Ang Kapanganakan ni Jesus—Ang Tunay na Kasaysayan
ISIPIN ang isang kilalang pangyayari sa kasaysayan ng iyong bansa. Maraming dokumento tungkol dito, na naisulat ng mananalaysay. Ngayon, kumusta kung may magsabi sa iyo na ang pangyayaring ito ay hindi kailanman nangyari, na ito’y pawang alamat lamang? O, sa mas personal na paraan, kumusta kung may magsabi na ang karamihan ng sinabi sa iyo ng iyong pamilya tungkol sa kapanganakan at kabataan ng iyo mismong lolo ay hindi totoo? Sa alinmang kalagayan, ang pagsasabi lamang nito ay maaaring makagalit sa iyo. Tiyak na hindi mo basta tatanggapin ang gayong pag-aangkin!
Gayunman, karaniwang pinawawalang-saysay ng mga kritiko ngayon ang mga ulat ng Ebanghelyo nina Mateo at Lucas tungkol sa kapanganakan ni Jesus. Sinabi nilang ang mga ulat na ito’y talagang nagkakasalungatan at hindi magkasuwato at na kapuwa naglalaman ng maliwanag na kasinungalingan at makasaysayang mga pagkakamali. Totoo ba ito? Sa halip na tanggapin ang mga paratang na ito, suriin natin mismo ang mga ulat ng Ebanghelyo. Sa paggawa nito, ating alamin kung ano ang itinuturo ng mga ito sa atin ngayon.
Layunin sa Pagsulat
Sa pasimula ay tumutulong ito upang maipaalaala ang layunin ng mga ulat na ito sa Bibliya. Hindi ito mga talambuhay; mga Ebanghelyo ito. Mahalaga ang pagkakaiba. Sa isang talambuhay, maaaring punuin ng awtor ang daan-daang pahina, anupat sinisikap na ipakita kung paanong ang kaniyang paksa ay naging isang kilalang tauhan. Kaya, ang ilang talambuhay ay umuubos ng maraming pahina na detalyadong naglalahad tungkol sa mga magulang, pagsilang, at pagkabata ng kanilang paksa. Sa mga Ebanghelyo, iba naman. Sa apat na ulat ng Ebanghelyo, ang kay Mateo at kay Lucas lamang ang dalawa na nag-uulat tungkol sa kapanganakan at pagkabata ni Jesus. Subalit, ang kanilang layunin ay hindi upang ipakita kung paano lumaki si Jesus sa kung sino siya. Tandaan, batid ng mga tagasunod ni Jesus na siya ay umiral na bilang isang espiritung nilalang bago pa siya naparito sa lupa. (Juan 8:23, 58) Kaya hindi na inilahad nina Mateo at Lucas ang tungkol sa pagkabata ni Jesus upang ipaliwanag kung paano siya naging gayong uri ng tao. Bagkus, inilahad nila ang mga pangyayari na angkop sa layunin ng kanilang mga Ebanghelyo.
At ano ba ang layunin ng kanilang pagsulat nito? Ang salitang “ebanghelyo” ay nangangahulugang “mabuting balita.” Ang dalawang lalaking ito ay may magkatulad na mensahe—na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, o Kristo; na siya’y namatay alang-alang sa mga kasalanan ng sangkatauhan; at na siya’y binuhay-muli tungo sa langit. Subalit ang dalawang manunulat ay may lubhang magkaibang pinagmulan at sumulat para sa magkaibang mambabasa. Binuo ni Mateo, na isang maniningil ng buwis, ang kaniyang ulat pangunahin na para sa mga mambabasang Judio. Si Lucas naman, na isang manggagamot, ay sumulat sa “kagalang-galang na Teofilo”—na malamang ay may mataas na katungkulan—at, gayundin sa mas maraming mambabasang Judio at Gentil. (Lucas 1:1-3) Ang bawat manunulat ay pumili ng mga pangyayaring lubhang nauugnay at malamang na nakakukumbinsi sa kaniyang partikular na mambabasa. Kaya nga, idiniriin ng ulat ni Mateo ang mga hula sa Hebreong Kasulatan na natupad kay Jesus. Sa kabilang dako naman, sinunod ni Lucas ang mas klasikong makasaysayang pamamaraan na maaaring alam ng kaniyang mga mambabasa na di-Judio.
Hindi kataka-taka, magkaiba ang kanilang mga ulat. Subalit ang dalawa ay hindi nagkakasalungatan sa isa’t isa, di-tulad ng sinasabi ng mga kritiko. Ang mga ito’y naging kapupunan ng isa’t isa, nagkakatugma nang husto upang mabuo ang isang mas kumpletong larawan.
Pagsilang ni Jesus sa Betlehem
Iniulat kapuwa nina Mateo at Lucas ang isang mahalagang himala tungkol sa pagsilang ni Jesus—siya’y ipinanganak ng isang birhen. Ipinakita ni Mateo na tinupad ng himalang ito ang hulang binigkas ni Isaias mga dantaon ang aga. (Isaias 7:14; Mateo 1:22, 23) Ipinaliwanag ni Lucas na si Jesus ay isinilang sa Betlehem dahil sa isang pagpaparehistro na ipinag-utos ni Cesar anupat napilitan sina Jose at Maria na maglakbay patungo roon. (Tingnan ang kahon sa pahina 7.) Naging kapansin-pansin ang pagsilang ni Jesus sa Betlehem. Mga dantaong maaga rito, inihula ni propeta Mikas na ang Mesiyas ay magmumula sa isang maliit na bayang ito na malapit sa Jerusalem.—Mikas 5:2.
Naging bantog ang gabi ng kapanganakan ni Jesus bilang saligan ng mga Belen. Gayunman, ang tunay na kasaysayan ay lubhang naiiba sa isa na kadalasang inilalarawan. Sinasabi rin sa atin ng mananalaysay na si Lucas, na nagsalaysay sa atin tungkol sa sensus na nagdala kina Jose at Maria sa Betlehem, na ang mga pastol ay nagpapalipas ng mahalagang gabi na iyon sa labas ng bahay na kasama ng kanilang mga kawan. Ang dalawang kalagayang ito ay umakay sa maraming mananaliksik sa Bibliya na maghinuhang si Jesus ay hindi maaaring ipinanganak ng Disyembre. Binanggit nila na malamang na hindi pinilit ni Cesar na paglakbayin ang galít na mga Judio sa kani-kanilang katutubong lunsod sa panahon ng taglamig at tag-ulan, na makapagpapagalit lamang nang husto sa mapaghimagsik na bayan. Binanggit din ng mga iskolar na malamang na hindi lalabas ng bahay ang mga pastol na kasama ng kanilang mga kawan sa gayong masamang panahon.—Lucas 2:8-14.
Pansinin na pinili ni Jehova na ipahayag ang kapanganakan ng kaniyang Anak, hindi sa mga may pinag-aralan at maimpluwensiyang mga lider ng relihiyon noong panahong iyon, kundi sa matitipunong manggagawa na nasa labas ng bahay. Malamang na walang gaanong kaugnayan ang mga eskriba at Fariseo sa mga pastol, na dahil sa hindi pare-parehong oras ng trabaho ay hindi nila nasusunod ang ilang detalye ng bibigang batas. Subalit pinagpakitaan ng Diyos ang mapagpakumbaba at tapat na mga lalaking ito ng malaking karangalan—ipinaalam sa kanila ng isinugong mga anghel na ang Mesiyas, na hinihintay ng bayan ng Diyos sa loob ng libu-libong taon, ay isinilang na sa Betlehem. Ang mga taong ito, at hindi ang “tatlong hari” na madalas makita sa mga Belen, ang siyang dumalaw kina Maria at Jose at nakakita sa walang-muwang na sanggol na ito na nakahiga sa isang sabsaban.—Lucas 2:15-20.
Pinagpakitaan ni Jehova ng Pabor ang Mapagpakumbabang mga Humahanap ng Katotohanan
Pinagpakitaan ng Diyos ng pabor ang mga taong mapagpakumbaba na umiibig sa kaniya at lubhang interesadong makita ang katuparan ng kaniyang mga layunin. Ito ang paulit-ulit na tema sa mga pangyayaring umiikot sa pagsilang ni Jesus. Mga isang buwan pagkasilang ng bata, nang dalhin siya nina Jose at Maria sa templo bilang pagsunod sa Batas Mosaiko, naghandog sila roon ng “isang pares ng batu-bato o dalawang inakay na kalapati.” (Lucas 2:22-24) Isang lalaking tupa ang talagang kahilingan ng Batas, subalit ipinahihintulot nito ang hindi gaanong magastos na mapagpipiliang ito sa mga kaso ng karukhaan. (Levitico 12:1-8) Isip-isipin ito. Pinili ng Diyos na Jehova, ang Soberano ng sansinukob, hindi ang isang mayamang pamilya, kundi ang isang dukhang pamilya bilang ang sambahayan na magpapalaki sa kaniyang minamahal at bugtong na Anak. Kung ikaw ay isang magulang, dapat nitong ipaalaala sa iyo na ang pinakamabuting kaloob na maibibigay mo sa iyong mga anak—na higit pa sa materyal na kayamanan o prestihiyosong edukasyon—ay isang kapaligiran sa tahanan na inuuna ang mga pamantayang espirituwal.
Sa templo, dalawang iba pang tapat at mapagpakumbabang mananamba ang pinagpakitaan ni Jehova ng pabor. Ang isa ay si Ana, isang 84-anyos na balo na “hindi kailanman lumiliban sa templo.” (Lucas 2:36, 37) Ang isa pa ay ang tapat na may-edad nang lalaki na nagngangalang Simeon. Sila kapuwa ay tuwang-tuwa sa pribilehiyo na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos—bago sila mamatay, ang masilayan ang isa na magiging ipinangakong Mesiyas. Bumigkas si Simeon ng isang hula patungkol sa bata. Isa itong hula na punô ng pag-asa subalit may bahagyang pagdadalamhati. Inihula niya na ang bata pang ina nito, si Maria, ay magdadalamhati balang araw sa kaniyang minamahal na anak.—Lucas 2:25-35.
Isang Batang Nanganganib
Ang hula ni Simeon ay isang mapanglaw na paalaala na ang walang-malay na batang ito ay magiging tampulan ng pagkapoot. Kahit na noong siya’y sanggol pa, naganap ang pagkapoot na ito. Detalyadong sinasabi ng ulat ni Mateo kung paano ito nangyari. Lumipas ang ilang buwan, at sina Jose, Maria, at Jesus ay nakatira na ngayon sa isang bahay sa Betlehem. Sila’y di-inaasahang dinalaw ng maraming banyaga. Sa kabila ng inilalarawan sa di-mabilang na mga Belen, hindi binanggit nang tiyakan sa atin ni Mateo kung ilan sa mga taong ito ang dumating, ni tinawag man niya ang mga ito na “mga taong pantas,” at tiyak na hindi “tatlong hari.” Ginamit niya ang salitang Griego na maʹgoi, na nangangahulugang “mga astrologo.” Ito lamang ay dapat nang magbigay sa bumabasa ng isang himaton na may masamang kaugnayan ito, sapagkat ang astrolohiya ay isang sining na hinahatulan ng Salita ng Diyos at maingat na iniiwasan ng tapat na mga Judio.—Deuteronomio 18:10-12; Isaias 47:13, 14.
Sinundan ng mga astrologong ito ang isang bituin mula sa silangan at may dalang mga regalo para sa “isa na isinilang na hari ng mga Judio.” (Mateo 2:2) Subalit hindi sila inakay ng bituin sa Betlehem. Inakay sila nito sa Jerusalem at kay Herodes na Dakila. Wala nang ibang tao sa daigdig ang may gayong kayamanan at motibo na pinagsama upang saktan ang batang si Jesus. Pinatay ng ambisyoso at mamamatay-taong ito ang ilan sa kaniya mismong malapit na miyembro ng pamilya na itinuturing niyang mga banta.a Nagambala sa narinig niyang kapanganakan ng isang darating na “hari ng mga Judio,” sinugo niya ang mga astrologo upang hanapin ang Isang iyon sa Betlehem. Habang naglalakbay sila, may kakatwang bagay na nangyari. Waring lumalakad ang “bituin” na umakay sa kanila na maglakbay patungo sa Jerusalem!—Mateo 2:1-9.
Ngayon, kung ito ba ay isang aktuwal na liwanag sa langit o isa lamang pangitain, hindi natin alam. Subalit alam natin na hindi mula sa Diyos ang “bituin” na ito. Taglay ang tiyak na kasamaan, inakay nito ang mga paganong mananambang ito doon mismo kay Jesus—isang batang mahina at walang kaya at nasa pangangalaga lamang ng isang hamak na karpintero at ng kaniyang asawa. Malamang na mag-uulat sana ang mga astrologo, mga walang-malay na mga nalinlang ni Herodes, sa mapaghiganting hari, na hahantong sa pagpatay sa bata. Subalit nakialam ang Diyos sa pamamagitan ng isang panaginip at pinauwi sila sa pamamagitan ng ibang ruta. Kung gayon, ang “bituin” ay tiyak na isang pakana ng kaaway ng Diyos na si Satanas, na gagawin ang lahat ng kaniyang magagawa upang saktan ang Mesiyas. Anong laking kabalintunaan nga na ang “bituin” at ang mga astrologo ay inilalarawan sa mga Belen bilang mga sugo ng Diyos!—Mateo 2:9-12.
Gayunman, hindi sumusuko si Satanas. Ang kaniyang kasangkapan sa paggawa nito, si Haring Herodes, ay nag-utos na patayin ang lahat ng sanggol sa Betlehem na wala pang dalawang taon pababa. Subalit hindi maaaring manalo si Satanas laban kay Jehova. Binanggit ni Mateo na malaon nang nakita ng Diyos noon pa mang una maging ang masamang pagpaslang na ito sa walang-malay na mga bata. Muling sinalungat ni Jehova si Satanas, anupat binabalaan si Jose sa pamamagitan ng isang anghel na tumakas patungo sa Ehipto upang maligtas. Iniulat ni Mateo na pagkalipas ng ilang panahon ay muling inilipat ni Jose ang kaniyang maliit na pamilya at sa wakas ay nanirahan sila sa Nazaret, kung saan lumaki si Jesus na kasama ng kaniyang nakababatang mga kapatid na lalaki at babae.—Mateo 2:13-23; 13:55, 56.
Ang Pagsilang ni Kristo—Kung ano ang Kahulugan Nito Para sa Iyo
Nagulat ka ba sa buod na ito ng mga pangyayari tungkol sa pagsilang at pagkabata ni Jesus? Marami ang nagugulat. Nagugulat silang malaman na ang mga ulat ay aktuwal na magkakasuwato at tumpak, sa kabila ng pangahas na paggigiit ng ilang tao ng kabaligtaran. Nagugulat silang malaman na ang ilang pangyayari ay inihula daan-daang taon na patiuna. At nagugulat sila na ang ilang pangunahing elemento sa Ebanghelyo ay malayung-malayo sa mga inilalarawan sa tradisyonal na mga kuwento tungkol sa Belen at mga sabsaban.
Gayunman, marahil ang kataka-taka sa lahat ay na nawawala na sa napakaraming tradisyonal na mga pagdiriwang sa Pasko ang mahahalagang punto ng mga salaysay sa Ebanghelyo. Halimbawa, hindi na gaanong binibigyan ng pansin ang Ama ni Jesus—hindi si Jose, kundi ang Diyos na Jehova. Gunigunihin ang kaniyang damdamin nang ipagkatiwala niya ang kaniyang minamahal na Anak kina Jose at Maria upang kanilang palakihin at paglaanan ito. Gunigunihin ang matinding pasakit na nadama ng makalangit na Ama sa pagpapahintulot na ang kaniyang Anak ay lumaki sa isang daigdig na kung saan ipapakana ng isang hari na puno ng poot ang pagpaslang dito kahit na noong siya’y bata pa! Ang matinding pag-ibig sa sangkatauhan ang nag-udyok kay Jehova na gawin ang sakripisyong ito.—Juan 3:16.
Kadalasang wala na sa mga pagdiriwang ng Pasko ang tunay na Jesus. Aba, walang rekord na kailanma’y sinabi niya sa kaniyang mga alagad ang petsa ng kaniyang kapanganakan; ni may anumang pahiwatig na ipinagdiwang ng kaniyang mga tagasunod ang kaniyang kaarawan.
Hindi ang kapanganakan ni Jesus kundi ang kaniyang kamatayan—at ang makasaysayang kahulugan nito—ang iniutos niyang ipagdiwang ng kaniyang mga tagasunod. (Lucas 22:19, 20) Hindi, hindi isang walang-kayang sanggol sa isang sabsaban ang nais ni Jesus na alalahanin sa kaniya, sapagkat hindi na siya gayon ngayon. Mahigit na 60 taon pagkatapos siyang patayin, isiniwalat ni Jesus ang kaniyang sarili kay apostol Juan sa pangitain bilang isang makapangyarihang Hari na nakikipagdigma. (Apocalipsis 19:11-16) Sa ganiyang papel, bilang Tagapamahala ng makalangit na Kaharian ng Diyos, kailangang makilala natin si Jesus ngayon, sapagkat siya ang Haring babago sa daigdig.
[Talababa]
a Sa katunayan, sinabi ni Cesar Augusto na mas malamang pang mapatay ang anak ni Herodes kaysa sa baboy ni Herodes.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 7]
Mali ba si Lucas?
PAANO nga si Jesus, na lumaki sa Nazaret at karaniwang kilala bilang ang Nazareno, ay ipinanganak sa Betlehem, mga 150 kilometro ang layo? Ganito ang paliwanag ni Lucas: “Ngayon nang mga araw na iyon [bago ang kapanganakan ni Jesus] isang dekreto ang lumabas mula kay Cesar Augusto na ang buong tinatahanang lupa ay magparehistro; (ang unang pagpaparehistrong ito ay naganap nang si Quirino ay gobernador ng Sirya;) at ang lahat ng mga tao ay humayong naglalakbay upang magparehistro, bawat isa sa kaniyang sariling lunsod.”—Lucas 1:1; 2:1-3.
Lubusang tinuligsa ng mga kritiko ang talatang ito bilang isang malaking pagkakamali o, masahol pa nga, gawa-gawa lamang. Iginigiit nila na ang sensus na ito at ang pagkagobernador ni Quirino ay naganap noong 6 o 7 C.E. Kung tama sila, magdudulot ito ng malubhang pag-aalinlangan sa ulat ni Lucas, sapagkat ipinahihiwatig ng katibayan na si Jesus ay isinilang noong 2 B.C.E. Subalit winawalang-bahala ng mga kritikong ito ang dalawang mahalagang bagay. Una, batid ni Lucas na may higit sa isang sensus—pansinin na tinukoy niya ang “unang pagpaparehistrong ito.” May kabatiran siya tungkol sa isa pa at mas huling pagpaparehistro. (Gawa 5:37) Ang mas huling sensus ang siya ring inilarawan ng mananalaysay na si Josephus, na nangyari noong 6 C.E. Ang ikalawang bagay, hindi tayo pinipilit ng pagkagobernador ni Quirino na iatas ang kapanganakan ni Jesus sa mas huling petsang ito. Bakit? Sapagkat ayon sa katibayan, si Quirino ay dalawang beses naglingkod sa tungkuling iyan. Kinikilala ng maraming iskolar na ang unang takdang panahon ng panunungkulan niya ay noong mga 2 B.C.E.
Sinasabi ng ilang kritiko na inimbento ni Lucas ang sensus upang gumawa ng isang dahilan na si Jesus ay maipanganak sa Betlehem, sa gayo’y tinutupad ang hula sa Mikas 5:2. Ang teoriyang ito’y gumagawa kay Lucas na isang sadyang sinungaling, at hindi mapagtutugma ng sinumang kritiko ang gayong paninindigan sa maingat na mananalaysay na sumulat ng Ebanghelyo at ng aklat ng Mga Gawa.
Mayroon pang hindi maipaliwanag ang mga kritiko: Tinupad ng sensus mismo ang isang hula! Noong ikaanim na siglo B.C.E., inihula ni Daniel ang tungkol sa isang tagapamahala na magiging “isang nagpaparaan ng isang tagakuha ng pataw sa marilag na kaharian.” Kumakapit ba ito kay Augusto at sa kaniyang utos na magsagawa ng isang sensus sa Israel? Buweno, ang hula ay patuloy pa sa pagsasabi na ang Mesiyas, o “Lider ng tipan,” ay “wawasakin” sa panahon ng paghahari ng kahalili ng tagapamahalang ito. Si Jesus nga ay “winasak,” pinatay noong paghahari ng kahalili ni Augusto, si Tiberio.—Daniel 11:20-22.
[Mga larawan]
Cesar Augusto (27 B.C.E.–14 C.E.)
Tiberio Cesar (14-37 C.E.)
[Credit Lines]
Musée de Normandie, Caen, Pransiya
Larawan sa kagandahang-loob ng British Museum
[Larawan sa pahina 8]
Pinagpakitaan ng anghel ni Jehova ng pabor ang mapagpakumbabang mga pastol ng mabuting balita tungkol sa pagsilang ni Kristo