Ang Pasalitang Batas—Bakit Ito Isinulat?
BAKIT maraming Judio noong unang siglo ang hindi tumanggap kay Jesus bilang ang Mesiyas? Isang saksing nakakita ang nag-ulat: “Pagkatapos pumaroon [si Jesus] sa templo, ang mga punong saserdote at ang mga nakatatandang lalaki ng bayan ay lumapit sa kaniya habang siya ay nagtuturo at nagsabi: ‘Sa anong awtoridad ginagawa mo ang mga bagay na ito? At sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na ito?’ ” (Mateo 21:23) Sa kanilang pananaw, ang Torah (Batas) ay ibinigay ng Makapangyarihan-sa-lahat sa bansa ng mga Judio, at nagkaloob ito ng bigay-Diyos na awtoridad sa ilang tao. Taglay ba ni Jesus ang gayong awtoridad?
Ipinakita ni Jesus ang sukdulang paggalang sa Torah at sa mga pinagkalooban nito ng tunay na awtoridad. (Mateo 5:17-20; Lucas 5:14; 17:14) Subalit madalas niyang tuligsain yaong mga lumalabag sa mga utos ng Diyos. (Mateo 15:3-9; 23:2-28) Sinunod ng mga taong iyon ang mga tradisyon na nakilala bilang ang pasalitang batas. Tinanggihan ni Jesus ang awtoridad nito. Kaya naman tinanggihan din siya ng marami bilang Mesiyas. Naniwala sila na tanging ang isa na sumusuporta sa mga tradisyon ng mga nasa awtoridad sa gitna nila ang siyang tinatangkilik ng Diyos.
Saan nagmula ang pasalitang batas na ito? Paano nagkaroon ng pangmalas ang mga Judio na ito ay may awtoridad na kapantay ng nasusulat na Batas na iniulat sa Kasulatan? At kung ito ay nilayon upang maging pasalitang tradisyon, bakit ito isinulat nang dakong huli?
Saan Nagmula ang mga Tradisyon?
Ang mga Israelita ay nakipagtipan sa Diyos na Jehova sa Bundok Sinai noong 1513 B.C.E. Sa pamamagitan ni Moises, tinanggap nila ang mga kautusan ng tipang iyon. (Exodo 24:3) Ang pagsunod sa mga alituntuning ito ay magpapahintulot sa kanila na ‘patunayang banal ang kanilang sarili kung paanong si Jehova na kanilang Diyos ay banal.’ (Levitico 11:44) Sa ilalim ng tipang Batas, kasali sa pagsamba kay Jehova ang mga hain na inihahandog ng hinirang na mga saserdote. Kailangan ay may isang sentrong dako ng pagsamba—na nang dakong huli ay ang templo sa Jerusalem.—Deuteronomio 12:5-7; 2 Cronica 6:4-6.
Inilaan ng Mosaikong Batas ang kabuuang balangkas ng pagsamba ng Israel kay Jehova bilang isang bansa. Gayunman, hindi tuwirang isinaad ang ilang detalye. Halimbawa, ipinagbawal ng Batas ang pagtatrabaho kung Sabbath, subalit hindi nito tiniyak ang pagkakaiba ng trabaho at ng iba pang gawain.—Exodo 20:10.
Kung sa paningin ni Jehova ay angkop na gawin ang gayon, naglaan sana siya ng detalyadong mga alituntunin na sasagot sa lahat ng maiisip na katanungan. Subalit nilalang niya ang mga tao na may budhi, at binigyan niya sila ng kalayaan upang paglingkuran siya sa iba’t ibang antas na saklaw ng takdang hangganan ng kaniyang mga kautusan. Naglaan ang Batas para sa mga panghukumang kaso na hahawakan ng mga saserdote, Levita, at mga hukom. (Deuteronomio 17:8-11) Habang dumarami ang mga kaso, nagtakda ng ilang pamarisan, at walang-alinlangan na ang ilan sa mga ito ay nailipat sa iba’t ibang salinlahi. Ang mga pamamaraan ng pag-aasikaso sa mga tungkulin ng saserdote sa templo ni Jehova ay naitawid mula sa ama tungo sa anak. Habang dumarami ang pinagsama-samang karanasan ng bansa, dumarami rin ang mga tradisyon nito.
Subalit sa pinakasentro ng pagsamba ng Israel, nananatili pa rin ang nasusulat na Batas na ibinigay kay Moises. Ganito ang sabi ng Exodo 24:3, 4: “Dumating si Moises at isinaysay sa bayan ang lahat ng mga salita ni Jehova at ang lahat ng hudisyal na mga pasiya, at ang buong bayan ay sumagot sa iisang tinig at nagsabi: ‘Lahat ng salita na sinalita ni Jehova ay aming gagawin.’ Kaya isinulat ni Moises ang lahat ng salita ni Jehova.” Dahil sa nasusulat na mga utos na ito kung kaya pinagtibay ng Diyos ang kaniyang tipan sa mga Israelita. (Exodo 34:27) Sa katunayan, walang binabanggit ang Kasulatan tungkol sa pag-iral ng isang pasalitang batas.
“Sino ang Nagbigay sa Iyo ng Awtoridad na Ito?”
Maliwanag na ipinaubaya ng Mosaikong Batas ang pangunahing awtoridad sa relihiyon at sa pagtuturo sa mga kamay ng mga saserdote, ang mga inapo ni Aaron. (Levitico 10:8-11; Deuteronomio 24:8; 2 Cronica 26:16-20; Malakias 2:7) Subalit sa paglipas ng mga siglo, ang ilang saserdote ay naging di-tapat at tiwali. (1 Samuel 2:12-17, 22-29; Jeremias 5:31; Malakias 2:8, 9) Noong panahon ng pananakop ng mga Griego, marami sa mga saserdote ang nakipagkompromiso sa mga isyung panrelihiyon. Noong ikalawang siglo B.C.E., ang mga Fariseo—isang bagong grupo sa Judaismo na nawalan ng tiwala sa mga saserdote—ay nagsimulang magtatag ng mga tradisyon na sa pamamagitan nito ay maituturing ng pangkaraniwang tao ang kaniyang sarili na kasimbanal ng saserdote. Ang mga tradisyong ito ay nakaakit sa marami, subalit ang mga ito’y di-nararapat na pagdaragdag sa Batas.—Deuteronomio 4:2; 12:32 (13:1 sa edisyong Judio).
Ang mga Fariseo ang naging mga bagong iskolar ng Batas, ginagawa ang gawain na para sa kanila ay hindi ginagampanan ng mga saserdote. Yamang ang Mosaikong Batas ay hindi nagpahintulot sa kanilang awtoridad, gumawa sila ng bagong mga pamamaraan ng pagpapaliwanag sa Kasulatan sa pamamagitan ng malalabong pahiwatig at ng iba pang pamamaraan na waring sumusuporta sa kanilang pangmalas.a Bilang ang mga pangunahing tagapangalaga at tagapagtaguyod ng mga tradisyong ito, lumikha sila ng isang bagong saligan ng awtoridad sa Israel. Pagsapit ng unang siglo C.E., ang mga Fariseo ay naging nangingibabaw na puwersa sa Judaismo.
Habang kanilang tinitipon ang umiiral na mga pasalitang tradisyon at hinahanap ang pahiwatig ng Kasulatan upang higit na maitatag ang kanilang sarili, nakita ng mga Fariseo ang pangangailangang magbigay ng karagdagang awtoridad sa kanilang gawain. Lumitaw ang isang bagong ideya tungkol sa pinagmulan ng mga tradisyong ito. Sinimulang ituro ng mga rabbi: “Tinanggap ni Moises ang Torah sa Sinai at ibinigay ito kay Josue, mula kay Josue tungo sa matatanda, at mula sa matatanda tungo sa mga propeta. At ibinigay ito ng mga propeta sa mga lalaki ng dakilang kapulungan.”—Avot 1:1, ang Mishnah.
Sa pagsasabing, “tinanggap ni Moises ang Torah,” hindi lamang ang nasusulat na mga batas ang tinutukoy ng mga rabbi kundi ang lahat ng kanilang pasalitang tradisyon. Inaangkin nila na ang mga tradisyong ito—na inimbento at ginawa ng mga tao—ay ibinigay ng Diyos kay Moises sa Sinai. At itinuro nila na hindi ipinaubaya ng Diyos sa mga tao na punan ang mga puwang kundi pasalitang ipinaliwanag kung ano ang hindi binanggit ng nasusulat na Batas. Ayon sa kanila, ipinasa ni Moises ang pasalitang batas na ito sa mga salinlahi, hindi sa mga saserdote, kundi sa ibang mga pinuno. Inangkin ng mga Fariseo na sila ang likas na mga tagapagmana ng “di-naputol” na kawing na ito ng awtoridad.
Nasa Krisis ang Batas—Isang Bagong Solusyon
Si Jesus, na ang bigay-Diyos na awtoridad ay pinag-alinlanganan ng mga relihiyosong lider ng mga Judio, ay humula tungkol sa pagkawasak ng templo. (Mateo 23:37–24:2) Matapos wasakin ng mga Romano ang templo noong 70 C.E., hindi na kayang tugunan ang hinihiling ng Mosaikong Batas may kinalaman sa mga hain at makasaserdoteng paglilingkod. Nagtatag ang Diyos ng isang bagong tipan salig sa haing pantubos ni Jesus. (Lucas 22:20) Ang tipang Mosaikong Batas ay winakasan.—Hebreo 8:7-13.
Sa halip na malasin ang mga pangyayaring ito bilang katibayan na si Jesus ang siyang Mesiyas, ang mga Fariseo ay nakahanap ng ibang solusyon. Nakuha na nila ang kalakhang bahagi ng awtoridad ng mga saserdote. Yamang wasak na ang templo, maaari pa silang gumawa ng karagdagang hakbang. Ang akademya ng mga rabbi sa Yavneh ay naging sentro ng muling inorganisang Sanedrin—ang mataas na hukumang Judio. Sa ilalim ng pangunguna ni Yohanan ben Zakkai at Gamaliel II sa Yavneh, ang Judaismo ay muling binalangkas nang lubusan. Ang mga serbisyo sa sinagoga, na pinangunahan ng mga rabbi, ang siyang humalili sa pagsamba sa templo, na pinangasiwaan naman ng mga saserdote. Ang mga panalangin, lalo na sa panahon ng Araw ng Pagbabayad-sala, ang siyang naging kahalili ng mga hain. Ikinatuwiran ng mga Fariseo na ang pasalitang batas na ibinigay kay Moises sa Sinai ay patiuna nang nakita at gumawa ng probisyon ukol dito.
Lalo pang naging tanyag ang mga akademya ng mga rabbi. Ang kanilang pangunahing kurikulum ay ang masinsinang pag-uusap, pagsasaulo, at pagkakapit ng mga pasalitang batas. Dati, ang saligan para sa pasalitang batas ay nakaugnay sa mga pagpapaliwanag sa Kasulatan—ang Midrash. Ngayon, ang parami nang paraming mga tradisyon na natitipon ay pinasimulang ituro at ayusin nang nakahiwalay. Ang bawat alituntunin ng pasalitang batas ay ginawang maikli at madaling sauluhin na mga parirala, na kadalasa’y sinasaliwan ng musika.
Bakit Isinulat ang Pasalitang Batas?
Ang paglago ng mga akademya ng mga rabbi at ang patuloy na pagdami ng mga alituntunin ng mga rabbi ay lumikha ng isang bagong problema. Ganito ang paliwanag ng iskolar na rabbi na si Adin Steinsaltz: “Bawat guro ay may sariling pamamaraan at bumubuo ng kaniyang pasalitang mga alituntunin ayon sa kaniyang sariling istilo. . . . Hindi na sapat para sa isa na maging pamilyar sa mga turo ng kaniyang maestro, at ang estudyante ay inobligang maging pamilyar sa mga akda ng ibang iskolar . . . Kaya ang mga estudyante ay napilitang magsaulo ng napakaraming materyal dahil sa ‘pagdami ng kaalaman.’ ” Sa gitna ng magulong impormasyong ito, ang memorya ng estudyante ay nasagad.
Noong ikalawang siglo C.E., ang paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma, na pinamunuan ni Bar Kokhba, ay humantong sa matinding pag-uusig sa mga iskolar na rabbi. Si Akiba—ang pinakapangunahing rabbi na sumuporta kay Bar Kokhba—gayundin ang maraming nangungunang iskolar ay pinatay. Ikinatakot ng mga rabbi na ang pinag-ibayong pag-uusig ay maaaring magsapanganib sa mismong pag-iral ng kanilang pasalitang batas. Naniwala sila na ang mga tradisyon ay mas mainam na maililipat sa pamamagitan ng pakikipag-usap ng maestro sa kaniyang alagad, subalit ang nagbabagong mga kalagayang ito ay humantong sa lalong pinag-ibayong pagsisikap na gumawa ng isang organisadong balangkas upang maingatan ang mga turo ng mga paham, sa takot na malimutan ito nang lubusan.
Noong sumunod na panahon ng pakikipagpayapaan sa Roma, tinipon ni Judah Ha-Nasi, ang nangungunang rabbi ng huling yugto ng ikalawa at panimulang yugto ng ikatlong siglo C.E., ang maraming iskolar at inayos ang napakaraming pasalitang tradisyon upang maging isang organisadong sistema na binubuo ng anim na Dibisyon, na bawat isa ay pinaghati-hati sa maliliit na bahagi—63 sa kabuuan. Ang akdang ito ay nakilala bilang ang Mishnah. Ganito ang komento ni Ephraim Urbach, isang awtoridad sa pasalitang batas: “Ang Mishnah . . . ay sinang-ayunan at pinagkalooban ng awtoridad na kailanman ay hindi ipinagkaloob sa alinmang aklat maliban lamang sa Torah.” Ang Mesiyas ay tinanggihan, ang templo ay wasak, subalit dahil sa naingatan sa pagkakasulat ang pasalitang batas sa anyong Mishnah, isang bagong yugto ng Judaismo ang nagsimula.
[Talababa]
a Ang istilong ito ng pagpapaliwanag sa Kasulatan ay tinatawag na midrash.
[Larawan sa pahina 26]
Bakit tinanggihan ng maraming Judio ang awtoridad ni Jesus?