Hindi na ba Kasali si Kristo sa Pasko?
“Hindi ko kailanman matanggap ang mga pagsasaya kung Kapaskuhan. Para sa akin, ang mga ito’y walang kaugnayan sa buhay at turo ni Jesus.”—Mohandas K. Gandhi.
MARAMI ang lubusang tututol kay Gandhi. Maaaring itanong nila, ‘Ano ba ang alam ng isang estadistang Hindu tungkol sa kapistahang Kristiyano?’ Gayunman, dapat tanggapin na lumaganap na ang Pasko sa buong daigdig, anupat nakaapekto sa lahat ng kultura. Tuwing Disyembre, ang kapistahan ay waring nasa lahat ng kultura.
Halimbawa, mga 145 milyong taga-Asia ang nagdiriwang ng Pasko, mahigit na 40 milyon kaysa noong nakalipas na dekada. At kung ang ibig tukuyin ni Gandhi sa “mga pagsasaya” ay ang sekular na bahagi ng makabagong-panahong Pasko, ang kahibangan sa pamimili na napapansin nating lahat, hindi maikakaila na ang aspektong ito ng pagdiriwang ay kadalasang ang pinakaprominente. Ganito ang sabi ng magasing Asiaweek: “Ang Pasko sa Asia—mula sa masasayang ilaw sa Hong Kong hanggang sa pagkatataas na mga Krismas tri sa otel sa Beijing hanggang sa isang sabsaban sa kabayanan ng Singapore—ay pangunahin nang isang sekular (karaniwang negosyo) na pangyayari.”
Naiwala na ba si Kristo sa makabagong-panahong pagdiriwang ng Pasko? Sa opisyal na paraan, ang Disyembre 25 ay ipinagdiwang mula pa noong ikaapat na siglo C.E., nang italaga ng Simbahang Romano Katoliko ang araw na ito para sa relihiyosong pagdiriwang ng kapanganakan ni Jesus. Subalit ayon sa isang surbey kamakailan na isinagawa sa Estados Unidos, 33 porsiyento lamang ng mga tinanong ang nag-aakalang ang kapanganakan ni Kristo ang pinakamahalagang aspekto ng Pasko.
Ano sa palagay mo? Inaakala mo ba kung minsan na sa lahat ng mapilit na pag-aanunsiyo, maligalig na pamimili ng mga regalo, paggagayak ng mga punungkahoy, pagsasaayos at pagdalo sa mga parti, pagpapadala ng mga kard—ay parang hindi na kasali si Jesus sa larawan?
Inaakala ng marami na ang tanging paraan upang ibalik si Kristo sa Pasko ay sa pamamagitan ng pagtatanghal ng Belen, o sabsaban. Malamang na nakita mo na ang gayong pagsasama-sama ng mga pigurin, na kumakatawan sa sanggol na si Jesus sa isang sabsaban at nasa paligid naman sina Maria, Jose, ilang pastol, ang “tatlong matatalinong lalaki,” o “tatlong hari,” ilang hayop sa kural, at ilang nagmamasid. Karaniwan nang ipinalalagay na ang mga sabsabang ito ay nagsisilbing paalaala sa mga tao sa tunay na kahulugan ng Pasko. Ayon sa U.S. Catholic, “higit pang paglalarawan ang nagagawa ng isang sabsaban kaysa sa anumang maibibigay ng isang ebanghelyo, bagaman idiniriin din nito ang hindi makasaysayang katangian ng mga kuwentong ito.”
Kung gayon, paano nga maipahihiwatig ng isang Belen na ang mga kuwento sa mga ulat ng Ebanghelyo sa Bibliya ay hindi makasaysayan? Buweno, dapat tanggapin na ang mumunting eskultura na maganda ang pagkakapinta ay nagbigay ng impresyon ng alamat o kuwentong ada sa kapanganakan ni Kristo. Unang pinaging popular ng isang monghe noong ika-13 siglo, dati ay simple lamang ang Belen. Ngayon, katulad ng napakaraming bagay na nauugnay sa kapistahang ito, ang mga Belen ay naging malaking negosyo. Sa Naples, Italya, mga hanay ng tindahan ang nagbibili ng mga pigurin para sa mga Belen, o presepi, sa buong taon. Ang ilan sa mas popular na mga anyo ay kumakatawan, hindi sa mga tauhan mula sa mga ulat ng Ebanghelyo, kundi sa mga kilalang tao sa makabagong panahon, gaya nina Prinsesa Diana, Mother Teresa, at disenyador ng damit na si Gianni Versace. Sa ibang dako, ang presepi ay gawa sa tsokolate, pasta, at mga kabibe pa nga. Mauunawaan mo kung bakit mahirap makita ang kasaysayan sa gayong mga pagtatanghal.
Kaya nga, paanong ang gayong mga Belen ay makapagbibigay ng “higit pang paglalarawan kaysa sa anumang maibibigay ng isang ebanghelyo”? Hindi nga ba makasaysayan ang mga ulat ng Ebanghelyo? Tinatanggap kahit ng mga taong may matinding pag-aalinlangan na si Jesus ay totoo at makasaysayang tao. Kaya tiyak na sa isang panahon siya ay naging isang tunay na sanggol, ipinanganak sa isang tunay na lugar. Dapat na may mas mabuting paraan upang mailarawan ang mga pangyayaring naganap noong kaniyang kapanganakan kaysa sa pagsulyap lamang sa Belen!
Sa katunayan, mayroon nga. Dalawang mananalaysay ang magkahiwalay na sumulat ng mga ulat tungkol sa kapanganakan ni Jesus. Kung inaakala mo na kung minsan ay halos nawawalang-bahala na si Kristo sa Kapaskuhan, bakit hindi suriin ang mga ulat na ito sa ganang sarili? Sa mga ito, masusumpungan mo, hindi ang mga alamat o katha-katha, kundi ang kawili-wiling kasaysayan—ang tunay na kasaysayan ng kapanganakan ni Kristo.
[Picture Credit Line sa pahina 3]
Gilid sa pahina 3-6, 8, at 9: Fifty Years of Soviet Art