sa karapatan ng isang Saksi na nagngangalang Misae Takeda na tanggihan ang panggagamot na hindi kasuwato sa utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo.’ (Gawa 15:28, 29.) Ang kasong ito ay naiapela na sa Korte Suprema, at malalaman pa kung pagtitibayin nito ang desisyon ng Mataas na Hukuman.
Pilipinas. Sa isang desisyong ibinaba noong Marso 1, 1993, buong-pagkakaisang pinanigan ng Korte Suprema ng Pilipinas ang mga Saksi ni Jehova sa isang kasong kinasasangkutan ng mga kabataang Saksi na pinatalsik sa paaralan dahil sa magalang nilang pagtanggi sa pagsaludo sa bandila.
Ang bawat kasiya-siyang pasiya ng korte ay tulad sa karagdagang bato o laryo na nagpapatibay sa legal na pader na nagsasanggalang sa mga karapatan hindi lamang ng mga Saksi ni Jehova kundi pati ng lahat ng tao.
Iniingatan ang Pader
Ang mga Saksi ni Jehova ay legal na nakarehistro sa 153 lupain, anupat makatuwirang nagtatamasa ng kalayaan, na gaya ng ibang kinikilalang relihiyon. Pagkatapos ng ilang dekadang pag-uusig at pagbabawal sa Silangang Europa at sa dating Unyong Sobyet, ang mga Saksi ni Jehova ay legal na kinikilala na ngayon sa mga bansang gaya ng Albania, Belarus, Czech Republic, Georgia, Hungary, Kazakstan, Kyrgyzstan, Romania, at Slovakia. Gayunman, sa ilang lupain ngayon, pati na sa ilang bansa sa Kanlurang Europa na may malaon-nang-tatag na mga sistemang hudisyal, ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova ay malubhang hinahamon o ipinagkakait. Pinagsisikapang mabuti ng mga mananalansang na ‘bumalangkas ng kabagabagan sa pamamagitan ng kautusan’ laban sa mga Saksi. (Awit 94:20) Paano tumutugon ang mga ito?c
Nais ng mga Saksi ni Jehova na makipagtulungan sa lahat ng pamahalaan, ngunit nais din nilang magkaroon ng legal na kalayaan upang makasamba. Sila’y matatag na naninindigan na anumang batas o desisyon ng hukuman na magbabawal sa kanila na sundin ang mga utos ng Diyos—lakip na ang utos na ipangaral ang mabuting balita—ay walang bisa. (Marcos 13:10) Kung hindi makagagawa ng mapayapang kasunduan, ang mga Saksi ni Jehova na mismo ang dudulog sa hukuman, na magsisikap na gawin ang lahat ng paraan ng paghahabol upang makamit ang proteksiyon ng batas para sa kanilang bigay-Diyos na karapatang sumamba. Lubusang nananalig ang mga Saksi ni Jehova sa pangako ng Diyos: “Anumang sandata na gagawin laban sa iyo ay hindi magtatagumpay.”—Isaias 54:17.
[Mga talababa]
a Para sa isang detalyadong pagtalakay sa legal na rekord ng mga Saksi ni Jehova, pakisuyong tingnan ang kabanata 30 ng aklat na Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
b Sa naging desisyon sa kasong Murdock, binaligtad ng Korte Suprema ang sariling posisyon nito sa kasong Jones v. City of Opelika. Sa kasong Jones, noong 1942, kinatigan ng Korte Suprema ang desisyon ng mababang hukuman na humatol kay Rosco Jones, isa sa mga Saksi ni Jehova, sa salang pamamahagi ng literatura sa mga lansangan ng Opelika, Alabama, nang hindi nagbabayad ng buwis sa lisensiya.
c Tingnan ang mga artikulong “Kinapopootan Dahil sa Kanilang Pananampalataya” at “Ipinagtatanggol ang Ating Pananampalataya,” sa pahina 8-18.
[Kahon sa pahina 21]
Ipinagtatanggol ang mga Karapatan ng mga Saksi ni Jehova
Ang pag-uusig na ipinaranas sa mga Saksi ni Jehova ang naging dahilan upang sila’y dalhin sa harap ng mga hukom at mga opisyal ng pamahalaan sa buong daigdig. (Lucas 21:12, 13) Buong-pagsisikap na ipinagtatanggol ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang mga karapatan sa legal na paraan. Ang mga tagumpay sa hukuman sa maraming lupain ay nakatulong upang maipagsanggalang ang legal na kalayaan ng mga Saksi ni Jehova, pati na ang kanilang karapatan na:
◻ mangaral sa bahay-bahay nang hindi napipigilan ng mga pagbabawal na ipinasusunod sa mga tagapaglako ng paninda—Murdock v. Commonwealth of Pennsylvania, U.S. Supreme Court (1943); Kokkinakis v. Greece, European Court of Human Rights (ECHR) (1993).
◻ malayang magtipun-tipon sa pagsamba—Manoussakis and Others v. Greece, ECHR (1996).
◻ magpasiya ayon sa kanilang budhi kung paano nila igagalang ang pambansang bandila o sagisag—West Virginia State Board of Education v. Barnette, U.S. Supreme Court (1943); Supreme Court of the Philippines (1993); Supreme Court of India (1986).
◻ tanggihan ang paglilingkod militar na lumalabag sa kanilang Kristiyanong budhi—Georgiadis v. Greece, ECHR (1997).
◻ pumili ng panggagamot at medisina na hindi lumalabag sa kanilang budhi—Malette v. Shulman, Ontario, Canada, Appeal Court (1990); Watch Tower v. E.L.A., Superior Court, San Juan, Puerto Rico (1995); Fosmire v. Nicoleau, New York, E.U.A., Court of Appeals (1990).
◻ palakihin ang kanilang mga anak ayon sa kanilang salig-sa-Bibliyang paniniwala kahit na ang mga paniniwalang ito ay nagiging isyu sa mga pagtatalo sa kung sino ang may karapatang mangalaga sa anak—St-Laurent v. Soucy, Supreme Court of Canada (1997); Hoffmann v. Austria, ECHR (1993).
◻ magmay-ari at magpatakbo ng mga legal na ahensiya na tumatanggap ng katulad na eksempsiyon sa buwis na ibinibigay sa mga ahensiyang ginagamit ng ibang kinikilalang relihiyon—People v. Haring, New York, U.S.A., Court of Appeals (1960).
◻ bigyan ng kasiya-siyang paraan ng pagbubuwis yaong mga hinirang para sa ilang anyo ng pantangi at pambuong-panahong paglilingkod na gaya ng ibinibigay sa pambuong-panahong mga relihiyosong manggagawa mula sa ibang relihiyon—Brazil’s National Institute of Social Security, Brasília, (1996).
[Larawan sa pahina 20]
Si Minos Kokkinakis kasama ang kaniyang asawa
[Larawan sa pahina 20]
Si Kunihito Kobayashi
[Picture Credit Line sa pahina 19]
The Complete Encyclopedia of Illustration/J.G. Heck